ANTONIO DE PADUA
Medium: Kap. na Lolly Sison
September 26, 2018 / 6:12 PM
Tanggapin ninyo ang pagpapala mula sa kaitaasan, at nawa’y maghari sa lahat at bawat isang mag-aaral ang mabuting pagsasamahan at pagkakapatiran ngayon at magpakailanman.
Mga kapatid, ang Diyos ay pag-ibig. Iyan ang simulaing laging inihahayag sa inyo ng kaitaasan. Manatili kayo na maangkin ninyo ang ganap na kapayapaan ng inyong pagkatao sapagkat ito ang kaparaanan upang kayo ay manalig sa Dakilang Amang makapangyarihan. Mga kapatid, sa pag-aaral ng simulaing ito ng Espiritismo ay natunton ninyo ang daan tungo sa tunay na kaluwalhatian ng inyong mga buhay. Lagi na’y itinatatak sa inyo na hindi ang kaunlaran sa kayamanan ng kapatagang ito ang sa inyo ay magbibigay ng kaunlaran at kapayapaan, manapa’y mga iniibig na kapatid kayo ang nakamamalas sa mga pangyayaring nagaganap na nangingibabaw ang mga makasariling adhikain na hindi nararapat.
Mga iniibig na kapatid ang lahat at bawat isa ay magkakapatid sa Espiritu at sa katotohanan. Sa pag-aaral na ito ng Espiritismo ay ito ang tunay na binibigyan ng timbang at kahulugan sa inyong pag-aaral. Hindi nga kayo mabubuhay sa inyong sarili lamang, may Dakilang Amang sa inyo at nagbigay ng buhay. Kayat mga kapatid, ang pag-ibig sa kapwa ang higit ninyong pahalagahan sa inyong mga kalagayan. Mapalad ang naglilingkod kaysa sa siya ang naghahanap ng paglilingkod ng kaniyang kapwa. Unlad na ang inyong kaalaman sa tulong ng Kabatlayaan. Maging matatag kayo sa mga suliranin na darating sa inyong sa inyong mga kalagayan at hindi ninyo madarama ang mga kagantihan ng inyong mga maling gawain noong nakaraang kabuhayan. Kayat mga kapatid, huwag ninyong ipagwalang bahala ang mga karunungang tinatanggap ninyo sa pag-aaral ng Espiritismo. Laging maging bukas ang inyong pag-iisip na alamin kung bakit kayo naririto, saan kayo nanggaling at saan kayo patutungo.
Mga kapatid, habang naglilingkod kayo sa inyong kapwa,naglilingkod kayo sa Dakilang Ama na sa inyo ay lumikha. Kayat mga kapatid, lagi na’y pahalagahan ninyo ang mga sandaling katulad nito. Gagawa kayo ng mabuti sa inyong kapwa at iiwasan ninyo ang kayo ay makasakit ng damdamin ng inyong kapwa. Lagi na’y sikapin ninyo na kayo ay kagiliwan ng inyong kapwa. Hindi nagpapabaya ng Kabatlayaan. Patuloy kayong pinaaalalahanan na magkaroon ng mabuting pakikisama sa inyong mga kapwa at iyan ang katotohanan na dapat ninyong isakatuparan. Kayo ay hindi pinababayaan manapa’y lagi kayong ginagabayan. Tulungan ninyo ang mga kakapatid na dumako na sa likod ng libingan. Malaki ang maitutulong ng inyong panalangin. Ang lahat at bawat isa ay hindi pinababayaan lalo at tumutupad ng kaniyang tungkulin sa pagpapalaganap ng dakilang simulain ng Panginoong Hesukristo.
Iyan mga kapatid ang patuloy na sa inyo ay inihahatid at magpakarami kayo ng mga gawaing mayroon ng kabutihan at kabanalan. Muli ay maghari sa inyo ang mabuting pagsasamahan at pagkakapatiran ngayon at magpakailanman. Ang inyong…. Protektor, Antonio de Padua.