Paano Makakapagkawanggawa Ang Nasa Banig Ng Karamdaman?

Medium: Kap. na Gigi
January 16, 2021 / 5:40 PM

Sumainyo ang pagpapala ng Kaitaasan at nawa’y maghari ang pag-iibigan, ang malawak na pang-unawa na nagaganap sa inyong mga buhay. Magbibigay ng kalakasan ng kalooban, kalakasan ng pag-asa sa inyong mga kapwa. Kapayapaan, ngayon at hanggang sa wakas.

Ayaw ng tao na mapag-uusapan ang nauukol sa salitang kamatayan. Pilit itong kinalilimutan sa pang-araw-araw na buhay na binabagtas ng bawat mga tao. Subalit walang sinoman ang makaliligtas sa pagsapit ng kamatayan. Walang sinomang makatatakas sa pagsapit ng takdang panahon na iiwan ng inyong mga tunay na ako ang bawat ninyong mga katawang laman. Kamatayang sasapit at sasapit sa hindi inaasahang panahon, sa hindi inaasahang oras, pagdating ng isang panauhing babawi sa bawat hiram na buhay. Kamatayang katulad ng paghahanda ng isang taong nakikitalad sa kapatagang ito ng mga hugis ng kanyang kinabukasan ay kinakailangang laging paghandaan ng isang tao ang pagsapit ng kanyang wakas o ng isang kamatayang  dadating sa buhay ng bawat isang kalagayan.

Maraming kaparaanan ang Diyos upang bawiin Niya ang buhay na pinahiram. Maaring ang ikamatay niya’y ang pagdating ng mga kalamidad tulad ng paglindol, tulad ng pagsabog ng mga bulkan, tulad ng mga baha, ng bagyo. Mga kadahilanan ding dumadating ang isang kamatayan sa pamamagitan ng aksidente at dumarating din ang kamatayan kung minsan ang tao ay matutulog subalit hindi na magigising. Subalit ang kalimitang dahilan ng kamatayan ng tao ay ang pagkakaroon ng isang malubhang karamdaman. At itong dahilan o sanhi ng kamatayan ng tao ang masasabi na pinakamainam na kadahilanan upang isauli ng tao ang kanyang hiram na buhay. Bakit ko nasabi mga iniibig na kapatid na ito ang pinakamabuti at pinakamainam na dahilan upang ang tao ay magkaroon ng kadahilanan, upang ang tao ay mamatay sa pamamagitan at sanhi ng isang karamdaman, sapagka’t mga iniibig na kapatid, kung ang tao ay may malubhang karamdamdam, ang nasa isip ng tao ay darating ang isang panahon, ang isang oras na lilisanin ng kanyang espiritu ang kanyang katawang laman. Darating ang isang takdang panahon ng kamatayan dahil nga mayroon ng malubhang karamdaman. At sa pamamagitan ng malubhang karamdaman na ito’y nagkakaroon pa ng pagkakataon ang tao na pagsisihan ang kanyang pagkakasala. Nagkakaroon pa ng pagkakataon na magnilay-nilay, suriin ang kanyang naging buhay sa nakaraang pangyayari sa pangkasalukuyang yugto ng kanyang buhay. Magkakaroon pa ng paghahanda upang mapagsisihan ang mga pagkakasala sapagkat nababatid ng tao, ng isang may malubhang karamdaman na darating ang isang panahon na siya ay babawian ng buhay. 

