Ang Mga Pagsubok Ay Biyaya

Medium: Kap. na Gigi de Leon
Nobiyembre 21, 2020 / 5:30 pm

Maghari ang kapayapaan sa lahat at bawat isa. Naririto ang piging ng Panginoon, muli Niyang inihanda ang kanyang hapag kainan upang ang lahat ay mapayapang dumulog. Mga pagkaing makapagdudulot ng kalakasan ng bawat katawang laman, mga pagkaing makapagpapagaling sa anumang uri ng karamdaman, mga pagkaing bubusog sa inyong mga tunay na “ako”.

At muling mabuksan ang bawat kaisipan, ang bawat inyong mga puso… tumibay ang pananalig. Kapayapaan… ngayon at hanggang sa wakas.

Kung iinuhin ng lahat at bawat isa, sa pagpasok pa lamang ng taong kasalukuyan ay punong-puno na ng pagsubok, mga kahirapan ang tinatamo ng bawat nananahan sa daigdigang ito ng mga hugis. At mapapansin din ng bawat mga tao na halos matatapos na ang taon ay naroroon pa rin ang maraming matitinding mga pagsubok, hamon ng buhay sa bawat isang kalagayan. Mga pagsubok na tila baga’y wala nang katapusan, mga pagsubok na dulot ay pagkatakot, mga pagsubok na dulot ay kalungkutan, mga pagsubok na maraming katananungan ang naiiisip ng bawat mga anak ng Diyos.

Kung titingnan ng tao ang mga nagaganap at pakikiramdaman niya ang sarili, ano ba ang nadarama ng bawat isang kalagayan? Marahil kayo ay nakadama ng takot, ng kalungkutan, nang walang katiyakan ang mga darating na bukas. Marahil ay humina na rin ang pananampalataya. Marahil ay dumating ang isang panahon, mga sandali na nanghihina ang bawat kalooban ng bawat pag-iisip at nababalot ng takot ang buo ninyong pagkatao sapagkat tila baga ay walang katapusan ang pagdating ng pagsubok sa buhay ng lahat at bawat isang kalagayan.

Bagamat ang dulot ng mga pagsubok na ito ay pagkatakot, kalungkutan at kawalang pag-asa, bilang isang mayroong angking karunungan ng pag-aaral ng dakilang simulain ng espiritismo, batid ng isang espiritista na ang mga pagsubok ay mga “biyaya”. Subalit sa mga mananampalatayang kulang at kapos sa kabatiran, masasabi bang ang pagsubok na ito’y matatawag na mga biyaya kung ang mga pagsubok ay dulot ang pagkatakot, kung ang mga pagsubok ay dulot ang kahirapan, kung ang mga pagsubok ay dulot ang kalungkutan at kawalang pag-asa na nadarama ng bawat damdamin at kalooban? Masasabi ba na ang mga pagsubok na ito’y mga biyaya?

Mga iniibig na kapatid, batid ng isang mag-aaral na ang mga pagsubok ay mga biyaya. At sa bawat  mga pagsubok, sa dami ng mga pagsubok tiyak marami ang mga pagpapala, marami ang mga biyaya.

Hindi lahat ng nangyayari na walang kagandahan dulot ay kahirapan, dulot ay kalungkutan at takot ay hindi na isang magandang pangyayari. Mga iniibig na kapatid, hahanapin ng tao, hahanapin ng bawat isang mag-aaaral … nasaan ang kagandahan at kabutihan ng mga pagsubok na ito. Hahanapin ng bawat isang mag-aaral ang magandang maidudulot ng mga pangit na pangyayaring ito. Bakit nga ba nagaganap ang mga bagay na ito? Sapagkat sa mga panahon na ang tao ay nasa gitna ng kaligayahan, sa mga panahon na ang tao ay nasa kalusugan ng kanyang katawang laman, sa mga panahon na ang  tao ay narororoon sa pagtanggap ng mga tangkiliking nauukol lamang sa katawang laman ay nalilimutan ng tao ang kausapin at tumawag sa Dakilang Ama sapagkat hindi ninya ito kinakailangan sa kanyang pag-aakala.

Mga iniibig na kapatid, walang sandali na hindi kakailanganin ng tao ng ang Diyos. Walang sandali na hindi kakailanganin ang pag-ibig ng Ama, bagamat nalilibang ang tao sa kanyang masagana at masayang kalagayan, naroroon pa rin na kailangan ng tao ang Ama na tatangkilik sapagkat siya’y anak na nangangailangan ng isang mapagmahal na ama.

Nalilimutan ng tao ang kanyang tungkulin kapag ang tao ay naroroon sa gitna ng kalagakan ay hindi niya nauunawaan ang kaabahan at kaapihan ng kanyang kapwa. Hindi niya nauunawaan ang pangangailangan ng kanyang kapwa sapagkat hindi niya nadarama kung paano ang mahirapan. Hindi niya nadarama kung paano ang malungkot. Hindi nya nadarama kung paano ang matakot. Subalit sa pagkalabit ng Diyos, sa paggising ng Diyos sa kanyang mga anak, naramdaman na ng tao ang takot. Naramdaman na ng tao ang kalungkutan. Naramdaman na ng tao ang kawalan, sapagkat naroroon siya sa isang kalagayan na batbat ng pagsubok, batbat ng pasakit, batbat ng kahirapan ng buhay.

