Mga Aklat



Panalanging Pang-Sangkatauhan

Panalangin Bago Lumakad

Diyos na maawain, kaawaan po Ninyo na sa paglakad kong ito ay maligtas ako sa ano mang pakikipagkagalit, sakuna, at pagkakasala. Mangyaring kalugdan ako ng sino mang aking makakaharap o makakapulong at makamtan ko sa kanila ang aking nasang mabuti.

Patnubayan Ninyo ako, aking mahal na Anghel de la Guwardiya at ibang mabubuting espiritung alagad ng Diyos, na sa aking paglakad na ito ay malayo ako sa pakikipagalit, sakuna at pagkakasala at nawa ay kagiliwan ako ng aking makakaharap at matamo ko sa kanila ang aking nasang mabuti.

Siya nawa.


Panalangin Sa Pagsapit Sa Patutunguhan

Salamat po, O Diyos na maawain, aking mahal na Anghel de la Guwardiya at ibang mabubuting espiritung alagad ng Diyos at pinatnubayan ninyo ako ng inyong pagkakandili hanggang sa ako ay makasapit nang maluwalhati rito at mangyari po nawa na maging karapatdapat ako sa inyong mga pagpapala.

Siya nawa.


Panalangin Bago Kumain

Ama ko, nasa harap ko po ang inyong mahal na biyaya at kahi-manawari ang puspos mong kabutihan ay magsilbing tanglaw sa puso ko upang maibig kita nang walang pagmamaliw at maging karapat-dapat ako sa inyong pagpapala.

Siya nawa.


Pasasalamat Matapos Kumain

Salamat po sa iyo Diyos ko sa mga biyayang ipinagkaloob mo sa akin sa sandaling ito at kahi-manawari ay ikalusog ito ng aking katawan upang ang nalalabi kong buhay ay magamit ko sa paglalahad ng Inyo pong mga Banal na kautusan sa mga taong naliligaw ng landas.

Siya nawa.


Panalangin Bago Matulog

Salamat po O Diyos na maawain at pinagkalooban mo pa ako ng buhay at lakas hanggang sa gabing ito at sa inyong awa ay pautangin mo pa ako ng kaunting buhay at lakas na magamit ko sa paglalahad ng mga Banal mo pong kautusan sa mga taong naliligaw ng landas o nasa kalabuan. Ilayo mo po ako sa pakikipagkagalit, sa sakuna at pagkakasala. Patawarin po ninyo ako sa aking mga kasalanan at pinatatawad ko naman po ang sino man na sa akin ay nagkasala. Pinapangako ko po sa inyo Diyos ko na lalayuan ko at iiwan ang mga gawaing masasama, at ang nalalabi kong buhay ay gagamitin ko sa pawang pag-ibig una’y sa Iyo at ikalawa ay sa aking mga kapuwa tao. Kaawaan mo po na magkaroon ako tuwina ng maliwanag na isip upang ako’y huwag madaig ng tukso at makatupad ako sa lahat ng aking sinumpaang tungkulin.

Kaawaan mo po ang mga espiritung hindi pa nagsisisi, naghihirap at nangangailangan ng aking tulong. Pagkalooban mo po sila ng pag-asa upang magsisi, magsikap para masulong at magkamit nawa ng kaginhawahan ang kanilang kalagayan.

Salamat po sa Inyo O Hesus at dahjl sa inyo ay nakita ng sangkatauhan ang landas ng kaligtasan. Sa inyo pong awa ako ay kandilihin at subaybayan hanggang makarating sa piling ng Ama dahil ayon sa iyong salita — ikaw ang buhay, ang tanglaw at daan. Lagi ninyong ipaisip sa akin ang kababaang loob, ang pag-ibig at ang mga dakilang halimbawa na inyong iniwan sa sangkatauhan. Nawa ay matularan ko ang lahat ng iyon sa abot ng aking kakayanan.

