Huwag Subukin Ang Panginoon, Ang Subukin Ay Ang Inyong Pang-unawa

APOSTOL SANTIAGO
Medium: Kap. na Sweet
October 16, 2021 / 5:28 PM

Sumainyo ang kaliwanagan, kapayapaan, at katatagan ng inyong kalooban, naway ang mga sangkaping ito ay manatili sa inyong pagkatao sa gitna ng pakikipagsapalaran sa daigdigang ito ng luha at hinagpis upang magampanan ninyo ang inyong adhikain, pangako at pakikipagkasundo sa Kaitaasan, ngayon at sa lahat ng sandali.

Kung hindi magpapakatatag ang tao, madali siyang tatangayin ng tukso. Kung hindi niya hahawakan ang kanyang sarili, magagapi siya ng kahinaan. At kung siya ay magkukulang sa aralin ng ukol sa buhay, maaksaya ang ginintuang sandali na ipinahiram sa kanya ng Diyos. Ano nga ba ang dapat gawin ng isang mananampalataya upang maging maingat siya sa kanyang buhay, hindi matatalo ng tukso at kung magapi man ng kamangmangan, siya ay muling tatayo at ipagpapatuloy ang naantalang gawain dala ng kanyang kamangmangan. Paano ba haharapin ng isang tao ang mabuhay sa kapatagan ng lupa na punong-puno ng tukso, ng panghalina na maaaring malimutan ng tao ang kanyang tungkulin, ang kanyang pakikipagkasundo ang dahilan kung bakit siya muling nakipamuhay sa kapatagan ng lupa. At habang humahanap ka ng kasagutan, upang malabanan ng mayroon ng katalinuhan at mayroon ng pananampalataya ang tukso, nabasa mo sa Banal na Aklat kung papaanong sa kadakilaan ni Hesus… Siya rin ay tinukso. Sapagkat pagkatapos ng apatnapung araw ng pag-aayuno sa ilang, nakaramdam Siya ng gutom, at dahil dito ay nagpakita ang tukso sa Kanya at sinabi … “Kung tunay kang Anak ng Diyos, gawing mong tinapay ang bato.” Subalit sa kanya’y sinabi ni Hesus… “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kung hindi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos”. At pagkatapos, Siya ay dinala sa banal na lungsod, sa tuktok ng templo, at sinabi … “Kung talagang Ikaw ang anak ng Diyos, magpatihulog ka sapagka’t nasusulat, isusugo sa Iyo ang Anghel ng Patnubay, aalayan ka ng kanyang mga kamay upang hindi matisod ang iyong paa sa bato.” Subalit sa kanya’y sinabi ni Hesus, “Huwag mong tuksuhin ang Panginoon mong Diyos.” At sa huli ay dinala Siya sa mataas na bundok upang makita ang kahiraan at sinabi sa Kanya … “Ibibigay ko ang lahat ng ito sa Iyo kung ako ang Iyong sasambahin.” Subalit sumagot si Hesus, “Lumayo ka sa Akin Satanas! Sapagkat ang iisang Diyos lamang ang iyong sasambahin at paglilingkuran.”

Mga minamahal ko, papaano maiuugnay ng isang mananampalataya ang tagpong ito sa pagtukso kay Hesus sa simpleng pamumuhay ninyong mga mag-aaral, ninyong mga Kristiyano, mga Espiritistang Kristiyano, na naghahanap ng ikapapanuto ng kanyang buhay maging karapatdapat na anak ng Ama, malayo sa tukso.

Mga kapatid ko, sa pag-aaral ng Espiritismo, nalaman ninyo nalaman ninyo kung bakit kayo pumaroon, nakipamuhay sa daigdigan ng hugis. Kayo ay nagsumamo, humiling ng pagkakataon upang sa gayon ay muling makipamuhay, makasama ang inyong kaaway, upang maituwid ang pagkakamali. Mahalin ang kaaway. Humiling kayo ng buhay na makapiling ninyo, makasalamuha ang taong pinagkaitan ninyo ng tulong, upang ang bawat sandali ng pakikipamuhay ninyo, malimutan ninyo ang inyong sarili sa ngalan ng pagtulong sa taong pinagkaitan ninyo. Hahanapin ninyo ang ginawan ninyo ng pagkakamali upang muling buuin ang magandang relasyon, ipagpatuloy ang pagkakaunawaan at maghari ang kapayapaan. Hananapin ninyo ang taong nakasakit sa inyo at nasaktan ninyo rin upang maging manhid ang inyong karamdaman at maiugnay sa tamang pagkasulong ang inyong lakas.

