ANTONIO DE PADUA
Medium: Kap. na Ligaya
November 6, 2021 / 6:08 PM
Mapapalad kayo na naririto sa pakikipag-aral sa Kabatlayaan at naway ipagpatuloy ninyo ang pakikipag-aral ng mga karunungan na siyang hahawi sa kadilimang lumalambong sa inyong pag-iisip, damdamin at kalooban. At nawa’y maging ganap ang inyong mga kapayapaan, katapatan sa paglilingkod, sa pagpapalaganap ng Dakilang Simulaing ito ng Espiritismo ngayon at hanggang sa wakas.
Mga minamahal na kapatid, sa takbo ng mga pangyayari ay hindi kaila sa inyo ang malawakang pagkakasakit ng mga tao at ito nga’y isang masaganang biyaya na tinatawag ng Kaitaasan sapagkat halos lahat ng tao ay nagising sa kanilang mga pagkakahimlay. Ang lahat halos ng tao ay nagpailanglang ng kanilang mga pag-iisip at tila naghahanap ng mga kasagutan kung bakit ito’y naganap at magaganap pa sa mga susunod na mga araw. Anoman ang maging kalagayan ng tao sa kapatagan, walang makapagsasabi kung ano pa ang mga susunod na mga pangyayari, magkagayon pa man ang isang nag-aaral at naghahanap ng kaligatasan ay patuloy ang pagsasaliksik, patuloy ang pag-aaral, hindi lamang ang hanapin ang mga karunungang iyan sa mga aklat na sinulat ng tao, kung hindi, kayo na rin ang makapagpapatotoo na ang mga pang-araw-araw na buhay ng lahat at bawat isa ay isang araling dapat pag-ukulan ng panahon, suriin, hanapin ang mga kadahilanan, hanapin ang mga pinagmumulang mga gawain na naghahatid sa mga kalagayang ito.
Mga kapatid, hahalaw lamang ako ng isang pangyayari mula sa Banal na Kasulatan, na mayroon ng isang binatang mayaman na lumapit sa ating Panginoon at nagtanong, “Panginoon, papaano ako magkakaroon ng buhay na walang hanggan?” At sapagkat ang Panginoon ay nakakaalam ng bawat kaisipan ng tao ay Kanyang winika, “Binata, ipagbili mong lahat ang iyong ari-arian, ipagkaloob mo sa mga nangangailangan at sumunod ka sa akin upang madama mo ang buhay na walang hanggan.” Tumalikod ang mayamang binata, nalungkot. Iyan ang kalagayan ng bawat isang hindi lubusang nakauunawa ng kanyang hinihinging buhay na walang hanggan. Iyan ang kalagayan ng isang taong hindi magsusuri, na sa kanyang pag-aakala na sapagkat siya’y mayroon ng maraming ari-arian ay kaya niyang hilingin, gawin ang anomang gawaing sa kanya’y magbibigay ng kasiyahan.
Mga minamahal ko, sanay sa tagpong ito ng mayamang binata at ng Panginoon ay matanim nawa sa inyong pagkatao, ano baga iyang mga yaman sa daigdigan. At sa haba-haba ng inyong pag-aaral, nauunawaan na ninyo na may mga bagay sa daigdigan ng lupa’y pansamantala lamang. Magkagayon pa man, kung ito ay inyong gagawin, ipagbibili ninyo ang inyong mga ari-arian at ipamigay ninyo sa mga nangangailangan, ito marahil ang gigising sa inyong mga kamalayan upang ang hinihiling ninyong buhay na walang hanggan ay mapapasainyo. Subalit nga ng sa inyong aking sinabi, sapagkat ang tao’y nagiging makasarili, sapagkat ang tao’y walang hinanap at hinangad kung hindi ang mabigyan ang kanyang sarili, kung kaya nga mga minamahal ko, wala ng puwang sa kanyang puso ang siya’y magbigay, ang siya’y magkawanggawa na sa kanyang pag-aakala na sa ganoong kalagayan ay matatamo niya ang buhay na walang hanggan.
