FLORENCIO DELA CRUZ
Medium: Kap. na Sweet
October 30, 2021 / 5:34 PM
Sumainyo nawa ang kapayapaan at kalinawanagan, kasabay nito’y maramdaman ninyo ang pagtangkilik ng kaespirituhan sa patuloy at matiyagang pakikipag-aral, nawa’y makaramdam kayo ng kapahingahan, katahimikan sa gitna ng maalinsangang sanlibutan, ngayon at sa lahat ng sandali.
Sa banal na aklat na sandigan ng isang mananampalataya, na pinagkukunan niya ng aral at lakas, tumimo sa kanyang pag-iisip ang mahiwagang pangyayaring naganap sa buhay ni Hesus. Sapagkat nang Siya’y dumaong sa isang lugar, sinalubong Siya ng isang lalaki na nababalutan ng mababang espiritu. Na ang lalaking ito ay hindi mapigilan ng sinoman, lubha siyang malakas na kahit ang tanikalang bakal ay hindi nagiging sapat na siya ay itali, sapagkat kayang kaya niya itong putulin, nabubuhay siya sa libingan, at dahil dito’y lubha siyang kinatatakutan at iniiwasan. At nang makita niya si Hesus, sumigaw siya na may kasamang galit, na sinabi niyang … “Ikaw na anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan.” Subalit gaya ng nasaad, sa pagtangkilik at subaybay ni Hesus, umalis ang mababang espiritung ito, pinahintulutan na maparoon na lamang sa mga baboy, ganoon pa man ay hindi ito nakaya, at gaya ng sinabi, nahulog na lamang ang mga baboy sa talampas at nalunod.
Kung kayo sa pangkaraniwang mag-aaral ang makakatunghay nito, naroon ang takot, naroon ang pangamba at sapagkat hindi nauunawaan, isang misteryo na ayaw pag-usapan. Subalit sa pag-aaral ng espiritismo na ang lahat ay inuunawa, na mayroon ng pagsusuri, hinahanap ang kaluwalhatian at kabanalan sa mga tagpo sa buhay ni Hesus, inyo itong matatanggap at mapag-aaralan sa tulong na rin ng kaespirituhan na laging tumatangkilik sa inyo. Nalalaman ninyo na bahagi ng sangkapin ng isang tao ang espiritu, walang kamatayan, na kung sandaling putulin ang pakikipag-ugnayan ng espiritung ito sa daigdig na inyong ginagalawan, matutulad lamang ito sa pagpapalit ng damit, mula sa damit pangmateryal ay magbabago siya ng damit pang-espirituwal. Na yaon nga ay tinatawag ninyong periespiritu. Nang dahil dito, kung ang espiritu na mayroon ng pag-iisip, damdamin at kalooban, kung magpalit ng kasuotan, daladala pa rin ng damdaming ito ang galit, ang hilig, ang ugali, ang kaangkinan at alitigtigin. Sapagkat kung ang isang tao ay magpapalit lamang ng kasuotan, naroon pa rin ang maruming pangangatawan, naroon pa rin ang maalinsangang amoy, kasuotan, damit lamang ang nabago. Kaya’t ang tinatawag na mga manghihibo, sila ay mga kakapatid na mayroon pa ng kamangmangan at kahinaan, subalit hindi mananatili sa ganoong kalagayan, bawat isang nilikha ng Diyos ay mayroon ng Tagatangkilik, mayroon ng Subaybay na kahit na matigas ang bato, uukit ang tubig sa patuloy na biyaya ng Kaitaasan. Gayun din naman ang espiritu, pagdating sa dako paroon, hindi nawawala ang Subaybay, hindi nawawala ang Tagatangkilik, siya ay patuloy na paaamuin, hihikayatin sa pagbabago, gagamutin ang kahinaan.
Mga minamahal ko, ang pag-aaral na ito ay hindi malawak sa iba kaya’t karamihan ng nagpapalit kasuotan at lumilipat sa daigdigan ng mga espiritu, kung dala-dala ang ganitong saloobin, ang ganitong paniniwala, ang ganitong pananampalataya, nanatili sila sa libingan. Kung hindi siya naniniwala na patuloy ang buhay, nariyan lamang siya sa isang walang pagbabagong kalagayan, hinihintay kung kailan siya sasagipin, hinihintay kung kailan siya bibiyayaan ng Kaitaasan, subalit kung bukas ang inyong kamalayan na tuloy-tuloy ang buhay, tuloy-tuloy ang pag-aaral, tuloy-tuloy ang pagbabago, mga minamahal ko ay madali ninyog matatanggap ang pag-iiba ng kapaligiran na dulot ng pag-iiba ng kasuotan o ang kamatayan.
