Medium: Kap. Na Ligaya de Jesus
November 4, 2020 / 5:09 pm
Tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng dakilang Ama. Magharinawa ang ganap na kapayapaan ng inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban upang ang simulain ng pag-ibig na lagi’y ninanasa ninyong maipalaganap sa apat na sulok ng daigdigang lupa ay manatili sa inyong pagkatao, ngayon at magpakailanman.
Mga minamahal na kapatid, nagagagalak ang Kabatlayaan sapagkat patuloy ang inyong mga sinimulang gawain hindi lamang ang magsaliksik, magbungkal ng lalo pang mga karunungan, kung hindi kaalinsabay ng inyong lubos na pagnanasa, ay nakahanda ang lahat at bawat isa na salungain ang lahat ng mga pagsubok, salungain ang anomang mga hadlang alang-alang sa pagkakaroon ninyo ng ganap na kapayapaan, sapagkat tanging sa ganitong kaparaanan lamang matatagpuan ninyo ang kapayapaang inyong hinahanap-hanap saan man kayo idako ng inyong mga panyapak.
Mapapalad kayo mga minamahal ko, sapagkat ang biyaya na pinagkaloob ng dakilang Ama para sa sangkatauhan ay hindi naging hadlang sa kabila ng mga palatuntunan ng bawat isang kapamahalaan, sumusunod kayo sa kanilang mga alituntunin. Hindi kayo lumalabag sa kanilang mga batas na ito nga’y ginawa ng tao upang masugpo, upang huwag kumalat, upang ang kinatatakutan ng marami na kung tawagi’y mga sigalot o mga kamatayan, wika nga ng mga tao.
At nalalaman kong sa isang mag-aaral ng simulaing ito ng Espiritismo, ang pangyayaring ito’y biyaya. Biyaya sapagkat maraming mga tao ang nabuksan ang kanilang mga pag-iisip. Maraming tao ang natawagan ang kanilang pansin upang ipagpatuloy ang kanilang mga naantalang tungkulin.
Magkagayon pa man mga minamahal ko, kulang at kulang pa rin ang mga biyaya na sa inyo ay pinagkakaloob. Subalit sa isang mag-aaral ng espiritismo, nakahanda ang inyong mga sarili na anomang biyaya, anomang pangyayari ay hindi kayo natitigatig, hindi kayo nabahahala, sapagkat naririyan ang inyong paniniwala na kayo nga’y hindi pinababayaan ng Ama na sa inyo ay nakatunghay.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung lahat ng mga tao sa kapatagan ay manghahawakan sa mga katagang – “Ang Diyos ay makapangyarihan, ang Diyos ay makatarungan, ang Diyos ay mapagmahal sa kanyang mga nilalang”. Timbang-timbangin lamang ng aking mga kapatid ang diwa na sa inyo’y aking winika ay sasainyo ang kapayapaang hinahanap-hanap ng inyong mga pagkatao habang kayo’y nakikitalad sa kapatagang lupa na ito.
Mga minamahal na kapatid, hindi lahat ng tao’y tumatanggap at nagpapasailalim sa mga karunungan ng Kaitasaan. Hindi lahat ay pareho ang mga paniniwala, subalit darating ang panahon, habang lumalawig ang mga araw, habang nagtatamasa ng mga karanasan sa buhay, kayo na mga mag-aaral, marahil ay walang hanggang ang inyong pagpapasalamat sapagkat nakilala ninyo at nahantad sa inyo ang isang katotohanan na kayo nga’y mga anak ng Diyos na pinahintulutan na makipamayan sa kapatagan upang minsan pa’y ipagpatuloy ang mga naantalang tungkulin bilang mga manggagawa sa malawak na bukirin ng Panginoon.
