Gawa Ang Magpapakilala Sa Kagandahan Ng Simulain Ng Espiritismo

SAN ANTONIO DE PADUA
Kap. na Ligaya
October 30, 2021 / 4:08 PM

Pagharian kayo ng kaliwanagan ng pag-iisip, kapayapaan ng inyong damdamin at kalooban, at nawa’y sa mga pagkakataong tulad nito ay maging matapat kayo sa bawat isang mag-aaral upang matamo ninyo ang katagumpayan ng inyong mga pinapangarap, katagumpayan ng inyong mga sinumpaang tungkulin na gaganapin ninyo ng buong tapat sa kabuhayang ito, ngayon at magpakailanman.

Mga minamahal na kapatid, ang panalangin na binasa ng ating kapatid bago magsimula ang panayam, kung itong inyong lililipin o dadamahin, ito’y isang kabuuan ng bawat kabuhayan ng tao sa kapatagan. Sinabi kong kabuuan, sapagkat ito’y nagpapalaganap, naglalarawan sa pagkakaroon ng ganap na pag-iisip ng isang nilikha ay unti-unti niyang nauunawaan ang kahalagahan ng buhay na sa kanya ay pinagkaloob sa pamamagitan ng pakikinig, pakikipag-aral sa mga Kabatlayaan. Iyan ang katotohanan, marahil ang marami ay nagtataka kung bakit ang tao sa kapatagang lupa ay hindi pare-parehas ang mga antas. Nakikita ninyo at nadarama, na sadyang ito ang katotohanan sapagkat kayo nga ay nilalang ng Diyos nang hindi sabay-sabay. Magkagayon pa man, diyan ninyo makikita ang katarungan, ang kapangyarihan at ang pagmamahal ng Amang sa inyo ay nagbigay ng buhay. Mga minamahal na mga kapatid, sa simula’y sa pagkakaroon pa lamang ninyo ng buhay sa sinapupunan ng inyong mga magulang, hanggang sa kayo ay isilang, wala pa kayong muwang sa mundo, wala pa kayong mga kaalaman, subalit tandaan ninyong taglay ninyo ang mga karunungang nauukol sa kabutihan at kabanalan, at hindi agad-agad ipagkakaloob ng Dakilang Ama na sa pagsulpot ninyo sa sangmaliwanag ay maipapakita agad ninyo ang taglay ninyong karunungan at kabanalan. Mayroon ng mga pagkakataon na ang isang bata, sabihin na nating kabataan o ang edad ay mga walong taong gulang, dumarating ang mga pagkakataong napupuna ng kanyang mga paligid na ang batang ito ay kakaiba ang kanyang katalinuhan, kakaiba ang kanyang mga taglay na kaalaman, at iyan na nga ang pagiging makatarungan ang pag-ibig ng Dakilang Ama, upang makita at malasap ng kapaligiran na mayroon ng isang Amang Makapangyarihan, na mayroon ng isang Amang sa inyo ay nagbigay ng buhay… nagpahiram … upang kayo ay gumanap ng inyong mga banal na tungkulin sa ikasusulong ng inyong mga kapaligiran, sa ikasusulong ng marami pang kaluluwang pinagkaloobang manahan sa kapatagang ito.

Ngayon mga minamahal na ko, kayo na mga na napasalilong sa malabay na pakpak ng simulaing ito ng espiritismo, kayo na namulat ang mata sa katotohanan sa pamamagitan nga ng kalooban ng Dakilang Ama, mapapalad kayo at nawa’y sa pagiging mapalad ninyo na napasalilong kayo sa malapad na pakpak ng simulaing ito, ngayong kayo ay nagising na sa katotohanan, ngayong nabuksan na ang inyong mga mata at pandinig ay huwag na kayong magpatumpik-tumpik sa inyong mga kalagayan. Kung papaanong ang bawat sandaling lumilipas ay hindi na muling magbabalik, at yan ang katotohanan, nawa mga minamahal ko, kaalinsabay ng inyong mga pag-aaral at pagsasaliksik ay mabigyan nawa ninyo ng matamang pag-aaral, kaalinsabay ang mga pagpapasalamat sa lahat ng mga biyaya na dumarating sa inyong mga buhay. Sinabi kong pagpapasalamat sapagkat marami ang aking namamalas, na sakabila ng kanilang mga taglay na kaalaman at karunungan ay nalilibang ang tao, hindi nila binibigyan ng pagkakataong tumingala sa mga Langit, mag-ukol ng mga dalangin ng mga kasiyahan at pagpapasalamat sapagkat dito ninyo nakita, dito ninyo nadama ang kahulugan ng pagiging makapangyarihan, makatarungan, mapagmahal ng isang Ama. Magkagayon pa man, naway sa bawat sandaling lumilipas sa inyong mga buhay, ito nawa’y makapag-iwan ng mga aral, ng mga karunungang pagbabatayan upang lalong magtumibay ang inyong pananalig, ang inyong pananampalataya at sa ganitong kaparaanan lamang ay nasusulong kayo sa inyong mga kalagayan.

