Mga Katangiang Dapat Isabuhay Ng Isang Espiritista

Medium: Kap. na Gigi
December 12, 2020 / 5:45pm

Maghari sa lahat at bawat isa ang kapayapaan. Magliwanag nawa ang bawat kaisipan. Magkaroon ng tibay ang bawat isang pananampalataya. Kapayapaan ngayon at hanggang sa wakas.

Bilang isang mag-aaral ng dakilang simulain ng Espiritismo ay kinakailangang taglayin ng isang espiritista o isang mag-aaral ang tatlong katangian katulad na ang isang espiritista ay hindi nagagalit, ang isang espiritista ay hindi natatakot, ang isang espiritista ay hindi nalulungkot. Ngunit tila baga napaka-imposibleng hindi makadama ang tao na hindi siya magagalit, hindi matatakot, hindi malulungkot, subalit kinakailangang maging ito’y mga katangian  ng isang tunay na mag-aaral ng dakilang simulaing ito ng Espiritismo.

Papaano nga ba na ang bawat kapatid ay hindi makadarama ng pagkagalit gayong mamalas ng bawat paningin ang mga ikinikilos ng mga kapwang nakadarama ng pagkagalit ng isang tao. Ang sinasambit ng bawat mga dila na maaaring makapagdulot ng pagkagalit sa isang tao, ang mga katagang nadirinig na maaari ring makapagdulot ng pagkagalit ng isang tao, at ang mga ginagawa ng kapwa na siyang tunay na maaaring ikagalit ng isang tao. Papaano magagawa ng isang espiritista ay hindi makadarama ng pagkagalit kung nariyan ang mga pangyayari, nariyan ang mga kapwang humihiwa at nananakit ng mga damdamin, naririyan ang mga kapwang nagiging mapagsamantala sa kababang loob at kabaitan ng bawat isang mag-aaral o ng bawat isang anak ng Diyos? Paano na ang bawat isa ay hindi makadarama ng pagkatakot gayong sa araw-araw ng bukas na pinagkakaloob ng Diyos ay  naroroon, walang kasiguruhan. Papaano hindi makadarama ng pagkatakot kung naroroon ka sa isang kalagayan ng kaabahan? Isang kalagayang tila baga wala ng kakayahan upang maiangat ang iyong buhay, upang magkaroon ka ng isang magandang buhay sa araw-araw na pinagkakaloob ng Diyos. Papaano ka hindi magkakaroon ng pagkatakot kung ikaw ay naroon pa rin, nanatili sa banig ng karamdaman na tila baga ang iyong karamdaman ay wala ng kalunasan. Papaano na ang tao ay hindi makadarama ng kalungkutan kung naroroon ang maraming pagkabigo sa mga minimithing pangarap. Papaano na ang tao ay hindi makadarama ng kalungkutan kung naroon sa isang kalagayang kumakalam ang tiyan. Papaano na ang tao ay hindi makadarama ng kalungkutan kung naroroon sa isang kalagayan na tila baga na wala ng nagmamahal, wala ng kumakalinga? Ngunit mga iniibig na kapatid, katotohanan na kinakailangan na maging katangian ng isang espiritista na ang isang mag-aaral ang mga bagay na ito na ang isang espiritista kailanman ay hindi magagalit, hindi matatakot, hindi malulungkot. Subalit paano nga ba magagawa ng isang espiritista ang mga bagay na ito na kung iisipin ng bawat kaisipan ay napakaimposible na maghari at maganap sa pagkatao ng lahat at bawat isa. Subalit kung pag-aaralan ng bawat isang kalagayan, kung susuriin ang pag-aaral ng dakilang simulaing ito ng espiritismo, tutuklasin at aalamin ng bawat kapatid bakit nga ba naririto ang tao sa daigdigan ng mga hugis, bakit nga ba paulit-ulit at isinisilang muli ang tao, bakit binibigyan ang Diyos na muling makitalad ang tao sa daigdigang ito ng mga hugis ng maraming beses at maraming pagkakataon ang tao?

At bakit nga ba, ano ang kadahilanan bakit binibigyan ng Diyos ng maraming hiram na buhay ang bawat isa? Kung uunawain ng bawat isang mag-aaral ang mga nagaganap at nangyayari sa kanyang buhay, kung uunawain ng isang mag-aaral ang ginagawa ng kanyang kapwa ay hindi siya makadarama ng anomang pagkagalit sa mga kapwang ito. Kung tatanggapin at iisipin ng lahat at bawat isa ang mga nagaganap at nangyayari sa inyong buhay ay isang bahagi lamang ng pagbabayad sa inyong mga buhay o pagkakasala ay hindi ka makadarama ng pagkagalit sa mga nananakit o mga taong nagdudulot ng kahirapan sa iyong buhay, sa mga taong nagdudulot ng kaabahan sa iyong buhay. Na kung iisipin na ito’y bahagi lamang ng iyong pagbabayad sa iyong pagkakasala sa mga nagdaang  buhay ay iyong matatanggap at hindi ka makadarama ng pagkagalit sa mga gumagawa ng mga bagay na ito. Kung iisipin ng tao na ikaw tao’y pinakaiibig ng Diyos, kung iyong matatanggap na bawat pangyayari ang mga sakunang nagaganap, ang mga lindol, bagyo o pagbaha ay nararapat na maganap sa buhay ng bawat isa ay nariyan ang iisang Diyos ang nagmamahal na Ama, anoman ang maganap sa iyong buhay ay iyo itong matatanggap. Hindi ka makadarama ng pagkatakot sapagkat batid mo na hindi ka pababayaan ng Dakilang Lumikha sapagkat nababatid mo na bilang isang mag-aaral na ito ay nararapat na maganap at maghari sa iyong buhay.

