Medium: Kap. na Sweet dela Cruz
November 7, 2020 / 6:50 pm
Tanggapin ninyo ang pagbati mula sa Kaitaasan, nawa’y maging malaya ang inyong pag-iisip, damdamin at kalooban sa alin mang takot at pag-aalinlangan, upang manatili sa inyo ang biyaya ng subaybay ng Kaitaasan. Kapayapaan ang maghari sa inyong lahat, ngayon at magpakailanman.
Sa isang saglit nabago ang pakikipamuhay ng tao, naiba ang pamamaraan ng pag-aaral ng kabataan, naiba rin ang estilo ng pakikipamuhay at paghananapbuhay ng maraming tao, naiba ang pagtitipon-tipon at paraan ng pagkakaisa ng maraming nilikha. Para bagang sa isang saglit tinawag ang maraming tao katulad ng pagtawag sa mga apostol, ibinaba nila ang anumang tinatangkilik at hinahawakan at biglang sumunod sa tawag ng Panginoon. Kayat kung sa iba, ito ay paatras, ikinalulungkot o ikinalulumbay, sa isang tunay na mag-aaral, ito ang sandali ng tinawag kayo upang palawigin pa ang inyong pag-aaral, upang sumunod sa yapak ng Panginoon at maging tunay na mamamalakaya ng mga tao.
Bilang pagpapatuloy sa akin nabuksang paksa, ay hayaan ninyong sumariwa ako ng ibang pananalita na binigkas ng Mananakop bilang pagpapalakas ng inyong pananampalataya at magbibigay sustansya sa inyong malayang pag-aaral.
Habang Siya’y naglalakad sa Capernaum, merong isang Sinturion ang lumapit sa kanya, Panginoon kaawaan mo po at pagalingin ang aking alipin, siya’y mayroon ng karamdaman, lumpo at lubhang nahihirapan. Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, halika pumunta tayo sa iyong tahanan. Subalit sinabi sa kanya ng Sinturion, Panginoon hindi po kayo karapatdapat na tumuloy sa ilalim ng aking bubungan subalit banggitin mo lamang ang salita, ang aking alila ay gagaling. Kaya’t nagtaka si Hesus at sinabi sa mga tagasunod, maging sa Isreal man ay hindi nakakita ng ganitong kalakas na pananampalataya.
Mga kapatid ko, ang Capernaum ay lugar na kung saan maraming himala ang ginawa ni Hesus. Nagpagaling Siya ng may karamdaman, nagpaalis ng mababang espiritu na nagpapahina at nagpapahirap sa isang kalagayan.
At katulad ng sanlibutan, dito nagaganap ang maraming pagpapagaling. Dito mangyayari ang maraming paglilinis. Ang pagpapaalis sa mababang espiritung nagpapahirap sa maraming tao. Dito nya gaganapin na mabuo ng tao ang kanyang sarili. Iiwan ang siyamnaput-siyam na bahagdan upang hanapin ang isang nawawaglit. Dito niya hahanapin ang pagkaunlad, ang tunay na pagbabago at dito nya mamanahin ang kanyang pagiging tunay na anak ng Diyos.
Sino ba ang mayroon ng karamdaman? Ano ang sanhi ng karamdaman?
Mga kapatid ko, sa pag-aaral ng espiritismo, nagkakaroon ng karamdaman ang isang tao kapag hindi balanse ang kanyang kaangkinan at pakikipamuhay. Kapag nagkakaroon ng pagmamalabis at maling pagpapahalaga. Kapag niyayakap nya ang maling tangkilikin at yaman at pinababayaan ang higit na mas mahalaga.
Kapag nagkaroon siya ng pagkakamali na kinakailangan pagbayaran. Kayat kung uuriin nyo, maraming tao ang mayroon ng karamdaman na hindi nakikita ng iba subalit nararamdaman ng kanyang sarili. Sapagkat naroroon pa na dala ng kahinaan ng isang nilalang ay nawawalan ng balanse ang kanyang pag-iisip, damdamin at kalooban. Nagkakaroon siya ng takot, nagkakaroon siya ng negatibong alitigtigin. Nagkakaroon siya ng paghatol at nang dahil dito ay nawawalan sya ng balanse na kinakailangang gamutin na kung hindi makikita ang kahinaan at karamdaman sa kanyang katawang laman. Kaya’t sinasabi ng Kabatlayaan, kung nais ninyong gumaling ang kahinaan ng laman, pagalingin ninyo ang inyong espiritu.
At kaya nga ang pag-aaral ng espiritismo ay nakilala sa pagpapagaling ng karamdaman, hindi lamang ng karamdaman ng laman kundi higit sa lahat – karamdaman ng espiritu. Sapagkat ito ang tunay na tao, ang tunay na nilikha ng Diyos at ang laman ay kasangkapan lamang.
Papaano gagaling ang espiritu?
Ipinakita ng Sinturion ang tamang paraan ng paggamot at pagpapagaling, na ikinahanga ni Hesus, Panginoon hindi karapatdapat na ikaw ay tumuloy sa ilalim ng aking bubong, subalit sa isang salita mo lamang ang alipin, ang alila, ang katawang lupa na kasangkapan ng isang espiritu sa pagtupad ng tungkulin ay gagaling.
