Medium: Kap. na Robit
January 16, 2021 / 6:12 PM
Tanggapin ninyo ang pagpapapala. Magalak nawa ang bawat isa sa dakilang sandaling ito, sapagkat pinupuno ang inyong kalagayan ng mga araling magbibigay liwanag, kapayapaan, kagalakan ng inyong mga pagkatao, ngayon at sa lahat ng sandali.
Hindi kaila sa bawat isa ang kalagayan ng tao sa daigdigang ito. Mayroong nagigising sa umaga subalit hindi na siya nakatatayo. Mayroon ding nag-aaral subalit hindi niya naiuuwi ang mga araling kanyang mga natututunan. Mayroon ding sumasamba sa Diyos, nagdarasal, subalit hindi pa rin natutuwid ang landas ng kanyang pamumuhay. At mayroon ding naghahanap ngunit hindi niya natatagpuan ang hangad ng kanyang puso at isipan.
At kung inyong pag-aaralan, maraming sandali ang lumilipas, maraming mga pagkakataon o oportunidad ang dumarating sa inyong mga kalagayan subalit hindi ninyo natatamo ang inyong mga naisin. Hindi kayo nakadarama ng kapanatagan o kakontentuhan sa inyong mga kalagayan.
Kung sasabihin sa iyo ng Panginoong Hesus, “Halika, sumunod ka sa akin”, gagawin mo ba ang mga ginawa ng mga mangingisda? Iiwan mo ba ang lambat, ang iyong mga kasama upang sumunod sa panawagan ng Panginoong Hesus?
Maraming beses o pagkakataon na tinatawag ang tao sa kanyang tungkulin, subalit pagkaminsan o kadalasan ito’y hindi ninyo nararamdaman, hindi ninyo marahil naririnig dahil sa maraming kadahilanan. Marami ang nagsasabing “ako’y abala, hindi sapat ang panahon na mayroon ako, marami akong gawain” at marahil sinasabi ding… “hindi sapat ang aking kakayanan sa tungkuling ito”. Mayroon ding nagsasabi, “hindi ako karapatdapat, kulang ang aking kaalaman, wala akong sapat na talento, wala akong sapat na kakayanan upang gawin ang tungkulin na inaatang sa akin.” “Mayroon akong hanapbuhay, mayroon akong mga mahal sa buhay na kinakailangan ng aking kalinga.”
Maraming mga kadahilanan, subalit sino ang makapagsasabi na sapat ang mga kadahilanang ito upang ikaw ay hindi tumugon? Nalalaman mo ba ang mga benepisyo? Nalalaman mo ba ang mga biyayang kalakip ng iyong pagtugon, ng iyong pagsunod sa tawag ng Panginoon? At nalalaman mo rin ba ang mga pangyayaring idudulot ng iyong pagtanggi, ng iyong pagtalikod, ng pagsasabi mo ng hindi, ng pagsasabi mo na hindi ka pa karapatdapat o hindi ka pa handa?
Kung kayat mga minamahal na mag-aaral, lagi ninyong suriin ang inyong mga sarili.
Mabilis ang paglipas ng panahon at kung inyong titingnan ang inyong mga sarili ay marahil ay mayroon kayo ng mga panghihinayang sa mga nakaraang panahon na hindi ninyo magawa sapagkat mayroon ng pag-aalinlangan, mayroon ng takot, mayroon ng mga hadlang na kung saan, kung ang lahat ng ito’y inyong ipagkakaloob, ipagkakatiwala sa Ama ay unti-unting mapaparam ang mga pag-aalinlangan, ang takot, aalisin ang mga hadlang sapagka’t katotohanan na ang sinoman na tumutupad ng kanyang tungkulin ay hindi pababayaan bagkus ay ipagkakaloob ang subaybay upang maganap ang tungkulin na kanyang sinumpaan.
Kung kaya’t aking mga minamahal na mga mag-aaral, nawa’y matutunan ninyo ang aralin na kung kayo ay tatawagin ay bibitawan ninyo ang mga hadlang at agad-agad na kayo ay susunod, tutugon sapagka’t nalalaman ninyo sa inyong mga sarili na sa dako paroon ng buhay kayo’y nagmula sa Ama at sa kanya rin babalik sa takdang panahon ng inyong buhay.
Kung kaya’t aking mga minamahal na mga mag-aaral, lagi kayong magsuri. Panindigan ang mga mabubuting hangarin at layunin sa buhay na ito, hingin ninyo ang gabay ng Kaitaasan upang mapaglabanan ang mga kahinaang taglay ng inyong mga pagkatao. Alisin ang takot, ang mga pangamba, ang mga pag-aalinlangan at nawa’y magkaroon kayo ng tunay na pagtitiwala, paniniwalang hindi kayo pababayaan ng Kaitaasan.
Ito lamang ang bahagi ng pag-aaral na sa inyo’y aking maibabahagi. At tunay nawa na ang lahat ay magkaroon ng lakas ng loob, ng sapat na kaisipan upang panindigan ang mga araling sa inyo’y ibinababa ng Kaitaasan.
Muli, tanggapin ninyo ang pagpapala. Manatili sa bawat isa ang kasiglahan, ang liwanag na dulot ng pag-aaral, ngayon at sa lahat ng sandali.
Ang inyong patnubay… Mateo.