Medium: Kap. na Gigi de Leon
November 14, 2020 / 6:22 pm
Sumainyo ang pagpapala ng Kaitasan. Maghari at manahan sa bawat isang kalagayan ang kapayapaan, tibay ng kalooban, lakas ng pananalig at pananampalataya sa Dakilang Lumikha. Kapayapaan, ngayon at hanggang sa wakas.
Kay haba ng panahon na ang tao’y sinusubok ng Kaitaasan na tila baga sa makitid na pag-iisip ng tao ay nababalot na lamang ng pagkatakot, pangamba, kalungkutan at isang kaisipan na walang katiyakan ang naghihintay na bukas. Ano ang magaganap sa kinabukasan? Mababago pa ba o patuloy at paulit-ulit na walang katapusang mga pagsubok ang dinaranas ng mga anak ng Diyos?
Paano matatapos ang mga pagsubok na ito, kanino magmumula ang pagtatapos? Paano makararaos at magtatagumpay ang bawat isang anak ng Diyos sa mga pagsubok na pinagkaloob ng Ama?
Sa pag-aaral ng dakilang simulain ng espiritismo, ang mga pagsubok ay mga biyaya. Kung ganoon ay walang dapat na ipangamba. Walang dapat na ikatakot, walang dapat na ikalungkot, bagkus dapat na ipagdiwang at ipagsaya sapagkat maraming mga pagsubok – maraming mga biyaya.
Subalit sa kaiksian ng pag-iisip ng tao, masasabi ba na ang isang biyaya o ang isang pangyayari — ang dulot ay kalungkutan? Masasabi ba na biyaya na ang mga pangyayari — ang dulot ay mga pagkatakot? Kawalan ng pag-asa, kawalan ng mga kasagutan sa bawat mga katanungan ng tao, hanggang kailan tatapusin ng Ama ang mga pagsubok na ito?
Mga iniibig na kapatid, kinakailangang mapagtagumpayan ng lahat at bawat isa ang mga pagsubok na ipinagkakaloob ng Diyos. At papano masasabi ng isang mag-aaral o mananampalataya na ang pagsubok na ipinagkaloob ng Diyos ay unti-unti niyang napagtatagumpayan? Paano masasabi na ikaw ay nagtatagumpay sa mga pagsubok ng Ama? Paano mo mababatid ang hangganan ng pagsubok na sa iyo ay ipinagkaloob, paano mo masasabi na ang pagsubok na ito ay malapit na ang katapusan?
Ang makasasagot ay ang iyong sarili. Sa pamamagitan ng pagsiyasat mo sa iyong sarili, sa pamamagitan ng iyong pagtatanong sa bawat kilusin at galawin ng bawat sangkapin ng iyong katawang laman. Doon mo masasabi at mapagtatanto na ikaw nga ay nagtatagumpay sa bawat pagsubok na sa iyo ay pinagkaloob.
Paano masasabing ikaw ay nagtagumpay? Sa pamamagitan ng iyong pagbabago.
Siyasatin mo ang iyong sarili… “Ano ba ang aking mga pagkukulang? Ano ba ang mga pagkakasala na aking patuloy na ginagawa? Ano ba ang tinatakbo ng aking pag-iisip, ang tinitibok ng aking puso? Mayroon na bang nagbago sa aking sarili? Naiangat o napaunlad ko na ba ang aking sarili? Naisagawa ko na ba ang mga aralin ng Diyos na sa akin ay pinagkakaloob? Unti-unti ko na bang nasusunod ang mga atas at kautusan ng Dakilang Lumikha?”
Ikaw kapatid ang makatutugon kung kailan ang katapusan ng mga pagsubok na iyong dinadanas sa pamamagitan ng iyong pagbabago, sa pamamagitan ng iyong magagandang kilusin, ng lahat ng sangkapin ng iyong katawang laman.
