Paano Tutuganan Ang Mga Pagsubok?

Medium: Kap. na Gigi
December 26, 2020 / 5:30pm

Maghari ang kapayapaan sa lahat at bawat isa. Mag-ibigan ang bawat magkakapatid, ibahagi sa kapaligiran, sa inyong mga kapwa ang pag-ibig na hindi magmamawaliw, pag-ibig na ipagkakaloob kaninoman na walang sinomang pipiliin. Kapayapaan ngayon at hanggang sa wakas.

Nasasabik na ang tao na tila baga nagmamadali na dumating na ang bawat mga araw na magkaroon na ng katapusan ang kasalukuyang taon na ito. Nasasabik ang tao na muli ay magkakaroon ng bagong taon sa paniniwala at pag-asang mababago ang takbo ng panahon. Isang bagong taon na magbibigay ng isang bagong pag-asa ng panibagong pakikipaglaban sa bawat pagsubok na ipinagkakaloob ng Diyos. Nanalig at umaasa ang tao na maiiba ang takbo ng panahon, mababago bagamat marami pa ring pagsubok ang ipagkakaloob ng Diyos ay naniniwala ang bawat isa na ang bawat pagsubok na ipinagkaloob Niya na halos sa loob ng isang taon ay magkakaroon ng katapusan, magkakaroon ng kawakasan.

Mga iniibig na kapatid, walang suliranin na panghabambuhay, mananatili o mananahan sa bawat isang kalagayan. Walang suliranin na panghabambuhay, mananatili o mananahan sa lahat at bawat isa.

Pagsubok, batid ng bawat isa na biyaya. Maraming pagsubok, maraming mga biyaya. Maraming mga pagpapala. Subalit paano nga ba matatamo ng tao ang pagpapala ng Diyos, papaano nga ba tatanggapin ng tao ang mga biyayang kapalit ng mga pagsubok na pinagkaloob ng Diyos? Upang makamit ng tao ang pagpapala at biyayang ipagkakaloob ng Diyos ng dahil sa pagsubok na Kanyang ibinigay ay kinakailangang mapagtagumpayan ng tao ang pagsubok na pinagkaloob ng Diyos.

Pagsubok na nagpapatatag ang tao, tumitibay ang pananalig, pananampalataya. Pagsubok na naglalapit sa tao sa Dakilang Ama. Pagsubok na nagpapaalala sa tao sa kanyang mga nakaligtaang tungkulin. Pagsubok ang nagpapaalala sa tao na mayroon siyang kapwang naghihintay, umaasa ng pagkalinga at pag-ibig. Pagsubok ang nagpapaalala sa tao na kinakailangan niyang mapunan ang bawat niyang pagkukulang. Pagsubok ang nagpapaalala sa tao upang kanyang maalala ang kanyang mga tungkulin. Pagsubok na kailangan niyang mapagtagumpayan ang makamit ng tao ang pagpapala at biyaya ng Kaitaasan.

Subalit maraming mga kadahilanan kung bakit sinusubok ng Diyos ang kanyang mga anak. Maraming kadahilanan kung bakit pinagkakaloob sa tao ang mga pagsubok na ito na dulot ay kalungkutan. Pagsubok na dulot ay pagkatakot. Pagsubok na dulot ay kawalan ng pag-asa, kahinaan ng kalooban at ng maging ng pananampalataya at pananalig sa Kaitaasan.

Subalit ng dahil sa pagsubok na ito ay tumatatag ang tao. Namumulat ang kanyang mga mata, nailalapit niya ang kanyang sarili sa Diyos sapagkat walang masulingan ang tao kundi ang Dakilang Lumikha sa mga panahon ng mga pagsubok ng tao, sa mga panahon ng kahinaan at kawalan ng masusulingan upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok na pinagkakaloob ng Ama.

