Paano Mo Mapagagaling Ang Sarili Sa Karamdaman?

Medium: Kap. na Gigi
January 30, 2021 / 5:35 PM

Sumainyo ang pagpapala ng Kaitaasan. Muling inihahanda ng Ama ang Kanyang piging, ang lahat ay inaanyayahan na mapayapang dumulog sa hapag kainan. Maraming pagkain ang inihanda ang Ama upang makapagdulot ng kalusugan ng bawat ninyong katawang laman, higit na kalusugan ng inyong tunay na “ako” o espiritu. Mga pagkaing makapagpapagaling sa anomang uri ng karamdaman, mga pagkaing magbibigay ng kalakasan hindi lamang ng katawang laman, kalakasan ng inyong pag-iisip upang maayos na matanggap ng bawat isang kalagayan ang mga pagsubok at mga nagaganap sa lahat at bawat isa. Kapayapaan, ngayon at hanggang sa wakas.

Hindi lamang ang idinudulog ng bawat Kabatlayaan ay ang nauukol sa salita ng Diyos o mga aral ng nauukol sa dakilang pag-ibig ng Dakilang Lumikha, kundi malimit ding paksain ng Kabatlayaan ang nauukol sa ibat ibang uri ng karamdamang dinaranas ng tao sa daigdigang ito ng mga hugis. Mga karamdamang tunay na nagpapahirap, nagdudulot ng kalungkutan, nagdudulot ng pagkatakot, nagdudulot ng kawalan ng pag-asa, upang ang tao’y makapagpatuloy sa kanyang sinumpaang tungkulin sa harapan ng Ama at upang ang tao ay makapagpatuloy na kanyang mapagbayaran ang kanyang mga pagkakasala sa nakaraang kabuhayan at sa panahon ng yugto ng kanyang buhay sa pangkasalukuyan.

Sa pag-aaral ng dakilang simulain ng espiritismo, ang karamdaman ay nagmumula sa pagkakasala, pagkakamali, pagkukulang at pagpapabaya ng isang nilikha o ng isang tao. Ibat ibang uri ng mga karamdamang katumbas ng bigat ng pagkakasala o pagkakamali ng tao o ng isang anak ng Diyos. Ang tanong mga iniibig na kapatid, kung ang lahat ng tao ay nagkakasala, nangangahulugan ba ito na ang lahat ay magkakaroon ng karamdaman? Marahil nga mga iniibig na kapatid sapagkat ang pagkakasala, pagkakamali o pagkukulang ng isang nilikha ay dito nagbubuhat ang mga karamdaman. Sinasabi sa sampung utos ng Diyos, “huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi sa hindi katotohanan, huwag kang makikiapid, huwag mo aariin ang hindi mo pag-aari”, mga pagkakasala at kasalanang mayroon ng kabigatan. At kung ikaw ay isang tao na hindi mo naman nagawa ang mga bagay na ito, mapapaisip ka lalo na kung ikaw ay may mabigat na karamdaman. Itatanong mo sa iyong sarili, “hindi naman ako pumatay ng aking kapwa, hindi naman ako nagnakaw, hindi naman ako nakiapid, hindi naman ako sumaksi sa hindi katotohanan, hindi naman ako kumuha ng pag-aari o naghangad sa pag-aari ng iba”, subalit bakit tinatanggap ko ang isang malubhang karamdaman?

Mga iniibig na kapatid, tunay at katotohanang sinasabi ko sa lahat at bawat isa, ang karamdamang tinataglay ng tao ay nagmumula sa kanyang pagkakasala, pagkakamali, pagkukulang at pagpapabaya. Hindi mo man ginawa ang mga pagkakasala mayroon ng kabigatan, marami pa ring pagkakasala na ang dulot ay malubhang karamdaman. Sa pang-araw-araw nyong buhay na pinagkaloob ng Diyos, itatanong nyo sa inyong mga sarili, ilang ulit ba akong nagalit sa aking kapwa? Ito ay isang kasalanan. Ilang ulit ko bang sinungitan ang aking kapwa? Ito ay isang kasalanan. Ilang ulit ba akong humusga sa aking mga kapwa? Ito ay isang kasalanan. Ilang ulit ko bang pinintasan ang aking kapwa? Ito rin ay isang kasalanan. Mga munting kasalanan na sa pakiwari ng isang tao, mga kasalanang maliliit subalit ang mga bagay na ito, ang pagiging magagalitin ng tao, ang pagiging masungit ng tao, ang pagiging mapintasin, mapanghusga, mapuna ay mga kasalanang nagdudulot ng karamdaman sa lahat at bawat isang kalagayan.