Mga minamahal ko, sa isang mag-aaral ng simulaing ito ng espiritismo, sa simula’t simula pa ng inyong pagkakaroon ng kaalaman, ng silahis ng liwanag, katotohanang sinasabi ko sa inyo, matutulad kayo sa isang manlalakbay na maraming daladalahan sa kanyang sarili, mga daladalahang hindi pakikinabangan na siya lamang magpapabigat at aantala sa kanyang paglalakbay, ano ito? Katotohanang sinasabi ko sa inyo ang diwa ng mga mabibigat na dalahin, simulan ninyo sa inyong mga pag-iisip ang kayo ay maging makasarili, ang kayo’y labis na magmahal sa inyong mga pagkatao, at naririyan pa rin ang damdamin at kalooban kapag kayo sa inyong mga sarili’y hindi lumingap ng inyong paligid, hindi ninyo binigyang halaga ang bawat pangangailangan ng inyong mga kapwa, wala ng magbabago sa inyong mga daladalahan at habang kayo ay naglalakbay, bumibigat, hindi gumagaang. Ang ibig kong sabihin, katulad sa isang manlalakbay na mayroon ng mga kasuotang handa sa kanyang paglalakbay, subalit suriin ninyo ang inyong mga sarili, baka mayroon kayo ng mga kasuotang hindi kakailanganin, baka mayroon kayong mga daladalahing hindi ninyo magagamit. Gamitin ninyo ang talino, gamitin ninyo ang pag-ibig upang sa inyong mga paglalakbay ay madama ninyo na patuloy ang inyong mga paglalakad na wala kayong inaalintana na mga pasakit, mga pangyayaring magpapantala sa inyong tunay na layunin, na ang dala-dala ninyong simulain ay maipagkaloob ninyo sa sinomang inyong makakahalubilo, at marahil laking kagalakan ang madarama ng lahat at bawat isa.
Pilitin ninyo na ang karumihan ng inyong mga pananamit, ang mga kaisipang hindi nagbubunga ng mabuti, ang mga damdaming umaakit ng lalo pang nagpapalala at hindi nagpapalaya sa inyong mga pagkatao. Mga minamahal na kapatid, at sapagkat ang tao ay may kanya kanyang antas ng kaluluwa, ngunit kung kayo naman ay magsusuri at mag-aaral sa bawat pangyayaring nagaganap sa inyong mga buhay sa mga pang-araw-araw na buhay, hindi kayo maliligaw, hindi kayo mauunsiyami habang kayo ay mayroon ng matapat na pagnanasa na makapaglingkod sa inyong paligid, na makapagbigay kayo ng mga titis ng liwanag, upang ang mga nakalambong na kadiliman ay mahawi at mapalitan ng kaliwanagan.
Huwag kayong manghihinawa sa mga paulit-ulit na panawagan ng Kaitaasan. Kung papaanong ang mga sandali ay hindi ninyo mapipigil, umalinsabay kayo sa matuling paglipas ng mga sandali, upang ang mga sandali ay mabigyan ninyo ng kahalagahan sa pamamagitan nga ng paggawa, sa pagkakawanggawa sa tatlong uri ng kawanggawa upang matamo ninyo ang tinatawag na kaligtasan. At inyong pakatandaan ang “apat na haligi” ng simulaing ito ng Espiritismo, na kapag ito’y inyong pinagbasehan, kapag ang “apat na haligi” ay itinayo ninyo sa talagang dapat kalagyan ay makaaasa kayo, katulong ninyo ang mga Kabatlayaan, katulong ninyo ang Kalikasan, katulong ninyo ang Dakilang Ama at madarama ninyo ang lagi na’y pagpapala, ang lagi na’y pagsubaybay at ni kadali man ay makahihiyaw kayo ng tagumpay sapagkat damang-dama ninyo ang pagmamahal ng lahat ng sa inyo ay nakapaligid, maging ang kaisipan ng inyong kapaligiran ay kaisa ninyo sa pagpapalaganap ng Dakilang Simulaing ito ng Pag-ibig. Pakatandaan lamang ninyo ang pagpapakasakit, ang pagtitiis, na ang katumbas nito’y kabanalan. At ang kabanalan ang siyang hantungan ng inyong tagumpay sa pakikitalad sa kapatagang ito ng luha at hinagpis.
Binabati ko ang lahat at bawat isa, lagi na’y makipag-ugnay kayo sa Kaitaasan, kalakip ang larawan ng kasiyahan, mga ngiti na siyang magiging batobalani upang ang simulaing ito ay lumaganap at makilala sa apat na sulok ng daigigan. Iyan mga minamahal ko ang maikling abot-sabi na aking maipagkakaloob. Humayo kayo ng inyong mga lakad, huwag ninyong ikababagot ang anomang pangyayaring magaganap sa araw ng bukas. Ipaubaya ninyong lahat sa Maykapal at ang lahat ng ito’y may kabutihang ibubunga at pakatandaan na ang lahat ng pangyayari’y kalooban ng Amang nasa mga Langit. Maging mapayapa kayo, maging mababang loob, maging malawak ang inyong mga pananaw upang makita ninyo ang mga kagandahan sa kabila ng kapangitan.
Tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng mga Langit. Mabigkis nawa kayo sa ganap na pagkakaisa upang madama ninyo ang pagpapala, ang pagmamahal ng Amang sa inyo ay nagbigay buhay.
Paalam, ang inyong protektor … Antonio de Padua.