Mga minamahal ko, sa bawat sandali na mamalas ninyo ang inyong mga paligid, sa bawat sandali na nadarama ninyo ang bawat pintig ng inyong mga puso, marahil, ito’y isang kadenang magtatali sa inyo ng mahigpit upang huwag kayong mahiwalay ng mga paniniwala, ng mga pagsasakatuparan lalo na nga ng mga araling masaganang pinagkakaloob sa mga pagkakataong tulad nito. At nalalaman ko, na hindi sapat ang kayo’y magpasalamat, hindi sapat ang purihin ninyo ang Dakilang Ama, sa pamamagitan ng inyong mga labi, sa pamamagitan ng pag-uusal ng mga panalanging taos pusong nagmumula sa mga puso kundi higit na’y hinihingi ng bawat pagkakataon ang pagsasagawa, ng mayroon ng kababaan, ng mayroon ng katapatan, ng pag-aambil na nawa’y sa bawat pagkatuto, sa bawat pagsasagawa, ito nawa’y magpatuloy sa lahat ng sandali sapagkat ito’y larawan na mag-iiwan sa inyong mga paligid, ang inyong mga gawa, ang siyang magsisilbing liwanag kung ang kadilima’y nagbabadya. Ang paggawa ang magpapakilala sa inyong mga kapaligiran ng kagandahan ng simulaing inyong pinag-aaralan, inyong pinagsusumakitang pagyamanin upang ipagkaloob sa mga kapwa ninyong kapos palad na makapiling sa pag-aaral. Ang paggawa ng mga kabutihang inyong natututunan ang siyang tanging kalasag, ang tanging bulaklak, ang siyang mga panyo na pamahid sa nagdadalamhati ninyong kapaligiran. Sapagkat sa kasalukuyan ay damang-dama ko na lutas sa aking mga kapatid na hindi kayo pabigat, hindi kayo nagiging hadlang, bagkus sa pagsusumakit at sa inyong mga pagkatuto at pagsasakatuparan nang mayroon ng kababaan, katapatan, pagmamahal, makaaasa kayo na sasainyo ang tagumpay sapagkat alalahanin ninyong anomang nasain, lalo pa nga kung ang kabutihan ang siyang ninanasa, lalakipan ninyo ng pagtitiis, nang pagpapasakit, walang hanggang kaligayahan ang inyong madarama pagdating ng araw.

Mga minamahal ko, bago ako magwakas, muli kong sasariwain na bagaman sa inyong mga mag-aaral ang lahat ng araw ay araw ng mga patay, magkagayon pa man, naway magmula sa inyong mga pagkatao, ang pagpapadama sa inyong paligid na walang magandang maireregalo o maibibigay sa isang namatay kundi ang isang taos pusong pananalangin, na kayo’y lagi na’y nakikipag-ugnay sa Kaitaasan upang matamo nila ang lalo pang pagkasulong, lalo pang makasilay ng liwanag na tatanglawa sa kasalukuyan nilang mga kalagayan. Panalangin, mga pagpapatawad kung mayroon man sa inyo ay nagkulang upang ipadama ninyo at madama ng Kaitaasan ang katotohanang naisasagawa na ninyo na kayo nga ay tunay na magkakapatid na narararapat mag-ibigan sa isa’t isa sapagkat kayo ay nagmula sa iisang Ama maging sila man ay nasa likod na ng libingan o maging sila ay mayroon pa ng katawang laman.

Iyan lang ang sa inyo’y aking maipagkakaloob. Nawa’y magampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa pang-araw-araw na mga gawain at sana’y unti-unti na ninyong nahuhubad ang mga kasuotang nagbibigay sa inyo ng mga kaalinsanganan. Kayang-kaya ninyo ito mga minamahal ko, kayo na nakatuon ang mga kaisipan sa Kaitaasan, umasa kayo na hindi kayo pinababayaan ni kadali man at iya’y napatotohanan na ninyo sa inyong mga sarili, sa inyong mga pang-araw-araw na buhay ngayon at magpakailan man.

Mabuklod nawa kayo sa ganap na pagkakaisa, maghari lagi ang kababaan, pag-iibigan ng walang pagtatangi, pagpapatawad, pagpapaumanhin sa inyo’y mga nagkasala, upang magpatuloy kayo sa tuwid na landas ng buhay hanggang sa marating ninyo ang rurok ng tagumpay ng bawat isang layunin at adhikain ng inyong mga tunay na pagkatao.

Paalam, ang inyong protektor … Antonio de Padua.