Salamat po sa Inyo O aking mahal na Anghel de la Guwardiya at sa iba pang mabubuting espiritu na alagad ng Diyos at ako’y inyong pinatnubayan upang ako’y hindi madaya at laging malayo sa pakikipagkagalit, pagkakasala at sa mga sakuna. Sa gabay po ninyo ay ganito ang laging maghari  sa akin sa bawat sandali at saan mang dako o lugar, upang maisakatuparan ko ang lahat ng aking mabubuting adhikain sa aking mga kapuwa. Ilayo ninyo po ang aking kaluluwa sa gabing ito sa mga mabababang espiritu, ipahintulot po ninyong Kayo lamang ang aking makapulong at nawa ay matanim sa aking alaala ang Inyong mga Banal na aral. Tulungan ninyo ako na magkaroon ng lakas na maiwan ang lahat ng aking masasamang gawain at hilig ng katawan, at maghari lang sa akin ang mabubuting isipan at damdamin upang ako ay maging karapatdapat sa Inyong pagpapala. 

Siya nawa.


Panalangin Sa Pagkagising

Salamat sa Iyo O Diyos na maawain at ako’y pinasapit mo pa hanggang sa umagang ito at kahi-manawari’y pautangin mo pa ako ng kaunting buhay sa haharapin upang ako’y makatulong sa paglalahad ng Iyong Banal na Kautusan sa mga taong naliligaw ng landas o nasa kalabuan. Salamat sa Inyo, O Hesus, aking Anghel de la Guwardiya at iba pang mabubuting espiritung alagad ng Diyos at pinatnubayan Ninyo ako hanggang sa umagang ito at kahi-manawari’y maging masunurin ako sa Inyong mga Banal na Aral.

Siya nawa.


Panalangin Bago Mag-gamutan
(Basahin muna ang Aral Sa Mga May Sakit bago manalangin sa pag-gagamutan)

Diyos na maawain, hindi po namin hinahadlangan ang kalooban mo sapagka’t batid namin na wala Kayong ipagkakaloob sa amin ng hindi karapatdapat at para sa aming ikabubuti, subali’t kung inyong mamarapatin ay pagkalooban pa kami ng kaunting buhay at lusog ng katawan upang ang nalalabi naming buhay ay magamit sa paglalahad ng Banal mo pong kautusan sa mga taong nasa kalabuan.

Aming mahal na Hesus, mahal na protektor San Antonio de Padua, at iba pang mabubuting espiritung alagad ng Diyos, patnubayan ninyo kami ng inyong pagkakandili, papaglagusin ninyo ang inyong mabisang FLUIDO sa mga medium na ngayon ay gagamot upang ito ay masalin sa katawan naming may karamdaman ay mapawi ang sakit at mapalitan ng lunas o paggaling kung inyo pong mamarapatin.

Siya nawa.


Panalangin Pagkatapos Na Mag-gamutan

Diyos na maawain, aming Mahal na Hesus, mahal na Protektor San Antonio de Padua at iba pang mabubuting espiritung alagad ng Diyos na pumatnubay sa amin sa mga sandaling ito, kami po ay nagpapasalamat ng taos puso sa mga biyaya at pagpapala na ipinagkaloob ninyo sa amin. At kahi-manawari’y maging masunurin kami sa inyo pong mga Banal na kautusan, halimbawa at aral.

Siya nawa.


Pasasalamat  ng mga Nagpapagamot

O Diyos na mahabagin, nagpapasalamat ako sa Iyo at ako’y pinahatdan mo ng mga ganitong tiisin sa aking buhay, marapatin mo po ang pagtitiis kong ito at kung sakaling dumating na ang huling sandali ng aking buhay — ako nawa ay mabilang sa mga mapapalad sa mundo ng espiritu.


Panalangin Ng Maysakit Na Malubha Na

Ama ko, pakinggan mo po ang dalanging nagmumula sa aking mga labi nang taos puso.

Ama ko, tunghayan mo po ako, kahabagan mo po ako, bigyan ng kaliwanagan po ang isip ko sa tuwina at huwag na ipahintulot na ako’y salakayin ng kamatayan nang hindi ako handa.

Ama ko, pinanaligan kita at ang Iyong walang hanggang kabutihan; dahil dito ay hindi ako naniniwala na pagkatapos na mapagkalooban mo ang tao ng pag-iisip na Ikaw ay makilala at umaasa ng kaligayahan sa kabilang buhay ay mauuwi lamang siya sa wala.