At sa tulong subaybay ng Kaespirituhan, sa tulong ng kaibigan, kamanggagawang pang-espirituwal, bumuo kayo ng plano, ng kapalaran, ng buhay upang ang inyong ipinagmakaawang buhay ay maisakatuparan ng walang balakid. Matiyak na kayo ay  magtatagumpay sa pangako at pagtitiwalang ipinagkaloob sa inyo ng Ama. Subalit sa sandaling kumapit ang espiritung ito sa katawang lupa, nabahiran ng magnetismo ng kahinaan. Naakit sa mga alagataing panandalian, pangmateryal at nawala sa kanyang alaala ang sinumpaang tungkulin.

Kaya’t naririto ang pag-aaral ng Espiritismo, narito rin ang katalinuhang hinihiling ninyo upang manatili kayong malakas, nananariwa ang inyong ala-ala at mapaglabanan ang alinmang kahirapan.

Katotohanang sinabi ni Hesus, hindi lamang sa tinapay mabubuhay ang tao kung hindi sa bawat salitang nagmumula sa Diyos. Ang batong itinatakwil ng tao, ang hirap, kalungkutan, karamdaman, kabiguan, pagbagsak, iyan ay mga bato na kinakailangang maipon ninyo upang maging pundasyon ng inyong bahay na itatayo sa matibay na batuhan, hindi lamang sa mahinang buhanginan. Kinakailangan ninyo ang pagpapakasakit upang laging nakatuntong ang inyong mga paa sa lupa, hindi kailanman dadalhin ng alindog ng sanlibutan. Kinakailangan ninyo ang katatagan sapagkat sa bawat karamdaman, humihina nga ang inyong laman subalit lumalakas ang inyong espiritu kung matalino ninyo na matatanggap ang pagsubok na ito.

Mga kapatid ko, sinabi pa ni Hesus, huwag mong tuksuhin ang Diyos. Minsan naisip mo… “sino ba ako, tao lamang ako, paano ko tutuksuhin ang Makapangyarihang Diyos?” Mga kapatid ko, sa buhay ng tao, marami ang nagkakamali, halimbawa na lamang, sinusugatan ang sarili sa pagsasakripisyo, ginugutom ang katawang lupa, sapagkat sa ganitong kaparaanan umaasa sila na sasaluhin sila ng Anghel mula sa Langit gaya ng nasusulat.

Minsan, nagnakaw ang isang tao, nangupit, alang-alang sa kanyang kinabukasan, alang-alang sa kanyang mahal sa buhay at sinasabi niyang… “mauunawaan ako ng Diyos sapagkat pagtulong ito, ito ang bubuo sa magandang kinabukasan ng aking pamilya.” Minsan din naman, nagalit siya at sasabihin niya sa Ama… “Diyos ko pinagtanggol ko lamang ang aking sarili, ipinaglaban ko lamang ang aking karapatan.” Minsan din naman ay pinabayaan niya ang kanyang katawang lupa na magapi ng karamdaman at sinabing… “Ililigtas ako ng Diyos.” At marami pang pangyayari sa buhay ng isang tao sa kung saan parang sinusubok niya ang Diyos. Inaasahan niyang siya ay ililigtas sa kabila ng kanyang pagnanakaw o pangungupit alang-alang sa pag-ibig sa kanyang pamilya, inaasahan niyang ililigtas siya sa dako paroon, pababayaan niyang mabulok ang kanyang katawang lupa, ilalantad sa mga sakit sapagkat ito ang pagpapakasakit, “sasaluhin ako ng Ama”. Mga minamahal ko, ang Diyos ay matuwid, nakikita niya ang dalawang panig, ang panig ng kabutihan at kasamaan at ang inyong budhi ang hahatol sa inyo kung papaano ninyo ginamit ang subaybay na ipinagkaloob ninyo sa inyo. Sinamantala ninyo ba ito o pinilit lamang ang katigasan ng inyong ulo upang patunayan na kayo ay may matibay na pananampalataya.