Aalaumbaga, makita sa inyo ang katatagan. Matapos ninyong marinig ang salita ni Hesus, maisagawa nawa ito ng bawat isa sa inyo sapagkat ito ang tunay na paraan ng pagpapagaling, paglilinis, pagtupad ng tungkulin, pagsulong na hinahanap ng isang espiritu. Ito ang tanging tulay na kinakailangang matawid ng aking mga kapatid kung nais ninyong makita ang kagalingan, kung nais ninyong makita ang kaginhawahan, kung nais ninyong maramdaman ang tunay na kalayaan na magawa ninyo, magawa ng espiritu ang kanyang sinumpaang tungkulin, ang kanyang papel, ang kanyang kagalingan at maitawid ninyo siya sa tunay na pagkasulong.
Hindi na kailangan pa at kakailangin pa na ikaw Hesus ay pumasok sa ilalim ng aking bubong. Mga kapatid ko, hindi na kailangan pa na magtipon-tipon ang tao para maipakitang sila’y nagkakaisa. Ang pandemya ang nagtuturo na sa inyo ng tumpak na kaparaanan at prinsipyo ng pagpapagaling. Hindi na kailangan pa na makulong sa isang silid ang mga mag-aaral upang matuto. Hindi na kailangan pa na laging bisitahin ng isang doktor ang isang may sakit upang maghatol. Ang kinakailangan, makita nyo sa inyong sarili ang gamot, makita nyo sa inyong sarili ang pagkakaisa kahit na kayo ay magkakaiba ang kalagayan. Matagpuan ninyo sa inyong sarili ang sagot na kung kailan, na kung papaano, matitigil ito. Sapagkat nangyayari lamang ito upang makapagturo, upang makapagpabago sa inyo. Upang tawagin kayo sa pagtupad at maipalaganap ninyo at maipamuhay ang ebanghelyo, ang ikinapamuhay ni Hesus sa kapatagang lupa.
Maraming pag-aaral ang iniwan ang pandemyang ito na pagkatapos ng isang daang taon o mahigit pa ay muling nangyari sa mukha ng daigdaig upang magpaunawa sa inyo na baguhin ang inyong buhay, hindi ang pang-materyal lamang ang mas mahalaga kung hindi sa lahat ay ang inyong espiritu na kahit na kayoy nasa isang sulok lamang ay mararamdaman ninyo ang lakas. Mararamdaman ninyo ang subaybay. Mararamdaman ninyo ang pagpapala, hindi na kailangan pa na kayo ay lumabas, mararamdaman ninyo sa inyong sarili ang lakas ng espritu na patunay na maramimg pag-aagam-agam, kalungkutan, pag-aalala at materyal na bagay. Ito ang hinihiling sa inyo na pag itoy mauunawan ninyo, mapapalakas ninyo ang inyong pananampalataya, mapapadalisay ninyo ang tibukin ng pag-iisip, ang alitigtiging minsang nagpapahina sa inyo, mga minamahal ko, matatapos ang pagsubok. Katulad ng isang mag-aaral na kapag kayo ay nakapasa sa isang pagsusulit, matatapos ang mabigat na dumidiin sa inyong mga puso, lumilito sa inyong paniniwala at nagpapahina ng inyong pananampalataya.
Mga kapatid ko, palawigin nniyo ang inyong pang-unawa, palawakin ninyo ang inyong pag-aaral, palakasin ninyo ang inyong espiritu. Kapag nangyayari ito na syang nais maging daan o daan na inuukit ng pandemya, malulusutan ninyo ang anomang pagsubok, paghihirap, kalungkutan na dinadala ng mga pangyayari.
Mga kapatid ko, unawain ninyo ang aralin sa kabila ng mga pangyayari na lagi na’y umuugnay kung ano ang inyong kahinaan na dapat baguhin, kung ano ang oportunidad na dapat hawakan, ipakipamuhay ng tao. At kapag nauwaan ninyo ito, mga kapatid ko, gagaang ang lahat. Magiging maliwanag ang lahat, mabubuhay kayo nang malaya, walang takot, walang pag-aalinlangan. At gamitin ninyo ang alipin, ang katawang lupa, bilang kasangkapan sa pagtupad ng inyong tungkulin. Kung mayroon man siyang karamdaman ngayon, mahawakan nawa ninyo ang inyong espiritu at makita ninyo, maramdaman ninyo kung ano ang karamdaman at kung ano ang kahinaan na dapat linisin upang maging karapatdapat kayong lahat na maging anak ng Diyos.
Ito lamang ang sa inyo’y bahagi ko at nakiisa ang Kabatlayaan sa kaligayahan ninyo na maipagpatuloy ang pag-aaral, maging handa lamang kayo sa pagtupad, ang subaybay ay nasa inyo.
Paalam sa inyong lahat. Manatili nawa sa inyo ang kapayapaan, ang matatag na pananampalataya na sa kabila ng kadiliman ay makikita ninyo ang kaliwanagan, na sa kabila ng karunungan ay makikita ninyo ang kapayapaan sapagkat nananahan kayo sa lakas ng espiritung bahagi ng Diyos.
Paalam… ang inyong Aposol Santiago.