Papaano ka hindi makadarama ng kalungkutan sa lahat ng magiging pangayayari sa iyong buhay ay tanggap mo na ito ay pagbabayad lamang ng iyong pagkakasala, tanggap na ito ay kinakailangang maganap upang mapagbayaran mo ang iyong mga pagkakasala. At sa halip na kalungkutan ang iyong madama sa mga pangit na nangyayari sa iyong buhay ay kaligayahan sapagkat nakapagbabayad ka na ng iyong mga pagkakasala at nagaganap na ang mga pangyayaring dapat na maganap sa iyong buhay.

Mga iniibig na kapatid, kapag ang pag-aaral na ito ay tinanggap mo sa iyong puso, tinanggap ng iyong pag-iisip na ang lahat ng bagay na nagaganap ay karapatdapat at bahagi lamang ng iyong pagkakasala at bahagi na rin upang iyong mapagbayaran ang mga pagkakasala, kailanman ay hindi ka makadarama ng pagkagalit anoman ang gawin sa iyo ng kapwa, anoman ang maganap sa iyong buhay. Kailanman ay hindi ka matatakot sa anomang pangit na pangyayari sa iyong buhay sapagkat batid mo na ito ay bahagi rin ng iyong pagbabayad utang. Hindi ka malulungkot bagkus ikasisiya ng iyong damdamin ang mga nagaganap na wala ng kagandahan sapagkat nagbabayad ka ng  iyong mga pagkakasala.

Maraming panahon na laging sinasabi ng kapwa ng kapaligiran, katulad ng papalapit na pagdiriwang, ang paggunita sa pagsilang ng dakilang Mesiyas, sasabihin ng tao… “parang hindi Pasko”. Noong mga nakararaang panahon laging sinasabi ng tao, “parang hindi Pasko”. Subalit sa mga sandaling ito, sa mga nagaganap na ito na hanggang ngayon ay naroon pa rin ang tao sa pagsubok ng pandemya na patuloy pa ring naririto sa sandaigdigan, sa inyong bansa, ano pa ang masasabi ng tao? Ano pa kayang salita ang mamumutawi sa mga labi ng tao kung naririto ang tao… ang lahat ng tao ay lugmok sa kahirapan, marami ang nawalan ng trabaho na hanggang sa mga sandaling ito ay wala pa ring pinagkakakitaan. Marami ang mga nagsarang negosyo, marami ang mga naganap na nakatuon sa kawalan  ng tinatangkilik, sa kawalan ng kayamanan ng tao. Ano pa ang mamumutawi sa bawat  mga labi? Subalit mga iniibig na kapatid kung sa materyal ibabatay ng tao kung papaano nya ipagdiriwang ang kapaskuhan, marahil ay masasabi mong  parang hindi pasko. Subalit kung iyong pagdiriwang ang kapaskuhan ng dahil sa gugunitain ng tao ang kaligayahan ng pagsilang ng isang Mesiyas, ang isang sanggol na pinagkaloob ng Diyos na dahil sa malabis na pagmamahal ng Ama, kung doon mo ibabatay, nang dahil sa pag-ibig ng Ama sa tao sa kanyang mga anak … maipagdiriwang ng tao nang may kaligayahan ang kapaskuhan at masasabi ng lahat at bawat isa na “nararamdaman ko ang pasko sapagkat nararamdaman ko ang pagp-ibig ng Diyos”.

Mga iniibig na kapatid, sa dami ng pagsubok at patuloy na lumalaganap ang pandemya, ano ang nararamdaman  ng isang tunay na mananampalataya? Ano ang nararamdaman ng isang tunay na espiritista? Nararamdaman ng Kabatlayaan na unti-unting nawawala ang pagkatakot ng mga kapatid, nararamdaman ng Kabatlayaan na nagpapasalamat ang bawat kapatid sa mga pagsubok na patuloy na nalalagpasan ng bawat isang mag-aaral.

Magpatuloy ang lahat at bawat isa sa pananalangin sapagkat ang pananalangin ay makapagdudulot ng katatagan sa bawat kapatid. Ang panalangin ay makapagdudulot ng pag-asa sa bawat kapatid. Ang panalangin ay nagdudulot ng kagandahan hindi lamang sa lahat at bawat isa maging sa inyong kapiligiran, sa inyong mga kapwa.

Mga iniibig na kapatid, ibabahagi ninyo sa  lahat ang lahat ng pag-aaral na ito sa pamamagitan ng inyong pag-iisip. Ibabahagi ninyo hindi man mamutawi sa inyong mga labi, sa inyong mga dila ang mga kataga na nauukol sa pag-aaral, para sa inyong mga kapwa ay maibabagi ang mga bawat aralin sa pamamagitan ng inyong mga pag-iisip, sasabihin ng inyong pag-iisip sa inyong mga kapwa ang mga aral na ipinagkakaloob ng mga Kabatlayaan.

Tatlong katangian ang nararapat na taglayin ng isang mag-aaral ng dakilang simulaing ito ng espiritismo, ang isang espiritista ay hindi nagagalit, ang isang espiritista ay hindi natatakot, ang isang espiritista ay hindi nalulungkot.

Muli’y sumainyo ang kapayapaan, maghari ang pag-iibigan, magalak ang bawat isa sa mga pagsubok na patuloy na pinagtatagumpayan ng bawat isang kalagayan. Kapayapaan ngayon at hanggang sa wakas, ako sa inyo ay magpapaalam ang inyong patnubay… Juan, paalam.