Mga minamahal ko, ang pananampalataya ay hindi lamang sa tigas, hindi lamang sa ingay, hindi lamang sa yaman kung hindi minsan sa pananampalataya ay naroroon din ang kababaang loob, naroroon din ang pagsunod, ang maamong pagsunod sa kalooban ng Ama nang mayroon ng katalinuhan. Mga minamahal ko, magpakatalino kayo, gamitin ninyo ang karunungang ipinagkakaloob sa inyo upang sa gayon ay mas lalo ninyong mapagaan o mapahaba ang inyong buhay, maging makabuluhan ito. Hindi kayo magpapakamangmang sa pagtupad ng inyong tungkulin. Maraming mga tao, ipinagmamalaki nila na sila’y may matibay na pananampalataya, handang suungin ang pagsubok, naroong pabayaan na lamang nila ang kasangkapan, hindi ito matibay kundi ito’y pagmamalaki sa pagsubok na ibinigay ng Ama. Pag-aralan na lamang ninyo na kung papaano sa sandaling ito na mayroon ng pandemya, ang pagtigil sa bahay ay naging pagkakawanggawa, ang pagsunod sa sinasabi ng eksperto ay naging pagkakawanggawa sapagkat kayo ay nakikiisa sa kung ano ang sinasabi ng karunungan na pinagkaloob ng Ama. Huwag kayong maging bulag na sasabihing sasaluhin kayo ng Diyos. Huwag ninyo Siyang subukin, ang subukin ninyo ay ang inyong pang-unawa, lakipan ninyo ng maliwanag na pag-iisip sapagkat ang maraming pagkakasala ay nagmumula sa kamangmangan.

Mga kapatid ko, kahit na ibigay pa sa inyo ang maraming kapangyarihan ng kaharian ng tao, isa lamang ang mananaig sa inyo… ang Diyos, Siya lamang ang paglilingkuran, una ang Diyos na nasa inyong puso, sa inyong budhi na magtuturo sa inyo na gumawa nang tama, Siya ang inyong luluwalhatiin at pangalawa, ang Diyos na nasa puso at pagkatao ng inyong kapatid, Siya ang inyong paglilingkuran. Isipin na lamang ninyo na kung ganito ang magiging pamantayan ng isang tao, manghina man kayo ay makakabangon pa rin kayo sapagkat mabubuhay kayo nang may katalinuhan, maglilingkod kayo nang mayroon ng karunungan at pag-ibig sapagkat mauunawaan ninyo ang natutukso ay yaong labis na kapit sa alagataing panglaman. may kulturang pangmateryal, may pag-iisip at alagataing panandalian lamang, subalit kung kayo’y lagi na’y kakapit sa puno ng ubas ay mananalatay sa inyo ang aralin ng Kabatlayaan na nagpapaalala sa inyo na ang inyong tunay na adhikain sa pakikipamuhay.

Sa sandaling kayo ay nakapiit sa kahinaan ng katawang lupa, magiging kagalakan ng Kabatlayaan na kayo ay dalawin, kung papaanong ang isang preso ay natutuwa sa pagdalaw ng kanyang mga mahal sa buhay, kaibigan at kamanggagawa. Ang Kabatlayaan ay lagi na’y nakaalalay sa inyo, sumusubaybay, sapagkat nasusulat nga… hahawakan ang inyong mga kamay upang huwang kayong matisod, ang kailangan na lamang ay magpaakay kayo.

Pagaangin ninyo ang inyong sarili na mabuhat nila kayo sa kanilang kandungan upang ang pakikipagkaibigan at tunay na pagmamahal ng Kabatlayaan sa inyo ay maramdaman ninyo nang mayroon ng kalayaan.

Ito lamang ang sa inyo’y bahagi ko. Maraming tukso, maraming pabigat, subalit kung kayo ay magpapakatalino ay mauunawaan ninyo kung bakit kayo tinutukso, ano ang dapat ninyong gawin upang layuan kayo nito sapagkat karamihan ng pagkakamali ay  bunga ng kamangmangan, kayo’y magpakatalino lamang.

Muli ang kapayapaan, lakas ng loob, ipagpatuloy ang pag-aaral, makipag-ugnayan sa Kabatlayaan upang manatili kayong gising, nakabantay sa inyong mga sarili, matalas ang inyong pag-iisip sapagkat dinadaluyan kayo ng ambil ng Kaitaasan. Paalam, ang inyong subaybay … Apostol Santiago.