Ako’y naniniwala na aking katawang laman ay pangsandaliang bihisan lang ng aking kaluluwa, at kung ang katawang ito ay mawalan na ng buhay ay magigising naman ako sa bayan ng mga espiritu.

Diyos na makapangyarihan, nararamdaman ko po na ang tali na nag-uugnay sa aking kaluluwa at katawan ay nalalagot na, at sa malapit na panahon ay ipagsusulit ko ang ginawa kong paggamit sa buhay na aking iiwan.

Wala akong madadala na kayamanan mula sa lupa, maging karangalan, kasiyahang idinulot ng pagmamapuri at kayabangan. Sa isang salita – lahay ng nauukol sa katawang laman ay maiiwan dito sa lupa, kahit ang kaliit-liitang bagay  ay hindi ako masasamahan at walang magsisilbing tagatangkilik sa akin sa bayan ng mga espiritu. Wala akong madadala maliban sa mga bagay na nauukol sa kaluluwa na ito ay ang mga mabubuti at masasamang asal. Ito’y titimbangin sa talaro nang mahigpit at makatarungan, at ako’y hahatulan nang buong higpit gaya ng mga pagkakataong ako’y maaaring makagawa ng mabuti at hindi ko nagawa.

Diyos na mahabagin, maano nawa na ang aking pagsisisi ay sumapit sa Iyo. Marapatin mo po na ilawit sa akin ang Iyong habag at awa.

Kung loloobin mo po na pautangin pa ako ng kaunting buhay, magamit ko nawa ang nalalabing ito sa pagbabayad utang. Kung ito naman ay oras ko na, taglay ko ang mapang-aliw na paniwala na ipahihintulot mo sa akin na matubos ko ang aking kasalanan sa pamamagitan ng mga bagong pagsubok upang sa pagdating ng panahon ay tamuhin ko naman ang kaligayahan ng mga mapapalad.

Kung hindi ko man malasap agad ang kaligayahang ito na marapat lamang sa mga tunay na banal, alam ko naman na hindi ito ikakait sa akin pagdating ng panahon, at sa pamamagitan ng aking pagsisikap ay kakamtin ko rin iyon.

Alam ko na ang mabubuting mga espiritu at ang aking anghel na tagatanod ay nasa piling ko upang ako’y tanggapin at di magtatagal ay makikita ko sila gaya ng pagpapakita nila sa akin. Alam ko na makikita kong muli yaong mga inibig ko sa ibabaw ng lupa kung ako’y karapatdapat, at ang mga maiiwan ko rito balang araw ay tutungo rin sa paroroonan ko upang kami ay magkasama sa habang panahon; at habang ito ay hindi pa nangyayari ay maaari akong pumarito upang sila ay dalawin.

Alam ko rin naman na matatagpuan ko ang aking mga pinagkasalanan. Isinasamo ko sa kanila na ako’y patawarin, sa aking mga kayabangan, sa aking kalupitan, ang lahat ng aking sa kanila’y nagawang kasamaan.

Pinapatawad ko ang lahat ng gumawa o nagnasa na gumawa ng masama sa akin sa ibabaw ng lupa, hindi ko sila pinagtataniman at sinasamo ko sa Ama na sila ay patawarin.

Panginoon, bigyan mo pa ako ng lakas na maiwan ko nang walang pagdadaramdam ang mga kaligayahan sa mundong ito na walang kabuluhan kung ibabagay sa mga kaligayahang dalisay na nalalasap sa mundo na aking tutunguhin. Doon ay walang kahirapan na titiisin para sa mga banal, ang mga makasalanan lamang ang naghihirap, ngunit ang pag-asa naman ay sumasakanila.

Mabubuting espiritu, at kayo na aking Anghel na tagatanod, gawin ninyo na huwag manghina ang aking loob hanggang sa huling sandali. Gawin ninyong maliwanag sa aking mga mata ang tanglaw ng kalangitan upang magtibay ang aking pananampalataya sakaling dalawin ng panghihina.

