Ang Diwa Ng Nawawalang Tupa At Nawawalang Pilak

Medium: Kap. na Sweet
January 16, 2021 / 6:27 PM

Sumainyo ang kapayapaan, pag-iibigan, tunay na pagkakapatiran at pagkakaisa na sariwain ang aral ng Kabatlayaan bilang pagpapahalaga sa kapakanan ng inyong mga espiritu. Kaliwanagan nawa ang maghari sa inyo ngayon at sa lahat ng sandali.

Nabasa ng isang mag-aaaral ang talinhaga ni Hesus ukol sa nawawalang tupa na iniwan ang siyamnapu’t-siyam upang hanapin ang isang nawala, at nang matagpuan ay pinasan niya ito sa kanyang balikat. Tuwang tuwa na umuwi sa kanyang tahanan, tinawag ang kanyang mga kaibigan, kapitbahay at mga mahal sa buhay at ipinagdiwang ang pagbabalik sa nawalang tupa. Gayun din naman ang ukol sa sampung pirasong pilak na nawala ng isang dalaga na pilit siyang nagsindi ng ilawan, nilinis ang buong kabahayan, ginawa ang lahat ng nararapat makita lamang niya ang isang pirasong nawalang pilak.  At nang makita niya, naroon ang kaligayahan, nag-uumapaw ang tuwa, tinawag ang kanyang mga mahal sa buhay, kaibigan at kapitbahay upang ipagdiwang na natagpuan niya ang kanyang mahal na pilak.

Ang isang mag-aaaral ay nagpupursige na hanapin ang nawalang tupa sapagka’t bilang isang mananampalataya, nais niyang maging pastol katulad ng Mananakop. Nais niyang tipunin ang kanyang mga inaalagaan tulad ng responsableng haligi ng tahanan, subalit habang tinutupad niya ang pagiging isang matuwid at butihing pastol, naramdaman niya ang bigat ng isang tungkulin. Napaso, nahilo, nalasing, nanghina, sapagka’t napakahirap palang tuparin ng isang pastol sa gitna ng masasamang alitigtigin, makalamang lugatiin na naghahari sa kanyang kapiligiran.

Nalaman niyang mahirap kontrahin, balikwasin ang nakagisnang kaugalian ng tao. Ito ba ang tungkulin ng isang pastol, ang mapaso, mapagod sa pag-akay, paghanap sa mga naligaw na ayaw namang tumupad ng kanilang tungkulin na tila baga nalalasing pa sa ganda’t alindog ng sanlibutan?

Mga kapatid ko, ayaw ng Kabatlayaan na kayo ay manghina. Nais Niyang maghari ang kapanatagan ng kalooban sapagka’t nauunawaang nakakapagod ang mabuhay sa daigdigan ng luha at hinagpis. Kaya’t dahil dito, ang simulain ng espiritismo ay nag-aanyaya sa bawat isa na gamitin ang karunungan at pag-ibig, gunitain ang pilosopiya ng espiritismo na reinkarnasyon at  muli’t muling pakikipamuhay na ang lahat ay magaganap ayon sa inyong nakaraan. Lahat ay mayroong kanya-kanyang papel at tuparin.

At bilang pagpapalawig upang mapagaan ninyo ang pagiging pastol at pagtupad ng tungkulin, unawain ninyo na ang lahat ay magaganap base na rin sa inyong nakaraan. Na ang nawawala sa tao ay ang pang-unawa, pag-aaaral, pagsasaliksik, pagtuklas.

Nang kayo ay isilang, ilan lamang ang nakakatuklas na kayo ay matandang espiritu, may kanya-kanyang nakaraan, may gulang. Hindi kayo bagong likhang espiritu na nilikha ng Diyos. Kayo ay mayroon ng nakaraan, gumamit lamang ng isang bago o birhen na katawang lupa upang makibaka sa daigdigang ito, hanapin ang kanyang pagbabago, hanapin ang kanyang ikasusulong, hanapin ang kanyang ikapapanuto.

Bakit ganoon? Niloob ng Ama at tinatawag ngang biyaya na malimutan mo ang iyong nakaraan na tila ba naging sagwil upang tanggapin ng isang nilikha ang pilosopiya ng espiritismo.

