Tungkulin Ng Isang Espiritista

Medium : Kap.Pining Evangelista
Enero 22, 2005, 6:00 n.g.


Tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng Diyos at maghari sa aking mga kapatid ang matapat na pagsunod sa simulaing ito ngayon at magpakailanman.

Mga minamahal kong mga kapatid, habang kayo’y ginagabayan ng Kabatlayaan sa pag-aaral na ito ng Espiritismo, tatagan ninyo ang inyong mga sarili upang ang bawat gawa na inyong tutuparin sa buhay na ito ay makatutulong sa maraming kapuspalad na lubhang aligaga sa tawag ng sanglibutan. Mga minamahal kong mga kapatid, habang kayo’y patuloy na nag-aaral, inyong nasasaksihan, ibat-ibang kaparaanan ang ginagawa ng kaitaasan upang ang tao ay ganap na mapanuto bilang mga anak ng Diyos. Subalit, sa aba ng mga pangyayari lubhang panatiko ang tao, sanay maging makatotohanan ang bawat isa upang sa inyong pag-aaral inyong maibulaos sa pagsulong ang inyong mga espiritu. Katotohanang laganap ang maraming pananampalataya, dumadakila at sumasamba sa Anak ng Diyos na isinugo sa sanglibutang ito, datapwat, hanggang doon na lamang ang tao sa kaniyang paniniwala. Nawawala ang pag-ibig, at ang labis na karunungan kung minsan ay umaakay sa tao upang gamitin ang kamay na bakal.

Naririto kayo mga minamahal na kapatid, nag-aaral, ibig sundan ng bawat isa ang iniwan ng Anak ng Diyos dito sa sanglibutan. Sa aba ng mga pangyayari, lubhang iniaangat ng tao ang kaniyang sarili. Ang tunay na pag-ibig hindi nagagawa bilang mga tunay na anak na minamahal ng Diyos, sapagkat ang inyong nakikita, ang inyong nadarama, mga bagay na laban sa kapwa, laban sa pamahalaan, sa ibat-ibang uri ng gawaing labag sa katotohanan. Naririto kayo at patuloy na nag-aaral, ang iniwang halimbawa ng Anak ng Diyos sa lupa, kung sinusundan man ng tao, marami din ang lumalabag sa kautusan na sa tao ay itinuturo. Sa inyong pag-aaral ng katuruan ng Espiritismo, umaalinsunod kayo sa isang tungkulin ganap na ibahagi sa inyong kapwa ang tunay na pag-ibig at karunungan na sa inyo’y ipinagkakaloob ng Kabatlayaan.

Kung nararamdaman ninyo sa inyong mga pagkatao sa mga sandaling ito ay naaantig ang inyong mga kamalayan, sana’y panatilihin ninyo ang tunay na pag-ibig na ibinabahagi ng Kabatlayaan sa ganitong pag-aaral. Katotohanang marami ang nangangailangang madama ng inyong mga kapwa ang tunay na pag-ibig at karunungang makalangit upang maramdaman ng lahat at bawat isang nilikha, ang mataos na pagnanasa ng mga Banal na isinugo ng Diyos upang ang tao ay makatupad ng kaniyang tungkulin para sa kaniyang kapwa.

Mabuti ang ibinabahagi ng karunungang ito ng Espiritismo sa aking mga kapatid. Katotohanan lamang ito upang bawat isa’y antigin, upang bawat tibok ng puso ay inyong pawagasin mula sa inyong mga gawa, hagkis ng inyong mga pag-iisip, ipakita inyo ang tunay na pag-ibig, na dito magmumula ang pagkakaisa ng lahat na kayo ay anak ng Diyos na kinakailangang kayo ay tumupad sa sa inyo’y itinuturo ng Kabatlayaan.,sila’y mga isinugo ng Diyos sa sanglibutan upang ang tao’y madala ang bahagi ng kawagasan na ninanasa ng Kabatlayaan na ang lahat ay maging karapatdapat na tagapagtaguyod ng dakilang simulain ng Mananakop.

Kayo na nanalig at patuloy na nag-aaral, sa inyo’y ipinadarama ng Kabatlayaan ang pagmamahal ng walang pagtatangi, kayat ibig kong lahat kayo’y maging matapat, maging payak ang inyong mga salita, kaalinsabay ang paggawa, upang makita ng inyong mga kapwa, na ang inyong mga natutuhan ay nagdadala sa inyo sa daan ng katotohanan. Kayat mga minamahal na mga kapatid, mula sa inyong mga sarili, sa inyong mga hakbang, sa pananalita, ibahagi ninyo ang simulaing ito ng Espiritismo sa inyong mga kapwa, sa inyong mga paligid na kayo ay hindi nagtatangi. Mararamdaman ninyo na ang inyong natutuhan buhat sa Kabatlayaan.

Sana’y maging halimbawa ang inyong mga kapwa ng inyong katapatan, pag-big at iyan ang kinakailangan ng sanglibutan. Sana’y sa mga sandaling ito, maramdaman ninyo sa inyong mga pagkatao, na ang tungkuling gagampanan ninyo ay maisakatuparan ninyo sa lalong madaling panahon, upang ito’y maibahagi ninyo ng may pag-ibig at karunungan, na sa bawat hakbang na inyong gagawin, makapagbigay sigla ito, sa ikatututo at pagpapahalaga ng tao sa iniwang simulain ng Panginoon. Ito ang magandang balita na sa inyo’y aking ibabahagi. Ibahagi ninyo ito sa inyong mga kapwa na hindi kayo magtatangi,, patuloy na ibabahagi sa inyong kapwa ang iniwang halimbawa ng Anak ng Diyos sa ibabaw ng lupa.

Iyan ay sikapin ninyo sa inyong mga sariling matupad bilang mag-aaral sa katuruan ng Espiritismo. Iyan ang sa inyo’y aking iiwan, magpakasigla kayo lakip ang karunungan at pag-ibig para sa inyong mga kapwa. Ako sa inyo ay nagpapaalam…ang inyong

APOSTOL PABLO