Siya nawa.


Panalangin Ng Mga Magulang Sa Bagong Kasisilang Na Sanggol

Espiritu na sumakatawan ng aming anak, nagagalak kami sa iyong pagdating. Diyos na makapangyarihan na sa amin ay nagkaloob, purihin ka nawa.

Ito’y isang tungkulin na sa amin ay inihabilin mo Ama na nararapat naming ipagbigay sulit balang araw. Kung siya’y kabilang sa mga espiritung mayroon ng pagkasulong na dapat manahanan sa lupa, salamat Diyos ko sa pagkakaloob mo sa amin nito. Kung siya naman ay isang kaluluwang kulang sa kawagasan ay katungkulan naming tulungan siya sa ikasusulong sa landas ng kabutihan, at yan ay sa pamamagitan ng aming mabubuting mga halimbawa at mga aral. Kung siya’y mapasama dahil sa ming mga halimbawang mapagkasala ay alam naming pananagutan ito sa Iyo dahil sa hindi namin pagtupad sa tungkuling nauukol para sa kaniya.

Panginoon, alalayan mo po kami sa mabigat na tuparing ito, bigyan mo po kami ng lakas ng loob upang makatupad nang maluwalhati at kung ang batang ito ay isang kasangkapan para sa pagsubok sa amin, matupad nawa ang Iyong kalooban.

O mga mabubuting espiritung alagad ng Diyos na nagsiparito upang manguna sa kaniyang pagsilang, na susubaybay sa kaniya sa buong buhay ay huwag ninyo siyang pababayaan. Ilayo ninyo sa kanya ang mga espiritung mabababa na makapag-aakay sa kanya sa kasamaan, bigyan ninyo siya ng lakas upang kaniyang mapaglabanan ang kanilang mga hibo at patapangin ninyo siya sa pagtitiis at sa mga pagsubok na sa kaniya’y naghihintay dito sa lupa.

Siya nawa.


Panalangin Para Sa Naghihingalo

Diyos na maawain at makapangyarihan, narito ang isang kaluluwa na nag-iiwan ng kaniyang katawang laman upang bumalik sa mundo ng mga espiritu — na kanyang tunay na bayan. Mangyari po nawa na palaganapin mo po sa kanya ang Iyong kaawaan.

Mga mabubuting espiritu na sa kaniya’y pumapatnubay dito sa lupa, huwag ninyo siyang pababayaan lalo na sa mga dakilang sandaling ito. Bigyan ninyo siya ng lakas ng loob upang kaniyang malampasan ang mga huling paghihirap na dapat niyang tiisin dito sa lupa para sa ikasusulong sa haharapin. Ipaisip ninyo sa kaniya na maiukol niya ang mga nalalabi pang liwanag ng kanyang pag-iisip o ang maaari pang magbalik na saglit sa pagsisisi ng kaniyang mga kasalanan at paghingi ng tawad sa Ama.

Ang panalangin naming ito’y makapagpagaan nawa sa kahirapan ng paghihiwalay ng kaniyang kaluluwa sa katawang laman at madala nawa niya sa mga sandali ng pag-iiwan niya ng lupa ang mga kaaliwan at pag-asa.


Panalangin Sa Bagong Kamamatay

Panginoong makapangyarihan, nawa ang Iyo pong habag ay ipagkaloob sa aming kapatid na kalilisan pa lamang ng lupa. Nawa na ang iyong ilaw ay magliwanag sa kaniyang mga mata. Hanguin mo po siya mula sa kadiliman, buksan mo ang kanyang mga mata at pandinig. Nawa na ang Iyo pong mga alagad ay paligiran siya at sa kaniya’y iparinig ang mga salita ng kapayapaan at pag-asa.

Panginoon, hindi man po kami karapatdapat ay naglakas-loob po kaming sumamo upang ang inyong kaawaan at patawad ay maipagkaloob sa kapatid naming katatawag mo pa lamang. Gawin mo po na matulad ang kanyang pagbabalik sa anak na alisaga ng Banal na Kasulatan. Ang katarungan mo po’y hindi nagmamaliw, nalalaman namin; ngunit ang pag-ibig mo naman ay walang hanggan. Isinasamo namin na padaluyin mo po ang iyong katarungan diyan sa batis ng kaawaang nagmumula sa Iyo.