Bakit ba sinusubok ang tao at kailan ang pagsubok ay pinagkakaloob ng Diyos? Sa mga sandali na ang tao ay nakalilimot, sa mga sandali na ang tao ay patuloy sa kanyang pagkukulang at patuloy sa kanyang pagkakamali, patuloy sa paggawa ng mga kasalanan.
Siyasatin mo ang iyong sarili, ano ba ang tinataglay ng iyong katawang laman? Ikaw ba ay naroon sa isang kalagayang mayroon ng kalusugan? Ikaw ba ay naroon sa isang kalagayang mayroon ng katatagan, punong-puno ng pag-asa at punong-puno ng damdaming mayroon ng ligaya? Mga iniibig na kapatid, saan matatagpuan ng tao ang kaligayahan na kanyang hinahangad? Paano makadarama ang tao at makakamit niya ang isang kapayapaan na hinahangad na lahat at bawat isang kalagayan? Kaligayahang maglalayo sa tao upang siya ang katawang laman ay hindi magkaroon ng karamdaman. Kaligayahang papawi at mag-aalis ng mga negatibong damdamin ng bawat isang nilikha.
Kailan sinusubok at susubukin ang tao sa panahong siya ay nakalilimot? Sa mga panahon na ang tao ay patuloy na gumagawa ng mga pagkakasala, patuloy na lumilimot sa kanyang tungkulin. Ang pagsubok ay dumarating sa mga panahon na ang tao ay nakalilimot sa Dakilang Lumikha.
Bakit kinakailangang subukin ang tao? Bakit kinakailangang maramdaman ng tao ang takot sa kanyang puso? Bakit kinakailangan niyang makaramdam ng kalungkutan? Bakit kinakailangan niyang magkaroon ng kahinaan ng kalooban, kawalan ng pag-asa? Sapagkat nais ng Diyos na ikaw tao — Siya’y iyong maalalala.
Kadalasan mga iniibig na kapatid, ang tao ay nakalilimot sa panahon ng kaligayahan. Sa mga panahon na may kalayaan siyang puntahan at gawin ang mga kaligayahang tanging katawang laman ang nakadarama, subalit naroon ang tunay na “ako”, ang tunay na sarili, ang kaluluwa – na nalulumbay. Sapagkat sa panahon ng mga kaligayahan, nalilimutan ng tao na pakainin ang kanyang tunay na “ako”. Nalilimutan niyang kalingain ang kanyang espiritu na siyang tunay niyang sarili.
Kung ang tao ay naroon sa isang kalagayang malapit sa Dakilang Lumikha, kung ang pag-iisip ng tao ay naroon sa pag-iisip na kung paano niya tutuparin ang bawat utos ng Diyos, kung paano niya gagamitin ang bawat panahon na ipinagkaloob sa kanya nang mayroon ng kahalagahan at kapakibanangan. Kung ang kanyang puso at buong pagkatao ay naroon kung paano niya mapaliligaya ang Dakilang Lumikha, susubukin ka ba ng Diyos? Bibigyan ka ba ng mga suliranin? Bibigyan ka ba ng mga pasanin, kahiripan at kalungkutan ng buhay na magiging sagabal at pipigil sa malayang paggalaw o pagkilos gayung naroon ka sa isang kalagayan ng mayroon ng karamdaman? Hindi nais ng Diyos na ikaw ay mabuhay sa kahungkagan ng iyong buhay. Hindi nais ng Diyos na ikaw ay mabuhay sa pagkatakot. Hindi nais ng Diyos na ikaw ay mabuhay sa kalungkutan. Hindi nais ng Diyos na ikaw ay mabuhay sa kawalan ng pag-asa. Kundi ang nais ng Diyos na ang tao, ang kanyang mga anak ay makakilos, makagalaw, makagawa ng mga kabutihan at kabanalan nang mayroon ng kalayaan, nang mayroon ng kalakasan, nang mayroong matibay na pananalig na kailanman ay hindi ka iiwan at pababayaan ng Ama.