Kung ating mamalasin ang isang kapatid na naroon sa banig ng karamdaman, na kung saan nananatiling nakahiga, hindi na halos maikampay ang mga bisig, hindi na nagagamit ang mga panyapak upang ikilos ang mga sangkapin ng kanyang katawang laman ay makadarama ka ng kalungkutan kapag ito ay iyong nasisilayan. Makadarama ka ng pagkahabag at mayroon ding mga nag-iisip na mga tao na ano pa nga ba ang halaga ng buhay kung nanatili lamang sa higaan, sa banig ng karamdaman, aanhin pa ang buhay kung wala ng nagagawa ang isang taong naroroon na isang kalagayan na hindi na niya maikilos ang lahat ng sangkapin ng kanyang katawang laman, higit ng kanyang kamay at mga panyapak. Subalit mga iniibig na kapatid, sinasabing nararapat na maabot ng tao ang hangganan ng kanyang buhay, mga oras, minuto, segundo, kinakailangan magamit ng tao ang takdang panahon na buhay sa kaniya’y pinagkaloob ng Diyos.

Kung mamalasin ng tao, ng kanyang paninigin, ang isang kapatid na naroroon sa gitna ng kahirapan, kirot ng laman, sa banig ng karamdaman, nakadarama ng kalungkutan, subalit kung iisipin ng tao na ang karamdaman o hirap na dinadanas ng isang kapatid ay bahagi lamang ng pagbabayad ng kanyang mga pagkakasala. Na ang paghihirap ng isang kapatid sa banig ng karamdaman ay mabuti upang siya’y makapagbayad ng kanyang mga pagkakasala. At sa mga kapatid naman na naroroon sa banig ng karamdaman na halos hindi na makakilos, makagalaw, naroroon na lamang, nanatiling nakahiga, hindi kadahilanan o hindi ito isang hadlang upang hindi makapagpatuloy ng kanyang mga gawain na nauukol sa kabutihan at kabanalan. Kaya’t gaano man kahirap ang dinaranas ng isang kapatid, hindi man niya maikampay ang kanyang mga bisig o maihakbang ang kanyang mga panyapak, mahalaga pa rin ang buhay, ang nalalabing oras, nalalabing panahon para sa isang taong may malubhang karamdaman.

Mga iniibig na kapatid, sinasabi ngang paghahandaan ng tao ang kamatayan sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at kabanalan, subalit kung ang isang tao o kapatid ay naroroon nga sa banig ng karamdaman kung saan sa pag-iisip ng kanyang kapwa ay wala ng halaga ang buhay sapagkat naroroon na lamang sa isang kalagayang nahihirapan sa kirot ng laman, mga iniibig na kapatid, kinakailangang maabot ng tao ang hangganan ng kanyang buhay, at hindi nangangahulugan na kung ang tao ay hindi na naikikilos ang kanyang bisig, hindi na naihahakbang ang kanyang panyapak upang siya ay hindi makagawa ng mga kabutihan. Patuloy na ang tao ay mag-iipon ng mga kabutihan upang kanyang paghandaan ang pagsapit ng kanyang takdang panahon. Papaano nga ba mga iniibig na kapatid, paano nga ba maipagpapatuloy ng isang may malubhang karamdaman na makagawa pa ng mga mabubuting bagay, makagawa pa ng mga magagandang bagay na magiging ipon niya sa kanyang lukbutan upang magkaroon ng kagaangan ang kanyang paglalakbay sa dako paroon ng buhay?

Mga iniibig na kapatid, mahina man ang katawang laman, mahina man ang mga bisig, mahina man ang panyapak at panay ang kirot ng laman, subalit malinaw ang kaisipan ng tao. Ang kaisipan ng tao ay makapangyarihan. Maaari mo pang gamitin ang iyong pag-iisip sa paggawa ng kabutihan. Papaano mga iniibig na kapatid makikipag-abot diwa ang iyong pag-iisip na mas mauunawaan ng tao sa ingles na tinatawag na “mental telepathy” na ang ibig sabihin ay maaari mong maipahatid sa tao ang nilalaman ng iyong kaisipan, ang nilalaman ng iyong puso, sa pamamagitan ng iyong pag-iisip. At ano ang ipapaabot mo sa iyong kapwa? Ang mga aral na iyong natutuhan sa mahabang panahon ng iyong pakikipag-aral dito sa loob ng lunduyan bilang isang mag-aaral. Subalit  kung ang isang tao ay hindi mag-aral ay maaari mo pa rin ipaabot sa pamamagitan ng isip ang mga gawain ng kabutihan sa abot ng kanyang kaaalaman. At mga iniibig na kapatid, maari pa ring magkawanggawa ang isang nasa banig ng karamdaman sa pamamagitan ng kanyang mga dasal, ng kanyang pakikipag-usap sa Dakilang Ama ng ukol at para sa kanyang  mga kapwa. 

