Medium: Kap. na Sweet
February 6, 2021 / 6:35 PM
Sumainyo ang kaliwanagan, malinis at panatag na pag-iisip, damdamin at kalooban upang sa panibagong paglahok sa pag-aaral na nauukol sa espiritu ay maging ganap at matuwid kayong tumanggap ng biyaya. Kapayapaan ang manatili sa inyong lahat, ngayon at magpakailanman.
Para sa isang taong may sakit, gagawin niya ang alin mang matinong kaparaanan upang mapagaling ang kanyang karamdaman. Pupuntahan niya ang mga tanyag na manggagamot upang isangguni ang kanyang karamdaman, maibsan ang kanyang hirap. Bibilhin niya ang pinakamahal na gamot kung ito ang magiging mabisang sagot sa sakit na kanyang dinaranas. Subalit sa kabila ng mga kaparaanang ito, nararamdaman pa rin ng tao ang kirot, o sakit na nanunuot hindi lamang sa kanyang laman kung hindi sumusubok sa kanyang pananampalataya at katatagan.
Minsan nakita ng isang mananampalataya o nabasa ang maikling tagpo sa buhay ng Mananakop, na kung ito lamang ay mauulit sa makabagong panahon na ito, tiyak na siyang gagaling sa kanyang karamdaman. Minsan ang Panginoong Hesukristo ay naglalakad, pinaikutan ng maraming taong nananampalataya sa Kanya ay naramdaman Niya na nabawasan ang bisa na nasa Kanya, kaya’t tinanong Niya sa Kanyang paligid, sa Kanyang mga kasama, “Sino ang lumapit sa akin at humipo sa aking kasuotan?” Sinabi na lamang sa Kanya ng mga alagad, “Napakaraming tao po ang nasa paligid ninyo, mahirap pong tukuyin kung sino ito.” At sa hindi kalayuan ay naroon ang isang dalaga, labindalawang taon nang inaagasan, pinahihirapan ng kanyang sakit, lumapit na sa mga manggagamot, naubos na ang kanyang mga tangkilikin subali’t pinahihirapan pa rin siya ng salot na bumabalot sa kanyang katawan. Doon nabuo ang isang paniniwala, “mahawakan ko man lamang ang laylayan ng kasuotan ni Hesus ay gagaling na ako sa aking karamdaman”. Kaya’t nang maramdaman niya na natuklasan ni Hesus ang kanyang ginawa, nagpatirapa na lamang siya sa harapan ni Hesus at nagsabi, “patawarin niyo po ako sapagka’t hinipo ko ang laylayan ng inyong kasuotan sa paniniwalang gagaling ako sa masidhing karamdaman.” At sa kanya’y sinabi ni Hesus, “Dalaga, pinagaling ka ng iyong karamdaman.”
Mga kapatid ko, sa pag-aaral ng espiritismo, inuunuwa ang bawat salita, tagpo sa buhay ng Mananakop, gamit ang siyensya, gamit ang karunungan upang bakahin ang alinmang panatismo, unawain ng mayroon ng katwiran at katuturan ang mga tagpong ito upang matanggap ninyo sa inyong mga sarili na ito’y tunay na aklat ng panahon, maaaring mangyari sa kasalukuyan at sa darating pang mga buhay. Sa tagpong ito sa buhay ng Mananakop, ipinauuwa sa inyo ang ginintuang lihim na aralin na siyang tinatangkilik ng espiritismo at ng marami pang pag-aaral na natuklasan sa balat ng lupa. Nagdulot ng kaangkingan ng kabanalan ni Hesus, naroon sa Kanya ang mabisang fluido na pagmumulan ng magnetismo na kung sinoman ang Kanyang mahawakan, sinoman ang Kanyang makaniig, anoman ang Kanyang tangkilikin ay gagaling na sa karamdaman. Bawat tao ay mayroon ng sangkapin nito, bawat tao o espiritu ay mayroon ng kasangkapang ito na maaaring gamitin base na rin sa antas ng pagkasulong. Tulad baga sa isang liwanag na ilalagay sa isang sisidlan, kung ang liwanag na ito ay ganap, hindi pundido, hindi madumi, naroon ang tamang lakas na malalahok sa isang sisidlang katawang-lupa, naroon ang mabisang fluido na maaaring gamitin ng sinoman sa pagtupad ng kanyang tungkulin.
Kung ang hinahanap ninyo’y kagalingan ng inyong karamdaman, ipinauunawa sa inyo ng Kabatlayaan, dalisayin ninyo ang inyong fluido. Tanggalin ninyo ang mabababang alitigtigin. Kung nais ninyong mapanuto ang inyong kapaligiran, linisin ninyo ang inyong sisidlan upang dito’y maglagos ang napakaliwanag na pag-iisip, maliwanag at banayad na damdamin na siyang hahabi ng mabisang fluido, ng mabisang magnetismo na magpapagaling sa inyong sarili at sa taong nasa paligid ninyo. Kung nais ninyong gamitin kayo ng Kabatlayaan na maglagos sa inyong katawang-lupa o kasangkapan ang malinis na alitigtigin, ang malinis na fluido, mga kapatid ko, linisin ninyo ang inyong sarili. Tanggalin ang mga pagnanasang makalupa, bawasan ang paghatol, ang mga nasaing pangsarili’y unti-unting tanggalin sapagkat ito ang lumalason hindi lamang sa inyong sarili kung hindi lumilikha rin kayo ng mababang fluido na maaaring makalason sa inyong pamayanan.
