Medium: Kap. na Sweet dela Cruz
March 5, 2016 / 7:40 pm
Managana kayo sa maliit na piging ng pagkaing pang-espirituwal. Manatili sa inyong lahat ang maliwanag na pag-iisip, ang bukas na kalooban at ang panatag na damdamin ngayon at sa lahat ng sandali.
Ang pag-aaral ng Espiritismo ay tulad ng isang kayamanan na natunghayan ng isang paglilingkod. Pinagpalit niya ang kaniyang tinatangkilik upang mapanatili niya sa kaniyang puso at pagkatao ang kayamanang pang-espirituwal at nais niya ay ibahagi niya sa kaniyang kapatid, bunsod ng kaniyang pagmamahal at pagsunod sa alagataing pang-espirituwal … ipamahagi sa iba ang anomang iyong tinatanggap.
Subalit ano nga ba ang pinakamainam na paraan ng pakikipagbahagi ng pag-aaral upang makatiyak na hindi ito maaaksaya, hindi mababalewala, mapapanatili ang yaman kung anoman ang tinatanggap? Ano ang tunay na pagpapalaganap na maaaring ikapamuhay ng iyong kapatid sa gawi ng pag-aaral ng Espiritismo?
Mga kapatid ko, susundan ng bawat isa sa inyo ang mga halimbawa at aral na ipinakita ng Mananakop. Ibinigay Niya sa ating lahat ang Kaniyang buhay. Pag-aralan lamang ito at ipakipamuhay ng bawat isa sa inyo…
“Nang Siya ay pumasok sa nayon ng Capernaum, nakakita siya ng isang babaing inaalihan ng espiritu. Labing-walong taon na siyang nakatali sa espiritung ito. Kaya’t pinagmasdan ng mga saserdote kung ano ang kaniyang gagawin. At gaya ng natala pinagaling ni Hesus ang babaing walong taon ng nakatali sa sakit sa araw ng Sabath na siyang pinagbabawal ng mga saserdote, ng mga bumubuo ng simbahan sa kapanahunan ng Mananakop, at sinabi sa Kaniya na – mayroon kang anim na araw na maaari kang magpagaling, pumunta sa templo, magpalaganap, bakit mo ito gagawin sa araw ng Sabath?” Subalit sa kanila’y winika ni Hesus, ”Kayo na mapagpaimbabaw, hindi ba’t nilalagyan ninyo ng tali ang inyong mga alagang baka at asno at pinaiinom kahit araw ng Sabath? Ang babaing ito’y labingwalong taon ng nakatali sa espiritu ng karamdaman hindi ba’t matuwid din na siya ay mapagaling kahit araw ng Sabath?”
Mga minamahal ko pag-aralan ninyo ang mga bagay na ito. Kung mayroong batas at alituntuning nilikha, ito’y upang mapaayos ang buhay ng tao. Magkakaisa ang inyong kamalayan na ang pagsunod sa batas ay para sa kaayusan, subalit bakit ganito si Hesus, ang Dakilang Mananakop, lumalabag sa alituntunin, na dahil dito’y nagagalit sa kaniya ang maraming matataas sa lipunan – ang dalubhasa sa batas, ang matatalino sa batas ng Diyos?
Mga kapatid ko, pag-aralan ninyo mula pa sa panahon ni Hesus hanggang ngayon sa panahon ng Espiritismo, hinihikayat ang mga mag-aaral, ang mananampalatayang mag-aral, magsuri upang sa gayon ay makita mo ang tunay na katotohanan, sapagka’t ang katotohanan ay magiging totoo lamang kung mayroon itong matibay na dahilan ayon sa batas ng Diyos.
Ano ba ang Sabath mga minamahal ko? Nalalaman ninyong ito ay salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay pagkalikha, ginagamit ng Israelita ang paglikha ng Diyos, anim na araw ang paglikha Niya. Mga kapatid kong espiritista, nalalaman ninyo sa inyong mga sariling kayo ay binubuo ng espiritu at katawang lupa. Na ang espiritu ang siyang tunay na tao at tunay na anak ng Diyos, kawangis ng Ama at ang laman ay panandaliang gamitin ng espiritu sa pagtupad ng tungkulin na kapag sinabing araw ng Sabath, alalahanin ninyo ang dakilang katotohanan na kayo ay may tungkulin sa pagpapalusog sa kapatagang lupa. Lilinisin ninyo ang inyong sarili dala na rin ng kahinaan sa pangkatawan, sa mga alagataing pang-materyal upang mangibabaw ang alagataing pang-espirituwal.
