Ang website na ito ay produkto ng Lunduyang La Perfeccion na ang gusaling paaralan o centro ay nasa J.P. Rizal Street, Brgy. Catanghalan, Obando, Bulacan.
Pangunahing dahilan sa paglikha nito ay para maihatid ang simulain ng espiritismo sa mga mag-aaral na nasa malalayong lugar. Maihatid ang mga aral ng Kabatlayaan, maiparinig ang audio recording at live streaming ng mga panayam sa makabagong pamamaraan.
Naglalaman din ito ng mga article at references na batay sa simulain ng espiritismo.
Sana ay makatulong ang munting alay na ito ng Lunduyang La Perfeccion.
Nawa ay makapagbigay linaw ito sa mga nagsasaliksik kung ano ang simulain ng Espiritismo.
Kasayasayan Ng Lunduyang La Perfeccion
Ang Lunduyang La Perfeccion ay natatag sa barangay Catanghalan, Obando, Bulacan noong ikalawang Sabado ng Enero, 1932 (Enero 9). Bunga ito ng pagsisikap nina Kap. na Don Juan Ortega (pangulo noon ng Lunduyang La Humilidad at ng Union Espritista Cristiana de Filipinas, Inc.) at ni Kap. na Graciano dela Cruz ng Malabon.
Nagkaroon noon ng propaganda sa Obando para sa pagtatatag ng lunduyan kung saan nag-martsa mula Barangay Tawiran hanggang Panghulo ang mga kakapatid na espiritista na may streamer na ang nakasulat ay “Pag-aaral ng Simulain ng Espiritismo, daluhan mamayang gabi sa Katanghalan”.
Sa pasimula ay si Don Juan Ortega ang namumuno sa mga panayam na ginagawa tuwing araw ng Sabado, alas-8 ng gabi maliban tuwing ikaapat na Sabado ng buwan sanhi ng pangkalahatang session sa Centro Heneral.
Hindi naglaon ay nagtalaga na ang union ng pangulo at si Kap. na Graciano dela Cruz ang nahirang na kumatawan sa nasabing tungkulin.
Naging malaganap ang pag-aaral ng espiritismo sa Obando hanggang sa maagang pagpanaw ni Kap. na Graciano mula sa kamay ng mga mananakop na Hapon noong 1943.
Sa paglisan ni Kap. na Graciano, nahirang bilang bagong pangulo nito ang panganay niyang anak na si Kap. na Florencio dela Cruz.
Si Kap. na Florencio ay nagtapos ng pag-aaral sa Estados Unidos at noo’y naglilingkod na sa pamahalaan bilang isang sundalo. Bilang kahalili ng magiting na nagtatag ng lunduyan sa Obando ay pinaunlad nang lubos ni Kap. na Florencio ang pag-aaral sa naturang bayan at maging sa ibang dako.
Katuwang noon ni Kap. na Florencio sa pagpapalaganap ng simulain sa Obando sina Kap. na Atanacia Sison, Pedro Sevilla, Glicerio delos Reyes, Ricardo de Guzman, Pablo Sison, Leoncio Talag, Conrado Sr. at Florencio Lumabas, Pablo Macaya, at marami pang iba.
Hindi naging madali ang pagpapalaganap ng simulain dahil kabikabila ang pagpaparatang mula sa ibat-ibang pananampalataya na ang katuruang ito raw ay sa mababang espiritu o sa demonyo. Subalit sa pagnanasang imulat at ipagkawanggawa ang dakilang turo ng Panginoong Hesukristo, na ito ang katuparan ng Kanyang pangako na sa Kanyang paglisan ng lupa ay susuguin Niya ang mga espiritung mang-aaliw (Juan 15:26), ay hindi nasiraan ng loob ang mga magkakapatid at lalo pa nilang pinagbuti ang pagpalaganap ng pag-aaral sa kabila ng lahat ng puna.
Kahinahunan, kababaang-loob, mabubuting halimbawa, pagkakawanggawa, at taimtim na pananalangin – ang pinairal ng mga magkakapatid para maipaunawa sa mga pumupuna ang kadakilaan ng simulain ng espiritismo. Ang lahat ng iyan ay base sa turo ng mga banal na espiritu..
