Paano Pagbabayaran Ang Mga Nagawang Pagkakasala?

Medium: Kap. na Gigi
January 23, 2021 / 5:37 PM

Tanggapin ninyo ang pagpapala ng Kaitaasan at maghari ang dalisay na pag-iibigan, pang-unawa sa kapwa, pang-unawa sa mga nagaganap sa kapaligiran, sa buhay ng bawat isang kalagayan, kapayapaan, ngayon at hanggang sa wakas.

Sinasabing maiksi lamang ang buhay ng tao kung kaya’t kinakailangang pahalagahan at gamitin sa mga bagay na mayroon ng kabuluhan. Ang tao’y hindi lamang minsang nakitalad sa daigdigang ito ng mga hugis at hindi lang minsan siyang mabubuhay upang makitalad sa daigdigan ng mga hugis. At sa pagkasilang ng isang tao’y malilimutan niya ang kanyang nakaraan, hindi niya maaalala anoman ang kanyang dinanas sa nakaraang kabuhayan. Ano nga ba ang kadahilanan kung bakit kailangang isilang ang tao nang paulit-ulit? Upang mapagbayaran niya ang pagkakasala at upang maipagpatuloy ang mga sinumpaang tungkulin sa harapan ng Ama. Pagkakasalang pagbabayaran ng tao hanggang sa kahuli-hulihang beles ng pagkakasala at hindi mababayaran ng tao ang pagkakasala sa isa lamang yugto ng kanyang buhay. Kaya’t patuloy ang Ama sa pagpapahiram ng buhay sa kanyang anak upang magkaroon na mapagbayaran ang mga pagkakasala ng mga naunang kabuhayan.

Mga iniibig na kapatid, hindi nga naaalala ng tao ang kanyang nakaraang buhay, kung ganoo’y hindi niya alam kung ano ang mga bagay o ang kanyang mga pagbabayaran kung kaya’t itinuturo ng Kaitaasan ang mga paggawa. Paggawa sa maraming kaparaanan sapagka’t sa labas ng pagkakawanggawa ay walang kaligtasan. Ang buhay ay batbat ng paggawa. Gagawa ang tao ng mga kabutihang magiging kanyang ipon sa kanyang paglalakbay sa dako paroon ng buhay. Gagawa ang tao upang kanyang maisakatuparan at maisagawa ang kanyang mga tungkuling sinumpaan sa harap ng Ama. Gagawa ang tao upang kanyang mapagbayaran ang kanyang mga pagkakasala.

Mga iniibig na kapatid, batid ng bawat isang mag-aaral ang nauukol sa karma o ganting-galaw, na kung ano ang iyong ginawa sa iyong kapwa ay babalik din sa iyo. Kaya mga iniibig na kapatid, ang ganting galaw o karma ay maihahalintulad sa isang bolang ipupukol, na kung gaano o paano, gaano kalakas ang pagpukol o pagbato sa isang pader ay ganoon din ang balik, na kung hindi iiwasan ng tao ay siya’y tatamaan. Na nangangahulugan lamang na ang pag-iwas ay matatawag sa isang uri ng pagbabayad kasalanan, ang matatawag na pagbabayad-matalino.

Mga iniibig na kapatid, may dalawang uri ng pagbabayad ng pagkakasala. Ang pagbabayad-mangmang at ang pagbabayad-matalino.

Sapagkat hindi nga naaalala ng tao ang kanyang mga nagawang pagkakasala sa mga nagdaang kabuhayan, ay gagawa na siya ng mga kaparaanan o gawain na may kabanalan, katulad ng pagliligtas ng buhay, pagbibigay ng pangangailangan ng kanyang kapwa, paglilingkod sa kanyang kapwa at marami pang kabutihan at kabanalan na nararapat gawin ng isang nakikitalad sa daigdigang ito ng mga hugis.

Mga iniibig na kapatid, ang buhay ng tao ay punong-puno ng mga paggawa. Gagawa ang tao ng mga kabutihan, katumbas ng pag-iimpok ng mga baunan sa bawat lukbutan. Gagawa ang tao upang kanyang mapagbayaran ang kanyang mga pagkakasala, gagawa ang tao upang kanyang maipagpatuloy ang kanyang mga tungkulin. Mga iniibig na kapatid, kung ang batas ng karma o ganting-galaw na kung ano iyong ginawa sa iyong kapwa ay babalik sa iyo, kung lagi mong maiisip ang mga bagay na ito, gagawa ka pa ba ng kasalanan o gagawa ka pa ba ng mga kamalain na batid mo na ito ay babalik sa iyo? Subalit sa kabatiran ng pag-aaral na ito na ang karma o ganting galaw, lahat ng gawin mo sa iyong kapwa ay babalik, bakit marami pa ring kapatid o marami pa rin sa kapaligiran ang gumagawa ng mga bagay ng wala sa kagandahan sa kanilang kapwa? Bakit patuloy pa rin ang paggawa ng tao sa kasalanan? Bakit patuloy pa rin ang tao sa kanyang pagkakamali, sa kanyang pagkukulang sa kapwa? Bakit patuloy pa rin sa paggawa sa mga bagay na wala ng kagandahan, gayong ang mga bagay na iyong gagawin ay tunay na babalik sa iyo? Sapagkat ang tao ay naroon pa sa gitna ng kamangmangan. Ang tao’y hindi pa sapat ang kaalaman sa mga bagay na ito bagama’t tanggap at batid ng kapaligiran ang nauukol sa karma o ganting galaw. Subalit ang nagiging kahulugan ng salitang karma o ganting galaw ay mga bagay na babalik nang wala ng kagandahan.

