Paano Magiging Mabisa Ang Panalangin?

Medium: Kap. na Ligaya
December 19, 2020 / 5:08 pm

Mabuklod nawa kayo sa ganap na pagkakaisa upang ang dakilang simulain na inyong pinag-aaralan ay inyong matutuhan at mailagay sa larangan ng paggawa upang matamo ninyo ang tinatawag na kawagasan. Maghari nawa sa lahat at bawat isa ang mabuting pagsasamahan, ang kahinahunan, ang kaluwalhatian ng inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban ngayon at magpakailan man.

Mga minamahal na kapatid, naririto ang tao sa kapatagan upang tumupad ng isang banal na tungkulin.  Tungkuling iniatang sa kanyang balikat, tungkuling kanyang isasakatuparan taglay sa kanyang sarili ang mga pangangailangan upang makatupad sa kanyang tungkulin.

At katulad ng inyong nakikita, minsan pa’y muli kayong naririto, napasasalilong sa malabay na pakpak ng espiritismo na kayo nga’y napasasalilong, ipinauubaya ninyo sa Kaitaasan ang mga pangyayaring magaganap sa inyong mga buhay na  nalalaman ninyong ito’y bahagi ng inyong mga tungkulin, bahagi ng inyong mga sinumpaang tungkulin mula pa sa himpapawid.

At sapagkat dumarating ang panahon na kayo nga’y nagkaroon na ng ganap na kaunawaan, at sa mga sandaling ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin, maging ito’y tungkulin sa laman at higit na’y ang tungkulin para sa inyong tunay na pagkatao, na nanalangin kayo, nakikipag-ugnay kayo sa dakilang Ama upang kayo nga sa inyong mga sarili ay maging matatapat sa pag-aaral at pagsasakatuparan ng inyong mga tungkuling sinumpaan mula pa sa himpapawid.

At sa pananalangin mga minamahal ko, sikapin ninyong ipauubaya ninyo sa Kanya ang lahat ng inyong pinapangarap na ang simulaing ng pag-ibig ay maipunla ninyo sa bawat puso ng inyong mga kapwa sa pamamagitan na kayo nga’y nagtataglay ng mga kaalaman at karunungan na siyang gagamitin upang magkaroon ng katuparan ang inyong mga pinapangarap, ang inyong ninanais na maipamudmod o maitanim sa apat na sulok ng daigdigan.

Mga minamahal ko, nawa’y maunawaan ng lahat at bawat isa ang pananalangin ay hindi lamang para sa inyong mga sarili kung hindi higit na’y pananalangin ng nauukol sa sangkatauhan. Subalit kung ang inyo namang mga diwa, kung ang inyo namang damdamin at kalooban ay hindi gumaganap nang buong katapatan ay walang kabuluhan ang mga panalangin at hindi kayo tatanggap ng anomang kagantihan kung kayo man ay nagnanasang maisakatuparan ang inyong mga pananalangin. Di ba nga binanggit sa banal na kasulatan, “tumuktok ka at ikaw ay bubuksan, humingi ka at ikaw ay bibigyan, humanap ka at ikaw ay makasusumpong”.  Mga kataga sa banal na kasulatan na ang kahuluga’y malawak at ito nga’y mayroon ng mga tinataglay na mga diwa na hindi sa bawat paghingi’y tatanggapin ninyo agad ang inyong hiningi. Hindi sa bawat pagtutok kayo ay pagbubuksan, hindi sa bawat paghahanap kayo ay makasusumpong. Buklatin muna ninyo ang inyong mga pagkatao, kung kayo nga sa inyong mga sarili ay gumagawa nang naaayon sa batas ng Dakilang Ama nang mayroon ng katapatan, katotohanang ang lahat ng ito ay magkakaroon ng katuparan.

Kaya nga mga minamahal ko, ang pag-aaral ng dakilang simulain ng Espiritismo ay hindi isang kapanahunan lamang o maikling panahon lamang ng pakikipag-aral matatamo ninyo ang kapayapaang inyong hinahanap, kung hindi hanggang ang inyong mga pagkatao’y balot ng maraming salaghati sa buhay, ito ang magiging sagabal, ito ang magiging hadlang upang madama ninyo ang inyong mga minimithi sa buhay.

Katulad halimbawa, mayroon sa inyo ang nagkasala, lumapit, humingi ng tawad at sa madaling salita ay binuka ninyo ang inyong mga bibig at winikang “pinatatawad na kita”. Subalit kung buka lamang ng bibig ang magsasabi, at ang inyong mga kalooban at damdamin ay alit sa pagpapatawad, hindi kayo nakaganap ng inyong tungkulin bagkus naragdagan ang inyong mga kasalanan.

Kaya nga mga minamahal ko, sa simpleng pang-unawa, katapatan ang kinakailangang madama sa inyo ng inyong kapwa. Ang lahat ng inyong sinasabi ay kinakailangang nagmumula sa inyong mga puso. Inihahasik ang inyong mga kaisipan at ang inyong mga damdamin ay nakaagapay upang madama ng inyong paligid na kayo nga’y mayroon ng katapatan, mayroon ng mga matatapat na pagnanasa na makaakay doon sa mga pinanlalabuan o pinanghihinaan ng kanilang mga pananampalataya. Makapagbibigay kayo ng liwanag kung dumarating ang mga kadiliman. Magsisilbi kayong mga pamahid ng luha kung ang inyong mga kapwa’y nawawalan ng pag-asa nang dahil sa kawalan ng pagkaunawa at pananampalataya.

Kaya nga mga minamahal ko, sadyang ang pag-aaral ng simulain ng Espiritismo ay kinakailangan ang mga pagpapakasakit. Kinakailangan ang malawak na pang-unawa, kinakailangang lagi na’y mayroon kayo ng mga ngiti sa labi, sapagka’t iyan ang mga batobalaning aakit upang ang inyong mga banal na adhikain ay maisakatuparan at magkaroon ng kabuluhan sa inyong mga pagkatao.

Mga minamahal ko, nawa’y sa pamamagitan ng maikling abot-sabing ito, ito nawa’y matanim sa inyong mga pagkatao. Ituring ninyong mga pagkaing lalasap-lasapin kung dumating ang mga sandali na pagbabalik-aralan ninyo ang mumunting araling sa inyo ay pinagkakaloob upang ito’y maging bantay, maging mga musikang aaliw kung dinaranas ninyo o dinadalaw kayo ng kalungkutan.

Ito lamang ang sa inyo’y aking maipagkakaloob, ipagpatuloy ninyo ang inyong mga pag-aaral. Kailan ma’y hindi ninyo ito pagsisisihan  bagkus ipagpapasalamat kasunod ang mga kainipan na muli kayong makarinig ng mga tinig ng Kabatlayaan na siyang sa inyo ay magbibigay ng kabusugan. Muli ay tanggapin ninyo ang walang hanggang pagmamahal ng Kaitaasan, walang hanggang pagpapala upang sa nalalabin ninyong mga buhay ay maging kapakipakinabang at magkaroon ng matatamis na bunga na inyong babaunin habang kayo ay nakikipaglakbay o naglalakbay sa dako paroon ng inyong mga buhay.

Paalam, ang inyong protektor… Antonio de Padua.