APOSTOL LUCAS
Medium: Kap. na Gina
October 30, 2021 / 5:14
Basbasan kayo ng kapayapaan, liwanag ng inyong pag-iisip, damdamin at kalooban upang magamit sa tunay na paggawa ng mga kabutihang nauukol sa kabutihan ng lahat at bawat isang mag-aaral, ngayon at magpakailanman.
Bawat pagkatuto ng isang mag-aaral ay isang karunungang nagiging talino ng kanyang pagkatao upang ito’y magamit sa kanyang paglalakbay, sa kanyang pamumuhay sa daigdigang ito, sa kanyang hugis at anyo. Subalit , maraming nagiging sagabal upang ang lahat at bawat isa’y makatupad ng kanyang tungkulin, isa na rito ay ang pagkakaroon ng karamdaman, karamdaman sa kanyang pag-iisip, karamdaman sa kanyang katawang laman, sa kanyang damdamin, na sa bawat bukas na kanyang hinaharap ay nagkakaroon ng mga alitigtigin upang ang karamdamang ito ay siyang maging gabay upang maging mahina ang pagkatao at kaluluwa na siyang namamayani sa kanyang pagkatao. Karamdamang sumusubok, kung tunay o mayroon kang katatagan o susubok sa iyong kahinaan. Karamdamang magbibigay ng tunay na pagsulong sa isang kaluluwa sapagkat ito’y nagiging aral upang siya’y maging mababa, karamdamang nagbibigay sa tao upang maramdaman ang Dakilang Diyos na Siyang tunay na kakausap at hihingan ng awa, tulong, upang maging kahilingin na magkaroon pa siya ng mga araw o panahong tatahakin upang siya’y makagawa ng mga kabutihang nauukol para sa kanyang tunay na “ako”. Kaya’t sasabihin ko mga mag-aaral, na ang karamdamang ito’y isang karunungan, isang pagkatuto, sapagkat naglilinis ang isang kaluluwa, nanglilinis ng dugo, upang magkaroon ng panibagong bukas, panibagong paniniwala, na sa inihahayag ng Dakilang Hesus sa isang lumpo, “narito’y ika’y magaling na, huwag ka nang muling magkasala para di mo na sapitin ang pagiging masama o lalo pang sumama ang iyong sasapitin”.
Katotohanang sa pagkakaroon ng karamdaman, ito’y nagiging karunungan ng pagkatuto, karunungang pagiging mababa upang ang iyong pagkatao’y maipantay mo sa iyong mga panyapak tungo sa iyong kapwa, at ito’y pagbabayad utang na higit pa sa isang sakripisyo upang ang nilalang na ito ay masulong sa kanyang pagiging tao. Mga minamahal na mag-aaral, sa dami ng mga espiritung nakikipag-aral at nakikinig, maraming gustong maghubad ng kanilang mga bihisan sapagkat hanggang ngayon ay punong-puno ito ng putik, putik na kinakailangang palisin ng kanilang mga pag-aaral, upang unti-unti itong mawala, lumabas ang kulay, maging isang tunay na kulay puti na magiging liwanag sa kanilang mga kasuotan upang mahayag sa kanilang mga kapwa, na sa pamamagitan ng kanilang mga pag-aaral, ang kanilang mga kasuotan ay naging liwanag ng kanilang mga tunay na “ako”.
Tunay na napakahiwaga ng karunungang inyong nakakamtan sa pag-aaral na ito ng espiritismo sapagkat hindi lamang karunungan na nauukol sa katawang laman, subalit higit sa mga espiritung nagnanais na makabayad ng kanilang mga pagkakasala na dala ng kanilang mga maling gawain noong una pa mang kabuhayan na kanilang ginawa ay dala-dala nila hanggang sa kasalukuyan upang ito’y unti-unting mapalis sa kanilang buhay sa daigdigang ito ng hugis at anyo. Kaya mga minamahal na mag-aaral, wala kayong dapat aksayahin na oras upang maghayag ng katotohanan sa inyong mga kapwa kung ano ang karungang inyong nakakamtan sa inyong mga pag-aaral, sapagkat ito ay dala ng inyong mga pagkatao, taglay ng inyong mga isipan ang mga karunungang nagbigay sa inyo ng katalinuhan upang sa pamamaraan na inyong pagbibigay ng pag-ibig sa inyong kapwa, itoy makagagaling sa bawat karamdaman ng isang espiritu mula sa kanyang pag-iisip, damdamin at kalooban at sa kanyang katawang laman.
Ito lamang ang iiwan kong aral sa mga sandaling ito. Tunay na dapat makilala ng bawat isa ang pag-aaral ng simulain ng espiritismo na kinakailangang mapalawak ng bawat mag-aaral sa kanyang buhay, nang mayroon ng pagsisikap na maibigay ang kanyang sarili, sapagkat tunay na ang lahat at bawat isa ay naghahangad ng pagsulong ng bawat kalagayan.
Muli ay basbasan kayo ng tunay na kapayapaan, kaliwanagan ng pag-iisip, damdamin at kalooban, ngayon at magpakailanman.
Ako sa inyo ay nagpapaalam, ang inyong Apostol Lucas.