Bakit Hindi Dapat Mag-alala Sa Mga Suliranin Ng Buhay?

Medium: Kap. na Sweet
February 13, 2021 / 6:36 PM

Tanggapin ninyo ang pagpapala mula sa Kabatlayaan at nawa’y tunay na magising ang inyong mga kamalayan, maunawaan ninyo ang inyong sarili, malapit kayo sa katotohanan at manatiling gising sa pakikipaglaban sa kahinaan at kamangmangan na sumasalubong sa inyong pakikipamuhay. Magpakatatag kayo sa gitna ng pag-aaral at pagpupusirge. Kapayapaan ang hatid ko sa inyong lahat, ngayon at sa lahat ng sandali.

Dumadating ang sandali sa buhay ng isang mag-aaral na siya’y nag-aalala, napapagod, napupuyat, lubhang maingay ang kanyang pag-iisip, mas maingay pa sa kapaligiran na kanyang ginagalawan sapagka’t mayroon siya ng responsibilidad, nakikilala niya ang kanyang pananagutan hindi lamang sa kanyang sarili kung hindi sa kanyang pamilya, sa mga mahal niya sa buhay at sa pamayanang kanyang ginagalawan. Mga kapatid ko, lahat ng mga pangyayari’y nagpapabigat sa kamalayan ng isang tao. Mahirap ang hindi matakot, ang pigilin ang kislot ng pag-iisip at kapanatagan ng kanyang kalooban sapagka’t ang mga pangyayari ay tunay nawang mabigat. Doon niya naalala ang winika ni Hesus, “Huwag kayong mag-alala sa kung ano ang inyong kakainin, masdan ninyo ang mga ibon hindi sila naggagapas, hindi nagtatanim, subalit pinapakain ng pagpapala ng Ama. Huwag din kayong mag-alala sa kung ano ang inyong isusuot, masdan ninyo ang mga liryo, hindi naghahabi o nananahi subalit mayroon ng isang kasuotan na maging si Haring Solomon sa kanyang katanyagan ay hindi nagkaroon ng ganoong uri ng kasuotan. Masdan din ninyo ang mga damo sa parang, na ngayon ay malayang gumagalaw subali’t bukas ay idadarang sa apoy upang sunugin, hindi sila pinababayaan ng pagpapala ng Diyos.”

Mga kapatid ko, buo ang pagpapala ng isang mag-aaral. Naniniwala siyang hindi siya pababayaan, nasa kanya ang subaybay subali’t saan ba talaga nagmumula ang pag-aalala, ang takot, ang kawalan ng tiwala at panghihina? Hindi ka isang tulad sa ibon, mayroon ng direksyon ang iyong buhay. Mayroon ka ng responsibilidad, mayroon kang dapat ipagsulit pagdating sa dako paroon. Hindi ka lamang tulad sa isang bulaklak, kumikilos ka, nag-iiba-iba ng lugar, kinakailangang unawain ninyo ang salitang ito ni Hesus upang magkaroon ng kabuluhan at magkaroon ng koneksyon sa inyong mga pagkatao. Katulad ng binanggit, hindi lamang kayo isang tao, kundi higit sa lahat kayo ay isang espiritung nakitalad sa kapatagan ng lupa, mayroon ng pakay, mayroon ng lunggatiin, mayroon ng dapat tuparin. Bago pa man isinilang sa kapatagang lupa ang isang espiritu, katulad ng  naglilihi na isang ina na naghahanda sa pagsilang, ang isang espiritu na naghahanda sa pakikitalad ay humahabi sa tulong ng Kabatlayaan at tagasubaybay ng isang katawang lupa na aangkop sa kanyang kailanganin bilang pagtugon sa tawag ng pagkasulong. Hinahabi niya ang kanyang laman ayon na rin sa antas ng kanyang espiritu sa mga bagay na dapat pa niyang ituwid sa buhay na dapat niyang suungin upang mapanuto, maging malinis, maging ganap na anak ng Diyos. Hindi lamang isang espiritu ang nagtatagpo, kundi maraming tagasubaybay ang nagsasaayos ng inyong laman sa pagkasilang at sa mga pangyayaring dapat ninyong suungin, mga karanasang dapat mangyari upang matuto ang isang espiritu, mga buhay na dapat suungin, pag-aaral na dapat kilatisin, isang papel na dapat isakatapuran, pangyayaring dapat ipaglaban, kasambahay na dapat makasalamuha, kaibigan na dapat makatulong sa kanyang pakikitalad sa kapatagan ng lupa. Kaya’t ang isang isinilang na espiritu’y ganap. Katotohanan ang sinabi ni Hesus, “Bago pa man ninyo sabihin ang inyong kahilingan sa inyong panalangin, alam na ito ng Diyos, sapagka’t bago pa man kayo isinilang ay inihanda na ang inyong buhay pangmateryal.” Ang lahat ng mga bagay na materyal ay plantsado na, organisado na, nakasalansan na, bago pa man makipamuhay ang isang espiritu.

Kaya’t katotohanan din ang sinabi ni Hesus, maunawaan nawa ninyo na hindi mapapahaba ng isang siko o isang talampakan man lang ng pag-aalala ang inyong buhay sapagka’t inayos na ito, isinalansan na bago pa man kayo isinilang. Alam na ang magaganap, alam na kung paano kayo mamamatay, alam na kung papaano kayo mabubuhay. Kung magakaganito baga, ano pa ang dapat ipag-alala ng isang tao? Ang alalahanin ninyo ay ang malimutan ninyo ang inyong pakay, makatulog kayo sa kung ano ang tunay na kahulugan ng inyong buhay na kahit na managinip ay hindi pa rin ninyo maalala dala ng kagaspangang bumabalot sa inyong buhay. Ang katakutan ninyo ay ang malasing kayo sa alindog ng sanlibutan na hindi ninyo makayanan ang tungkulin, mapabayaan ninyo ang inyong mga papel.