Kaya hindi hadlang sa isang may malubhang karamdaman na hindi na makakilos at makagalaw, maaari ka pa ring magisisi ng iyong mga pagkakasala, maaari ka pa ring makapagpatuloy ng iyong mga tungkulin, maaari ka pa ring makapag-ipon ng mabubuting gawa upang magkaroon ka ng kagaangan sa paglisan mo sa daigdigang ito ng mga hugis.

Kaya mga iniibig na kapatid, malungkot man na pagmasdan ang isang mahal sa buhay na naroroon, nakaratay sa banig ng karamdaman, subalit kinakailangan niyang pagtiisan, hanggang sa kahuli-huliang segundo ng kanyang buhay ang karadamang tinataglay sapagkat sa pamamagitan nito, ang kapatid ay nakababayad ng kanyang mga pagkakasala. Kaya mga iniibig na kapatid, mahalaga ang buhay. 

Kung sa inyong pangmalas at sa pakiramdam ay wala ng halaga ang buhay ng isang nakaratay at hindi na nakakakilos, napakahalaga… napakahalaga na maabot ng isang tao ang hangganan ng kanyang buhay at hindi hadlang ang kalayagang ito upang ang isang kapatid na may karamdaman ay hindi makapagpatuloy ng kanyang pag-iipon, pag-iimpok ng mga gawang kabutihan. Maaari niyang gamitin ang kapangyarihan ng kanyang kaisipan. Maaari niyang ipanalangin ang kanyang kapwa sa Dakilang Ama.

Kaya’t nasabi ko noong una na mainam na sanhi o kadahilanan ng kamatayan ang pagkakaroon ng isang karamdaman bagamat nakakalungkot na ang isang tao ay may karamdaman sapagkat ito ay nangangahulugan na ang taong ito ay maraming pagkakasala, pagkakamali at pagkukulang sa kanyang buhay, sa kanyang kapwa. Kaya nga mga iniibig na kapatid, hindi dapat katakutan ng tao ang kamatayan kundi bagkus ito ay nararapat na paghandaan.

Pansinin  natin mga iniibig na kapatid, bakit matatakot ang tao sa kamatayan samantalang sa mga panahon ng ang tao ay natutulog, ang tao ay namamatay? Bakit ko nasabi mga iniibig na kapatid, na sa bawat pagtulog ng tao, ang tao ay namamatay? Pansinin natin at suriin, may mga sandali na sa gabi ng pamamahinga at pagtulog ng tao, ang tao ay punong-puno ng kagulimihanan. Ang tao ay punong-puno ng agam-agam, kalungkutan, kung papaano niya malulutas ang kanyang mga suliranin. Subalit pansinin natin mga kapatid na kung may mga panahon na ganoon, ang tao ay gigising nang mayroong kasiglahan, nang mayroon ng isang magandang solusyon sa isang suliraning kinatulugan ng tao. Bakit mga iniibig na kapatid? Pagpapatunay na kapag ang tao ay natutulog, ang kanyang kaluluwa ay naglalakbay. Bagamat naroroon pa rin ang taling nag-uugnay, ang kaluluwa ng isang taong natutulog ay nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng mga espiritung may mataas na kaantasan. Kaya mga iniibig na kapatid, ang mga tao sa kanyang paggising ay mayroon ng kagaangan ng kalooban, mayroon na ng solusyon sa mga suliraning dala-dala pagtulog ng tao.  

Kaya ano ang ikatatakot ng tao kung sa kanyang pagtulog ang tao ay namamatay? Marahil, matakot ka kung ang ikaw ay walang kahandaan.