Magkagayon pa man mga minamahal ko, sa dinamidami ng tao sa kapatagan, sa dinamidami ng kagandahan sa kanilang mga kapaligiran ay nakakalimot ang tao, nalilibang sa kanilang mga kalagayan. Kung kaya nga mga minamahal ko, kayo na iilan sa bilang ay umaasa ang Kabatlayaan na magtitiyaga kayo at magpapakasakit. Ilalahad ninyo sa inyong mga kapaligiran lalo na doon sa mga kapos ng mga kaalaman, kapos ng mga karunugan, upang ang kanilang mga sarili ay maialinsabay sa matuling paglipas ng mga sandali, ay maialinsabay ang kanilang mga pagkatao sa pamamagitan ng kanilang pagtupad na kung hindi man lubusan, na sa pamamagitan ng unti-unting pagpapaliwanag ng Kabatlayaan ay matanim sa kanilang mga pagkatao na sila pala’y kulang at kulang sa mga kaalamang nauukol sa kabutihan at kabanalan.
Mga minamahal ko, napakaraming kaugalian ang nagsasaliw sa inyong mga kaisipan. Maraming mga kapaniwalaang, sila man sa kanilang mga sarili ay hindi nakababatid. Aalaumbaga ang ibig kong sabihin ay nadadala na lamang sila sa takbo ng panahon, nawawala na sila sa tuwid na landas ng buhay. Kaya nga minamahal ko ay dumarating ang mga pagsubok, dumarating ang pagkatok sa kanilang mga puso, pagtapik sa kanilang mga balikat na kung magka-minsa’y nagkakaroon ng kahinaan ng kanilang mga kalooban at naghahatid sa kanila sa pagkakalugmok, sa pagkakadapa. Nang dahil sa kahinaan ay hindi nila makuhang tumayo at magpatuloy sa kanilang paglakad.
Mga minamahal ko, nais ko lamang sariwain sa bawat isa sa inyo na halungkatin ninyo ang bawat himaymay ng inyong mga puso. Alisin ninyo ang mga agiw na aking sasambitin upang madama ninyo ang tunay na katotohanan, ang tunay na kaparaaanan upang kayo nga sa inyong mga sarili ay magising sa katotohanan:
Una, alisin ninyo ang pagiging makasarili.
Alisin ang labis na pagmamahal sa sarili.
Alisin ninyo ang labis mga hinampo.
Alisin ninyo ang mga bagay na inaakala ninyong hadlang, sapagkat ang tao’y nadadala pa rin ng simbuyo ng kanilang mga kalooban kung kaya nga ang mga agiw ay hindi lubusang naalis o nawawaglit sa inyong mga pagkatao.
Sunod, ang pagpapatawad.
Sa huling sandali sa buhay ng ating Mananakop o ng ating Hesukristo, sa kanyang pagkakabayubay sa krus, ano ang kanyang unang winika … “Ama ko, Ama ko, patawarin nyo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa”. Mga minamahal ko, ito’y mga katagang lagi na’y matanim sa inyong pagkatao. Sapagkat sa sandaling ang diwa ng pagpapatawad ay lumukob sa inyong mga pagkatao, katotohanang sinasabi ko, huhupa ang mga galit, huhupa ang pagiging mataas, huhupa ang labis na pagmamahal sa sarili.
Kumbaga, sa isang bilanggo, mawawala ang gapos upang sila’y tuluyang makapayagpag, makagawa nang malaya, sapagkat nakadama sila ng kapayapaan. Nakadama sila nang walang hanggang kaligayahan. Ang lahat ng nakapasan sa kanilang mga balikat ay kanilang naiwaglit, naisantabi, upang silay tuluyang makapaglakbay sa dako paroon ng kanilang mga buhay.
Nawa mga minamahal ko, sa kabila ng mga paulit-ulit na panawagan ng Kabatlayaan, ito nawa’y makapigta sa inyong mga ala-ala upang maging gabay saan man kayo idako ng inyong mga panyapak. Taglay ninyo ang tatak, ang simulain ng pag-ibig at tanging pag-ibig lamang ang siyang bubuo sa lahat at bawat isa upang ang kapayapaan ang siyang maghari lagi na.
Iyan mga minamahal ko, ang sa inyo ay aking maiiwan, magpatuloy kayo sa inyong mga gawain at kailanma’y hindi kayo pababayaan sa inyong mga ginagawang pagtupad sa inyong mga tungkulin.
Muli ay kapayapaan ang maghari lagi na…
Ang inyong protektor, Antonio de Padua.