Palasak ang mga pagkakasala na ito lalo pa naroon ka, sa magaspang na pananalita’y tsinitsismis mo ang kapintasan ng iyong kapwa, isa itong pagkakasala sapagkat ikaw ay pumapatay sa karangalan ng iyong kapwa katumbas ng pagkitil ng buhay ng iyong kapwa. Sa pakiwari ng tao, magagaang ang mga pagkakasalang ito subalit mga iniibig na kapatid, ang mga bagay, kataga, pagkakasalang ito ay mga pagkakasalang dulot ay karamdaman.

Kapag ang tao ay naroroon na sa malubhang karamdaman, nakadarama na siya ng pagkatakot. Nakadarama na siya ng kalungkutan, nakadarama na ng maraming katanungan … papaano niya maisasakatuparan, magagawa ang mga tungkuling kanyang sinumpaan sa harap ng Ama taglay ang mga sakit at hirap ng katawan na dulot ng karamdaman.

Mga iniibig na kapatid, kung ang mga pagkakamali’t pagkakasala at pagkukulang ay sanhi ng inyong karamdaman, ano nga ba ang nararapat gawin ng mga tao? Papaano nga ba niya ito gagamutin upang manumbalik ang kalakasan, upang muli niyang maikilos ang lahat ng sangkapin ng katawan para muling makapagpatuloy sa mga gawain. Bagamat nariyan ang mga dalubhasa na tutulong upang gumaling sa kanyang karamdaman, bagamat nariyan ang medisina at mga gamot na tutulong para gumaling ang isang may karamdaman at naririyan din ang “semilya”, ang banal na tubig na pantulong din sa mga karamdaman, sino  nga ba ang tunay na manggagamot na tunay na makatutulong? Ang inyong mga sarili.

Bakit mga iniibig na kapatid, sapagkat ikaw tao ang nakaaalam kung bakit ka nagkaroon ng isang malubhang karamdaman. At ito ang iyong babaguhin.

Upang magamot mo ang iyong sarili, kailangan mong magsisi sa iyong mga pagkakasala. Upang magamot mo ang iyong sarili ay kailangan mong magbago. Upang magamot mo ang iyong sarili ay kailangan mong gumawa ng mga kabutihan at kabanalan sa iyong kapwa, tatalikuran mo ang lahat ng iyong mga pagkakamali, lahat ng iyong pagkakasala at papalitan mo ito ng mga mabubuting gawa.

Mga iniibig na kapatid, hindi nais ng Ama na kayo ay masilayan sa isang kalagayang kahabag-habag at naghihirap. Kundi nais ng Diyos na kayo’y masilayan ng may kasiglahan ng pagkilos, paggalaw. Isang anak na mayroong malinis na pag-iisip, may malinis na tibukin ng puso upang malayang makakilos at makapagpatuloy ng kanyang mga gawain.

Bakit laging pinapaksa ng Kabatlayaan ang nauukol sa karamdaman? Sapagkat ang karamdaman ay malaking hadlang upang ang tao, ang bawat mga kapatid ay malayang makapagpatuloy sa kanyang mga sinumpaang gawain gamit ang mga sangkap ng kanyang katawang laman. Maari bang makakilos nang may kagaangan ang isang taong may malubhang karamdaman?

Sa mga sandaling ito’y tanungin ninyo ang inyong sarili, siyasatin ninyo ang bawat sangkapin ng inyong katawang laman, ano ba sa mga bahagi ng inyong katawan ang malimit na magkasala? Ang inyo bang mga paningin? Ang inyong bang mga pandinig? Ang inyong bang mga dila at labi? Ang inyo bang mga panyapak o kaya’y mga bisig? Pati rin ba ang mga pinipintig ng inyong mga puso at pag-iisip? Kung kaya mga iniibig na kapatid, kailangan ninyong bantayan ang inyong mga sarili. Pakasuriin, upang mapigil ang pagkakasalang iyong naisasagawa na magdudulot ng isang malubhang karamdaman ng iyong katawang laman. Kinakailangan mong alagaan ang iyong katawang laman. Hindi lahat ng ipinapasok mo sa iyong katawang laman ay makapagdudulot ng kalusugan. Hindi lahat ng iyong kinakain ay makapagdudulot ng sustansyang makapagpapalakas sa inyong katawang laman. May masasarap na pagkaing ang idinudulot ay karamdaman. Bantayan ninyo ang bawat pagkaing inyong kakainin, bantayan din ninyo ang dami ng pagkaing inyong kakainin sapagkat ang kalabisan ay makapagdudulot lamang ng sakit o karamdaman.

