Medium: Kap. na Sweet dela Cruz
Session during GCQ – July 4, 2020 / 6:30 PM
Ang pagbati mula sa Kaitaasan ang hatid ko sa inyo. Nawa’y maramdaman ninyo ang kapayapaang hatid ng Kabatlayaan. Katahimikan ng inyong pag-iisip ang nawa’y maghari at kapanatagan ng inyong kalooban ang sumainyo ngayon at magpakailanman.
Katulad ninyo, ang ka-espirituhan ay nanabik sa sandali na magtitipon-tipon at mag-aral ang bawat isa na pansamantalang naantala sapagkat kinakailangang matupad ang kalooban ng Ama, para sa ikapapanuto ng bawat isa sa ikaayos ng pag-aaral at ikatitiwasay ng buhay espirituwal ng bawat isa. Ang mga pangyayari na sa akala ninyo’y hindi makatuwiran, hindi matuwid, hindi masaya ang siyang kinakailangan upang matupad ang salita ni Hesus … “maganap ang karapatdapat sa ikapapanuto ng buhay espirituwal, hindi materyal ng isang tao”.
At bilang pagpapatuloy, hayaan ninyong sumariwa ako ng maikling pananalita na sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad…
Habang Siya’y nangangaral, napakaraming tao ang sumusunod sa Kanya. Nagkakaapakan na nga ang iba ay sinabi Niya sa gitna ng Kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo na mga mapang-imbabaw. Datapuwat walang bagay na tinakpan ang hindi mahahayag, walang itinago ang hindi malalaman. Ang sinabi sa kadiliman ay mahahayag sa kaliwanagan at alinpamang binulong sa silid ay muling sisigaw sa bubungan ng bahay. Huwag kayong matakot sa mga pumapatay sa laman na pagkatapos nito’y wala ng iba pang magagawa, matakot kayo sa mga bagay na pagkatapos pumatay ng laman ay mayroon pang kakayahang magbulid sa inyo sa impiyerno. Tunay nga na ito ang dapat ninyong pag-ingatan.”
Mga minamahal ko, ang nangyayari ngayon ay nangyayari na daang taon pa ang nakalipas. Ipinapahintulot ng Ama na huminto pansamandali ang pakikipamuhay pang-materyal ng tao upang maalala niya ang kanyang dahilan sa pagtigil sa kapatagan ng lupa, saan siya nanggaling, ano ang kanyang pakay at saan siya patutungo. Ang mga nangyayari’y may mga araling iiwan, na sa pamamagitan lamang ng pagsubok kauri ng nagaganap ngayon, mauunawaan ng tao kung bakit. Ang pag-aaral na ginagawa ninyo ngayon inilihim dulot ng kamangmangan. Itinago dala ng kahinan, ng pagkatakot. Ayaw ng taong ukilkilin, suriin ang kanyang sarili … bakit ba siya nananahan sa kapatagang lupa. Inilihim sa kanya ang dahilan na bago pa man siya isinilang, mayroon siyang dapat na tutungkulin. Na hindi lamang siya minsan nakitalad sa kapatagang lupa. Bawat isa sa inyo ay may pakay, may tungkulin, may destinasyon na dapat puntahan. Lahat ito’y itinago, inilihim, ibinulong lamang sa loob ng silid, sinabi lamang sa kadiliman upang malito ang isang espiritung makikitalad sa kapatagan ng lupa. Subalit ngayon, ginagamit ng Diyos, ginagamit ng mga banal na espiritu ang mga pangyayaring ito upang maalala ng tao, upang magliwanag sa kanyang isipan, upang tanggalin niya ang kurtina ng kamang-mangan at kadiliman na lumilito sa kanya at nagbibigay ng takot kung bakit ba siya nakikitalad. Subalit sa mga pangyayaring ito, nararamdaman ninyo, walang halaga ang lebadura o pampapaimbabaw ng mga Pariseo. Ang mga bagay na pang-materyal na siyang nangunguna sa pag-iisip ng isang tao’y panandalian lamang, mga pabigat pa nga kung tawagin, ipinaalala sa inyo ang dakilang katuruan sandali lamang kayo mabubuhay, maikli lamang ang panahon ng pag-aaral, ng paglilinis sa kapatagang lupa kaya kinakailangan kayo’y magpakatalino sa paggamit ng mga sandaling hiniram ninyo, ipinangakong tutupad ng tungkulin.
Mga kapatid ko, inilihim ang reinkarnasyon o muli at muling pakikipamuhay sapagkat natakot ang tao sa matinding liwanag na ibibigay nito sa kanya. Nasilaw sa kagandahan ng pilosopiya ng espiritismo. Subalit ito ngayon ang magpapaliwanag sa inyo, halos kayo’y pantay-pantay ang pinagdadaanan. Iisa ang pinagmumulan subalit may mga taong nakakaunawa, may mga tao na papasan nang magaan subalit may mga tao namang nagsasawalang bahala, may mga nilalang na hindi pa rin nauunawaan, may mga nilalang na matigas pa rin ang puso at patuloy pa rin sa pagsasamantala. Ang magpapaliwanag niyan ay ang pilosopiya ng espiritismo na muli at muling pakikipamuhay.
