Gawing Tuntungan Ang Pag-aaral Ng Espiritismo Para Makita Si Hesukristo

FLORENCIO DELA CRUZ
Medium: Kap. na Sweet
July 31, 2021 / 5:33 PM

Sumainyo ang pagpapala na nagmumula sa Kaitaasan, nawa’y ang biyaya ng maliwanag at bukas na pag-iisip, ang biyaya ng kababaan ng loob, kahinahunan ang siya nawang pumagitna sa inyong kalagayan upang mabuhay kayo at makipag-aral nang mayroon ng kagaangan sa kabila ng mabigat na pangyayaring darating pa sa inyong buhay, kapayapaan ang hatid ko, ngayon at sa lahat ng sandali.

Minsan, naitanong ng mag-aaral sa kanyang sarili, ano ang halaga ng pakikipag-aral at pananatiling isang espiritista sa gitna ng mga pangyayaring lubhang nakalilito, nakapanghihina at nakakatakot? Bakit kayo nanatili na itaguyod ang isang napakahirap na pag-aaral, isang pag-aaral na hindi lubos matanggap ng iba, isang pag-aaral na kadalasan ay pinagtatawanan… hinahatulan, dulot ng kakulangan at kaiksian ng pang-unawa ng ibang tao. At sa gitna ng maraming pagtatanong, minsan pag-aalinlangan, ay hayaan ninyong sariwain kong muli sa inyong kamalayan ang aralin, karanasan, buhay na iniwan ng Mananakop.

Mayroon ng isang pinuno ng Publikano, Sakeyo ang pangalan, naririnig niya ang mga gawa at salita ni Hesus, kayat dahil dito ay nabuo sa kanya na nais niyang makita si Hesus. Mapatunayan sa kanyang sarili ang kanyang mga naririnig na balita. Isang araw ay dumating kanyang pinakahihintay na sandali, papasok si Hesus sa kanyang bayan. Subalit dala ng kaangkinan na kaliitan, mababa o pandak si Sakeyo, hindi siya makasingit sa napakaraming taong sumasalubong kay Hesus. Kaya dahil dito ay naisip niyang umakyat sa punong kahoy na tinatawag na sikomoro at hinanap-hanap si Hesus. Laking gulat niya na nang si Hesus ay malapit na sa kanya ay tinawag ang kanyang pangalan. Sinabi … “Sakeyo, magmadali kang bumaba sapagkat ngayon din ako ay tutuloy sa iyong tahanan.” Gayon na lamang ang bulong-bulungan ng mga taong kumakalaban kay Hesus, sapagkat ang reputasyon ni Sakeyo ay isang masamang maniningil ng buwis. Subalit sa kabila nito, nabuo kay Sakeyo, dala ng kanyang kaligayahan ang dalawang pangako. “Panginoon, ibibigay ko sa dukha ang kalahati ng aking tangkilikin, at kung ako man ay nakapandaya sa aking paniningil, makaapat ko itong isasauli.”

Mga minamahal ko, sa buhay ninyo sa kapatagan ng lupa, maihahantulad kayo sa isang Sakeyo, mababa, maliit, munti o bunso sa kaalamang pang-espirituwal. Kinakailangan ang maraming paksang aralin o karanasan na tuntungan niya na hanapin, unawain, makilala ang Kristiyanismong sinasagisag ni Hesukristo. Kinakailangan kayong mag-aral, iangat ang inyong kalagayan, magkaroon ng tuntungan upang sa gayon ay maunwaan ninyo, katulad ng tinuturo ng simulain ng Espiritismo na bukod sa pagiging tao ay mayroon ng isang espiritung naluluklok sa inyong pagkatao na nangangailangan ng pangangalaga, kaunlaran at pagkasulong. Kinakailangang maunwaan din at maging tuntungan ng isang maliit na Sakeyo na mayroon siyang tuparin, mayroon siyang alagatain, mayroon siyang papel o tungkulin na dapat isakatuparan sa loob ng pakikipamuhay niya sa kapatagang itong may hangganan. Kinakailangan niya na maunawaan niya na ang espiritu ang siyang tunay na nilalang at anak ng Diyos kaya’t kailagan itong pakainin ng pag-aaral at gawa na siyang tuntungan ng isang pandak na Sakeyo na makita si Hesus.

