Medium: Kap. Violeta Halili
Enero 29, 2005 7:20 n.g.
Sumainyo ang basbas ng Dakilang Ama, at nawa’y ang pag-ibig ang manatili sa inyong mga sarili upang kayo’y mabuhay ng payapa ngayon at magpakailanman.
Mabilis na tumatakbo ang mga sandali at ang paglipas ng panahon ay hindi namamalayan ng tao sapagkat ang kaniyang sarili ay nadadala sa maraming gawain na nauukol sa katawang laman. Dahil dito’y hindi ninyo napapansin ang kaniyang sarili, ang kaniyang tunay na ako, ang kaniyang espiritu, kaya’t sa pagharap sa salamin ng buhay ay nakikita niya ang maraming pagbabago na idinudulot ng katandaan ng kaniyang katawang laman.
Lumipas ang maraming panahon na siya’y natutulog sa maraming gawaing kinakailangan ng kaniyang tunay na pagkatao, mga gawaing hindi mabibili ng salapi, hindi mabibili ng kapangyarihan, hindi makukuha sa katanghalan, kayat nakalilimot sumandali ang kaniyang sarili, kayat ng dumating ang panahon na siya’y subukin ng Kaitaasan, tulad halimbawa ng pagdaramdam ng kaniyang katawang laman o ng pagkakasakit, diyan na aagam-agam ang kaniyang sarili, diyan na nangangamba, diyan na natatakot sapagkat sa malaon at madali ay kukunin na siya ng Amang Makapangyarihan, lilisanin na ang lupa at wala siyang magagawa. Kayat gumising ang tao sa mahabang panahon ng kaniyang pagkakatulog, nagnasa ang kaniyang sarili ng mga kaparaanan subalit huli na ang lahat sapagkat ang panahon sa lupa na sa kaniya ay ibinigay ay malapit ng magwakas.
Iba ang mga nag-aaral ng simulain ng Espiritismo, sapagkat ang kaniyang sarili ay mayroon ng nakaraang kabuhayan.. pilit niyang hinahanap ang paraan upang ipagpatuloy ang nakaraang pag-aaral. Alam niyang siya’y nagsimula sa pagiging bata, subalit pagdating ng katandaan, naroroon ang mga karunungang iniiwan ang mga gawaing bata, iniiwan ang mga salitang bata at ang ipinapasakaniyang sarili ay ang mga gawaing maghahatid sa kaniya sa mga karunungan ng buhay. Kayat dahil dito, madalas na sinasabi sa lahat at bawat isa na sa pag-aaral masusulong ang bawat isang mag-aaral, dito siya matututo hanggat di nagtitigil sa paulit-ulit na pag-aaral.
Kayat ano ang kailangan ng tao na may pag-aaral ng simulain ng Espiritismo? Tatlong bagay; Pananampalataya sa Diyos na sa kaniya ay nagbigay ng buhay, pag-asa sa kaniyang katarungan at pag-ibig.
At sa tatlong ito ay ang pag-ibig ang dakila sa lahat . Pananampalataya sa Diyos, sapagkat ang karunungan ng tao; babalik at babalik ang tao sa kaniyang pinanggalingan.. Mananalig siya, sasamba siya sa Kaniyang katarungan at pag-ibig Patungo sa Diyos sa pamamagitan ng Karunungan at pag-ibig. Hindi mawawalan ang tao ng pag-asa, sa mga sakit at pagsubok sa katawang laman, at dahil dito’y magpapatuloy ang kaniyang sarili sa walang katapusang pag-aaral.
Dahil dito’y minsan pang mauunawaan ninyo ang simulain ng Espiritismo. Babalik at babalik sa kaniyang sinimulang pag-aaral. Marami ng patotoo sa pag-aaral na ito, marami ng ibinibigay na kaparaanan kung papaano ninyo haharapin ang maraming pagsubok na ibinibigay sa sanglibutan ito. Kayat ang tao na may pananampalataya sa Diyos, hindi sa salita kundi sa pamamagitan ng mga gawa, ay makadarama na ang pag-aaral na ito ng kabutihan at kabanalan na siyang ibinibigay at siyang iniiwan sa lahat at bawat isa ang siyang magbibigay ng lakas sa inyong mga sarili upang kumawala, kumalas sa mga gawaing mali tungo sa mga gawang kabanalan. Sa pag-aaral na ito ay marami ang hindi nakakaunawa.
At ibat-ibang pananampalataya ang nasusumpungan ninyo sa kasalukuyan. Subalit huwag kayong mag-alinlangan sa inyong pag-aaral sa simulain ng Espiritismo.Maraming patotoo ang ibinibigay, kakaunti man ang inyong mga bilang ay mauunawaan ninyo ang isang nagpapakabuti at isang nagpapakabanal sapagkat ito lamang ang maghahatid sa lahat at bawat isa sa kaharian ng Ama Marami ang pananampalataya, subalit iisa ang Diyos, ibat-iba lang ang pangangatwiran, subalit sa lahat ng ito, iisa ang kaunawaan; iisa ang Diyos at ang isang mananampalataya, ang isang nananalig, sumasamba siya hindi sa labas na kaanyuan, kundi sa kaibuturan ng inyong mga puso sapagkat “ ang gawain ninyo sa kapwa ay gawain nnyo sa Diyos,” at ang gawain ninyo sa Diyos ay isang pananampalataya, isang pananalig at isang pagsamba.
Iyan ang kagandahan ng pag-aaral ng Espiritismo. Marami ang nagsasabi na “ Bakit hindi kayo dumarami?” Marami ang nagsasabi na “ kung tunay ang inyong pananampalataya, bakit hanggang ngayon ay kakaunti ang nag-aaral?” Ano ang wika sa Banal na Kasulatan? “Makipot ang daan patungo sa tunay na buhay at kakaunti ang dito’y pumapasok, subalit malawak at malapad ang daan sa kapahamakan at marami ang dito’y pumapasok” Kayat mahirap ang magpakabuti at magpakalinis sa sarili. Mahirap ang umibig sa kapwa, lalo at higit sa kaaway.
Sino ang makakaibig sa kaaway? Sa anong pag-aaral? Kayat kinakailangan ang paulit-ulit na kabuhayan sa sanglibutang ito para makaibig sa kaaway. Iyan ang Reenkarnasyon sa Simulain ng Espiritismo. Kayat kakaunti ang dito’y nag-aaral.
Kayat mga iniibig na kapatid iyan ang pag-aaral na sa inyo ay aking sinariwa, upang kayo’y magpatuloy, hindi manghina sa paulit-ulit na aralin na sa inyo ay ibinibigay. Ito lamang ang tunay na pagkakawanggawa na kailangan ng lahat at bawat isa sa inyong mga buhay. Tanggapin ninyo ang pagpapala ng Dakilang Ama at maging matibay ang inyong pagkakapatiran, ngayon at magpakailanman. Paalam…ang inyong ….
APOSTOL PABLO