Nagtatanong ang tao, hanggang kailan ang mga pagsubok na ito na ipinagkaloob sa pangkahalatan. Kailan matatapos, kailan mababalik sa normal na buhay, sa normal na gawain ang tao? Kailan ang tao ay magiging tunay na malaya sa pagkilos at paggalaw, sa paghakbang ng mga panyapak na hindi makadarama ng pagkatakot? Kailan darating ang isang panahon na ang tao ay hindi mananatili sa kalungkutan, hindi mananatili sa kawalan ng pag-asa? Kailan magkakaroon ng kasiguruhan ang biuhay ng bawat isang kalagayan?

Mga iniibig na kapatid, tunay na walang nananatili na isang pangyayari na maghahari, mananahan nang tuluyan sa bawat isang kalagayan. Nangangahulugan na ang lahat ng pangyayari na nagaganap sa buhay ng tao, ang mga bagay at pangyayari ay pansamantala lamang. Ang lahat ng pagsubok ay mayroong katapusan. Ang lahat ng suliranin ay mayroon ng kalutusan. Bagamat hindi mawawala ang pagsubok sa bawat nilikha ng Diyos, sa kanyang mga anak, ito ay mapapalitan. Mga pagsubok na patuloy na darating subalit sa isang mananampalataya na tunay na nanalig sa Diyos, ang lahat ng pagsubok na ito ay kanyang mapagtatagumpayan. Ang lahat ng pagsubok na ito ay kanyang malalampasan.

Isipin ninyo mga kapatid, ang tunay na kadahilanan kung bakit ang tao ay narito sa daigdigan ng mga hugis, bakit ang tao ay kailangang isilang nang paulit-ulit at kailangang gumamit ng ibat ibang katawang laman, at kailangang makitalad dito sa daigdigan ng mga hugis. Hindi isinisilang ang tao at hindi pinagkakalooban ng Diyos ng hiram na buhay upang dumanas lamang ng kaligayahan, at dumanas lamang  ng maraming mga tangkilikin na inaasam ng tao. Hindi narito ang tao para magpakasaya, hindi narito ang tao upang mabuhay sa tuwina at makamit niya ang mga minimithi at ninaais.

Naririto ang tao upang  makibaka. Narito ang tao upang kanyang mapagtagumpayan ang mga pagsubok ng Diyos.

Bakit nagaganap sa bawat isang kalagayan ang mga pangyayari na dulot ay pagkabalisa? Bakit nagaganap sa bawat isang kalagayan ang mga pangyayari na dulot ay kalungkutan, pagkatakot at kawalan ng pag-asa?

Ito ba? Ganito ipinadadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig? Ganito ba dapat ang Diyos upang maipadama Niya ang pagmamahal? Batid ng tao na ang Diyos ay makatarungan, puspos ng pag-ibig subalit ang isa bang nagmamahal ay nagdudulot ng kalungkutan? Ang isa bang umiibig ay nagdudulot ng pagkatakot? Ang  isa bang umiibig ay nagpapahirap sa kanyang minamahal? Hindi mga kapatid.

Kung iisipin ng tao kung bakit nagaganap at naghahari sa kanya ang mga bagay na dulot ay pagkatakot, bakit ba nagaganap sa kanya ang mga bagay na ang dulot ay kalungkutan lalo’t higit kung ikaw ay naroroon sa isang kalagayan, naroon ka sa banig ng karamdaman. Kung ang pagkakataon ay pinagkaloob ng Diyos, bakit isisilang ang tao? Upang kanyang maipagpatuloy ang kanyang mga tungkulin, upang kanyang mapagbayaran ang kanyang mga pagkakasala. Subalit kung ang tao ay naroon na hindi sapat ang kanyang kalakasan, kung ang  tao ay naroroon sa isang kalagayan na hindi naikikilos ang mga bisig, hindi maihakbang  ang mga panyapak dahil sa kirot ng laman, ng dahil sa karamdamang tinataglay ng tao, papano siya kikilos? Papano ang tao ay gagawa? Papaano nya mapagbabayaran ang kanyang mga pagkakasala? Paano niya matutupad ang kanyang mga tungkulin kung siya ay naroroon, nakahiga sa banig ng karamdaman?