Mangyari nawa na ang ilaw ay magliwanag sa iyo kapatid na kalilisan pa lamang ng lupa. Nawa’y ang mga mabubuting espiritu ng Panginoon ay sumaiyong piling, paligiran ka at tulungang magkalag ng mga tanikala ng kalupaan. Alamin mo’t malasin ang kadakilaan ng ating Panginoon. Sumailalim ka ng walang tutol sa kaniyang katarungan subalit kailan man ay huwag kang mawalan ng pag-asa sa kaniyang kaawaan. Kapatid, ang isa nawang tapat na pagmamalas sa iyong nakaraan ay makapagbukas ng pinto na haharapin at maipatalos sa iyo ang mga nalalabi mo pang pagkukulang at ang mga gawaing kinkailangan upang iyong mapagbayaran. Patawarin ka nawa ng Diyos, alalayan ka at bigyang sigla ng kaniyang mga banal na alagad. Ang iyong mga kapatid sa lupa’y idadalangin ka at idalangin mo naman kami sa Ama.

Siya nawa.


Session Espesyal

Ama ko, pakinggan mo po ang dalanging namumulos sa aking mga labi ng walang pagdaraya. Ama ko, tunghayan mo po ako, kahabagan mo po ako, pagliwanagin mo po ang isip ko tuwina at huwag na ipahintulot na ako’y salakayin ng kamatayan nang hindi ako handa.

Pinagsisisihan ko po ang mga kasalanang nagawa ko at ipinapangako ko pa sa iyo na mula sa mga sandaling ito ay aalisin ko at paglalabanan ang aking masasamang asal at gawain. Gagawin ko po na ako’y maging mababang loob, mahinahon at mapagkawanggawa sa kapuwa, hanggang sa aki’y gumagawa ng masama. Bigyan mo po lamang ako ng lakas ng loob at kaparaanang kakailanganin upang maisagawa ko ang banal na adhikaing ito.

Kaawaan mo po ang kapatid naming dumaranas ng ibat-ibang uri ng kahirapan dahil sa katampalasan ng kapuwa, mga sakuna at paghihikahos, nawa’y mairaos nang buong kaluwalhatian ang kanilang mga tiisin at matutunan nilang magpatawad sa kanila’y nagkasala.

Kawaaan mo po ang mga kapatid naming pinghaharian ng kainitan ng simbuyo at katampalasan sa kapuwa, nawa’y maglubag ang kanilang kalooban, makilalang lahat ay magkakapatid na dapat mag-ibigan sa isa’t-isa at magbalik-loob sa Iyo.

Kaawaan mo po ang mga kapatid naming may karamdaman, espiritista o hindi man. Nawa’y silang lahat ay pagkalooban ng madaling pagggaling at lusog ng katawan upang makapagpatuloy sa kanilang panatang pagpapakabuti, para sa gayon ay makatulong sa paglalahad ng mga banal mo pong kautusan sa mga taong nasa kalabuan.

Kaawaan mo po ang mga kapatid naming medium na pagkalooban tuwina ng maliwanag na isip at payapang damdamin upang malayo sa mga hindi karapatdapat tumangkilik, na sila’y magsasamang tulad sa mga magkakapatid at makatupad sila ng kanilang tungkuling sinumpaan mula pa sa himpapawid.

Ama namin nasa mga langit ka, sambahin ang pangalan mo, dumating nawa ang kaharian mo, gawin nawa ang kalooban mo kung paano sa mga langit ay gayon din naman sa lupa. Ibigay mo po sa amin ang aming kakainin sa araw-araw, ipatawad mo po sa amin ang aming mga utang gaya naman naming nagpapatawad sa mga may utang sa amin at huwag mo pong ipahintulot na kami ay madaig ng tukso at iligtas mo kami sa masama.

