Medium: Kap. Ligaya de Jesus
Enero 22, 2005
Tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng mga langit, maghari ang ganap na kapayapaan ng inyong pag-iisip, damdamin at kalooban ngayon at magpakailanman.
Gaano kalalim nakatanim sa inyong pagkatao ang katarungan, kapangyarihan at ang pagmamahal ng Dakilang Ama? Kung ganito ang kataga, ito’y upang minsan pa ay bigyan kayo ng pag-aaral upang damahin sa inyong mga pagkatao kung hanggang saan ninyo nararamdaman ang pagiging makapangyarihan, ang pagiging makatarungan at pagiging kaibigibig ng Amang nasa mga langit.
Kung papaanong nagkaroon kayo ng mga kasaganaan, ng mga biyaya, mga biyaya sa inyong kalagayan, bilang mga anak ng Diyos, bilang mga manggagawa sa malawak na bukirin ng Panginoon na taglay sa inyong mga sarili ang mga karunungan at kaalamang tinatamo ninyo buhat sa pakikipag-aaral sa kaitaasan, mga minamahal ko, mula sa mga sandaling tinanggap ninyo sa inyong mga sarili na mayroon ngang iisang Diyos na makatarungan, makapangyarihan at kaibig-ibig, katotohanang kayo nga’y magiging mga matatapat na haligi ng simulaing ito ng Espiritismo upang minsan pa’y ipakilala ninyo sa inyong mga paligid kung hanggang saan kayo dinadala ng inyong matiyagang pakikipag-aaral sa Kabatlayaan.
Ipagpatuloy ninyo ang inyong pagsasaliksik. Hindi ninyo ito pagsasawaan at pagsisisihan. Hindi kayo mga maliligaw ng landas na tatahakin, kundi manapa’y anuman ang dumating sa inyong mga buhay, anuman ang mga biyayang sa inyo’y ipinagkakaloob, ngiti at ngiti sa mga labi ang makikita sa lahat at bawat isa. Tatagan ninyo at tibayan ang inyong pananampalataya at kung ito’y inyong maisakatuparan, makadarama kayo ng ibayong kasiyahan at kaligayahan sapagkat diyan kayo inihahanda ng inyong pag-aaral.
Dahil nga dito mga minamahal ko, minsan pa’y huwag ninyong kalilimutan ang inyong mga tungkulin lalo pa nga kung kayo’y makikihalubilo sa inyong mga kapwa sapagkat naririyan ang pagkakataon upang maipaunawa ninyo ang simulain ng Espiritismo. Naririto ang pagkakataon na maipadama ninyo sa kanila ang inyong pagamamahal na siyang kailangang makita sa bawat isa. Iyan ang tubig na huhupa. Ang nag-aalab na apoy o nag-aalab na damdamin ng inyong kapwa na dahil sa kamangmangan ay nawawala sa kanilang sarili, dahil sa kakulangan ng pagkaunawa ay naliligaw ng landas at sa ganiyang pagkakataon mga minamahal ko, bilang mag-aaral ng Espiritismo, ng simulain ng pag-ibig, maipadama nawa ninyo sa kanila ang kadakilaan at kapangyarihan at katarungan, pag-ibig ng Dakilang Ama sa lahat ng Kaniyang anak.
Iyan mga minamahal ko ang nais kong maipaunawa at maipadama sa aking mga mag-aaral, upang unti-unti, banay banay na sa bawat paghakbang ng inyong mga paa at hagkis ng inyong mga pag-iisip, buka ng inyong mga labi ay umayong lahat ang mga ito ng naayon sa simulaing inyong pinag-aaralan upang unti-unti ninyong madama hindi lamang ang pagkasulong ng inyong mga sarili kundi ang buong buong daigdig na inyong pinamamayanan.
Iyan lamang mga minamahal ko ang maikling abot sabi na aking maipagkakawanggawa. Muli’y tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng mga langit ngayon at magpakailanman. Paalam,….
ARKANGHEL MIGUEL