APOSTOL JUAN
Medium: Kap. na Gigi
November 6, 2021 / 4:41 PM
Sumainyo ang kapayapaan, maghari sa bawat puso ang dalisay na pag-ibig sa inyong mga kapwa. Matapat ninyong gampanan ang bawat tungkuling sinumpaan sa harapan ng Ama. Kapayapaan ang maghari at manahan, ngayon at magpakailanman.
Muling ipinagkaloob ng Ama ang tubig ng buhay na siyang papawi sa bawat mga pagod na katawang laman, siyang magpapalusog ng bawat katawang laman, higit ng bawat tunay na ako o kaluluwa, siyang magpapagaling sa bawat karamdamang tinataglay ng bawat nagkamali at nagkasala… nagkulang, ang tubig ng buhay sa inyong harapan at sa bawat tahanan ay pinagkakaloob ng Ama, angkop ang Kanyang walang hanggang pag-ibig sa Kanyang mga anak.
Mga iniibig na kapatid, patuloy na dumaranas ang tao ng ibat ibang uri ng karamdaman, patuloy nitong pinahihirapan ang bawat katawang laman na siyang humahadlang upang malayang makakilos, maikampay ang mga bisig, maihakbang ang mga panyapak at magamit ang lahat-lahat ng sangkapin ng buong katawan upang makatupad ng tungkulin at upang mapalaganap ang kabutihan at kabanalan. Bakit nga ba nagkakasakit ang tao? Dahil ba ito sa karumihan ng kapaligiran? Dahil ba ito sa kinakain ng tao? Saan nga ba at bakit nagkakaramdam ang isang tao sa kanyang pamumuhay sa daigdigan ng mga hugis. Sinasabing nagmumula ang karamdaman sa pagkakamali, nagmumula ang karamdaman sa pagkakasala, nagmumula ang karamdaman sa pagkukulang at kapabayaan ng isang tao. Kung papansinin ng bawat isa, talaga namang nagkakaroon ng karamdaman ang isang tao sapagkat marahil sa dami ng ginagawa sa pang-araw-araw na buhay ay nagkakaroon ng kapaguran ang katawang laman, kayat ang tao ay nagkakasakit at ito ay normal lang na pangyayari sa bawat isang kalagayan. Subalit kung ang isang tao o kapatid ay naroon sa isang kalagayang mayroong ibat ibang uri ng karamdaman na may kalubhaan ay nararapat lang na ang kapatid o ang taong ito ay mapaisip kung bakit marami siyang karamdamang tinataglay, kung bakit siya mayroong malubhang karamdaman, na kinakailangan na niyang suriin ang sarili, kailangan na niyang magtanong… “ano nga ba ang aking naging pagkukulang, ano nga ba ang patuloy ko pang ginagawang kamalian at pagkakasala kung bakit tinataglay ko ang ibat ibang uri ng karamdaman at ito’y mayroon ng kalubhaan?” Kailangang mapaisip ang tao na naroroon na sa banig ng karamdaman, ng isang hirap na sa pagkilos ang lahat na sangkapin ng kanyang katawang laman, kailangan na niyang suriin kung saan ito nagmumula at kung bakit nagaganap sa kanya ang mga bagay o bakit siya nagtataglay ng maraming uri o malulubhang karamdaman.
Tunay mga iniibig na kapatid, na ang dahilan ng pagkakasakit ng tao ay ang kanyang pagkakamali, pagkakasala, pagkukulang at kapabayaan. At kung ito ay tunay na nagmumula sa mga ugaling walang kagandahan, ano nga ba ang nararapat o ano bang makagagamot sa bawat karamdaman ng bawat isang kapatid o anak ng Diyos? Batid ng Diyos na ang tao’y daranas ng ibat ibang uri ng karamdaman, kung kaya nga Kanyang pinagkakaloob ang mga dalubhasang manggagamot at naroroon pa rin ang taong lumilikha at nag-aaral upang makagawa ng mga mabibisang gamot. At ang mga karunungan nila’y mula sa Diyos. Ang mga karunungan at kakayahan ng mga doktor na magpagaling, at ang mga taong gumagawa ng mabibisang gamot… ang mga karungan na ito’y nagmula sa Diyos.
