Medium: Kap. na Ligaya
January 23, 2021 / 5:07
Magalak kayo sa bawat pagkakataon na kayo ay nakikisalo sa hapag ng Panginoon at nawa’y lalo pa ninyong ipagpatuloy ang mga ganitong gawain sapagka’t ito’y hindi ninyo pagsisisihan bagkus hahanap-hanapin ninyo’t kaiinipan ang mga ganitong pagkakataon. Maghari nawa ang ganap na kapayapaan ng inyong pag-iisip, damdamin at kalooban ngayon at sa bawat sandali.
Patuloy ang pagpapahamog, ang pagkakaloob sa inyo ng mga pagkaing pangangailangan ng inyong pagkatao at sa ganitong kalagayan aking mga minamahal, wala halos paglagyan sa kagalakan ang inyong mga tunay na pagkatao. Sapagkat damang-dama ninyo na kayo nga’y bumubulaos at lumalandas sa matuwid na landas ng buhay upang kay pala’y tamuhin ninyo ang walang hanggang kaligayahang ipinangako ng Dakilang Ama nang dahil na rin sa pagsasakatuparan, sa pagsasagawa ng inyong natututuhan sa pagtuturo ng Kabatlayaan.
Mga minamahal ko, bagaman paulit-ulit ang panawagan ng Kabatlayaan, katulad ito ng mga musika na umaaliw at nagbibigay ng kasiyahan upang kayo sa inyong pakikitalad ay makita ninyong katotohanan pa lang hindi kayo pinababayaan.
Mga minamahal ko, kayo nga ay mga pintor na nagsasagawa ng mga obra maestra, na ito nga ay magdudulot ng kaligayahan sa sinomang makatunghay nang larawang inyong iginuguhit. Kinakailangang magkaroon ng mga kulay na magbibigay ng hustong kalinawan. Kumbaga man, katulad halimbawa ng isang ulap, nang dahil sa katagalan nagkakaroon ito ng maitim o bughaw na kulay, na ito nga ay nagbabadya kung sa dapit hapo’y sasapit na ang gabi sa inyong buhay o dili kaya’y bababala upang ang isang malakas na ulan ay ipagkaloob ng kalikasan upang madilig ang mga lupang tigang na kinatatamnan ng mga butil ng palay.
At sa isang banda, kung titignan ninyo ang kalangitan, lalo na nga kung dumating ang tinatawag na gabi o dilim, makikita ninyo ang mga maluningning na mga bituwin, tila baga mga ilaw dagitab na nagbibigay din naman ng kasiyahan sa inyong mga mata na nakatunghay. Ganyan din naman ang buhay ng tao na hindi sa lahat ng sandali ay laging maliwanag. Dumarating ang mga pagsubok, dumarating ang mga kahinaan na kung magkaminsa’y humahantong sa kawalan ng pananalig at humahantong sa banig ng kamangmangan.
Dahil nga rito mga minamahal ko, nais ko lamang sariwain sa bawat isang mag-aaral, kumbagaman ang buhay ng tao’y parang gulong, gumugulong, umiinog, minsan ang ibabaw ay napapailalim, hanggang sa tuloy-tuloy ang mga pangyayari na kayo man sa inyong mga sarili ay batid na ninyo na ang mabuhay sa kapatagan ay sadyang masalimuot, sadyang kaakibat ang mga pagsubok sapagkat ito ang siyang magpapadalisay, siyang magbibigay ng aral upang sa bawat paghakbang ng inyong mga paa ay nakasisiguro kayong hindi kayo madadapa, hindi kayo malilisat, sapagkat nandiyan ang isang pag-iingat na pangkaraniwang isinasakatuparan ng isang matalinong mag-aaral upang maabot niya ang tagumpay.
Mga minamahal ko, halungkatin ninyo ang inyong mga pagkatao. Alisin ninyo ang mga ugaliing pumipigil, nagiging sagabal upang sa inyong paglalakad ay maging tuloy-tuloy ang inyong mga paglalakbay, tuloy-tuloy ang inyong mga pagtupad ng inyong mga tungkulin na naririyan ang matapat na pagnanasa na maisasakatuparan ninyo ang mga tungkuling nakaatang sa inyong mga balikat. Marahil sasabihin ninyong iyon din ang sinasabi ng Kabatlayaan, patunay na sapagkat ang tao’y hindi hawak lagi na ang kanyang sarili. Naririyan ang mga pagsubok, nariyan na nga ang mga kahinaan.
Kung kaya nga minamahal ko, kung natatalos din lamang ninyo ang mga kahinaang gumigiyagis sa inyong mga pagkatao ay siya palang malaking dahilan upang maatim ninyo kawagasan. Magpakasakit kayong iwaglit ang mga bagay na nagpapaantala, iwaglit ang mga ugaliing hindi maganda.
At kayo na rin sa inyong mga sarili ang makadarama sa abot ng inyong makakaya’y kalakip ang kahilingan sa Dakilang Ama na bigyan kayo ng tibay ng pananampalataya. Katotohanang unti-unti, mahuhubad ang maruruming kasuotan upang humantad ang isang kalinisan.
Magagawa ninyo ito mga minamahal ko, lalo pa kayong mayroon na ng dalawang kulay ng buhok.
At sa taglay ninyong mga karanasan sa buhay, katotohanang hindi na ninyo ipagkakaila na anomang balakid o sibat na nakaumang sa inyong daraana’y kayang-kaya ninyong salagin nang mayroon ng mga ngiti sa mga labi. Patunay na kayo nga’y tunay na mag-aaral at mayroon kayo ng matibay na pananampalataya sa Dakilang Ama na sa inyo ay nagbigay ng buhay.
Magalak kayo sa ganitong pagkakataon, sapagka’t ang Kabatlayaa’y hindi nagsasawa na dulutan kayo ng mga pagkain, pagkalooban kayo ng mga aralin, pangangailangan, upang maging sa pang-araw-araw na buhay ay puwede ninyong ilapit, taglayin ng inyong mga pagkatao upang hindi kayo mabigo sa magagandang pangarapin ng inyong mga pagkatao.
Ipagpatuloy ninyo mga minamahal ko at hinding-hindi ninyo pagsisisihan bagkus pananabikan pa ninyo. At walang hanggang pasasalamat, sapagkat nakilala ninyo ang mga katotohanang siyang magpapalaya sa kamangmangang gumigiyalis sa bawat pagkatao ng isang nilikhang bukas sa mga bagay ng daigdigang ito.
At nakahandang magpakasakit alang-alang sa pagkasulong, alang-alang sa pagkakaroon ninyo ng lalo pang kaligayahan pagdating ng araw.
Yan mga minamahal ko ang maikling abot sabi na aking maipagkakaloob. Limiin ninyo at pag-aralan, mga payak na pangugusap at ito’y batid ng Kabatlayaan na mga suhestiyon o mga agapay habang kayo ay naglalakbay sa dako paroon ng buhay.
Muli ay tanggapin ninyo ang mga pagpapala ng mga Langit, mabigkis kayo lagi na sa ganap na pagkakaisa, magpatawaran sa mga pagkukulang, sa bawat kahinaan ng inyong mga kapwa at ang pag-ibig, kalakip ang karunungan ang siya nawang maghari ngayon at magpakailanman.
Paalam, ang inyong protektor … Antonio de Padua