Kayat mga iniibig na kapatid, kailan ang hangganan at katapusan ng mga pagsubok sa iyong buhay? Kailan ang mga suliranin ay magkakaroon ng kalutasan? Kailan mababalik ang tao sa kanyang buhay na dating nakaugalian at dinaranas? Tao ang makasasagot kung kailan ka magbabago. Kung kailan ang tao ay gigising sa kanyang mahabang pagkatulog.
Kung sisiyasatin ng tao ang kanyang sarili… “Ano ba ang aking mga naging pagkukulang? Ano ba ang aking naging pagkakamali? Ano ba ang mga bagay na hindi ko nagagawa na inuutos at ipinagagawa sa akin ng Ama?” Kaya’t mga iniibig na kapatid, kung ang tao ay naroon sa kalagayang inilalapit niya ang kanyang sarili, lalot higit ang kanyang kaluluwa sa Diyos, sa Dakilang Lumikha, kung ang kanyang pag-iisip ay pupunuin nya ng pag-ibig at kung papaano nya mapauunlad ang kanyang sarili sa paggawa sa gawi ng kabutihan at kabanalan ay hindi hahaba ang mga pagsubok kung saan ang tao ay daranas ng pagkatakot. Hindi hahaba ang pagsubok na ang tao ay daranas ng kalungkutan. Hindi hahaba ang mga pagsubok na ang tao ay mawawalan ng pag-asa… mabubuhay sa pagkatakot. Bagkus ang pagsubok ay magiging isang biyaya at maraming pagpapala ang darating sa bawat isa kung tao ay magbabago. Kung sisiyasatin nya ang kanyang sarili, kung aalamin nya ang mga bagay na hindi pa nya nagagawa nang mayroong kabutihan at kabanalan sa ang mga bagay na nagagawa sa gawi ng pagkakasala at paglimot sa sinumpaang tungkulin sa Dakilang Ama.
Ang nais ng Diyos ay isang anak na may malusog na pangangatawan. Ang nais ng Diyos ay isang anak na maliwanag na pag-iisip. Ang nais ng Diyos ay isang anak na may malinis na puso. May malinis na pintigin at tibukin ng puso ng bawat isa. Ang nais ng Diyos sa kanyang anak ay magkaroon ng kalayaang kumilos, gumawa ng naaayon sa kanyang mga batas, nang naayon sa kanyang kagustuhan, nang naayon sa kabutihan at kabanalan. Nais ng Diyos na ang kanyang mga anak ay makakilos at makagalaw nang may kalayaan at kaligayahan upang ang lahat at bawat isa ay hindi dapuan ng anumang uri ng karamdaman.
Bakit laging nababanggit ang ukol sa karamdaman? Sapagka’t ang isang karamdaman ay nangangahulugan ng iyong pagpapabaya, na ikaw tao ay nagkakasala. Kapag ikaw ay may karamdaman, nangangahulugan na ikaw ay nagkukulang at nakalilimot ng iyong tungkuling sinumpaan sa harapan ng Ama. At kung ang tao ay may karamdaman, hindi siya malayang makakakilos at makagagalaw sapagkat mayroon siyang kirot ng laman.
Kung kayat hangad ng tao ay kaligayahan. Nais niya’y maging masaya upang magkaroon din ng kalusugan ang katawang laman. At kapag ang tao ay naroon sa kalagayang malusog, naroon ang malayang pagkilos at paggalaw upang kaya niyang gampanan ang tungkuling sinumpaan sa harapan ng Ama.
Alin ang iyong nais kapatid? Ang mabuhay sa pagkatakot, kalungkutan, kawalan ng pag-asa o nais mong maging maligaya upang lahat ng karamdaman ng iyong katawang laman ay magkaroon ng kagalingan at makapagpatuloy sa iyong sinumpaang tungkulin sa harapan ng Ama?