Nangangahulugan ito na kahit ang isang anak ng Diyos ay nagkakasala ay naroroon pa rin ang Ama, patuloy na gumagabay, patuloy na tumutulong, patuloy niyang pinagkakaloob ang mga tao upang ang isang may karamdaman ay magkaroon ng kagalingan. Katulad nga sa sandaling ito’y mapalad nga ang Dakilang Simulain ng Espiritismo sapagkat mayroon kayong tubig na siyang iinumin na makapagpapagaling sa lahat ng uri ng karamdaman, at hindi lamang ito gamot mga kapatid, itoy magsisilbing bitamina upang magkaroon ng kalakasan ang bawat katawang laman, at ito rin ang magsisilbing proteksyon ng lahat at bawat isa upang hindi magkaroon ng malulubhang karamdaman. Subalit sinasabi ngang ang karamdaman ay nagmumula sa pagkakasala, nagmumula sa pagkakamali, nagmumula sa pagkukulang at kapabayaan, kayat ang tao ang siyang mag-iingat sa kanyang sarili at kung paano niya iingatan ang kanyang sarili o katawang laman? Umpisahan natin, ang bagay na nauukol upang magkaroon ng kaligtasan ang bawat katawang laman o hindi magkaroon ng karamdaman. Unahin natin ang nauukol sa pangangalaga ng inyong katawang laman, paano ito aalagaan? Piliin ng tao ang kanyang kinakain o ipinapasok sa kanyang katawang laman, malimit na kung ano ang masasarap at mahal na pagkain ang siyang nagdudulot ng karamdaman sa katawang laman. Limitahan ng tao ang kanyang mga kinakain. Hindi dapat kumain ng labis sapagkat ito’y matatawag ding kasalanan. Bigyan ng tao ang kanyang katawang laman ng kapahingahan. Hindi kinakailangang magahol ang tao sa pagkilos at paggalaw sa pagkita ng anumang halaga o salapi, na kinakailangan niyang gawing gabi ang araw upang magsumikap na makahanap ng ikabubuhay, o magkaroon ng kaginhawahan ang buhay ng bawat mahal sa buhay. Kailangan ng tao ang pahinga, kailangan niyang matulog nang maaga, iwasan ang pagpupuyat. Ito’y mga kaparaanan lamang ng pangangalaga sa bawat katawang laman, subalit ano ba ang tunay na dapat gawin ng tao upang hindi siya magkasakit ng may kalubhaan? Mga iniibig na kapatid, bantayan ng tao ang kanyang sarili, bantayan ang kilos ng kanyang bisig, paghakbang ng kanyang mga panyapak, bantayan ang pandinig, ang kanyang mga paningin, ang mga labi at dila na kinakailangang gamitin ng tao ang lahat ng kanyang mga sangkapin nang naayon lamang sa kabutihan at kabanalan.
Bantayan din ang tibukin ng kanyang puso, bantayan din ang dindaloy ng kanyang pag-iisip na nararapat na magkaroon ito ng kalinisan. Kung paanong nililinis ng tao ang kanyang katawang laman, ganoon din na dapat linisin ng tao ang kanyang isipan, pati ang tibukin ng kanyang puso.
Mga iniibig na kapatid, kinakailangan din ng tao na magkaroon siya ng kaligayahan. Kailangang maging masaya ang tao upang makaakit siya ng magagandang pangyayari sa kanyang buhay upang hindi siya magkaroon ng karamdaman sapagkat ang kasayahan, kaligayahan, o ligaya ng tao ay nakapagdudulot ng kalusugan. Ano itong tinutukoy kong kaligayahan? Hindi ito kaligayahang dulot ng mga materyal o ang makikinabang lamang ay ang katawang laman. Ang aking binabanggit na kaligayahan na magpapalusog ng bawat inyong katawang laman ay ang paggawa ng kabutihan, ang pagmamalasakit sa inyong kapwa, ang pagmamahal nang walang hinihintay na kapalit, ang pagbibigay na walang hinihintay na kapalit, ang paglilingkod at pagpapatawad sa inyong mga kapwa.