Mga iniibig na kapatid, hindi lahat ng karma o ganting-galaw ay  naroon lamang sa isang bagay na babalik nang wala ng kagandahan. May mga bagay din na karma o ganting-galaw na naroon ang kabutihan sapagkat ang iyong ginawa sa iyong kapwa ay mayroon ng kabutihan. Lahat ng iyong gagawin, masama o mabuti ay babalik sa bawat gumawa nito kung kaya’t kung ito ang magaganap, tunay na magaganap mga iniibig na kapatid, pipiliin ng tao na gumawa ng kabutihan. Pipiliin ng tao ang mga bagay na magagandang gagawin niya sa kanyang kapwa sapagkat batid niya na ito ay magbabalik sa kanya. Subalit ang tanong, bakit marami pa rin ang nagkakasala? Bakit marami pa rin ang gumagawa ng walang kagandahan sa kanyang mga kapwa? At doon nararapat mga iniibig na kapatid na suriin ng bawat isa ang kanyang sarili, pag-aaralan niya ang bawat kilusin ng kanyang sangkapin, ng kanyang katawang laman. Pag-aaralan ng tao at babantayan ang pagkampay ng mga bisig, paghakbang  ng mga panyapak, pagmalas ng mga paningin at kung ano ang naririnig at kung ano rin ang sinasambit ng dila at labi. Susuriin ng tao ang kanyang sarili upang kanyang maunawaan at mapagtanto kung bakit hindi niya magawang gumawa ng mga kabutihan para sa kanyang mga kapwa. Bakit nahihirapan kang magbigay o magkaloob sa iyong kapwa? Bakit ka nagiging nararamot? Bakit hindi mo mapatawad ang iyong kapwa? Bakit nakadarama ka ng inggit sa mga nangyayari sa iyong kapaligiran, sa iyong kapwa? Bakit mo iniisip o malabis kang naghahangad ng mga kayamanan o tangkilikin sa buhay? Bakit ka nakadarama ng pagkamuhi o pagkagalit sa iyong kapwa? Bakit ka nagiging masungit sa iyong kapwa? Mga ugaliin na wala ng kagandahan, mga inaasal na tunay na iyo ring daranasin at babalik sa iyo ang lahat ng iyong ginagawa sa iyong mga kapwa.

Kaya nga susuriin mo ang iyong sarili, saan nanggagaling, bakit sa kabila ng mga karunungan, bakit sa kabila ng iyong pakikipag-aral ay naroon ka pa rin sa isang kalagayang wala ng pagbabago o wala ng pagkaunlad? Bakit hindi mo pa rin magawa na magpatawad? Bakit hindi mo pa rin magawa na magbigay? Kung susuriin mo ang iyong sarili, ano nga ba ang mga bagay na humahadlang upang “ako ay magpatawad?” Ano nga ba ang mga bagay na humahadlang upang “ako ay magkaloob?” Ano yung mga humahadlang upang malaya mong magawa ang mga bagay na may kabutihan at kabanalan? Mga iniibig na kapatid, susuriin mo at tatanungin ang iyong sarili, ano ang mga bagay na pumipigil upang muli mong maipagpatuloy ang iyong sinumpaang mga tungkulin at upang muli mong patuloy na gampanan at pagbayaran ang iyong mga pagkakasala?

Hindi nga naalala ng tao ang kanyang mga kasalanan, kung kayat walang gagawin ang tao sa daigdigang ito ng mga hugis kundi ang magsumikap na makagawa ng mga kabutihan. Pagsusumikapan ng tao na magawa niya ang lahat, ang mga bagay na inutos ng Diyos, ang  mga bagay na may kabutihan at kabanalan upang mapagbayaran ng tao ang kanyang mga pagkakasala. Mga iniibig na kapatid, huwag na ninyong hintayin ang karma o ganting galaw kundi pagbayaran na ninyo ito sa paggawa ng kabutihan.