Paano ba mahahalintulad ang buhay ng isang tao? Sabihin na nating tulad kayo sa isang butihing ina, may tungkulin na hainan ng masarap na pagkain ang inyong anak. Nasa inyo ang sangkapin ng isang ulam para sa inyong mga mahal sa buhay, subali’t kung kayo ay mayroon ng alitigtigin ng pag-aalala, namamali ang pamamaraan ng pagluluto, kung kulang kayo sa kabihasaan, kulang sa pag-aaral, hindi ninyo naisasagawa ang tamang pagluluto. Kung kayo ay lubhang nagmamadali o naiinip, minamadali ninyo rin ang pagluluto, hindi nagiging masarap ang pagkain at marami pang pangyayari ang magaganap habang kayo ay nagluluto, mayroong napapaikli, mayroong napapasarap, napapaalat, napapatamis, nagkakamali, subalit isa lamang ang pakay, ang makapaglaan ng ulam. Gayundin ang isang espiritu, maraming sangkapin, ganap na ibinigay na sa inyo, kinakailangan lamang kayo’y magpakabihasa, gamitin ang oras sa tamang kaparaanan. Magluto ng mayroon ng bukas na kalooban upang mapasarap ang simpleng pagkain, simpleng sangkap na ibibigay sa inyo. Iba-iba ang antas ng tao, iba-iba ang ulam na lulutuin subalit isa lamang ang hinihiling, mapasarap ninyo ito, mapalusog ninyo ang inyong pagkatao, makapagbigay ng tamang sustansya sa inyong sarili at sa mga mahal ninyo sa buhay.

Gayun din aking mga kapatid, sa gitna ng inyong pag-aaral, yakapin ninyo ang kahirapan, yakapin ninyo ang paggawa sapagkat sa pamamagitan ng hirap, tungkulin, paggawa, tumitibok sa inyong mga puso ang mapagkumbabang espiritu na susunod sa kalooban ng Diyos, magtitiwala sa Kanya, magbibigay ng paubaya sa Ama.

Wala kayong dapat ipag-alala, sapaka’t ang tungkulin ninyo’y ganap na, kinakailangan lamang na pumasok kayo sa inyong silid, pumasok kayo sa ikabuturan ng inyong puso upang masalat ninyo sa inyong mga sarili ang tungkulin, ang papel, ang dapat tuparin sa maikling pakikitalad sa kapatagan ng lupa. Kapag ganito ang inyong panuntunan sa buhay, bumagsak man kayo, muli kayong tatayo sapagkat ang nalalaman ninyo’y panandalian lamang ito, pagsubok ito, magkasakit man kayo ay muli kayong gagaling at palalakasin ninyo ang inyong sarili sapagkat nalalaman ninyo na panandalian lamang ang sakit na inyong dinaranas. Huwag ninyong panghinawaan ang mga kalagayang ito. Huwag ninyong panghinawaan ang kalungkutan, huwang itanggi ang pagkasulong sapagka’t sa pamamagitan nito, dito kayo nakakakita ng koneksyon sa Ama.

Nakasisiguro ba kayo na kung wala ang mga dinaranas ninyong hirap, pagsubok, kalungkutan, hinanakit, magiging masaya kayo? Kung ibibigay ba sa inyo ang inyong hiling, makatutupad ba kayo ng inyong tungkulin? Kung ibibigay ba sa inyo ang yaman, kapangyarihan, katanyagan, maaalala ba ninyo ang mga lugatiing pang-espirituwal? Mga kapatid ko, sa dinamidami ng mga espiritung bumabalik sa kandungan ng Ama, ilan lamang ang naging ganap, ilan lamang ang nagtagumpay, ilan lamang ang nakatupad ng tungkulin. 

Kaya’t mga kapatid ko, magpakatatag kayo, sariwain sa inyong mga puso ang dahilan kung bakit kayo nakikitalad. At sa ganitong bagay o paraan, aariin ninyo ang hirap, ang pagsubok na isang mahusay at matinong katunggali na kinakailangang bakahin, kinakailangang gapiin nang mayroon nang katalinuhan, nang mayroon ng pag-aaral.

Mga kapatid ko, magpakatatag kayo, suriin ninyo ang mga pangyayaring darating pa sa inyong mga buhay, marami  pa sapagkat marami pang dapat ituwid sa mga kaangkinan. Marami pang dapat linisin na tibukin at alitigtigin at kung hinihintay ninyo kung kailan ito magtatapos, tanungin ninyo ang inyong mga sarili … kailan kayo matututo.

Ito lamang ang sa inyo’y bahagi ko. Muli ang kapayapaan, at nawa’y maging matalinong manlalakbay kayo na papasyal sa kapaligiran subalit hindi maaakit, hahanga sa kultura subali’t naroon ang pag-aaral. Pag-aaralan ninyo ang lugar na inyong bibisitahin, kukunin ang kapakipakinabang at magbibigay kayo, mag-iiwan kayo ng magandang alaala sa bawat lugar na inyong pupuntahan, alaala ng kabanalan, kadakilaan, at pag-unlad.

Paalam ang inyong protektor, Antonio de Padua.