Medium: Kap. na Ligaya de Jesus
November 14, 2020 / 6:08 pm
Ang kapayapaan, ang kababaang loob, ang ganap na pagkakaisa ang siya nawang laging maghari sa bawat isang mag-aaral, sa bawat isang nanahan sa kapatagan upang madama ninyo ang mga biyayang pangangailangan ng inyong tunay na pagkatao, ngayon at magpakailanman.
Mga minamahal na kapatid, habang patuloy na lumilipas ang mga sandali ay lalong nadarama ng sangkatauhan ang pagmamahal ng Amang nasa mga langit. Sinabi kong pagmamahal sapagkat nananagana kayo sa mga biyaya. Biyayang gigising upang ang maraming nahihimlay sa banig ng kamangmangan, ang maraming nalilibang sa kagandahan ng daigdigan ay magising. Magising sa katotohanang sila’y naririto sa kapatagang lupa. Bagamat mayroon silang bahagi ng daigdigan ay kinakailangang higit na bigyan ng pagpapahalaga ang nauukol sa kanilang mga kaluluwa o tunay na pagkatao.
Alam ng lahat at bawat isang mag-aaral na ang tao sa kapatagan ay binigyan ng pagkakataong sumangkap sa isang katawang laman upang tumupad ng isang banal na tungkulin. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, nadarama ninyo na kapos pa rin ang kanilang mga kamalayan. Sa pagkakaroon nila ng gulang ay lumilipas ang mga sandali at ang tunay na layunin ng kanilang pagkaparito ay unti-unting natatabunan, nababalot ng mga gawaing alit sa pag-ibig.
Magkagayon pa man, ang dakilang Ama ay hindi nagpapabaya. Damang-dama ninyo, lalo pa kayong mga mag-aaral ng dakilang simulaing ito ang mga dakilang pagpapala at masaganang pagpapala upang kayo’y manatiling matatapat, handang ibigay ang buhay alang-alang sa magandang kalagayan ng maraming kaluluwang nagugutom sa mga bagay na ito.
Kaya nga mga minahal ko, ipagpatuloy at ipagpatuloy ninyo ang matamang pananalangin sapagkat ito’y kailangang-kailangan ng maraming kaluluwang sa kasalukuyan ay nagdaranas ng ibayong paghihirap sa kanilang mga kalagayan. Oo nga’t ang lahat ng pangyayari ay mayroon ng katapusan, sana naman mga minamahal ko, ang mga pangyayaring ito’y magdulot ng panibagong pag-asa, ng pagbabalik loob ng mga kaluluwang nagumon sa mga gawaing alit sa pag-ibig. Wika nga’y walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin.
Kakaunti man ang inyong mga bilang, subalit kung kayo’y ihahambing sa mga timpi ng walis na kapag kayoy pinag-isa ng tali, nagkakaroon ng pagkakaisa sa inyo mga tao ay hindi kayo mabibigo, hindi kayo maiinip sapagkat batid ninyo na kailanman ay hindi kayo pinabayaan. Kayo’y nilalang ng Diyos at kayo’y kanyang minamahal.
Dahil dito mga minamahal ko, bagaman paulit-ulit ang mga panawagan ng Kabatlayaan, bagaman paulit-ulit din ang mga pangyayari na nagaganap sa inyong kapaligiran, itoy mga paalala lamang. Ito’y mga gabay upang kayo’y huwag maligaw sa landas na inyong tinatahak, lalo pa nga kayo na nagtataglay ng liwanag na handang maglingkod, magbigay ng tulong, akayin ang mga mahihina, bigyan ng mga pagkain lalo na ng nauukol sa moral ang maraming kaluluwang pinanghihinaan sa kanilang mga sarili.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, humayo kayo ng inyong mga lakad at gagabayan kayo ng Kaitaasan hangga’t kayo’y mayroon ng matapat na pagnanasa na wika nga’y tipunin ang mga tupa at kung mayroon mang mawaglit na isa ay iiwan ninyo ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang isang nawawala.
Kaunti lamang na pagpapakasakit, kaunting pagtititiis, kalakip ang katalinuhan at pag-ibig… yan ang magiging mga kasangkapan upang kayo’y magtagumpay sa inyong mga ninanasang – ang simulain ng pag-ibig ay maipadama ninyo sa inyong kapaligiran sa apat na sulok ng daigdigang ito.
Iyan lamang ang maikling abot-sabi sa inyo’y aking maipagkakaloob, huwag kayong manghihinawa sa lagi na’y panawagan ng Kabatlayaan, sapagka’t ito’y mga paalala lalo pa nga doon sa mga nakalilimot sa mga kalagayan.
Muli ay mabuklod kayo sa ganap na pagkakaisa. Maging matatapat kayong mag-aaral. Maging matatapat kayong manggagawa sa malawak na bukirin ng Panginoon.
Paalam … Arkanghel Rafael.