Mga kapatid ko, minarapat ng kapalarang malimutan mo ito sapagkat binigyan kayo ng panibagong simula, panibagong buhay upang hindi lamang manatili sa nakaraang mayroon ng pagkakamali. Subalit hindi ito nangangahulugan na wala ng reinkarnasyon. Ang mga nagaganap sa inyo sa kasalukuyan ay bunga ng inyong mga nakaraan. Ang inyong mga nakasasalamuha na mayroon ng kagaangan ng loob ay mga nakasalamuha na ninyo noon pa. At ang mga nakikita ninyo na nabibigatan kayo ay mga kakapatid na naging sagwil sa inyo sa nakaraan.

Ito ay nagpapahiwatig lamang sa inyo na ang kinakailangan lamang ay magpakatalino kayo na uriin ang sariling buhay, alamin, tuklasin, hanapin ang nawawalang tupa. Isang pag-aaaral na magpapagaang sa inyo ng mga dalahin sa kasalukuyan.

Mabigat ang nawawalang ito, na nang ipasan ng pastol sa kanyang balikat, naramdaman niya ang diin ng kanyang kamangmangan. Naramdaman niya ang diin ng kanyang pagkukulang at pagkakasalang ginawa niya noong siya’y paslit pa. Subalit ang pag-aaral ay nagpapagaan sa kanya na tanggapin ito, buhayin ito sapagka’t ito ang tanging kaparaanan na magpapagaang sa kanyang buhay. Ang pagsubok na darating, ang sigalot at kalamidad na susubok sa inyong katatagan, lahat ito’y bahagi ng inyong nakaraan na kinakailangang unawain, tuwirin at pagbayaran.

Kapag ito ang matatanggap ng isang mag-aaral, mapapagaang ninyo ang inyong buhay, mauunawaan mo kung bakit ka nagkakaramdam, kung bakit ang iyong kapatid ay nagpapahirap sa iyo, kung bakit naguguluhan ang pamayanan, kung bakit natatakot at para bang dinadala ka ng takot ng iyong kapatid, sapagka’t mayroon ng pag-aaral na pang-espirituwal, pang-espiritu na sumasagot sa alin mang kaguluhan, kakumbakitan, katanungan ng tao … “bakit nagaganap ito?”

Kaya’t kung naroon ang matinong pagpapahalaga, sisindihan ng isang dalaga ang ilawan, lilinisin niya ang kanyang kapaligiran, aayusin niya ang kanyang pagpapahalaga, hanapin lamang ang nawawalang isang pirasong pilak na susi sa pagkaunawa. Susi upang maunawaan niya at mapagaang ang buhay. Maliit na pananampalataya at pag-aaral na kung maitatanim sa lupa ay yayabong, magbibigay ng pugad sa napapagod na ibon.

Ito ang tunay na kahulugan ng nawawalang tupa. Ito ang tunay na kahulugan ng nawawalang pilak ng isang dalaga. Gamitin ninyo ang karunungan at pag-ibig, ang isang sandigan ng espiritismo upang hindi kayo mapapagod, upang mapaso man kayo, mahilo ay madali kayong makababalik sa tunay na pagkakatayo, sa matatag na pagkakatayo at magiging bago kayong mag-aaral tuwina sa kabila ng maraming kapaguran, pagkalito, pagkalasing, pagpapahina, pagsubok na nagaganap sa inyong kapaligiran.

Isipin lamang ninyo na kung lahat nawa ng tao ay nakatatanggap ng ganitong simulain, sana’y walang digmaan, sana’y walang sigalot, sana’y walang pakikipagtalo, subalit ito’y pinapahintulot pa rin ng Ama bilang bahagi ng paksang aralin ng espirituwal na dapat unawain, magampanan, maipasa ng may gulang na espiritung bumalik sa kapatagan ng lupa.

Ito lamang ang sa inyo’y bahagi ko. Muli ang kapayapaan. Magpakatalino kayong pastol na hahanapin ang mga alagataing pang-espirituwal at kapag natagpuan na ninyo ito, ipinangako ni Hesus na ang lahat ay magiging karagdagan na lamang. Ito ang tunay na “manna” na bumaba sa langit na ang nag-ipon ay nangabulok, subalit ang patuloy na tutupad nang walang takot ay patuloy na papakainin ng tinapay pang-espirituwal.

Paalam, ang inyong protektor… Antonio de Padua.