Tatlong Uri Ng Kawanggawa

Medium: Kap. na Ligaya
December 12, 2020 / 5:07 pm

Binabati ko ang bawat isang mag-aaral at naway sa pagkakataong ito ay madama ninyo ang masaganang pagpapala na lagi na’y kapupunan ng inyong pagkatao ngayon at magpakailanman.

Mga iniibig na mga kapatid, damang-dama ninyo ang aral, ang diwa ng sa inyo ay binasa ng ating kapatid (Juan Kap 5) bago simulan ang panayam na ito.  Marahil kayo na rin ang makapagpapatotoo na sadyang ang Kaitaasa’y kailanman ay hindi kayo pinababayaan. Sinabi kong hindi kayo pinababayaan sapagkat iilan man ang inyong mga bilang ay nadarama ng Kabatlayaang marubdob ang inyong mga pagnanasa hindi lamang sa mga pagkakataong ito kung hindi ay sa lahat ng mga sandali. Bukas ang inyong mga palad, bukas ang inyong mga kamalayan na ang lahat ng mga araling sa inyo ay pinagkakaloob ay inyong ipinamimigay hindi lamang sa inyong mga mahal sa buhay kung hindi higit na’y doon sa mga nangangailangan.

Damang-dama ng Kabatlayaan na marami ang nauuhaw, marami ang nagugutom subalit gumagawa kaya ang tao ng mga kaparaanan sakabila ng kanilang mga kaalaman at karunungan, nabibigyan kaya nila ng pagpapahalaga ang bawat sandali na sa kanila ay pinagkakaloob ng Kabatlayaan? Anoman ang nasasakanilang pagkatao sa ngayon, walang makapagsasabi kung ano nga ang kanilang mga damdamin, kung ano nga ang kahalagahan ng mga sandali na kanilang pakikipag-aral o pakikipag-ugnay sa Kabatlayaan. Magkagayon pa man mga minamahal ko, nawa’y sa kaliitan nga ng inyong mga bilang, kapit-kamay na tataglayin ninyo, saan man kayo idako ng inyong mga panyapak, lalong lalo na nga ang maipadama ninyo sa kanila ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng pang-unawa sa kanilang mga kalagayan. Mga minamahal ko, napag-aaralan nga ninyo na sa pamamagitan ng pagkakawanggawa sa tatlong uri ng kawanggawa ay iyan ang nagbibigay sa inyo ng ganap na kaligayahan, ganap na kapayapaan, ganap na katiwasayan ng inyong mga pagkatao. Kaya nga mga minamahal ko ay huwag kayong magsasawang dinggin ang mga panawagan ng Kabatlayaan, sadyang ito lamang ang kaparaanan upang ang tao’y matawagan ang kanilang pansin, matapik ang kanilang mga balikat upang sa kanilang pagkakahimlay o pagkalimot ay muli silang bumangon, lumakad, humayo ng tunay na kadahilanan kung bakit nga sila naririto.

Mga minamahal ko sa tatlong uri ng kawanggawa’y lutas na sa inyo ang magkawanggawa sa laman na sa pamamagitan ng mga pagkain ng laman, mga damit, mga pangangailangang pang-materyal ay alam kong kayang-kaya ng aking mga kapatid ang ganapin ang pagkakawanggawa sa laman. Gayun din naman ang pagkakawanggawa sa asal, na dito nga’y hindi nangangailangan ng mga bagay ng laman kung hindi ang kayo’y mamagitan sa mga nilikhang pinaghaharian ng kanilang mga kainitan ng kalooban. Paglalatang ng kanilang mga damdamin. At kumbaga sa isang sunog, maalam kayong sawatain ang sunog na magaganap sa inyong kapaligiran. Naririyan ang inyong mga pagkakataon, naririyan na maipakilala ninyo sa kanila ang kagandahan ng simulaing inyong pinag-aaralan. At gayon din naman ang nauukol sa inyong kaluluwa, na ito nga’y kinakailangan lamang ang mataimtim na pananalangin. Pagbibigay ng taos pusong panalangin na siyang kailangang-kailangan na tanging pagkain lamang ng inyong mga tunay na pagkatao. At naway sa pagkakawanggawa ninyo sa tatlong uri ng kawanggawa, pakatandaan ninyong kailanman ay hindi kayo maghihintay ng anumang kagantihan. Nalalaman ng Dakilang Ama, nalalaman ng Kaitaasan na ang inyong mga ginagawa ay hindi lamang isang banal na tungkulin kung hindi ito’y sadyang bahagi ng inyong pagkatao upang makamit ninyo ang kapayapaang hinahanap-hanap ng inyong mga pagkatao.

Mga minamahal na kapatid, nawa’y sa pagkakawanggawa sa tatlong uri ng kawanggawa’y mapanahimik ninyo ang inyong mga pagkatao. Ipagkaloob ninyo nang buong puso ang pagtulong upang ito’y magiging marubdob na pagnanasa, na magiging batobalani na aakit hindi man sa mayroon ng katawang laman kung hindi gayon din naman sa mga kaluluwang nasa likod na ng libingan.

Kaya nga mga minamahal ko, pasalamatan ninyo at sa mga ganitong pagkakataon ay naririto pa rin kayo, taglay ang kalakasan ng inyong mga katawang laman, taglay ang kaliwanagan ng inyong mga pag-iisip, taglay ang inyong mga pagmamahal na kailanman ay hindi kayo nagtatangi sinoman ang inyong nasa kapaligiran.

Mga minamahal ko, huwag kayong magsasawang dinggin ang mga panawagan ng Kabatlayaan sapagkat ito’y parang mga musikang aaliw kung dumarating sa inyo ang mga kalungkutan.

At kung kayo ma’y nakakaramdam ng wala kayo sa inyong kapayapaan o wika nga’y pinanghihinaan kayo ng inyong mga kalooban. Lagi na’y iuugnay ninyo ang inyong mga sarili. Lagi na’y magpailanlang kayo ng matatapat na panalangin na hindi lamang nauukol sa inyong mga sarili kung hindi higit na’y sampo ng inyong mga kapaligiran.

Magagawa ninyo ito  mga minamahal ko sapagka’t nalalaman ko na ang Kabatlayaan ay hindi kayo pinababayaan. Lagi kaming nasasalikod, lalo pa nga kayong nagsusumikap na ang dakilang simulaing ito ng pag-ibig ay maipalaganap ninyo sa apat na sulok ng daigdigan. Ito lamang ang maikli na abot sabi na aking maihahayag. Nawa’y nakadagdag ako ng kaunting pagkain sa hapag ng Panginoon na siyang magbibigay ng kabusugan sa inyong mga kaluluwa.

Muli ay tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng mga langit, mabigkis nawa kayo sa pagkakaisa at lagi na’y papagharian kayo ng kahinahunan, ng kababaang loob, ng pagkakawanggawa na hindi kayo kailaman nagtatangi sa inyong mga kapaligiran. Paalam ang inyong protektor… Antonio de Padua.