Ang kasalukuyang buhay na inyong tinataglay, nababatid ninyo ang inyong mga pagkakasala, kung kaya’t kayo na sa inyong mga sarili ang gagawa ng mga kaparaanan upang hindi na bumalik ang mga maling gawain na inyong ipinagkaloob sa inyong kapwa. Papalitan na ninyo ito ng mga kabutihan sa pamamagitan ng pagbabayad ng may katalinuhan. Mga iniibig na kapatid, mapalad ang lahat at bawat isa sapagkat patuloy na nakatatanggap ng mga aral na nagmumula sa Kaitaasan. Patuloy ang Kabatlayaan na gumagabay, sumusubaybay sa lahat at bawat isa kung kaya’t huwag na ninyong sayangin ang mga pinagkakaloob ng Diyos. Huwag na ninyong sayangin ang buhay na sa inyo ay pinahiram ng Dakilang Lumikha. Huwag ninyong alintanahin ang mga nagaganap na walang kagandahan sa kapaligiran, sa inyong bansa, sa buong mundo kundi bagkus na laging tandaan at pakaisipin na ang lahat ng nangyayari sa buhay at bawat isang kalagayan ay karapatdapat na maganap at hindi lahat ng mga pangit na pangyayari sa inyong paningin at pakiramdam ay wala ng kabutihan at kagandahan. Tanging ang Ama ang nakababatid kung ano ang makabubuti sa Kanyang mga anak. Magtiwala lamang at manalig, sumampalataya sapagkat ang lahat na nagaganap sa buhay ng lahat at bawat isa ay may dulot na kagandahan. Sa biglang malas, wala ng kagandahan, nagdudulot ng kalungkutan, nagdudulot ng pagkabagabag subalit darating ang isang panahon, mapagtatanto ng tao na ang dulot ng mga pangyayaring ito ay para sa ikabubuti ng lahat at bawat isa.

Patuloy na sinusubok ang mga anak ng Diyos. Subalit hindi ito dapat ipangamba sapagkat ang lahat ng pagsubok ay mayroon ng katapusan. Ang lahat ng suliranin ay may solusyon kung kayat ang tao ay kikilos na taglay ang pag-asa, kalakasan ng kalooban. Ang tao ay kikilos at gagawa na taglay ang isang  pananalig na ang Diyos, kailanman, na isa man sa Kanyang mga anak ay pababayaan. Kaya mga iniibig na kapatid, narito ang hiram na buhay ng lahat at bawat isa. Gamitin ninyo ito sa mga bagay na may kabuluhan. Pahalagahan ang buhay, ingatan ang bawat katawang laman. Alagaan ito upang hindi magkaroon ng karamdaman. At papaano ang tao ay hindi magkakaroon ng karamdaman? Sa pamamagitan din ng kanyang paggawa ng mga kabutihan, sa pamamagitan ng pagsisi sa mga nagawa niya sa kanyang pagkakasala, sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod, aalagaan ng tao ang kanyang katawang laman upang hindi magkaroon ng karamdaman sa gawi ng paggawa ng kabutihan at kabanalan.

Huwag ninyong hayaan na magkaroon ng karamdaman ang inyong katawang laman na hahadlang at magiging sagabal sa malaya ninyong pagkilos at paggalaw. Makakaantala sa paggawa ninyo ng mga kabutihan, lagi na’y maging maganda ang pintigin ng inyong puso, ang daloy ng inyong mga pag-iisip.

Lagi na’y bantayan ninyo ang pagkampay ng inyong mga bisig, ang pagkhakbang ng inyong mga panyapak. Babantayan ninyo ang inyong mga sinasabi sa inyong mga kapawa. Babantayan ninyo ang lahat ng sangkapin ng inyong katawang laman upang ito’y mapigilan sa gawi ng pagkakasala upang maging malusog ang inyong katawang laman, higit ang inyong mga tunay na “ako”, ang inyong espiritu.

Mga iniibig na kapatid, maraming mga kaparaanan ang tao upang kanyang maiwasan ang paggawa niya ng mga pagkakasala. Iisipin ng tao ang salitang “karma o ganting galaw” na anoman ang iyong gagawin ay babalik sa iyo at doon mo mapipigil ang iyong sarili sa paggawa ng masama sa iyong kapwa sapagka’t batid mo na ito ay babalik sa iyo.

At naririyan na rin ang kalakasan ng panalangin o sa tuwina’y pagkausap sa Kaitaasan. Kapag inilalapit mo ang iyong sarili sa Diyos ay mapipigilan ka sa paggawa ng pagkakasala sapagkat lagi nang naalala mo ang Dakilang Lumikha, sapagkat anoman ang iyong ginawa sa iyong kapwa ay para mo na ring ginawa sa Diyos. Kung maganda ang iyong ginagawa sa iyong kapwa ay para mo na ring napadarama ang iyong bukal na pag-ibig sa Kanya. Kaya mga iniibig na kapatid, babantayan ninyo ang inyong mga sarili, ang lahat ng inyong kilusin o paggalaw. Laging alalahanin na naririto kayo upang mapagbayaran ang inyong mga pagkakasala, hindi upang dagdagan ang mga kasalanang inyong nasagaw sa mga nagdaang kabuhayan.

Ito lamang ang aking iiwan. Maghari ang pag-iibigan, kapayapaan ang manahan ngayon at hanggang sa wakas, ako sa inyo ay nagpapalaam, ang inyong patnubay… Juan, paalam.