Masdan niyo ang inyong paligid, karamihan sa tao sapagkat hindi nauunawaan ang gintong araling ito na magiging tuntungan patungko sa kaunlaran at pagkasulong, nakikita niya’y sarili lamang. Napapahalagahan lamang niya ang kanyang opinyon at nararamdaman lamang, subalit kung iaangat mo ang iyong sarili, hindi lamang puno ang makikita mo kundi ang buong kagubatan. Kung iaangat mo ang iyong sarili, hindi lamang halaman ang makikita mo kung hindi kabukiran. Alalaumbaga, iangat ninyo ang inyong pang-unawa, hindi lamang sa loob ng inyong sarili, hindi lamang sa loob ng inyong tahanan kayo mayroon ng tungkulin kundi mayroon kayong tungkulin sa inyong pamayanan, sa inyong komunidad, sa iyong kapitbahay, kaibigan o kaaway man. Kapag naiaangat  mo ang iyong sarili, hindi lamang ang pangkasalukuyan ang iyong pahahalagahan, kung hindi uunawaan mo ang iyong nakaraan at paghahandaan mo ang iyong kinabukasan. Kinabukasang hindi lamang sa kapatagang ito ng lupa kung hindi sa dako paroon, pagbalik, paglalakbay sa iyong tunay na tahanan. Kapag ganito ang iyong sasariwain, kung ikaw ay isang ina, hindi lamang ang iyong supling o kadugo ang iyong magiging anak, kung hindi ang lahat ng iyong makakasalamuha ay magiging kadugo mo, kamanggagawa, kapatid, anak sa nag-iisang Diyos. Magkakapamilya kayo sa iisang Ama, lahat ng tao ay magkakapatid, hindi kumikilala ng lahi, kulay, antas, pinag-aralan at marami pang mga bagay na naghahati sa inyo sa inyong kapatid ay sisirain mo sapagkat ito ang kahulugan ng pang-espirituwal na buhay. Uunawain mo hindi lamang ang iyong kapwa, kung hindi ang iyong sarili, ang iyong pakikipag-ugnayan sa iyong kapwa. Lalawak ang iyong pang-unawa sapagkat makikilala mo, hindi lamang minsan nakasalamuha ang mga kapatid na naririto sa iyong paligid, mayroon kang utang sa kanila at maaaring gamitin naman nila sa pagbabayad ng kanilang mga utang. Mga kapatid ko, kung lalawak ang inyong pang-unawa, makikita mo si Hesus sapagkat magiging mapagpatawad ka. Magiging mapagkawanggawa ka sa lahat ng uri o paraan ng pagkakawanggawa. Tuntungan mo ang punong kahoy na Sikomoro na kinilala ang lakas, proteksyon, kabanalan at walang hanggang buhay. Ito ang magpapalakas sa iyo, makikita mo si Hesus, hindi lamang ang Kanyang anyo, kung hindi ang Kanyang aralin, papasok Siya at hihikayatin mong pumasok sa iyong puso, sa iyong tahanan, sa iyong kunsensya.

At kapag nangyari ito, kayo bilang isang mag-aaral ay magkakaroon ng pangako. Katulad ng naging pangako ni Sakeyo… “kalahati ng aking tangkilikin ay ipagkakaloob ko sa mga dukha.” Sapagkat at nakita mo at napagtanto na ang buhay pansamantala sa kapatagang ito ay may hangganan, may dalawang lakas na aakit sa iyo, hahatiin mo ito nang may katalinuhan. Kung binibigyang katugunan mo ang pangangailangang pangmateryal, bibigyan mo rin kasagutan ang pag-aalinlangan, kahinaan ng iyong espiritu. Kung pinalulusog mo ang iyong katawang lupa sa pamamagitan ng pagkain nang matalino at pag-eehersisyo, gayon din ang gagawin niyo sa inyong espiritu, uunawa ka ng aralin na magiging matalino ka, magiging matalas ang iyong pakiramdam sa pangangailangan ng iyong kapwa, ng iyong komunidad sa pagtulong. Ikakampay mo rin ang iyong mga bisig, lilinisin mo rin ang iyong pag-iisip. Iiwasan mo ang mga alagatain na magiging sagwil sa ikapapanuto ng iyong espiritu.