Ang dalanging ito ay inuukol namin sa lahat ng mga espiritung hindi pa nagsisisi, mga naghihirap at nangangailangan ng aming tulong, ang aming mga naging magulang, anak, kabiyak ng puso at mga kapatid, ang aming naging kakapatid sa simulain ng espiritismo, ang aming mga naging kamag-anak, kaibigan, kakilala o hindi man lalung-lalo na ang aming pinagkasalanan at ang sa amin ay nagkasala, gayon din po ang mga namatay sa digmaan, katampalasan ng kapuwa at mga sakuna. Nawa’y silang lahat ay magtamo ng kaliwanagan ng pag-iisip, banaag ng pag-asa upang magsisi, magsikap para sa ikasusulong at magkamit sila ng lalong kaginhawahan. Patnubayan niyo sila o mga espiritung mananangkilik, akayin ninyo sila sa matuwid na landas at paratingin ninyo lagi ang aming mabubuting adhikain upang ito’y makatulong sa kanilang madaliang pagpapakabuti.

Kaawaan mo po ang puno ng aming pamahalaan at ang kanyang mga katulong, nawa’y matumpakan nila ang mabubuting balakin at alagatain para sa bayan, at kami namang mamamayan ay magkaroon ng mabuting pagsasamahan at pagtutulungan para sa ikabubuti ng lahat.

Kaawaan mo po na ang mga lagim na sa amin ay dumarating, nawa’y makapagpalambot sa katigasan ng aming mga puso, na hindi na kakailanganin pa ang pagpapatuloy, ngunit kung ito po ang dapat mangyari ay matupad po Ama ang kalooban mo tuwina at huwag ang amin. Bigyan mo po lamang kami ng maliwanag na isip at lakas ng loob na mapagtiisan ang anumang uri ng kahirapan.

Kaawaan mo po ang mga bunsong ipinagkatiwala ninyo sa amin, nawa’y madala namin sila sa matuwid na landas, maging mabubuti silang anak sa kanilang mga magulang at makatupad sila ng kanilang tungkuling sinumpaan mula pa sa himpapawid.

Kaawaan mo po na sa pagtulog namin sa gabing ito ay malayo ang aming kaluluwa sa mga manghihibo, makapulong lamang ang inyong mga banal na alagad at makintal nawa sa aming ala-ala ang kanilang mabubuting payo at aral.

Kami po ay nagpapasalamat Ama sa buhay at lakas na ipinagkaloob ninyo sa amin hanggang sa mga sandaling ito, kahit manawari na ang nalalabi naming buhay ay magamit namin sa pag-ibig sa iyo ng una at higit sa lahat, at sa aming kapuwa nang tulad o higit sa sarili.

Salamat po sa inyo aming Mahal Maestro at Mananakop (HESUS), mahal na Protektor (San Antonio de Padua), at iba pang mabubuting espiritung alagad ng Diyos at kami ay inyong pinatnubayan, subaybayan ninyo kami sa lahat ng dako at sa tuwina. Ilayo ninyo kami sa pakikipagkagalit, pagkakasala at mga sakuna, at nawa’y maging masunurin kami sa inyo pong mga banal na kautusan, halimbawa at aral.

Maghari nawa sa lahat ng tao at sa aming magkakapatid, sa loob at labas ng lunduyang ito (o tahanan) ang mabuting pagsasamahan, kababaang loob, kahinahunan, pagkakawanggawa at kapayapaan, ngayon at magpakailanman.

Siya nawa.


Panalangin Bago Magsimula Ng Panayam o Session

Ama ko, kaawaan mo po na pagkalooban kami ng maliwanag na isip at payapang damdamin upang ang dito na inaaral na nauukol sa kabanalan at karunungan ay matutuhan namin at maisagawa ng walang liwag.

 Aming mahal na Maestro at Mananakop (Hesus), mahal na Protektor (San Antonio de Padua) at iba pang mabubuting espiritung alagad ng Diyos, patnubayan ninyo kami ng inyong pagkakandili, ilayo ninyo sa aming mga isipan at damdamin ang alin mang bagay na makahahalina sa mga manghihibo, upang maghari sa amin ang kapayapaan.

Siya nawa.