Ito ba’y isang kaparusahang matatawag mga kapatid? Parusa ba ng Diyos na ang tao ay malagay sa isang kalagayang sa gitna ng takot? Isang kaparusahan ba na ang tao’y matagal na mahirapan sa kanyang buhay, makipaglaban sa kanyang daigdig na kanyang ginagalawan? Kaparusahan ba ng Diyos na ang isang tao ay magkaroon ng malulubhang karamdaman? Kaparusahan ba ng Diyos na ang isang tao ay makaranas ng kagutuman, makaranas ng pagka-uhaw? Ang Diyos ay pag-ibig kayat kailanman ay hindi Niya parurusahan ang kanyang mga anak.

Bagamat dumaranas ang tao ng kahirapan. Bagamat dumaranas ang tao ng mga pagsubok, hindi ito matatawag na isang kaparusahan kundi ito’y paggising, pagtinag. Pagkalabit sa tao at mga anak na nakalilimot sa kanyang Ama. Ang mga bagay na ito ay nagaganap upang maaalala ng isang anak ang isang Ama, upang maalala muli nang bawat inyong tunay na “ako” ang bawat tungkuling sinumpaan sa harapan ng Ama.

Kaya mga iniibig na kapatid, damahin ninyo ang mga pagsubok na pinagkakaloob ng Diyos. Yakapin ninyo at tanggapin nang buong puso, tanggapin ng mayroong katatagan, tanggapin nang mayroong pananampalataya, tanggapin ng mayroong kaligayahan sa bawat inyong mga puso, sa bawat inyong kaisipan sapagkat walang pagsubok na hindi natatapos. Walang pagsubok na hindi magiging biyaya at pagpapala na magmumula sa Dakilang Lumikha.

Ang tao ay magbabago. Kanyang sasaliksikin kung bakit nagaganap ang mga pangyayaring ito, sasalikin ng tao at pag-aaaralan kung paano ang gagawin upang malampasan ang mga pagsubok at kahirapan ng buhay.

Kanino lalapit ang tao? Sino ang kanyang tatawagin? Kanino siya magsusumamo? Kung hindi sa Amang makapangyarihan, sa Amang Manlilikha.

Mga iniibig na kapatid, suriin ninyo ang inyong mga sarili. Bantayan ninyo at tanganan ang bawat kilusin ng bawat sangkapin ng inyong katawang laman. Suriin ninyo ang sarili, ano ba ang nagaganap sa aking sarili? Ano ba ang nagaganap sa aking buhay. Kung wala ng kaginhawahan, kung wala ng kalusugan ng katawang laman, kung ang pag-iisip ng tao ay punong-puno ng kagulumihanan, kung ang tao ay naroroon sa isang pakiramdam ng kaalinsangan ay kailangan mong magbago.

Kailangan mong tuklasin ang iyong mga pagkukulang, kailangan mong tuklasin kung saan ka nagkamali at kung ano ba ang pagkakasala na iyong nagagawa. Ano ba ang iyong mga pagkukulang?

Kung ikaw ay naroroon sa isang kalagayan na may kapayapaan na marami ang mga pagsubok ng buhay ay hindi ka matitinag, hindi ka matatakot bagkus ay iyong ipagpapasalamat ang mga pagsubok. Kung ganoon kapatid ay naroon ka sa isang kalagayang maliwanag ang iyong pag-iisip, naroon ka sa kalagayang batid mo at nababantayan mo ang iyong sarili sa bawat kilusin ng bawat sangkapin ng iyong katawang laman.

Ang isang tunay na nanalig kailanman ay hindi matitinag, matatakot ano man ang nagaganap sa kapaligiran, ano man ang maganap sa iyong buhay.

Ang isang may matibay na pananalig sa Ama, kailanman ay hindi makadarama ng pagkatakot dahil batid niya na naririyan ang Ama na laging tutugon sa bawat pangangailangan ng tao, laging gagabay sa bawat kanyang mga anak.

Kaya mga iniibig na kapatid, alisin ang takot sa inyong puso. Pagliwanagin ang bawat pag-iisip na ang lahat ang mayroong katapusan. Na kung ano ang dati ninyong kaparaanan ng pamumuhay, mababalik ito sa dati. Babalik ang nakagawian ng tao na muli’y magkakaroon ng kalayaan. Subalit palayain mo ang iyong sarili sa paggawa ng mga kasalanan, ito’y iyo nang talikuran. Ito’y iyo nang iwasan upang magkaroon na ng kaliwanagan ang mga nagaganap sa iyong buhay.

Manalig ka sa Diyos. Sumampalataya nang buong puso. Ibigay mo ang iyong sarili, ang iyong buong pag-iisip, ang iyong buong puso, ang iyong buong pagkatao at darating ang panahon na magkakaroon ang tao ng muling kalayaan sa pagkilos at paggalaw ng bawat sangkapin ng iyong katawang laman.

Subalit ang Ama ay umaasa na sa pagkilos at paggalaw ng tao ay naroroon na ang kabutihan at kabanalan, na malinis na ang tibukin  ng bawat inyong mga puso. Malinis na ang dinadaloy ng inyong pag-iisip at naroroon na ang isang pag-asa at isang kasiglahan na ang tao ay magkakaroon na ng paggawa na naaayon sa kabutihan at kabanalan, at naaayon sa mga utos ng Dakilang Lumikha.

Muli ay kapayapaan ang aking iiwan, ang mga pagkaing ipinagkaloob ng Diyos sa kanyang hapag kainan ay magsisilbing kalakasan ng tao, magsisilbing kagamutan sa lahat ng uri ng karamdaman. Ang mga pagkaing ito’y magpapalusog ng bawat inyong katawang laman higit pa’y nang inyong mga tunay na “ako”.

Kapayapaan… ngayon at magpakailanman.

Ako sa inyo’y nagpapaalam, ang inyong patnubay… Juan.

Paalam.