Medium: Kap. Ligaya de Jesus
Nobiyembre 27, 2004 / 7:30 n.g.
Pagpalain kayo ng Amang nasa mga langit at maghari nawa ang ganap na kapayapaan ng inyong pag-iisip, damdamin at kalooban ngayon at magpakailanman.
Habang ang tao sa kaniyang sarili ay nagtataglay ng matibay na pananampalataya at paniniwalang mayroong isang Diyos na nagbigay ng buhay, ang buhay na iyan ay gagamitin ng lahat at bawat isa upang mangalap ng mabubuting gawain ng paglilingkod sa kaniyang kapwa, upang magkaroon ng katuparan kung bakit siya ay naririto sa buhay na sa kaniya ay ipinagkaloob ng Dakilang Ama.
Ang ating Panginoon ay nabuhay sa pananampalataya. At sa panahon ng Kaniyang pakikipamuhay, simula sa pagkabata hanggang sa pagkakaroon Niya ng gulang, namalas na sa Kaniya ang mga kilos at mga salita na may pananamplataya at pananalig sa Amang sa Kaniya ay nagbigay ng buhay.
Ganiyan din naman kayo mga minamahal na kapatid, sa sandaling mabuksan ang inyong mga kaisipan sa pagkaunawa at pagkakilala sa kapangyarihan, sa katarungan at sa pag-ibig ng Amang sa inyo’y nagbigay ng buhay, katotohanang kayo rin sa inyong mga sarili, sa taglay ninyong mga pagkaunawa at pananampalataya sa Dakilang Ama, haharapin ninyo ang mga gawaing di lamang magdudulot ng kaligayahan sa inyong mga tunay na pagkatao, kundi, iisipin ninyo, ang nalalabi pa ninyong buhay, sa pamamagitan ng inyong pananampalataya ay gagamitin ang buhay na iyan sa mga kabutihan at kabanalan na laging iniaaral sa inyo ng Kabatlayaan. Yayamang kayo nga’y nagtataglay ng mga kapaniwalaang tinamo sa pag-aaral na ito, yayamang natatanggap ninyong ang mga buhay na iyan ay mga pahiram lamang, darating at darating ang panahon, ang mga nalalaman ninyo’y kinakailangang ipalaganap ninyo nang may katalinuhan, upang pagdating ninyo sa kaharian ng Ama ay taglay ninyo ang mga magagandang gawain, ang mga kabutihan na siyang higit na kinakailangan ng inyong mga pagkatao. Timbangin man sa talaro ng timbangan, makikita ninyo ang higit na bigat ng mga kabutihan at kabanalan kaysa sa mga gawaing walang kabuluhan.
Yayamang kayo’y nagising na sa katotohanan, ano pa ang hinihintay ninyo upang magpunla ng mga mabubuting butil sa malawak na bukirin ng ating Panginoon, upang ang mga ito’y magsitubo at magsipagbunga upang pakinabangan ng inyong mga kapwa at nang makadama sila ng walang hanggang kaligayahan tulad ng tinatamo ninyo bunga ng pagsasakatuparan at pagsasagawa ng mga araling sa inyo ay ipinagkakaloob ng Kabatlayaan.
Tipunin ninyo sa inyong mga lukbutan ang mga mumunti at maliliit na aralin na sa inyo ay ipinagkakaloob, sapagkat iyan ay magiging baunan ninyo, iyan ay magiging pagkain ninyo na bubusog sa inyong mga pagkatao, dumating man sa inyo ang mga pagsubok, dumating man sa inyo ang mga tinatawag na mga salaghati sa buhay ay hindi kayo malulungkot, hindi kayo tatangis, bagkus ay ipagpapasalamat ninyo ang anumang mga biyayang ipagkakakaloob sa inyo ng Kabatlayaan.
Iyan mga minamahal ko ang munting araling sa inyo ay aking maipagkakaloob. Muli’y tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng mga langit ngayon at magpakailan man.
Ako sa inyo ay nagpapaalam, ang inyong…
Apostol Santiago