Subalit Diyos ba ang may likha nito?

Tao mga iniibig na kapatid ang may likha ng bawat karamdamang tinataglay ng tao sapagkat ang karamdaman niya ay nagmumula sa pagkakamali. Ang karamandaman ay nagmumula sa pagkakasala. Ang karamdaman ay nagmumula sa kakulangan at kapabayaan ng bawat anak ng Diyos.

Hindi nais makita ng Diyos na ang kanyang mga anak ay naroon sa kahirapan ng buhay. Hindi nais makita ng Diyos na ang kanyang mga anak ay naroroon, dumaranas ng kirot ng laman kundi bagkus ay nais ng Diyos na masilayan ang kanyang mga anak na punong-puno na kasiglahan, punong-puno ng kalusugan ng katawang laman higit ng kalusugan ng bawat tunay na “ako”. Nais ng Diyos na makita ang kanyang mga anak sa kaligayahan subalit papano liligaya ang tao kung naroon siya gitna ng kanyang pagkakamali at naroon siya sa patuloy na nagkakasala, patuloy na nagkukulang, patuloy na nagpapabaya.

Ano nga ba ang nagpapaligaya sa tao? Ang mga kayamanang kanyang tinatangkilik? Ano nga ba ang nagpapaligaya sa tao? Ang mga bagay na ninanais, hinahangad na tanging makikinabang ay ang kanyang katawang laman?

Hanapin ninyo ang tunay na kaligayahan, hanapin ninyo at hayaang madama ang tunay na kaligayahan na hindi kayang ipaliwanag ng anomang kataga, anomang salita.  Kaligayahang mararamdaman ng tao sa mga sandali na siya ay naglilingkod sa kanyang mga kapwa. Kaligayahang mararamdaman ng tao sa mga sandali ng kanyang pagpapatawad sa kanya ay mga nagkasala. Kaligayahan ang mararamdaman ng tao sa mga sandali ng kanyang pagkalinga, pagtupad ng mga tungkuling kanyang sinumpaan sa harapan ng Ama subalit kailanman ay hindi matatagpuan ng isang anak ng Diyos ang kaligayahan kung patuloy siya sa mga gawaing may kasamaan, sa mga gawaing may pagkakamali.

Bakit hindi subukan ng tao na magbago? Bakit hindi subukan ng tao na baguhin ang mga kilusin ng bawat sangkapin ng kanyang katawang laman? Bakit hindi baguhin ng tao ang mga namamalas ng kanyang paningin, ang naririnig ang kanyang mga pandinig? Bakit hindi baguhin ng tao ang mga winiwika at sinasambit ng kanyang mga dila at labi?

Suriin ng tao ang kanyang mga kinikilos. Ano nga ba ang nakikita ng isang kapatid? Ano nga ba ang naririnig ng isang anak ng Diyos? Ano nga ba ang kinikilos ng inyong mga bisig, ng inyong mga kamay? Saan niyo ba dinadako ang inyong mga panyapak? Papano makakamit ng tao ang kagalingan ng bawat karamdaman? Paano mararamadaman ng tao ang kaligayahan at kapayapaang kanyang inaasam? Paano mapagtatagumpayan ng tao ang mga pagsubok na pinagkaloob ng Diyos? Paano niya mapaglalabanan ang lahat ng mga nagaganap sa buhay, ng bawat isang kalagayan?

Nagtatanong ang tao… hanggang kailan ang pagsubok? Hanggang kailan ang pandemya na ito? Nagtatanong ang tao… hangang kailan magkakaroon ng tunay na kalayaan, ng tunay na pagkilos na wala ang pagkatakot, na wala ang kalungkutan, wala ang pag-aalala, wala ang pagkabalisa? Papaano mararamdaman ng tao ang pagkakaroon muli ng pag-asa? Papaano makadarama uli ang tao ng kalakasan ng kalooban? Kailan matatapos ang pagsubok na dinaranas ng bawat isang kalagayan?

