Medium: Kap. na Sweet dela Cruz
November 14, 2020 / 6:55 pm
Sumainyo ang kapayapaan, nawa’y ang inyong mga paningin ay makatunghay at ang inyong mga pandinig ay makaunawa ng mga salitang nagmumula sa Kabatlayaan upang mapanatag ang inyong pag-iisip, damdamin at kalooban sa pakikipamuhay sa masalimuot at mapanghamong daigdig na ito. Liwanag ang bumalot sa inyong lahat, ngayon at sa lahat ng sandali.
Muli ay sasariwain ko sa inyong hapag ang araling at talinghaga na iniwan ni Hesus, upang pagsaluhan natin ang diwa, maunawaan ang talinghaga at maipamuhay ng bawat mag-aaral ang tunay na salita ng Diyos.
Sa gitna ng maraming tao ay winika ni Hesus ang talinghaga at nagsabi — “Ang manghahasik ay lumabas upang maghasik ng binhi. Ang ilang binhi ay nahulog sa daan, niyapakan ng tao at kinain ng mga ibon. Sa kanyang paglalakad, ang ilang binhi naman ay nahulog sa batuhan, sapagkat kulang sa halumigmig o tubig, matapos na mabuhay nang sandali ay namatay ang halaman. Mayroon namang nahulog sa dawagan, kasabay na tumubo ng dawag, subalit nawala rin sa pang-iinis ng dawag na ito. At meron naman na nahulog sa mabuting lupa, nagkaroon ng maraming bunga at nagbigay ng maraming silbi sa tao. ”
Si Hesus na rin ang nagpaliwanag na ang binhi ay katulad ng salita ng Diyos, mayroon ng ibang nahulog sa daan, dumating ang diyablo, hindi nila napanindigan ang kanilang pananampalataya. Mayroon ng ibang nahulog sa dawagan, ininis ng maraming pagsubok, at mayroon din namang nahulog sa mga batuhan, kinulang sa pang-unawa. Palasak na sinasariwa ito ng tao, madalas na ginugunita ang talinhagang ito, kaya’t nabuo sa isipan ng mag-aaral na nais niyang maging mabuting lupa upang ang salita ay tumimo sa kanyang kalooban, makapamunga ng marami at makapagbigay ng silbi hindi lamang magiging kaaya-aya sa paningin ng kanyang kapwa kundi higit sa lahat ay sa Diyos na may likha.
Paano ba maging mabuting lupa na siyang lunggatiin ng bawat mag-aaral?
Mga minamahal ko, kinakailangang isagawa ang bawat salita. Ang isang matalinong mag-aaral ay hindi isang kabisote lamang ng mga salita na sa isang tumpik ng pagsubok ay makalilimot na. Kinakailangan na lakasan ninyo ang inyong pananampalataya upang maisagawa ninyo ang mga salitang iniwan ni Hesus.
Ang pag-aaral na walang gawa ay katulad ng isang bahay na walang naninirahang matinong tao at naghahari ang kadiliman. Ang isang bahay na maraming alikabok, sapagkat walang tao na gumagawa at naglilinis dito, gayundin naman na kinakailangan kayong gumawa, magsumigasig, maging matapang, maging buo ang loob na ang salita ay hindi lamang kikimkimin sa inyong mga puso kundi ihahayag ninyo sa inyong mga kapwa sa pamamagitan ng mga halimbawang pinag-aaralan ninyo sa pag-aaral ng espiritismo, ng Kristiyanismo na iniwan ni Hesus.
Papaano ba magiging mabuting lupa, masustansyang lupa na ang bawat salitang inyong mauulinigan ay lalago sa inyong pag-iisip, damdamin at kalooban?
Unang aralin na na iiwan ko sa inyo, sapagkat napakalawak ng aralin ng buhay, ng espiritismo ay ang “mahalin ninyo ang inyong sarili” – hindi sa makasarili at materyal na pamamaraan kung hindi mahalin ninyo ang inyong espiritu, itanghal ninyo siya sa inyong dambana.