At kapag nangyari pa rin ito, magkakaroon ka pa rin ng pangalawang pangako… “Anomang kinuha ko na mayroon ng pandaraya ay ibabalik ko nang makaapat.” Sapagkat natuklasan mo na ang layunin ng iyong pakikitalad sa kapatagang lupa, lilinisin mo ang iyong sarili. Uunawain mo ang iyong karma at mga dapat mo pang ituwid na bunsod ng iyong pagiging pandak noon, maliit noon ay nagkaroon ka ng maraming utang. Babayaran mo ito, ibabalik nang makaapat. Kung saan mo inutang ay doon mo pagbabayaran. Kung dito sa kapatagang lupa, sa apat na sulok ng daigdig ay muli kang makikipamuhay at isasabalikat mo nang mayroon ng kagaangan ang pagsusubok, paniningil, pagtutuwid ng mga pagkakamaling ginawa mo noon.

Kadalasan bunsod ng kakulangan ng kaalaman, maraming tao sa halip na magbayad ay patuloy pa sa pangungutang, patuloy sa paggawa ng pagkakamali, kayat nawawalan ng balanse ang buhay. Umiiyak siya kapag mayroon ng sigalot, nag-aalala siya kapag mayroon ng pandemya. Nalulungkot siya, nagkakaroon ng matinding depresyon kapag may balita ng maraming digmaan, subalit kung nasa iyo ang katatagang ibinunsod, ipinaunawa ng puno ng Sikomoro, ng lakas nito at tutuntungan mo ito at makikita mo ang tunay na layunin, ang pakay ng mga ito, mga minamahal ko, buong katahimikan, buong kababaang loob, buong kahinahunan na tatanggapin mo at sasalubungin ang mga bagay bagay na pangkaraniwang itinatanggi at tinataboy ng iba sapagkat nahihirapan ang kanyang katawang lupa.

Mga kapatid ko, maging matalino kayo upang sa gayon sa pagbalik ninyo sa kabilang buhay, paglalakbay patungo sa kandungan ng Ama, magaan ang inyong pakiramdam sapagkat nabawasan ang inyong kahinaan. Huwag ninyong katakutan ang ganting galaw sapagkat ito ang magiging pundasyon ng inyong buhay. Panghawakan, pamahalaan at gamitin ninyo ito sa mabuting pakikipamuhay. Pag-aralan ninyo ang inyong sarili, suriin ninyo ang inyong kahinaan, magmula sa pag-iisip, kahinaan ang inyong mga salita, alitigtigin at damdamin upang sa gayo ang utang, ang papel, ang tungkulin na pinangakuan ninyong tutuparin ay matupad ninyo nang mayroon ng katalinuhan at pag-ibig. Mabuhay kayo ng malaya, walang takot sapagkat nauunawaan ninyo kung bakit kayo naririto, ano ang mga dala-dala ninyo at paano ninyo paghahandaan ang dako paroon na siyang patutunguhan ng lahat ng anak ng Diyos.

Ito lamang ang bahagi ko, muli ang kapayapaan, at nawa’y kung papaanong dumating kay Sakeyo ang kaligtasan, ang pag-unawa, ang kalayaan, at biyaya, dumating din nawa sa inyong kanlungan ang biyayang ito upang makaganap kayo ng tungkulin hindi bilang isang mababang Sakeyo kung hindi bilang isang mag-aaral ng Espiritismo na nakatuntong sa araling pang-espirituwal na mabubuhay kayo nang mayroon nang katalinuhan sa daigdigan ito ng luha at hinagpis.

Paalam, ang inyong subaybay at kamanggagawa … Florencio dela Cruz.