Pagsubaybay Ng Mga Banal Na Espiritu Para Sa Pagpapabuti Ng Sangkatauhan

Medium: Kap. na Sweet
December 12, 2020 / 6:37pm

Kaliwanagan ng pag-iisip, damdamin at kalooban upang ang dito ay inaaaral na nauukol sa kapakanan at pag-unlad ng inyong tunay na pagkatao ay maunawaan, matanggap, maisagawa at maipamuhay ng bawat isa sa inyo ngayon at sa maraming sandali ng pakikipag-aral.

Bilang isang Kristiyano na humahawak at naniniwala sa salita ni Hesus, buo ang iyong tiwala at pananampalataya na ang sinomang kumatok ay pagbubuksan, sino mang humingi ay bibigyan, sino mang maghanap ay makasusumpong sapagka’t sinabi nang walang pasubali ni Hesus na hindi magbibigay ang Ama sa isang anak ng bato kung ang hinihingi nya ay tinapay, ahas, kung ang hinihingi nya ay isda, o alakdan kung ang hinihingi nya ay itlog. Sinomang ama sa kapatagan ng lupa ay magpapakita ng kagandahang loob sa kanyang anak o supling, gaano pa kaya ang Ama na hindi magbibigay ng espiritu santo sa mga anak na humihiling nito. Subalit sa kabila ng pagtiklop tuhod ng isang mananampalataya, paulit-ulit na panalangin, paghiling, malayo na ang narating niya sa paghahanap, hindi pa rin siya nakakasumpong, hindi pa rin sya nakatatanggap kaya’t dahil dito ay nanghihina, nalilito ang isang mananampalataya. Pag-aralan nga natin mga kapatid ko ang mga salitang ito ni Hesus upang sa halip na magbigay ng pag-aalinlangan ay makapag-anyaya sa tao na lawakan ang kanyang pang-unawa upang mapatatag ang kanyang pakikipamuhay sa gitna ng sanlibutang punong-puno ng hirap at pasakit.

Magmula pa lamang pagkabata, nabuhay na ang isang paslit sa alindog ng sanlibutan, unti-unti siyang napapalapit sa ganda nito at nagmimithi na makuha ang mga bagay na magpapagaan ng buhay pakikitalad sa daigdigang ito. Nang siya’y tumuntong sa paaralan, wala siyang nakitang aralin ukol sa lihim ng kanyang pakikitalad sa kapatagan ng lupa. Bakit siya narito? Ano ang kanyang pakay at saan siya patutungo? Nabuo sa kanyang ang isang kaisipan, kapag nagtagumpay siya sa pag-aaral, magiging matagumpay din siya sa paghanap ng kanyang ikabubuhay at kikilalanin siya ng kanyang kapaligiran. Hanggang sa siya ay makapagtapos, makuha ang mithiing ikaliligaya ng kanyang magulang, subalit sa kabila nito ay patuloy pa rin ang hirap, pagsubok sa kanyang kaisipan at mga paniniwala, hindi pa rin siya nagiging masaya sapagkat nawawalan ng direksyon ang kanyang pakikipamuhay. Ano ba talaga ang magpapaligaya sa kanya, ano ang magpapatatag sa kaniya? Ano ang paghahanda na kanyang dapat gawin? Mayroon ng isang kamatayan na kanyang kinatatakutan, mayroon din ng isang kasiphayuan na kanyang iniilagan, mga karamdaman na kanyang iniiwasan sapagkat kapag dumating ang mga bagay na ito hindi niya alam kung ano ang kanyang haharapin. Mga minamahal ko, karamihan ng buhay ng tao sa kapaligiran, dito umiikot kayat marami ang sigalot, marami ang pagkakakanya-kanya. Ang tao ay nakararamdam ng takot, pag-aaalinlangan, galit, kasiphayuan, sapagkat hindi niya alam ang patutunguhan. Tila bagang isang taong nagtayo ng bahay sa buhanginan na sa isang iglap lamang ay nawawala ang alin mang pinagsikhayan. Kaya’t nagtatanong siya, totoo nga ba ang sinabi ni Hesus, nasa halat ng hihingi ay bibigyan? Sa lahat ng maghahanap makasusumpong, sa lahat ng kakataok, pagbubuksan? Pag-aralan pa rin natin ang inyong mga sarili.

Mga kapatid ko, sapagkat nalihis nga ang pag-iisip ng tao, ang kanyang pangarapin at mithiin ay naiba rin sapagkat walang nagtuturo sa kanya kung ano ang tunay na pakay ng kanyang buhay, nawawalan din ng saysay ang bawat paggising niya sa umaga. Parang nauuwi na lamang sa kawalan ang lahat ng kanyang pag-iipunan. Kayat ang sinabi ni Hesus, ibinigay ang Diyos ang espiritu santo sa lahat ng hihingi sa Kanya katulad ng ginagawa ninyo sa mapalad na sandaling ito, nakikiniig kayo sa Kabatlayaan, nagpapaalala sa inyo ng tunay na hangarin kung bakit kayo ipinanganak. Nagtuturo sa inyo ng tumpak na pakikipamuhay. Ipinaalala sa inyo na mayroon kayong dapat kumpunihin. Mayroon kayo ng isang kasiraan o panghihina na dapat gamutin. Mayroon kayo ng mga tunkuling ipinangako na dapat gawin upang maging karapatdapat sa Amang malinis at banal.