Mga kapatid ko, kapag minamahal mo ang iyong espiritu, ang tunay na kawangis ng Diyos, ay hindi ka mag-aalala. Magiging panatag ang tibukin ng iyong pag-iisip, damdamin at kalooban, sapagkat ang alin mang negatibo at salungat na alitigtigin ay makakalason sa kalusugang pang-espirituwal ng isang nilalang.
Kapag minamahal mo ang iyong espiritu, mabubuo ang pagtitiwala mo sa Diyos. Sapagkat bago ka pa man ipanganak, husto at sakto ang iyong pangangailangan upang tuparin mo ang pang-espirituwal na alagatain at ang pang-materyal na iaalay sa iyo ay magiging karagdagan lamang. Kapag minamahal mo ang iyong espiritu ay gagawa ka ng mga gawain na mayroon ng katinuan, tuwid at makatuwiran para sa nakakarami, sapagkat natatakot kang gagawa ng pagkakasalang babayaran mo hindi lamang sa kasalukuyang pakikipamuhay kundi sa maraming pakikipamuhay na kakailangin mo upang umunlad. Kung mamahalin mo ang iyong espiritu, hahanap ka ng kaparaanan upang maging malaya, upang makakilos ka nang walang takot at pangamba, upang makagalaw ka nang mayroon ng matibay na pananampalatayang nagtitiwala hindi lamang sa Diyos kung hindi pati na rin sa iyong sarili na kawangis ng Diyos.
Maraming kaparaanan ng pagmamahal mo sa iyong espiritu, ang pagpigil mo sa iyong sarili na magalit, mangamba, humatol ay pagmamahal din sa iyong espiritu.
At kung ang lahat ng tao ay makikilala ang pamamaraang ito, mga kapatid ko, hindi makikita ang pagsasamantala. Walang mag-aaksaya ng kanyang sandali at lakas ng pakikitalad sa kapatagan ng lupa sapagkat ang lahat ay nakatuon sa alagataing pang-espituwal na siyang dahilan kung bakit kayo naririto.
Kapag sinabi ng Kabatlayaang – “pagkain ang hatid ko” at hinihiling ng tao na “bigyan mo ako ng pagkain para sa araw-araw”, mga kapatid ko, ang hinihiling ng mananampalatayang nag-aaral ng Kristiyanismo ay hindi pagkain ng laman kung hindi pagkain ng kanyang espiritu na magpapalakas sa kanyang sarili sa kabila ng maraming unos, karamdaman, kalungkutan, pagsubok, pangungulila, kahirapan na darating sa kanyang buhay.
Gawin ninyo na ang inyong sarili na maging mabuting lupa, masustansyang lupa na alin mang paalala na ibibigay sa inyo ng Kabatlayaan ay tatalab hindi lamang pang-imbabaw kung hindi tatagos sa kaibuturan ng inyong mga puso upang magawa ninyo ang dapat ninyong gawin. Makarinig kayo nang mayroon ng pang-unawa, makakita at makatunghay kayo ng tunay na biyayang binibigay sa inyo na hindi lamang ninyo nakikita sapagkat mayroon kayo ng kamangmangan at kahinaan.
Magpunyagi kayo na palakasin ang inyong espiritu, mahalin ninyo ang inyong sarili at ang inyong espiritu na siyang tunay ninyong pagkatao at magiging mabuting lupa ang bawat isa sa inyo.
Ito lamang ang bahagi ko, muli ang kapayapaan, nawa’y ang bawat paalala ay magsilbing pataba ng inyong mga espiritu. Masustansyang paalala upang maunawaan ninyo lagi na matandaan kung bakit kayo nakikitalad sa kapatagan ng lupa at kung saan kayo dapat mapatungo.
Paalam, ang inyong protektor … Antonio de Padua.