Alagaang mabuti ang katawang laman upang hindi ito magkaroon ng karamdaman na pipigil at hahadlang upang kayo ay malayang makapagpatuloy sa inyong mga tungkulin.

Kung paano ninyo pinakakain ang inyong katawang laman ay ganun din ang nararapat sa inyong mga tunay na “ako” o espiritu. Kinakailan nyo ring palakasin ang inyong kaluluwa sapagkat kung ang inyong espiritu ay may kahinaan, manghihina rin ang inyong katawang laman at mauuwi sa pagkakaramdam ng katawang laman.

Papaano palalakasin ng tao ang kanyang espiritu? Mga iniibig na kapatid, katulad sa pagkakataong ito, ipinagkakaloob ng Dakilang Ama ang mga pagkaing para sa inyong mga kaluluwa. Araw-araw, sikapin ng bawat isa na makapagbasa ng kahit isa man lamang na talata sa Banal na Aklat. Araw-araw ay maglaan kayo ng oras para makipag-usap sa Dakilang Ama upang magkaroon ng kalusugan ang inyong kaluluwa.

Mahirap magkasakit, lalo na sa panahong ito na patuloy pa rin ang pandemya. Ingatan nyo ang inyong sarili. Sa pamamagitan ng pagpipigil sa bawat sangkapin ng inyong katawang laman, sa gawi ng pagkakamali o pagkakasala.

Kung naroon ka sa banig ng karamdaman, ano ba ang iyong dapat gawin? Kailangan mong magbago. Magsisi sa iyong mga pagkakamali. Humingi ng kapatawaran sa Dakilang Ama, sa iyong sarili, at sa mga kapwang iyong pinagkasalanan. Sunod ay kailangan mong magbago, pigilan at bantayan ang iyong sarili upang hindi na muling magkamali. Kailangan na ang maghari lamang sa iyo ay ang magandang pintigin ng iyong puso, magandang kaisipan at gawain. Iwasan ang paggawa ng maraming pagkakasala. Lagi ninyong tanganan ang sarili upang ang bawat isa ay hindi magkaroon ng malubhang karamdaman.

Laging tandaan, isa lamang ang dahilan sa pagkakaroon ng malubhang karamdaman, at yan ay ang paggawa ng kasalanan.

Subalit hind dapat mabahala, sapagkat kayo rin ang makagagamot sa inyong karamdaman. Sa pamamagitan ng pagsisi, pagbabago at paggawa ng kabutihan at kabalanan at sa pamamagitan ng pagsunod sa bawat kautusan ng Dakilang Lumikha.

Kaya sa mga sandaling ito, maglinawag nawa ang inyong mga pag-iisip. Umpisahan nyo nang suriin ang tibukin ng inyong mga puso. Umpisahan nyo nang bantayan ang sarili, ang bawat sangkapin ng inyong katawang laman.

Muli ay kapayapaan ang aking iniiwan. Ang mga pagkaing ipinagkaloob ng Ama sa Kanyang hapag kainan, nawa’y makapagdulot ng kalusugan ng bawat ninyong katawang laman, higit nawa sa inyong kaluluwa. Ang mga pagkaing ito’y makapagdulot ng kagalingan sa lahat ng uri ng karamdaman sapagkat nais ng Ama na ang Kanyang mga anak ay makapagpatuloy sa kanyang mga gawain para makatupad ng tungkulin. Nawa ang mga pagkaing ito, nais ng Ama na maibahagi nyo rin sa paligid. Nawa ay maging malusog ang inyong katawang laman, ang bawat tunay na ako o kaluluwa.

Kapayapaan, ngayon at hanggang sa wakas… Juan, paalam.