Medium Kap. na Robit
November 7, 2020 / 6:30 pm
Isang maiinit na pagbati ang hatid ng kaitasan sa lahat at bawat isa.
Kung papapano kayo nanabik ____ ng mga Kabatlyaan upang muli ay ipagpatuloy at ihatid sa inyong mga tahanan ang aralin ng simulain ng espiritismo. At sa pagkakataong ito, ay nag-aanyaya ang lahat sa bawat isa na muling dumulog at umulinig ng mga pagkaing magbibigay ng kalakasan, magbibigay ng tunay na karunungan, magbibigay ng kalusugan at kagalingan, at magbibigay ng iba pang mga biyayang kinakailangan ng inyong mga pagkatao.
Inaanyayahan ang bawat isa at naway tuwinay ito’y madama sa bawat isang kalagayan na napabilang sa mga sandaling ito. Mga minamahal na mag-aaral, hindi kaila sa bawat isa ang mga nagaganap sa kapiligiran at hindi rin lingid sa bawat isa kung ano ang laman ng mga kaisipan, ang hangarin ng puso ng bawat isang kalagayan. Naririnig ninyo ang mga daing, ang tahimik na pagsamo, ang panalangin ng maraming mga kakapatid sa bawat panig ng daigdigang ito at dahil dito ay sari-sari ang mga gampaning nadarama ng bawat isa. Mayroon ng nalulungkot, nagagalit, mayroon din naman na nasisiyahan at hindi inaalintana ang mga nagaganap sa kapiligiran. Subalit kung inyong susuriin, higit na nakararami ang naghihirap, naghahanap ng ikabubuhay, naghahanap ng paglingap ng kanyang kapwa, kung kaya katotohanan at katotohanan, na ang tao’y patuloy na maghahanap ng kaparaanan upang ang kanilang mga pangangailangan, upang ang kanilang mga hinahangad sa buhay na ito ay kanilang makamtan. Patuloy na pag-iibayuhin ng tao na hanapin ang kapanagumpayan ng kanilang mga puso, ng hinahangad ng kanilang mga kalagayan sa buhay na ito. Subalit, malalaman ng bawat isa na hindi ito ang tunay na bayan, hindi kayo mamamayan ng sanlibutang ito, kayo’y mga manlalakbay lamang sa daigdigang ito. Kung kaya, ang bawat isa’y lagi nang inaaralan, tinuturuan na mayroon ng katapusan, na mayroon na pupuntahan sa kabilang buhay na kung saan dito’y ipagsusulit ang buhay na inyong pinamuhay sa kapatagang ito.
Kung kaya, sa bawat isang nakauunawa ng tunay na kahulugan ng buhay sa kapatagang ito, ay pakaaliwin ninyo ang maraming mga kakapatid na kulang pa ng pang-unawa sa mga bagay, kung kaya sinasabing lagi kayong makipag-usap sa Diyos, upang humingi ng gabay, ng subaybay kung paano ba kayo magiging buhay na bibliya sa inyong mga kapwa.
Kung papano ninyo ipamamalas ang simulain ng espiritismo na sa inyo’y pinagkaloob ng Kaitaasan, ay magsilbi nawa kayong tala na tatanglaw sa mga kakapatid na nawawalan ng pag-asa, na pinaghaharian ng mga negatibong damdamin na kung saan ay maghahatid ito sa kapighatian ng kanilang mga kalagayan.
Bilang mag-aaral ng simulain ng espiritismo ay maging liwanag nawa ang inyong mga salita sa inyong mga kapwa, mga salitang magbibigay ng kagaangan, ng kaliwanagan, ng mga salitang pipigil sa mga damdaming mabibigat na dinadala ng bawat isa.
Ang mga salita na maghahatid ng lihim na karunungan na siyang kaparaanan upang ang bawat isa’y marinig ang mga tinig mula sa Ilang. Bawat salitang hindi magdudulot ng kalituhan sa inyong mga kapwa upang hindi sila mag-alinlangan sa pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga anak. Mga salitang magpapalamig sa maiinit na damdamin na maaaring maghahatid ng kaguluhan sa kanyang kapwa.
Kung kaya aking minamahal na mga mag-aaral, kausapin ninyo ang Diyos. Humingi kayo ng subaybay lagi na at isusugo sa inyo ang isang Simeon na tumutulong na pumasan ng krus sa inyong balikat kung kayo’y nadadapa at kung kayo’y napapagod. Maging inspirasyon nawa kayo sa bawat isang kalagayan na uhaw sa mga salita ng Diyos sa kasulukuyang panahon.
Patuloy ang pag-unlad ng bawat isang kalagayan, at ito’y matatamo sa patuloy na paghahangad ng tunay na kayamanan na kailanganin ng bawat isang pagkatao sa buhay na ito.
Ito lamang ang bahagi na sa inyo’y aking maipagkakaloob at nawa’y ang bawat isa’y patuloy na mangalap pa ng kaparaanan upang sa kasalukuyang panahon ay marami pang maabot at marating ang pag-aaral na ito ng simulain ng espiritismo.
Dalhin ninyo ang mga karunungan at kaparaanang ipinagkakaloob sa bawat isa upang magpatuloy ang pag-aaral, madagdagan ang inyong mga bilang sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya. Madagdagan ang tagapagpalaganap, ang mangagawa sa ubasan ng Panginoong Diyos.
Muli ay tanggapin ninyo ang pagpapala at patuloy kayong magpakatalino na mayroon ng pag-iingat sa lahat ng sandali.
Ang inyong patnubay … Lucas.