Ipahinga ninyo ang inyong mga pag-iisip dala ng takot, upang mawala ang takot sapagkat mangingibabaw sa inyo ang pananampalataya sa Ama, nasasa inyo na ang lahat ng mga kailanganin sa pagtupad ng inyong mga tungkulin.
Bakit ba nagkasakit ang babae na labingwalong taong nakatali sa espiritu ng karamdaman ayon sa tagpo sa buhay ni Hesus?
Manggagamot na rin ang nagsasabing karamihan ng sakit ay nagyayari kapag nawawala ang balanse sa sistema ng katawan. Mga minamahal ko, kung nakikita ninyo ang ugat nito, nagkakasakit ang espiritu kung nawawala ang balanse. Alalaong baga’y kung ang mga alagataing panglaman ay nagiging mas mabigat kaysa sa alagataing pang-espirituwal, o ginugugol ng tao ang kaniyang limitadong lakas sa mga bagay na pangmateryal kaya’t nasa kaniya ang takot, ang galit at ang kataasan.
Mga minamahal ko, nawawala ang balanse kaya’t nagkakaroon kayo ng karamdaman. Papaano kayo gagaling mga minamahal ko?
Naririto ang pag-aaral ni Kristo, ipinapinapaliwanag ng Espiritismo, pinaaalalahanan kayo kung kayo ay nag-aalala sa pangangailangang panglaman, dalhin ninyo rin naman ang pangangailangan ninyong pang-espirituwal. Kung kayo ay nag-aalala sa kinabukasan, balansehin din naman ninyo ang pangangailangan ng inyong kapwa na katulad din naman ninyo’y kawangis ng Ama. Maraming bagay na nararamdaman ninyo na minsan ay nawawala sa inyo ang balanse. Labis ninyong pinahahalagahan ang laman. Unawain ninyo ang araw ng Sabath na nakapaloob din naman sa kautusan ng Diyos, linisin ninyo ang inyong mga sarili, iayon ninyo ang inyong mga bisig, paganahin ninyo ang lakas ng inyong pag-iisip upang itulak ninyo ang laman sa pagtupad ng tungkulin.
Hindi ko hinihiling na kalimutan na ninyo ang alagataing panglaman, ibibigay ninyo kay Cesar ang para kay Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos at makikita ninyo ang katigasan ng isang espiritu kung ipapaparehas niya ang buhay niya sa kapatagang lupa na punong-puno ng panghalina at pag-aalinlangan.
At katulad ni Hesus, hindi kayo liligpit sa loob lamang ng isang templo. Hindi lamang kayo magsusunog ng kilay sa salita, lalabas kayo, maglalakad kayo at gagamitin ninyo ang pagtupad ng tungkulin gamit ang espiritismo.
Ang Sabath ay ginawa para sa tao at hindi ang tao para sa Sabath. Linisin ninyo ang inyong buhay ang inyong pag-aaral, SALITA AT GAWA.
Magsuri kayo at mag-aral sa bawat tatanggapin ninyo mula sa Kabatlayaan, sapagkat naririto ang sagot sa kalihiman ng buhay at mararamdaman ninyo ang pag-ibig.
Ito lamang ang bahagi ko, tumupad kayo ng tungkulin,gamitin ninyo ang panahon. Alalahanin ninyo ang Sabath ay ipinaubaya sa inyo hindi upang gamitin lamang sa ligaya ng daigdigang lupa kundi upang linisin ninyo ang inyong mga sarili. Ipinaubaya ito sa inyo ng Dakilang Ama. Ang pag-aaral na ito’y hindi matatagpuan sa mga unibersidad, sa mga paaralang panglupa. Talasan ninyo ang inyong mga kamalayan.
Paalam sa inyong lahat.
Muli’y sumainyo ang mga alitigtigin ng Kabatlayaan, palakasin nawa kayo ng bawat araling inyong tinatanggap. Suriin ninyo at pag-aralan.
Paalam. Ang inyong kapatid… FLORENCIO DELA CRUZ