Pag-aralan na lamang ninyo, yaong mga bansa o mga taong naniniwala sa reinkarnasyon, sila yaong madali nilang natatanggap ang suliraning nagaganap ngayon sapagkat nalalaman nila na ito lamang ay isang kabanata sa buhay espirituwal ng isang tao. Na sa kabila ng hirap, hinahanap nila ang aral kung papaano mapalalakas ang kanyang espiritu. Sapagkat kung malakas ang kanyang espiritu, susunod ang lakas ng kanyang katawang lupa, na kasangkapan lamang ng espiritu sa pagtupad ng tungkulin.
Nalalaman ninyo, pinigil din ang tao sa pagsamba sapagkat nais maihayag na hindi ito ang magliligtas sa inyo kung hindi ang mga saloobin at gawaing maka-Diyos. Ano pa man ang inyong relihiyon o kalagayan sa buhay, biglang nabalewala, sapagkat ang higit ninyong pahahalagahan ano na ang naipon ninyong gawain ang magiging kaaya-aya sa paningin ng Ama? Hindi kayo nakakilos sapagkat tanging ang lakas, ang kalinisan ng pag-iisip, damdamin at kalooban ang dadalhin ng tao sa kanyang paglalakbay sa dako paroon. Subalit ang alaala ng mga gawain at mga taong inyong tinutulungan ang siyang mananatili sa inyo.
Mga kapatid ko, pag-aralan ninyo ang mga pangyayari’y naghahayag na sa inyo ng katotohanan na siyang dapat ninyong pahalagahan… ang inyong espiritu. Ang inyong pag-iisip, damdaming at kalooban ang kinakailangan ninyong linisin sapagkat ito ang tunay na tao, ito ang mananatili, ito ang katotohanan at ang kamatayan ay ilusyon lamang. Kaya sinasabi nga, huwag kayong matakot sa mga nananakit o pumapatay ng laman na pagkatapos nito ay wala nang magagawa pa. Ang katakutan ninyo ay ang pumapatay ng inyong laman at mayroon pa ng kakayanang magbulid sa inyo sa impiyerno. Ang katakutan ninyo ay ang mga sinaunang gawi na napakiharap tanggalin at iwaksi ng isang espiritung nakikitalad sa kapatagan ng lupa sapagkat ang nais ninyo sa pagbabalik ninyo ay matagumpay kayo, masigla kayo, hindi kayo nahihiya na humarap sa Dakilang Ama. Ang katakutan ninyo ay ang hindi ninyo maramdaman ang Ama sa kaibuturan ng inyong mga puso. Hindi ninyo maaninag ang Ama sa kaibuturan din ng puso ng inyong kapatid. Hindi ninyo makita ang templo ng pananampalataya sa inyong pagkatao na magtutulak sa inyo sa matuwid na gawain. Palakasin ninyo ang pananampalatayang yaon na makita ninyo ang tunay na landas, ang tunay na aralin kung bakit nagaganap ito. Huwag ninyong sabihing naganap ito para sa aking kapatid na lubhang makasalanan. Bago ninyo sila tignan ay sukatin muna ninyo ang inyong sarili. Pag-aralan, suriin muna ninyo ang tunay ninyong pagkatao, ang inyong budhi, tumutupad ba kayo ng tungkulin? Ito ba ang pinangako ninyong pakikipamuhay bago pa man kayo isinilang? At kadalasan mga kapatid ko, marami ang bumabalik sa piling ng Ama na may dalang kabiguan.
Kaya nangyayari ito upang mahayag sa inyo ang lihim, upang mabigyan na kayo ng tanda ni Jonas sapagkat lagi kayong umiiwas sa pagtupad, upang mainom na ninyo ang tubig na binigay ni Hesus, upang hindi na kayo malasing kung hindi magliwanag ang inyong pag-iisip, ano ba ang mahalaga sa inyo?
Marami pang dadating na pagsubok o aralin ng buhay. Marami pang taksan ang bibigay sa inyo hanggat kayo’y nagmamatigas.
Sa umpisa, masisilaw kayo sa ganda ng simulain. Aayaw kayo, pipikit subalit ang sinabi nga naman sa kadiliman ay muling ihahayag sa kaliwanagan. Sa simula, ang simulain ng espiritismo nakakabingi sapagkat paulit-ulit sa mga aralin. Nangyayari ito hanggat hindi kayo tumutupad subalit kung kayo ay tumupad na, gagaan ang lahat ng pagsubok.
Kasabikan ninyo ang mga sandaling tumatanggap kayo ng aralin o gamot sa inyong sakit na pang-espirituwal. Kasabikan ninyo ang mga sandaling tinatapik kayo kaysa mabulid kayo sa impiyerno. Masakit, subalit kung ito ang kaparaanan ng Ama, mangyayari ito sa ikapapanuto at ikaaayos sa inyo.
Nawa’y malaman ninyo ang dakilang katotohanang nilihim sa inyo. Na kayo’y espiritu una’y higit sa halat. Kaya nga kayo tinawag na “espiritista”. Na ang espiritung ito’y hahanap ng kanyang tagumpay, hahanap ng kanyang ikalilinis sa pamamagitan ng tinatawag ninyong suliranin o pagsubok sa buhay.
Ito lamang ang maikling aralin na iiwan ko sa inyo. At naway sa maikling sandali na ito’y nahayag sa inyo ang lihim. Nahayag sa inyo ang “bulong” sapagkat walang ibang destinasyon ang tao kung hindi ang “perfeccion”, ang lunduyang itinayo sa bahaging ito ng mundo.
Ito lamang at paalam sa inyong lahat … Florencio dela Cruz.