Kung ang isang tao ay may alitigtiging makalupa, pansamantala, puro na lamang karangyaan, kayamanan, kasikatan, kapangyarihang makalupa, dumuruon ang kanyang pag-iisip at damdamin, kaya’t ang kamatayan ay hindi magiging susi na magbabago ito sapagka’t ang kanyang pag-iisip, damdamin at kalooban ay punong-puno pa rin ng kahinaan. Kung inaakala ng isang tao na sa pamamagitan ng pagputi o pagputol ng kanyang buhay ay mababago ang kanyang kalagayan, mga minamahal ko, hindi ito ang katotohanan. Marami na ang mga espiritung nagpahayag sa inyo na tuloy-tuloy pa rin ang buhay, minsan pa nga, sa kasalanang dulot ng pagputi ng buhay, bumibigat pa ito sapagkat nawalan ka ng pagtitiwala, pananampalataya sa Diyos. Ang kalagayan ng isang espiritung katulad nito, kapag nakita niya si Kristo na sumasagisag ng kabanalan, pang-unlad na pang-espirituwal, kalayaang tunay, alit siya, sapagkat ang pagbabago ay nangangailangan ng pagdisiplina, pagpigil sa mababaw at maruming kaangkinan, sapagkat ang Kristo para sa kanya ay pagpapakasakit, na kadalasang iniiwasan, tinatanggihan ng tao. Subalit hindi mananatili sa abang kalagayan ang espiritu. Hahanapin niya ang pagkasulong, gusto niyang lumaya, naroon sa kanyang pagkatao na gusto rin naman niyang umunlad, aayawan na niya ang siya’y nakabilanggo sa kamangmangan kaya’t lalaya siya, magpupursige, magpapakasakit, mag-aaral, kikilanin niya ang kanyang sarili, susuriin niya ang kanyang kahinaan, at babalangkas siya ng plano na patungo sa pagbabago.
Kaya’t mga minamahal ko, walang dapat ikatakot sa espiritung sumakabilang-buhay. Katulad niyo rin sila. Sila lamang ay nabubuhay sa isang daigdigang malapit sa inyo, iba lamang ang kasuotan. Walang dapat ipag-atubili sa pagpaparamdam na ginagawa sa inyo ng inyong mga mahal sa buhay na nauna na sa inyo. Ito’y pagpapaalala kung papaano kayo makikipamuhay ng mayroon ng katalinuhan, mayroon ng lakas ng loob, sa gitna ng sanlibutan na punong puno ng kalituhan at mapang-akit na pangyayari. Mga kapatid ko, ang isang espiritung nagkaroon ng tilamsik ng kaliwanagan, hindi na siya aatras, maging ang mga baboy ay tatanggihan siya, wala siyang gagawin kung hindi ang magmithi ng kalayaan, mapagaan niya ang kanyang sarili upang makapaglakbay siya ng madali, mabilis, patungo sa tunay na kandungan ng Ama.
Magpakatalino kayo, kung sa iba ang pag-aaral ng espiritismo ay kinatatakutan, sapagkat para sa kanila’y para sa mabababang espiritu, pangatwiranan ninyo ito sa katahimikan at katatagan ng inyong pag-aaral. Nararamdaman ninyo na ang lahat ng tao ay may espiritu, nagpapalit lamang ng kasuotan. Lahat ng tao’y papunta sa pagkasulong at pagbabago. Walang demonyo, mayroon lamang na mangmang. Walang manghihibo kung naroon ang katatagan, kayat kinakailangang magpursige ang bawat isa sa inyo na dalisayin, pakintabin ang inyong mga kaangkinan, pag-iisip, damdamin at kalooban sapagkat ito lamang madadala ninyo sa paglalakbay sa dako paroon.
Muli ang kapayapaan, pag-iibigan, kababaan ng loob, at nawa’y mabuksan ang inyong matalinong pakikipag-ugnayan sa kaespirituhan sapagkat kung papaanong mayroon kayo ng kaibigan dito, mayroon din kayong kaibigan doon. Kung mayroon kayon mahal sa buhay dito, mayroon din kayong mahal sa buhay doon. Yan ang pag-aaral ng espiritismo, buo at malawak.
Paalam, ang inyong kapatid … Florencio dela Cruz.