Araw-araw Na Isisilang Si Hesus Sa Buhay Ng Bawat Isa

Medium : Kap. na Ligaya
December 26, 2020 / 5:10 pm

Maghari ang ganap na kapayapaan ng lahat at bawat isa, naway manatili kayo sa katapatan sa inyong mga tungkulin, upang ang mga susunod na mga araw ay maging mabunga, malasap ng inyong kapaligiran ang tamis ng bunga. Maghari ang ganap ng kapayapaan ng inyong pag-iisip, damdamin at kalooban, ngayon at magpakailanman.

Mga iniibig na mga kapatid, sa kasaysayan ng pagsilang Mesias na katatapos pa lamang sariwain ng sangkatauhan — ang pagsilang ng dakilang si Hesus. Subalit katulad na nga ng inyong mga paniniwala, katulad na nga ng inyong mga pagkakakilala, ang pagsilang ng dakilang Mesias ay hindi isang araw lamang bibigyan ng pagpapahalaga. Magkagayon pa man mga minamahal ko, nagagalak ang Kabatlayaan sapagkat damang-dama sa kabila ng kaliitan ng inyong mga bilang ay inihahatid at pinadadama ninyo sa inyong kapaligiran ang diwa ng pagsilang ng dakilang Hesus.

Ano pa ang binibigay sa sangkatauhan marahil sila sa kanilang mga pagkakahimlay ay nagkaroon na ng pagkakilala subalit hindi lubos, hindi sapat ang isang araw kundi habang ang panahon, ang mga oras ay dumaraan sa inyong mga buhay sa katulad ninyong mga mag-aaral ng dakilang simulaing ito ng espitismo ay damang-dama ninyo  na sa bawat sandali, bawat saglit ay mahalaga ang mga ito sapagkat batid ng lahat ng bawat isa na ang mga sandali at oras na lumilipas ay hindi na muling magbabalik. Kung kaya mga minamahal ko, ano ang anyaya sa inyo ng Kabatlayaan, haplit, humakbang nang matulin, hakbang ng mayroon ng masusing pag-aaral upang sa bawat hakbang na gagawin ng inyong mga pagkatao ay hindi kayo ihahatid sa mga pagkakasala lalot higit na’y sa pagsisi na kadalasay siyang nagiging kaganapanan  na ang tao’y nakalimot, na ang tao’y nalibang at hindi inalintana na siya pala ay mayroon ng isang banal na tungkulin na kinakailangang mabigyan ng kaganapan.

Mga minamahal ko, hindi inaalis ng Kaitaasan na kayo ay makihalubilo sa ginagawang pagsariwa ng sangkatauhan subalit lagi na’y inaambil kayo na sa pagsasakatuparan ng inyong mga banal na tungkulin lagi na’y inyong babantayan ang inyong mga pagkatao upang marating ninyo ang rurok ng tagumpay na ninanasa-nasa ng lahat at bawat isa.

Payak ang mga pananalita, payak ang mga kaparaanang sa inyo ay pinagkakaloob kung kaya mga minamahal ko, kayo na malaon nang nagsasaliksik ng mga karunungan at kaalaman, nalalaman ng Kabatlayaan na nakahanda ang inyong mga sarili anomang mga pangyayari na magaganap sa inyong mga kapaligiran, kayo’y hindi kailanman kakikitaan ng kaalinsanganan kundi bagkus naririyan ang pagkakataon na maipadama ninyo sa kanila ang katotohanan, ang katotohanang siyang nagpapabago, siyang nagbibigay ng mga pagkakataon upang kayo nga’y lubusang maging matatapat na mag-aaral, matatapat na mga manggagawa upang mag-ani ng matatamis na bunga, na inyong tataglayin, inyong patitikman, inyong ipadarama sa inyong kapaligiran.

Marahil wiwikain ng iba na kayo’y nagsasayang ng panahon, na kayo’y nagiging pakitang-tao lamang ang inyong pag-aaral. At sa ganitong kalagaya’y tanggap ng aking mga minamahal ang anomang mga salitang sa inyo ay ipupukol, sadyang tanggap na ninyo na ang anomang punong kahoy na namumunga ng masaganang bunga ay pilit na pinupukol ng mga tao upang malasap nila ang katamisan.

At lagi na’y paalala ng Kabatlayaan, kahinahunan, kababaan, mayroon ng mga ngiti sa mga labi na siya ninyong magiging puhunan at magpapamulat sa kanila sa katotohanan na sa kanilang maling pag-aakala ay dinadala sila sa isang pagkakasala. Huwag ninyong alintahanain ang alin mang upasala sapagkat sa buhay ng Mananakop, ang upasala’y mga bulaklak na sa Kaniya’y nagbibigay ng katingkaran at magbibigay ng magandang kulay ng buhay upang pagkatapos ay maunawaan ng tao na ang gawaing ipinakikilala at isinasakatuparan ng Dakilang Mesias ay isang gawaing kinahahantungan ay ang pagtubos sa sala ng sangkatauhan.

Mga minamahal ko, aalalahanin ninyong ang dakilang Ama’y laging nakatunghay sa Kaniyang nilalang, damang-dama ninyong hindi kayo pinababayaan.

Magpakasigla kayo sa inyong mga pag-aaral, taglay ng inyong mga pagkatao ang mga aralin, ang mga kaalaman na siyang magiging sandata ninyo at  kalasag habang kayo ay nasa kapatagan ng lupang ito. Na kung papano ang daigdiga’y tinaguriang bayan ng mga luha at hinagpis, mga luha at hinagpis na kung ito ay matatanggap ng lahat at bawat isa, kapalit at kasunod ay ang kaligayahang walang hanggan.

Iyan  mga minamahal ko ang maikling abot sabing aking maipagkakaloob at bago ako tuluyang lumisan ay itanim ninyo sa inyong mga pagkatao na habang kayo ay nagnanasa ng mga kabutihan at kabanalan ay lalong dumadami at darating ang mga pagsubok sapagkat iyan ang mga kaparaanan upang kayo sa inyong mga sarili ay masulong, iwan ang mga maruming kasuotan upang sa pagharap ninyo, taglay ninyo ang mga kaputian, kawagasan ng inyong mga pag-iisip, damdamin at kaloob. 

Muli, maghari lagi na ang kahinahunan, ang kababaan, ang pagpapakasakit sapagkat iyan ay kabanalan.  Ako sa inyo ay nagpapaalam, ang inyong proktektor … Antonio de Padua.