Tulad baga kayo sa mga taong nakapiit o mga preso, bawat kaluluwa’y inilagay sa kahinaan ng laman, ipiniit sa daigdigang ito ng luha at hinagpis upang magpakatino, upang ituwid ang pagkakamali, upang pagbayaran ang utang at nang sa gayon ay magmithi ng kalayaan? At habang kayo ay nakapiit sa kahinaan ng laman, habang kayo ay naninimbang sa daigigang ito ng materya na punong-puno ng pagsubok, kahinaan at kamang-mangan ay narito ang Kabatlayaan, dinadalaw ang bawat isa sa inyo. Narito ang inyong mga dating nakasama, pinapaalalahanan kayo, sinusuportahan kayo sa gitna ng inyong pakikitalad.

At kung kayo ang preso, mga kapatid ko, hindi ba’t kayo ay matutuwa sa bawat pag-alaga ng isang kapatid na mayroon ng kalayaan na nagsasabi sa inyo at naglalarawang “ang sarap ng buhay ng isang malaya sa piling Ama, ang sarap mabuhay sa isang kapamayamanang mayroon ng kaunlaran, ang sarap mabuhay sa isang daigdig na naroroon kapiling ang kaunlaran, kalayaan pang-espirituwal.” Ganito ang larawan ng bawat isa sa inyo.

Dinadalaw kayo, pinaaalahanan kayo, pinalalakas kayo, nasa kabila na kayo ay nakapiit, bunga na rin inyong mga pagkakamali, ang Kabatlayaan, ang espiritu na nauna ay bumababa at nagpapaalala sa inyo. Huwag na ngang itangos ng bawat isa, na kayo lamang ay mayroong ganitong abilidad o kayo lamang ang pinagpala na mayroong subaybay. Lahat ng taong nakikitalad ay mayroon ng subaybay, mayroon ng tinatawag na anghel dela guwardiya, mayroon ng tinatawag na liwanag, mayroon ng tinatawag na kapatid na taga tangkilik. Subalit sa pag-aaral ng espiritismo, ipinaliliwanag sa inyo na mayroon ng dalawang daigdigan, daigdigan ng laman at daigdigan ng espiritu na ang dalawang ito ay mayroon ng ugnayan, hindi mapuputol ng kamatayan kaya’t lalo pang palalakasin ang bawat isa sa inyo, hindi kayo nag-iisa.

Bago ninyo pa man din idinasal ano ang inyong kailangan ay alam na ito ng Ama at ipinagkaloob na rin sa inyo ang espiritu santo, ang subaybay, labanan ang mga tukso, labanan ang pagsubok, makibaka sa buhay pang-materyal upang maasam at matagpuan ninyo ang kagandahang minimithi, hindi sa daigdigang lupa kung hindi sa daigdigan ng mga espiritu. Ano man ang tinatangkilik ninyo ngayon ay pansamantala lamang. Isang kabanata sa buhay ng espiritu patungo sa kanyang mahabang pagsulong, kayat ang naiiwan sa inyo ay magpakatalino kayo. Linisin ninyo lagi na ang inyong pag-iisip upang sa loob at labas ng Lunduyang ito’y maramdaman ninyo ang subaybay ng espiritu santo, ng banal na Batlaya upang sa kabila man ng ibat ibang uri ng kaparaanan ng pakikiniig sa daigdigan ng espiritu’y maramdaman ninyo ang liwanag, ang aralin, na sa kabila ng teknolohiya ay naroon pa rin sa inyo ang una at orihinal na aralin kung bakit kayo nabubuhay sa daigdigang ito.

Mga kapatid ko minsan nabanggit ng isang mag-aaral, “punong-puno lang ba ng hirap ang mabuhay sa kapatagan ng lupa? Nakakalungkot namang isipin kung puro na lamang hirap, pagsubok ang sinasabi ng Kabatlayaan.” Mga kapatid ko, ang isang espiritu o kamalayang nauunlad, hindi na makararamdam ng hirap. Ang isang espiritu o diwa na umuunlad, nagpapasalamat sa pagsubok. Kaya’t ang isang kamalayang mayroon pa ng hinagpis o reklamo sa buhay, mga bunso pa lang sila o paslit sa kabanalan na darating ang panahon na mauunlad at magpapasalamat din sa biyayang darating sa kanila.

Ito ang inilarawan ni Hesus, nasa kabila ng maraming pag-uyam, maraming gutom, hirap, pagsubok, galit ng kapwa, hindi Siya nalulungkot, hindi Siya nagalit, hindi rin Siya nagtampo, hindi Siya nag-alinlangan, hind Siya nawalan ng pagtitiwala sa Ama. At ganito ang mithiin ng bawat isa sa inyo, matatagpuan nyo ito dahan-dahan sa muli at muling pakikipamuhay, sa muli at muling pakikipag-aral, maaatim ninyo ang kalayaan laban sa sakit, paghihikahos, pag-aalinlangan, pag-aalala, galit at alin pa mang negatibong alitigtigin.

Mga kapatid ko, kung maniniwala kayo na hindi lamang kayo minsan nakipamuhay sa kapatagan ng lupa at alin mang dadanasin ninyo ay may mga dahilan na nagtuturo kung ano kayo sa nakaraan at kayo’y babalik muli rito upang hanapin ang pagbabago at paglilinis, aalagaan ninyo ang inyong kapatid, aalagaan ninyo ang inyong pamayanan, aalagaan ninyo ang sanlibutan sapagkat dito kayo matututo, dito kayo uunlad, at dito kayo magtatagumpay. At pagdating sa dako paroon ay dito ninyo makikita ang kabanalan, tunay na kalayaan sa piling ng Ama.

Muli ang kapayapaan, nawa’y ang bawat aralin ng Kabatlayaan ay nakapagbukas ng pinto na matagal na ninyong kinakatok, at makapagbigay ng yaman na matagal na ninyong hinihiling. Ito nawa ang pagsikhayan ng bawat isa sa inyo upang makita ninyo ang katatagan, mapanuto ang inyong landas at magbigay din kayo ng liwanag para sa iba.

Paalam, ang inyong subaybay … Santiago.