Paliwanag Ukol Sa Sampung Dalagang Nagdala Ng Ilawan Para Sa Pagdating Lalaking Ikakasal

Medium: Kap. na Robit
November 14, 2020 / 7:07 pm

Tanggapin ninyo ang pagpapala. Patuloy ninyong palaganapin, pag-ibayuhin ang liwanag at sikapin ninyong abutin ang mga nangangailangan nito upang maghari ang kapayapaan… ngayon at sa lahat ng sandali.

Marami ang naghahangad na makamtan ang sinasabing paraiso, ang lupang pangako, ang kaharian ng Diyos. At ang paghahangad nito’y mahahalintulad sa sampung dalaga na nagbaon ng ilawan, nagbantay sa pagdating ng lalaking ikakasal at sa kanilang inaasahang oras na pagdating ay hindi ito nasunod, hindi ito nangyari subalit ang sampung dalaga ay nagtiyaga sa paghihintay.

Sa mga oras na yaon, ang limang dalaga ay mayroon ng kahandaan, mayroong baong langis at sa kabilang dako’y ang lima naman ay umaandap ang langis na baon sapagkat kulang ng kahandaan.

Mga minamahal na mag-aaral, ano ang pinahihiwatig sa bawat isa ng tagpong ito sa Banal na Kasulatan?

Iminumulat ang bawat isa sa katotohanang hindi nalalaman ng bawat isa kung ano ang magaganap sa darating na bukas. Ipinauuwa sa lahat at bawat isa na ang kahiraan ng Diyos ay nakakamtan – hindi sa madaling panahon, na ang kaharian ng Diyos ay kaakibat nito ang pagsusumikap, ang kasipagan, ang pagtityaga o pagtitiis. 

Ang makamtan ang kahiraan ng Diyos ay kaakibat ang paghahangad ng tunay na karunungan. Ang kaharian ng Diyos ay pinagkakaloob sa mga taong tunay na nagpapagal, nagpupuyat, at  humahanap ng kaparaanan upang makamtan ito.

Ang tagpong ito sa banal na kasulatan ay nagsasabi rin na hindi kayang kontrolin o hawakan ng bawat isa ang kanyang kapwa, ang mga pangyayaring maaaring maganap sa kanyang buhay. Subalit hindi nangangahulugan – na hindi gampanan ang iyong bahagi pagdating sa mga bagay na ito. Kung kaya’t sinasabi sa kuwentong ito na tinaglay ng matatalinong dalaga ang mga paghahandang kailanganin upang kanilang masilayan, upang kanilang masamahan ang pagdating ng lalaking ikakasal. Nagbaon sila ng langis sapagkat ito’y bahagi ng kanilang paghahanda na marahil ay inisip nila na magkaroon ng suliranin at kanilang kakailanganin ang langis na ito.

Ang matatalinong mga dalagang ito ay nakipag-ugnayan sa Kaitaasan upang kanilang malaman ang mga kaparaanan na kanilang dapat taglayin, upang hindi sila magkamali sa kanilang lakbayin. Taglay nila ang kababaang loob upang maunawaan ang mga kadahilanan sa mga nangyayari at nagaganap sa kanilang mga paghihintay.

Dahil dito ay kanilang napanagumpayan – ng mga nakahandang babaeng ito ang pagdating ng lalaking ikakasal.

Sa kabilang dako, ang mga babaeng hindi nakapaghanda, umandap-andap ang kanilang ilawan.  Hindi nila natunghayan na samahan ang pagdating ng lalakeng ikakasal. Ito’y sapagkat kulang ng paghahanda. Hindi nila naisip na kulang ang kanilang mga langis upang patuloy na magningas ang mga ilawan na kanilang tangan.

Kung kayat ipinahihiwatig sa lahat at bawat isa na laging angkinin at unawain ang mga pangyayaring nagaganap sa inyong mga kalagayan, sa inyong kapaligiran. Ang mga nagaganap na ito ay isang babala, isang pagtuturo. Ang mga nagaganap na ito ay isang panawagan sa bawat isang kalagayan. Ito’y panawagan upang ang bawat isa ay kumilos nang naaayon sa kalooban ng Ama.

Ang mga pangyayaring ito’y hudyat upang ang tao ay magising sa katotohanan na ang pagdating ng isang lalakeng ikinakasal ay hindi ninyo masasabi kung kailan. Hindi ninyo nalalaman ang oras, ang kaparaanan. At ito ang katotohanan na dapat maunwaan ng bawat isang naghahangad na makamtan ang lupang pangako – ang paraiso, ang kaharian ng Diyos.

Kung kaya’t sa bawat isang nagtataglay ng ilawan, ito nawa’y patuloy ninyong pagningasin, patuloy ninyong dagdagan ang langis sa inyong mga lukbutan at ipakita ninyo ang kaliwanagan sa pamamagitan ng mga salitang mamumutawi sa inyong mga labi. Papagningasin ninyo ang liwanag na taglay ng inyong mga pagkatao, sa pagkampay ng inyong mga kamay at sa paghakbang ng inyong mga paa.

Ang kasalukuyang panahon ay patuloy na humihingi ng paglingap ng maraming mga kakapatid ng pang-unawa na kulang pa ng ugnayan sa Kaitaasan.

Ang kasalukuyang panahon ay nangangailangan ng liwanag mula sa Kaitaasan upang ang takot, ang kalungkutan, ang mga pag-aalala, ang mga maiinit na simbuyo ng damdamin, ang mga alitigtigin ng maraming kaluluwa ay magkaroon ng kapayapaan.

Kung kaya’t nawa’y patuloy ang pagpapailanlang ng mga dalangin at kung karapatdpat, nawa’y ang bawat isa ay magkaroon ng bahagi upang ang inyong paligid ay maakit ninyo sa pagpapalaganap ng liwanag na ito mula sa Kaitaasan.

Ito lamang ang bahaging sa inyoy aking maipagkakaloob at patuloy nawa ang bawat isa sa paghahanda, sa pagsisikhay ng mga karunungang maghahatid sa bawat isa sa kapayapaan, maghahatid sa bawat isa upang kumilos nang mayroon ng kasiglahan sa pagpapalaganap ng salita at gawa ng Dakilang Lumikha.

Muli, tanggapin ninyo ang pagpapala. Manatili sa inyo ang liwanag. Papagningasin ito upang marating ang bawat sulok ng daigdigang ito ngayon at sa lahat ng sandali.

Ang inyong patnubay … Mateo.