Nagtataka kayo kung bakit sumusungit ang kalikasan, kung bakit parang nabubuhay ang lupa at naaalog, kung bakit nagdidilim ang paligid, mga kapatid ko, tanungin ninyo ang inyong sarili. Kapain ninyo ang fluido na nagmumula sa inyo, ito ba ay kaaya-aya para sa paligid? Ito ba ay kaaya-aya para sa inyong sarili? Ito ba ay magiging kapakipakinabang sa inyong mga kapwa, sa mga kapiligiran, sa kalikasan na bumabalot sa inyong paligid? Mga minamahal ko, kung nararamdaman ninyong nagsusungit ang kalikasan, tanungin ninyo, kapain ninyo ang inyong sarili, ano ang ginagawa ko na siyang sumasalamin sa mga bagay na nasa labas ko?
Kapag ang babae’y inaagasan, tanggap ng ibang pananampalataya, marumi ito sapagka’t dumadaloy ang pag-aaksaya ng dugo. Marami ang naniniwala dito, subalit sa diwa ng pag-aaral ng espiritismo, hinihiling sa inyo, kung nais ninyong tanggapin ang mabisang fluidong nagmula kay Hesus, linisin ninyo ang inyong sarili. Tanggalin ninyo ang alinmang kalalabisan, tanggalin ninyo ang alinmang pag-aaksaya hindi lamang ng panahon o lakas, kung hindi, kislot ng pag-iisip. Minsan ay pag-aaksaya rin ito dahil nag-aalala kayo sa mga bagay na pangkapatagan lamang gayong sinabi na ni Hesus, “Bago pa man ninyo sabihin kung ano ang inyong kahilingan, alam na ito ng Diyos.” Gayong binigyan na kayo ng pag-asa, “sinomang maghahanap, makasusumpong, sinomang kakatok, pagbubuksan”, subalit ang tao, sa dami ng kaguluhan sa kanyang pag-iisip, sa dami ng bigat ng pag-aalala sa kanyang kalooban, binabago niya ang kanyang pagpapahalaga sapagka’t para sa kanyang sarili, nasesentro lamang ang buhay o pumapagitna lamang ang buhay sa pangmateryal o panandalian lamang.
Kaya’t magpakatalino kayo, linisin ninyo ang inyong pag-iisip, damdamin at kalooban upang maramdaman ninyo ang biyaya na nagmumula kay Hesus, ang subaybay na nagmumula sa Kabatlayaan, ang pagmamahal na nagmumula sa mga espiritung nauna na sa inyo na nandiyan lamang sa inyong kapaligiran at gumagalaw sa daigdigan ng mga espiritung malapit sa inyo.
At tanging sa kaparaanang ito, gagaling kayo sa inyong karamdaman, sapagka’t nahipo ninyo ang fluido ni Hesus, ang lakas, ang magnetismong nagmumula sa daigdigan ng mga espiritu patungo sa inyo na walang sawang sumusubaybay at kumakalinga.
Hinahanap ninyo si Hesus, ang pagkalinga ng Diyos, subalit sa Kanyang aralin, ipinaunawa Niya, ang Diyos ay nasa inyo, kawangis Ninyo Siya na pilit inilayo sa inyo ng iba’t ibang uri ng pananampalataya upang sila’y maging tagapamagitan, upang sila’y pahalagahan, subali’t sa katotohanan, nasa inyo si Hesus, nasa inyo ang pagpapala, nasa inyo ang subaybay. Damhin lamang ninyo ito, ang tinuturan ng inyong mga puso. Isaayos lamang ninyo ang inyong pag-unawa at pagpapahalaga, ang inyong pagtunghay sa mga bagay-bagay na nagaganap sa inyong kapaligiran at sa pamamagitan nito, umaayos ang inyong pang-unawa, mababawasan ang pag-aalala at magpapaubaya kayo na magpagamit sa kalooban ng Diyos, sa fluido na nagmumula sa Kabatlayaan upang makapagpagaling din kayo ng karamdamang pang-espirituwal, pisikal o moral ng inyong pamayanan.
Marami kayong magagawa mga kapatid ko, damhin lamang ninyo na mayroon kayo ng kasangkapan, mayroon kayo ng lakas, mayroon kayo ng kalasag o sandata, nagmumula ito sa malinis na pag-iisip, damdamin at kalooban. Magpaubaya kayo na magpagamit sa Kabatlayaan, sa malilinis na Tagasubaybay na nag-aabang sa inyo, patahimikin ninyo ang inyong mga pag-iisip, pigilan ninyo ang inyong mga dila at maging panatag ang inyong kalooban. Sapagkat, agham na rin ang nagtuturo, karamihan ng sakit ay nagmumula sa pag-aalala at pagkabalisa ng tao.
Gamitin ninyo ang mga araling ito upang sa gayon maging malusog kayo sa pang-espirituwal at pangpisikal man.
Ito lamang ang sa inyo ay bahagi ko. At kung papaanong hinipo ni Magdalena ang damit ni Hesus, hawakan din ninyo at hipuin, salatin sa kaibuturan ng inyong puso, nariyan sa inyong mga budhi ang tunay na kawangis ni Hesus, ang tunay na kawangis ng Ama at bilang kapatid Niya at anak ng nag-iisang Diyos, dalisayin ninyo ang inyong pagkatao upang masumpungan ninyo ang inyong tunay na pagiging anak at tunay na pagiging kapatid ni Kristo.
Paalam sa inyong lahat, muli’y damhin ninyo ang subaybay, pagmahahal at pagkalinga ng Kabatlayaan na ang distansya ninyo sa kanila, distansya ninyo sa mga nagmamahal at tumatangkilik na espiritu ay isang kislot ng pag-iisip, dalanging nagmula sa malinis na puso. Katahimikan nawa ang manatili sa inyo, upang magpaubaya kayo sa kalooban ng Ama.
Paalam, ang inyong kapatid na nagmamahal sa pagka-espiritu at katotohanan … Florencio dela Cruz.