Kung papaano tinitipid ng tao ang kanyang kabuhayan at ang mga bagay na kanyang ginagamit sa pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay ay kinakailangan ding tipirin ang kanyang mga lakas. Sapagkat ang kalakasan ng isang katawang laman, kapag ito patuloy na humina ay naroon na hahantong ito sa paglisan ng espiritu o kamatayan ng katawang laman.
Kaya’t mga iniibig na kapatid, napakahalagang tipirin ng tao ang kanyang lakas, at paano niya ito matitipid? Sa pamamagitan ng magaganda at mabubuting gawain na naayon sa kabutihan at kabanalan. Titipirin ng tao ang kanyang kalakasan, iwawaksi niya ang mga negatibong damdamin kanyang nadarama at ano itong mga negatibong damdamin na nararamdaman ng tao tulad ng kalungkutan, ng pagkatakot, ng pagkainggit, ng pagigiging makasarili, ang pagiging magagalitin. Mga iniibig na kapatid, napakahalaga na ang tao na matanganan niya ang kanyang sarili sapagkat ang pagiging magagalitin ay nakapagdudulot ng panghihina ng katawang laman. Kapag ang tao ay magagalitin, siya ay puwedeng magkaroon ng karamdaman.
At batid naman ng bawat isa na ang karamdaman ay humahadlang upang ang tao ay malayang makakilos, malayang makagalaw sa paggawa ng kanyang tungkulin, sa pagtupad ng kanyang tungkuling sinumpaan sa harap ng Ama.
Maging masigla, maging masaya. Huwag alintanahin ang mga suliranin ng buhay. Ang patuloy na dumarating na pagsubok, uunawain ang kahinaan at kamangmangan ng inyong mga kapwa, pipigilan ang sarili sa gawi ng pagkainis at pagkagalit, sapagkat tunay na ito’y ng lakas ng inyong mga katawang laman na magdudulot ng ibat ibang uri ng karamdaman.
Hindi ba’t takot ang tao sa karamdaman? Dahil takot din siyang mamamatay nang wala sa panahon. Bakit ang tao ay patuloy sa paggawa ng wala sa kagandahan? Bakit ang tao’y patuloy na ginagamit ang lakas sa mga bagay na walang kabuluhan? Takot ka sa malubhang karamdaman, takot ka sa kalagayang “wala sa panahong kamatayan”. Kung ito ang inyong kinatatakutan, dapat kang magbago, dapat kang mag-isip, magsisi sa iyong mga pagkakamali at pagkukulang.
Maaaring tumanda ang tao nang walang karamdaman. Maaaring hindi siya pahirapan ng ibat ibang uri ng karamdaman, nasa inyo ang pagbabago. Nasa inyong pagtangan ng mga sarili, nasa inyong mga kaisipan, tibukin ng puso. Kung maganda ang alitigtigin at nilalaman ng inyong puso, nanghihikayat ito ng isang malusog na katawan. Kapag malusog ang pangangatawan ay hindi ito kakapitan ng uri ng karamdaman.
Mga iniibig na kapatid, hindi lamang masusustansyang pagkain at ehersiyo ang magpapalusog sa inyo, kundi higit na ang magpapalusog ng inyong katawan at kaluluwa ay ang paggawa ng kabutihan at kabanalan sa kapwa. Ang paglilinis ng inyong pag-iisip, ng inyong puso at damdamin, maging ang lahat ng sangkapin ng inyong katawang laman, sa gawi ng paggawa, ng pagkakamali, at pagkakasala at pagkukulang.
Kaya’t mga iniibig na kapatid, mapalad ang bawat isang mag-aaral ng dakilang simulaing ito ng Espiritismo sapagkat tinuturo ng Kaitaasan kung ano ang inyong gagawin sa araw-araw. Sapagkat pinagakakaloob ng Kaitaasan ang mabisang gamot, ang tubig ng buhay na siyang gagamot sa inyong karamdaman, sa bawat pagkakamali at pagkakasala ninyo.