Ang tao na laging handa, kailanman,  sa pagsapit ng kanyang kamatayan, kailanman, ay hindi niya ikatatakot ang kamatayan at hindi niya iiwas ang sarili na pag-usapan ang kamatayan.

Malimit nating marinig sa kapaligiran, “maiksi lamang ang buhay, i-enjoy natin ang buhay.” “I-enjoy” na ang kahulugan niyo’y magpakaligaya, magpasarap sa buhay. Subalit bilang isang mag-aaral, kapag sinabing maging maligaya, ay hahanap tayo ng isang kaligayahang hindi maipapaliwanag ng anomang kataga, kaligayahang manunuot sa bawat himaymay ng bawat ninyong laman, kaligayahang makukuha lamang kung ang tao ay gumagawa ng kabutihan para sa kanyang kapwa.

Iba ang ligayang dulot ng pagkakawanggawa. Iba ang ligayang dulot ng pagmamahal ng tao sa kanyang kapwa kaysa mga ligayang ang tanging nakikinabang lamang at tanging nakararamdaman lamang ay ang kanyang katawang laman.

I-enjoy ang buhay sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at kabanalan.

Kaya mga iniibig na kapatid, mahalaga ang buhay. Mahalaga ang buhay na sa inyo ay pinahiram kaya’t kinakailangang pakaingatan at pangalagaan.

Mahalaga ang hiram na buhay kaya’t tipirin ng tao ang kanyang kalakasan, hindi naman nangangahulugang hindi na siya kikilos at gagalaw. Ang aking sinasabi na tipirin ng tao sa pamamagitan ng pagpipigil ng negatibong damdamin na tunay na magpapabawas sa kalasakan ng tao, kalakasan ng kanyang katawang laman. Sapagkat ang mga negatibong damdamin ay nakapagpapahina sa inyong mga espiritu o tunay na mga “ako”. At kapag ang inyong tunay na pagkatao o espiritu ay nanghina ay magkakaroon na ng mga karamdaman hanggang sumapit sa madaliang kamatayan.

Ano ba ang mga negatibong damdaming nagpapahina sa inyong espiritu? Ang damdamin ng pagkagalit, pagkainggit, pagsasamantala sa kapwa, labis na pagsasamantala sa yaman ng sandaigdigan, labis na pagmamahal sa sarili at marami pang mga negatibong damdaming hindi nakapagdudulot ng kaligayahan, hindi nakapagdudulot ng kalakasan, manapay magdudulot ng kahinaan ng inyong katawang laman.

Mga iniibig na kapatid, tipirin ninyo ang kalakasang ipinagkaloob ng Diyos. Pasayahin ang inyong mga buhay, ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at kabanalan. Iyan ang ligayang nararapat na dapat lasapin ng isang anak ng Diyos.

Muli ay kapayapaan ang aking iiwan, huwag ninyong katakutan ang kamatayan bagkus ito’y paghandaan. Anoman ang maging dahilan ng kamatayan, laging ang tao ay nararapat na maging handa.

Magpatuloy kayo sa pagpapaligaya  ng inyong buhay sa pamamagitan ng paggawa ng mga kabutihan at kabanalan. Magpatawad sa mga kapwa, umibig nang walang hanggan, maglingkod, kumalinga sa inyong mga kapwa. Bagamat kung ikaw ay isang kapatid na naroon sa banig ng karamdaman, gamitin mo ang kapangyarihan ng iyong pag-iisip, gamitin mo ang iyong pakikipag-usap sa Diyos upang makatupad ka pa rin ng iyong tungkulin para sa iyong kapwa, upang sa pagsapit ng kamatayan ay mayroon ka ng baunan sa iyong paglalakbay sa dako paroon ng buhay.

Kapayapaan ang aking iiwan, ngayon at hanggang sa wakas.

Ang inyong patnubay… Juan. Paalam.