Noong 1944 nang ang Obando ay bombahin ng mga Hapon, marami ang nagulat na gusali lang ng lunduyan ang nanatiling nakatayo samantalang maraming tahanan at istraktura ang nawasak ng mga bomba. Patunay lamang ito ng subaybay ng Kaitaasan sa mga espiritista. At bilang tulong sa mga nawalan ng tahanan, nagsilbing pansamantalang tuluyan noon ang lunduyan.
Noong 1947, matapos matanggap ni Kap. na Florencio ang kanyang back pay mula sa USAFFE, pinalawak niya ang gusali ng La Perfeccion upang higit na mapagkasya ang dumaraming mag-aaral.
Taong 1977, isang trahedya ang naganap dahil nagkaroon ng malaking sunog sa pabrika ng tela na malapit sa lunduyan. Nadamay sa sunog ang gusali ng centro dahil gawa lamang ito sa kahoy.
Madaling naipatayo ang centro nang dahil sa pagtutulong-tulong ng mga magkakapatid. Nakabuti pa nga ang pagkatupok ng lunduyan dahil ang naging kapalit ay isang bago, mas maayos, mas matibay, at konkretong istraktura.
At habang itinatayo noon ang bagong gusali ng lunduyan ay naging pansamantalang centro ang tahanan nina Kap. na Florencio Lumabas at Kap. na Leoncio Talag na nasa Barangay Catanghalan din.
Kuha sa lumang Lunduyan. Kuha sa lumang Lunduyan.
Ang Lunduyang La Perfeccion ay nagkaroon ng walong anak na lunduyan. Ito ay ang mga sumusunod: (1)”AMCAR”, sa San Pascual, Obando, Bulacan.; (2) “TInig sa Ilang”, sa Pandi, Bulacan; (3) “Simon Barjonas”, sa Bulacan, Bulacan; (4) “Daong ni Noah”, sa Taytay, Rizal; (5) ‘Balon ni Jacob”, sa Isla, Valenzuela; (6) “Tanda ni Jonas”, sa Vente Reales, Valenzuela; (7) “Balon ng Saloe”, sa Binuangan, Obando, Bulacan; at (8) Centro “Tala”, sa Caloocan City.
Nabuo rin ang mga samahang sumisimbulo ng mainit na pagkakapatiran ng mga mag-aaral. Nariyan ang SAMANTA – Samahan Ng Mga Ama Ng Tahanan, KABABAIHAN – Samahan ng mga ina ng tahanan, at ang LANDAS na samahan naman ng mga kabataang espiritista ng La Perfeccion. Nagkaroon din ng mga pagkakataon na ang bawat samahan ay pinahahawak ng session upang mas mapasigla ang pag-aaral at masanay ang mga kasapi sa pamumuno.
Noong 1987, isa sa mga kauna-unahang pagkakataon sa lahat ng lunduyan sa bansa ay nang magdaos ng misang Katoliko sa loob mismo ng gusali ng La Perfeccion. Ito ay dahil sa kahilingan ng mga kaanak ng isang yumao na ang labi ay pinakisuyong ilagak sa centro. Ipinagkawanggawa ito ng Kap. na Florencio upang patunayan sa mga kaanak ng yumao na ang simulain ng espiritismo ay walang kinakalabang relihiyon. Sa pag-aaral kasi ng espiritismo, lahat ng pananampalataya na nauukol sa Diyos ay mabuti.
Taong 1996, naglathala ang LANDAS (samahan ng mga kabataan) ng babasahing pandagdag tulong sa pag-aaral ng espiritismo. Pinamagatan itong “Talsik Ng Liwanag”. Ito ay newsletter na may sampung pahina at naglalaman ng mga impormasyon at artikulo ukol sa simulain ng espiritismo. Naka-tatlo itong labas.