Nais ng Diyos na ang kanyang anak ay manatili sa kalusugan. Nais ng Diyos na ang kanyang anak ay makapagpatuloy sa kanyang mga gampanin, subalit kung ikaw tao, ikaw kapatid ay mananatili sa pagkakamali, sa karumihan ng iyong pag-iisip, sa karumihan ng pintigin ng puso, sa pagkukulang at mga masasamang gawain at ugaliin – paano ka liligaya? Paano gagaling ang iyong karamdaman, kung ikaw ay patuloy na nagkakasala at nagkakamali?
Mga iniibig na mga kapatid, siyasatin ninyo ang inyong sarili. Tanungin ninyo ang sarili.. “Saan ba ako nagkukulang? Ano ang mga gawaing hindi ko naisasagawa? Ano ba yung mga aral ng dakilang simulain ng espiritismo na hindi ko natutupad? Ano pa ang ang aking mga pagkakamali at mga pagkukulang? Ano pa ba ang mga karumihan ng aking pagkatao, pag-iisip, tibukin ng puso? Paano ko kinakampay ang aking bisig? Saan ko dinadako ang aking mga panyapak? Ano ba ang nakikita ng aking paninigin? Ano ba ang naririnig ng aking pandinig? At ano ba ang winiwika at sinasabi ng aking mga labi at dila? Bantayan ninyo ang inyong mga sarili. Pakainin ninyo ang inyong mga kaluluwa, katulad ng pagakakain ninyo sa inyong mga katawang laman. Pagyamin nyo ang inyong mga gawain nang mayroong kabutihan at kabanalan katulad ng pagpapayaman ninyo sa inyong kabuhayan.
Mga iniibig na kapatid, panahon ng pagbabago.
Matatapos ang mga pagsubok.
Malulutas ang mga suliranin sa tulong-tulong na pananalangin ng bawat mga kapatid sa dakilang simulain ng espiritismo.
Tutulong ang bawat isang kalagayan sa pamamagitan ng pagdarasal at pagtawag sa Ama. Tutulong ang bawat isang kalagayan upang ang lahat ay magsumamo sa Kaitaasan na tapusin na ang pagsubok na matagal-tagal na ring tinitiis ng tao. Matagal na ring kinatatakot at kinababahala ng tao.
Kayo ang may sapat na kaalaman, kaisipan, kayat kayo ang kikilos at gagalaw, magsusumamo sa Kaitaasan na tapusin na ang pagsubok at gawin na itong isang pagpapala at biyaya.
Huwag mag-alala ang bawat isa. Ang Diyos ay nakatunghay, nakamasid. Huwag mag-alala ang bawat isa. Nariyan ang Diyos, nakahandang dinggin ang inyong mga hinaing at mga dasal. Hindi kayo kailanman bibiguin ng Kaitaasan, gampanan nyo lamang ang inyong tungkulin bilang isang mag-aaaral ng dakilang simulain ito ng espiritismo.
At ano ang tungkulin ng bawat isa? Ang tumawag sa Diyos at ipanalangin ang kanyang kapwa na magkaroon ng liwanag ang pag-iisip at magkaroon ng kaliwanagan ang kapwa na magkaroon ng pagbabago. Ang ipanalangin ang kanyang kapwa na siyasatin at tanungin ang ginagawi at kinikilos ng lahat at bawat isa.
Muli ay kapayapaan ang aking iiwan. Liwanag ng kaisipan, malinis na kalooban, magandang tibukin ng bawat puso ang maging pintigin nito. Makadama ng kaligayahan upang malayo sa anumang uri ng karamdaman, kaligayahang magpapalaya sa pagkilos at paggawa sa gawi ng kabutihan at kabanalan.
Kapayapaan ngayon at hanggang sa wakas.
Ako sa inyo ay nagpapaalam … ang inyong patnubay, Juan.
Paalam.