Pagpapasalamat, Pagkatapos Ng Panayam o Session

Diyos na maawain, aming mahal na Maestro at Mananakop (Hesus), mahal na Protektor (San Antonio de Padua) at ibang mga mabubuting espiritung alagad ng Diyos na sa amin ay pumapatnubay, kami po ay nagpapasalamat nang taos puso sa mga biyaya at pagpapala na inilawit ninyo sa amin sa mga sandaling ito, at kahit manawari’y maging masunurin kami sa mga banal mo pong kautusan, halimbawa at aral.

Maghari nawa sa lahat ng tao at  sa aming magkakapatid, sa loob at labas ng lunduyang ito ang mabuting pagsasamahan, kababaang loob, kahinahunan, kapayapaan, ngayon at magpakailanman.

Siya nawa.


Salaysay Na Gugunam-gunamin Ng Mga Kasangkapan o Medium Habang Nanahimik (meditation) Sa Wastong Kaanyuan

Ako ay bahagi ng kabuuan ng ang kaliitan ay nagnanasang makatagpo ng liwanag at buhay. Ako ay sumasaiyo, O Panginoon, sapagka’t Ikaw ang gumising sa akin upang sumamba sa Diyos. Ako ay nanalig sa iyo na hindi mo ako iiwang ulila ngayon sa gitna ng karamdaman, ng karalitaan, ng paghihikahos at ng mga sakuna na likha ng mga paligid. Kung ako ay maaaring makalaya sa aking kamangmangan ay lalo akong maglilingkod sa Iyo para sa aking mga kapuwa.

Panginoon ko, loobin mo pong ang kaliitan kong ito ay makapag-alis ng lahat ng mga sagabal sa aking pagtupad ng tungkulin alang-alang sa lalong ikatutuklas sa batis ng karunungan ng mga langit.

Ang kapayapaan ng sangkatauhan ang siya kong ninanasa, ang kaligtasan ng sangkatauhan ang siya kong pinag-uukulan, ang pagkakapatiran ng sangkatauhan ang siya kong isasagawa. Ako’y sumasaiyo sa hirap at ginhawa. Ako’y magpapatuloy sa lahat ng kaparaanang magiging karapatdapat sa paglilingkod alang-alang sa ikamumulat ng sangkatauhan.

Panginoon, loobin mo pong maging karapatdapat akong maugnay sa puno ng ubas nang sa gayon Ikaw ang maging kaparaanan na matunghayan ng sangkatauhan ang kaliwanagang ito ng kaharian ng mga langit dito sa balat ng lupa.


Aral Sa Mga May Sakit         
(Basahin ito bago mag-gamutan upang marinig ng mga may karamdaman)

Ang mga kapatid na dumaranas ng iba’t ibang uri ng karamdaman ay kinakailangang mabatid ang dakilang katotohanan – na ang lahat sakit ng katawang laman ay nagmumula sa mga gawaing mali ng mga espiritu o sa Ako ng bawa’t isa. Ito ang pakatandaan ng bawat isa sa aking mga kapatid na may karamdaman na walang lumikha ng inyong pagkakaramdam kung hindi ang inyo ring mga sarili. Hindi ninyo dapat sisihin ang Diyos kung kayo ay dumaranas ng ano mang uri ng tiisin sa buhay, sapagka’t kayo ang lumikha ng inyong paghihirap.

Ang karamdaman ay nagpapatotoo sa bawat isang nilalang na ang lahat ng mga kadahilanan ay nagbubunga ng mga pangyayari. Kung ang tibukin ng isang tao sa kanyang kapwa ay mabuti, umaakit ng mga lakas na lihim ang tibuking ito at siyang nagdudulot ng sigla at lakas sa kanyang sarili. Kung ang tibukin ng isang tao laban sa kanyang kapwa ay ang siya’y makalamang at makahigit sa kanyang sariling kapakanan, ang tibuking ito ay lumalason sa kabalisahan ng kaniyang budhi, nakawawala ng kanyang lakas at ibinubunga, bagaman hindi lubhang malinaw ang mga pangyayari ay walang iba kung hindi ay ano mang uri ng karamdaman. Dahil dito ay asahan ninyo na ang lahat ng inyong gawain, mga tao, ay siyang lumilikha ng inyong ikatitiwasay o ikababalisa. Ito rin ang nagdudulot ng lakas upang magkaroon kayon ng buhay hanggang sa malawak na panahong darating o lumikha ng inyong ikapipinsala upang mawalan ng lakas ang inyong mga sarili sa hindi takdang panahon at sa gayon ay agad na pumanaw ang inyong buhay.