Noong 2003, sa kagustuhang maihanda ni Kap. na Florencio ang susunod na pamunuan ng lunduyan, ang ikalawang pangulo nito na si Kap. na Conrado Lumabas Jr. ang naatasang mamuno na sa lunduyan. Buo ang loob na tinanggap ni Kap. na Conrado ang responsibilidad na iyon kung saan sinikap niyang ipagpatuloy ang napasimulan ni Kap. na Florencio sa pagpapalaganap ng simulain hindi lamang sa Obando kundi maging sa Centro Tala sa Caloocan.
Samantala, si Kap. na Florencio naman ay patuloy ang pagdalo tuwing session kapag araw ng Sabado at tuwing Dia Espiritista at Araw ng Anibersaryo. Tuwing Siete Palabras naman ay siya ang namumuno.
Subalit noong Dia espiritista 2008, sa kanyang pagtayo sa palatindigan ay nagulat at nalungkot ang lahat sa kanyang mensahe ng pamamaalam. Idinahilan ni Kap. na Floreng ang humihinang pangangatawan.
Mula noon ay hindi na muling nakadalo si Kap. na Floreng sa mga gawain ng lunduyan.
At noong October 10, 2010 ay pumanaw siya sa edad na 94.
Sa pagpanaw ni Kap. na Florencio ay hindi naman doon nagtapos ang pag-aaral ng espiritismo sa Obando dahil opisyal nang pinamunuan ni Kap. na Conrado ang Centro La Perfeccion bilang pangulo.
Taong 2012, ang lumang gusali ng lunduyan ay tinibag upang itayo ang isang bagong gusali. Sa nagdaang mga bagyo kasi gaya ng Ondoy ay umabot hanggang baywang ang baha sa loob ng lunduyan dahilan upang hindi magamit ito nang ilang panahon para makapag-session. Mababa na rin kasi ang kisame nito kaya’t kung tatambakan lang ang loob ay masusukol na ang mga makikipag-aral. Naiwanan na rin ng kalsada ang gusali kung kaya’t sa nakaambang pagtataas ng kalsada sa barangay Catanghalan noon ay lalong magkakatubig at lulubog na ang lunduyan.
Kaya naman sa pagtutulungan ng mga magkakapatid ay nakaipon ng sapat na pondo para maitayo ang pinaplanong gusali na hindi babahain sa mahabang panahon. At habang ginagawa ito ay hindi naman nahinto ang pag-aral dahil nagpatuloy ang gawain sa tahanan ni Kap. na Conrado.
Sa gabay at awa ng Diyos ay mabilis at maayos na naitayo ang bagong gusali ng lunduyan. Moderno ito at lagpas tao ang taas mula sa kalsada.
Sabay sa kaarawan o birth anniversary ni kap. na Florencio dela Cruz noong February 23, 2013 ay muli itong binuksan at pinagdausan ng mga gawain ng mga mag-aaral.
Sa loob ng mahabang panahon, ang Lunduyang La Perfeccion ay naging bahagi ng mga taga-Obando sa pagmulat sa tunay na kahulugan ng pagiging isang tunay na Kristiyano. Patuloy itong magtuturo at gagabay upang ipaalam at ipaalala ang dakilang tungkulin ng bawat isa na pababanalin ang sarili sa pamamagitan ng kawanggawa sa laman, asal at espiritu.
At sa tulong ng reinkarnasyon o mulit-muling buhay na pangunahing aral ng espiritismo ay matutupad ito para marating natin ang “perfeccion ” , ang lebel ng isang espiritu na may purified soul.
Definition Of Terms
- CENTRO o LUNDUYAN (tagalog) – sentro, sanktuwaryo, lugar-paaralan.
- BATLAYA / KABATLAYAAN – banal na espiritu / mabubuting espiritu, mga alagad ng Diyos, mga anghel, holy spirit.
- SEMILYA – tubig-gamot para sa lahat o anumang uri ng karamdaman.
- PASES o PASSES – isang uri ng spiritual healing kung saan pinapadaan ang mga palad sa katawan ng taong may karamdaman.
- KARGA – kasunod ng pases, mula sa salitang ingles na “charge” o charging, pagdadagdag ng enerhiya.