Nasaan nga ba mga kapatid ang kasagutan? Nasaan ang kasagutan, kailan ang hangganan ng pagsubok sa inyong pagkatao mga iniibig na kapatid?

Kayo ang tunay na makasasagot kung kailan ang hangganan at wakas ng mga pagsubok sa inyong buhay.

Subalit katulad ng winika ko kanina, walang pagsubok na mananatili sa lahat at bawat isang kalagayan. Ang lahat ay mayroon ng wakas. Walang suliranin ang mananatili at ang lahat ay mayroon ng solusyon.

Bagamat patuloy na dumaranas ang tao ng mga pagsubok, kung kanyang babantayan ang kanyang sarili. Kung kanyang pagsusumikapan na gamitin ang kalakasan ng kanyang pag-iisip. Kung ang tao ay kikilos ng para sa pangkahalatan, gagamitin niya ang kalakasan ng pag-iisip ay malaking bagay at tulong ang inyong magagawa sa sangkatauhan, sapagkat tunay na napaka-makapangyarihan ng pag-iisip ng tao.

Upang magkaroon ng katapusan ang mga pagsubok, unahin mong linisin ang iyong kaisipan. Lilinisin mo ang iyong puso, babantayan mo ang paggalaw ng lahat ng sangkapin ng iyong katawan. Ang lahat ng negatibong damdamin na iyong nadarama tulad ng pagkainggit, pagkagalit, kalungkutan, pagiging mapagsamantala, pagiging malabis sa lahat ng tangkiliking ninanais ng tao, ang lahat ng negatibong damdamin na inyong nadarama ay papalitan ng positibo. 

Ang buong panahon at oras ay gagamitin sa pakikipag-usap sa Diyos, paghingi ng kapatawaran. Kasabay ng pagbabago ay mas mapadadali na magkaroon ng katapusan ang mga pagsubok na dinaranas ng pangkahalatan.

Mga iniibig na kapatid, tibayan ninyo ang pananalig. Patuloy na magsumamo sa dakilang Ama na matapos na sana ang pagsubok na ito, matapos na sana ang pandemya na ito upang magkaroon nang higit na kalayaang makakilos at makagalaw. Muling makatupad ng mga tungkulin ang lahat. Mabalik ang dating kaparaanan ng pamumuhay.

Nasa tao, nasa pagbabago ng bawat isa,  ang bawat mag-aaral ng espiritismo ay makatutulong sa kapaligiran, sa bansa, sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kalakasan ng inyong pag-iisip,  ipadama ninyo ang inyong pagmamahal. Ituro ninyo sa bawat mga aral ang inyong natutunan sa pamamagitan ng pagpapaisip sa inyong mga kapwa.

Nagmamadali ang tao sa pagsapit ng bagong taon sa pag-asang mababago ang takbo ng panahon sa pagkakaron ng mga pagsubok, ng panibagong pagsubok, ng panibagong pakikipagsapalaran.

Huwag kayong mabahala mga kapatid, kailanman ay hindi kayo pababayaan ng Diyos. Huwag kayong matakot, malungkot, huwag ninyong itanong sa inyong mga sarili kung kailan matatapos ang lahat ng pagsubok. Ang lahat ng pagsubok ay may wakas.

Tibayan ninyo ang inyong kalooban, laging kausapin ang Diyos. Ang panahon, ang mga oras, ang lahat ng sandali. Lagi ninyong ikikilos ay iugnay ninyo sa Dakilang Lumikha ay  madarama ninyo ang Kanyang patnubay, ang kanyang paggabay, ang kanyang pagmamahal. Huwag kayong matakot sa mga nagaganap sapagkat nariyan ang Diyos, hindi kayo pababayaan.

Muli ay kapayapaan ang aking iiwan, ang lahat ng pagsubok ay mayroon ng hangganan. Manalig, tibayan ang kalooban, manampalataya sa iisang Lumikha. Kapayapaan ang aking iiwan.

Ako sa inyo ay magpapaalam, ang inyong patnubay .. Juan.