Kung ang dahilan ng inyong pagkakaramdam ay dahil sa inyong pagkakasala at pagkakala, kayo rin ang gagamot sa inyong sarili. Babaguhin ng tao ang kanyang sarili. Magsisi ang tao sa kanyang pagkakamali at gagawa ang tao ng mga kabutihan at kabanalan, upang ang kanyang karamdaman ay magkaroon ng kagalingan.
Mga iniibig na kapatid, hindi dapat katakutan ng tao ang sakit, hindi siya dapat mag-alala sapagkat simple lamang ang gagawin ng tao … at yan ay ang magbago, magsisisi, gagawa ng kabutihan at kabanalan, gagawa ng kabutihan at kabanalan, maglilingkod sa kanyang kapwa, magpapatawad, pipigilan ang sarili na magalit, pipigilan ang sarili na mainggit, pipigilan ang sarili na magkamit o magnasa ng mga sobrang tangkilikin ng tao sa daigdigan ng mga hugis.
Mapalad ang bawat isa na napasalilong sa dakilang simulaing ito ng Espiritismo, mapalad ang mga kapatid na napasalilong sa malabay na pakpak ng pag-aaral. Sikapin ng bawat isa na maibahagi ang kanyang mga napag-aaralan, sikapin din ng bawat isa na maibahagi ang tubig ng buhay upang magkaroon din ng kalinisan ang bawat mga puso, ang bawat mga pag-iisip ng inyong kapaligiran at mga kapwa. Tutulungan kayo at gagabayan ng mga banal na espritu. Huwag ikatakot na ipangalandakan ang bisa ng tubig ng buhay, sapagkat tunay na ito ay makatutulong sa inyong mga kapwa, sa inyong kapaligiran.
Paano makahihikayat ang isang espiritista, ang bawat isang mag-aaral, sapagkat sa pagdating ng takdang panahon ang mananaig ay kabutihan at hindi kasamaan. Hikayatin ng bawat isang kapatid ang kanyang kapaligiran, ang kanyang mga kapwa sa pamamagitan ng kanyang mga kinikilos, sa pamamagitan ng kanyang magagandang pagkampay ng kanyang mga bisig, sa pamamagitan ng magagandang salita o kataga na mamumutawi sa kanyang mga dila. Kapag nakikita ng tao ang bawat isang kapatid na naroon sa magandang kilusin, magtatanong ang tao, “bakit ganito ang pag-uugali ng isang kapatid?” at doon niya mapagtatanto na siya pala ay isa sa mapalad na mag-aaral ng dakilang simulain ng Espiritismo. Sa pamamagitan ng inyong mabubuting gawa, mga magagandang kilusin ng bawat sangkapin ng inyong katawang laman, sa bawat pintigin ng inyong puso at pagdaloy ng inyong kaisipan, sa magagandang salitang namumutawi sa inyong mga labi o dila, doon ay makahihikayat ang tao ng kanyang kapwa upang makipag-aral at maging mapalad din na mapasililong sa pag-aaral ng Espiritismo.
Mga iniibig na kapatid, namnamin ang tubig ng buhay. Ibahagi sa mga kapatid na mayroon din ng karamdaman, sa mga pinanghihinaan ng pananampalataya at kalooban, ibahagi ninyo ang inyong mga napag-aaralan. Sikapin ninyo na mapagaling ang inyong sariling karamdaman sa pamamagitan ng pagbabago, pagsisisi at paggawa ng kabutihan.
Uulitin ko, kayo ang tunay na manggamot ng inyong bawat karamdaman, sa tulong ng mga dalubhasa, sa tulong ng mga mabibisang gamot, sa tulong ng tubig na tinatawag na semilya … ang tubig ng buhay.
Kapayapaan ang aking iiwan, maghari ang mabubuting pintigin ng inyong mga puso. Maghari ang pagmamahalan at pagsusumikap ng lahat ng bawat isa na magamot niya ang kanyang sariling karamdaman. Kapayapaan ang aking iiwan. Ako sa inyo ay nagpapaalam, ang inyong patnubay… Juan. Paalam.