Kung kayo ay dumaranas ng ano mang sakit o kaya ay paghihirap ng inyong katawan, huwag ninyong asahan na nasa kamay ng mga manggagamot ang inyong ikaliligtas sa kamatayan,  at huwag ninyong asahan na ang inyong mga kapatid na may biyaya sa loob ng katuruan ng espiritismo ang siyang magdudulot ng kaginhawahan sa inyo. Hindi nga, datapuwa’t panaligan ninyo na nasa inyong mga sarili ang mabisang gamot na siyang hahawi ng inyong karamdaman. Hindi rin nga, ngunit asahan ninyo at kayo ay manalig nang buong katapatan at pag-asa na ang isang butil ng mostaza ng pananampalatayang taglayin ng bawa’t isa ay higit na makapagbibigay ng lakas at makahahawi sa inyong karamdaman. Ito ay kinakailangang makilala ninyo sa kadahilanang ang inyong mga karamdaman ay nagmumula sa inyong kamangmangan at sa kawalan ninyo ng pagkakilala.

Dahil dito, kung matutuhan ninyo ang magkawanggawa sa inyong mga kapuwa na nangangailangan ng tulong at pinagsusungitan ng kapalaran kung inyong tawagin, kung malamaman ninyo na sa kaibuturan ng inyong mga puso ay tumitibok ang dakilang tibukin ng pag-ibig, kung mawatasan ninyo sa inyong mga sarili na kayo maging mapayapa, ang lahat ng mga gawaing ito ang hahawi sa labis na pagdaramdam ng inyong katawang laman ng dahil sa inyong karamdaman. Ang mga gawain ding ito ang magpapakilala sa inyo unti-unti ng mga dakilang lihim na natatago sa inyong mga paligid at ito rin ang magsisilbing liwanag upang mamalas ninyo ang maningning na ilaw ng katotohanan.

Iiwasan ninyo ang paghatol, iiwasan din ninyo ang mga salitang walang kabuluhan na inyong iuukol sa inyong mga kapuwa.

Kung ang inyong mga paningin ay nagbibigay pagkakasala sa inyo, mabuti nga na kayo ay makarating na mga bulag sa kahiraan ng mga langit kaysa kayo ay may paningin na nagkasala.

Kung ang inyong mga bisig ay magiging kasangakapan ng inyong ikagagawa ng masamang hangarin laban sa inyong mga kapuwa, mabuti rin at higit na mabuti pa ang kayo ay maglakbay sa dako pa roon na walang mga bisig kaysa kayo ay lumikha pa ng inyong mga pasanin sa hinaharap.

Pakaingatan nga ninyo ang ano mang bagay na magiging kadahilanan ng pagpuna ng inyong mga kapuwa na wala pang pananalig sa katuruang ito sapagka’t kayo mga minamahal na kapatid ang una at higit sa lahat ay kinakailangang magpatotoo sa sangkatauhang ito kung ano Espiritismo, kung ano at kung hanggang saan umaabot ang kadakilaan ng Kaniyang simulain upang makaakit sa mababangis na puso ng mga taong walang turing. Ang pagkakilala sa kabutihan ay gawin ninyong batayan sa inyong mga gawain sa araw-araw na ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos, at kung paano ang sikat ng araw ay lumalaganap sa lahat ng nilalang ay palaganapin din ninyo ang pagkakilala sa lahat ng tao at ipangalat ang diwa ng inyong mga gawaing mabuti.

Maghari sa bawa’t isa ang mahigpit na pagkakapatiran, sa ngalan ng Panginoon.

BOSES NI KAP. NA FLORENCIO DELA CRUZ – Aral Sa May Sakit