Si Hesus Ang Tinapay Ng Buhay at Dugong Iinumin

Medium: Kap. na Sweet
December 26, 2020 / 6:25pm

Bumabati ako ng isang mapayapa at matiwasay na pag-aaral at nawa’y ang inyong pagpupunyagi na makiisa sa paggunita ng mga salita ng buhay ay masuklian ng kalusugan ng inyong espritu upang makayanan ninyo ang alin mang hamon ng buhay at maipagpatuloy ninyo ang pakikibaka nang mayroon ng  kaluwalhatian at katatagan. Kapayapaan ang maghari sa inyo, ngayon at sa lahat ng sandali.

Dala ng mga pangyayaring nagaganap sa inyong buhay o kapaligiran, ang isang tao ay humahanap ng pagkain, ng tinapay na hindi lamang bubusog sa kanyang sikmura kung hindi ay magpapatatag na rin ng kanyang kamalayan. Isang pagkain na sasagot sa kanyang katanungan upang maging matatag siya na nakikipamuhay sa daigdigang ito ng sigalot, luha at hinagpis. Lubha ng nakakalito ang mga pangyayari at kung hindi hahawakan ng tao ang kanyang sarili, madadala siya ng galit, ng kalungkutan, pangamba o pag-aalinlangan. Ayaw ng tao na magpatuloy ang kanyang buhay ng walang saligan, walang sinasandalan, kayat patuloy siyang hahanap ng kalutasan sa mga pangyayaring nagaganap sa kanyang buhay. Patuloy siyang magsisikhay ng mga pagkain, hindi lamang ng kanyang sikmura, hindi lamang ng kanyang talino, kung hindi higit sa lahat, isang pilosopiyang sasagot sa maraming kakumbakitan at hiwaga ng buhay.

Natandaan niya ang sinabi ni Hesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang inyong mga magulang ay kumain ng mana subalit sila’y mga nangamatay. Ako ang tinapay mula sa langit at ang aking laman ang inyong kakanin, hindi kayo kailanman mamamatay sapagkat bubuhayin kayo ng tinapay na ito.” Naalala mo rin ang sinabi ng mga Eskribas at mga Pariseo, paano Siya magiging pagkain na nagmula sa langit? Paano ang Kanyang laman ay magiging tinapay? Hindi ba’t ang kanyang mga magulang ay si Jose at si Maria lamang? Subalit idiniin ni Hesus – “ang aking laman ang tunay na tinapay, ang aking dugo ang tunay na inumin na sinomang kakain at iinom nito ay mabubuhay nang walang hanggan.”

Mga minamahal ko, kumislap ang pag-iisip ng tao, nais niyang gunitain ang mga salitang ito.  Lumikha ang tao, ng mga mananampalataya ng sakramento, ng dogma upang patuloy na gunitain ng sangka-Kristiyanuhan na ang laman ni Hesus ang tunay na tinapay at ang kanyang dugo ay ang tunay na inumin. Subalit sa kabila ng paulit-ulit na paggunita nito sa pamamagitan ng sakramento, marami pa rin ang nagugutom, marami pa rin ang nalulungkot, nawawalan ng pananampalataya, nanghihina. Ayaw mong sumunod na walang tunay na konkretong dahilan sapagkat sa pag-aaral ng espiritismo ay kinakailangang unawain mo ang lahat ng bagay na mayroon ng karunungan at pag-ibig. At sa pag-aaral na ito, kayo ay palalakasin hindi sa pamamagitan ng bulag na pagsunod kung hindi sa malayang pag-unawa na kahit ano pa ang dumating sa inyong buhay ay maninindigan kayo sa inyong pinaniniwalaan.

Mga kapatid ko, ang buhay ni Hesus ay nagbigay ng magandang halimbawa na magpapalaya sa tao sa kamangmangan at  kahinaan. Ipinakita Niya na sa pamamagitan ng pagpapatawad, kayo ay patatawarin. Ipinauwa Niya sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa, tinutulungan ninyo ang inyong mga sarili. Na sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos ay tinatanghal ninyo ang inyong sarili bilang anak ng Diyos. Ipinakilala sa inyo ang inyong kahinaan at ang lahat ng inyong magagawa upang bakahin ang kahinaang ito. Ipinaunawa sa inyo na ang malabis na pagyakap sa materyal na bagay ay magiging pabigat katulad  ng isang mayaman sa pagpasok sa kahiraan ng Diyos.

Ipinauwa rin sa inyo ang pagtitiwala sa kalooban ng Ama at ang lakas ng panalangin na kinakailangang kayo ay pumasok sa inyong silid, manalangin sa nag-iisang Diyos, humingi  ng kapatawaran sa pamamagitan ng pagtulong sa inyong mga kapwa. At binuhay Niya ang pag-ibig maging naroon pa man din na nakapako Siya  sa krus.

Lahat ng ito ay tulad sa tinapay na magpapalakas sa tao sa buhay pakikitalad sa kapatagan ng lupa subalit kinakailangan din sa pagkagat at pagkain sa tinapay susundan ng dugo na siyang tunay na inumin. Alalaumbaga, lalakipan ng paggawa, pagpapawis upang mapalambot ang tinapay na siyang magpapalakas sa inyong diwa. Hindi lamang isang tradisyo ang tinapay at alak na ito kung hindi kinakailangang ikipamuhay ng tao ang kanyang pananampalataya.

Kung nauwaan mo  na ang pag-ibig  at pagtulong sa kapwa ang paraan ng paglilinis katulad sa ginawa ni Hesus, mga minamahal ko, gumawa rin kayo. Magsikhay din kayo ng mga alalala ng gawaing pupukaw sa kamalayan ng inyong kapwa.

Ang isang tahanan na walang kumilos na naglilinis, madaling mabulok. Ang paa kung hindi ilalakad ay manghihina. Ang kamay kung hindi gagamitin ay mabubulok, gayun din naman ang halaman kung hindi mamumunga ay mabubulok at puputulin na lamang. Ganito kahalaga ang paggawa. Kung nais ninyong tumimo sa inyong pag-iisip, damdamin at kalooban ang mga salita ni Hesus, ilagay niyo ito sa larangan ng paggawa. Sapagkat ito ang tunay na pagkain at inumin.

Ano nga ba ang paggawa mga kapatid ko? Hindi mo kinakailangan na gawing kumplekado ang paggawa.

Kung ikaw ay bata, ang pagsunod sa utos ng magulang, sa utos ng pamayanan na magdudulot ng kaayusan ang pagiging tapat sa iyong salita, ang pagiging tapat sa iyong gawa ay paggawa na rin. Kung ikaw ay isang guro, ang pagmamalasakit mo sa kapakanan ng kabataan, ang pagbibigay mo ng halimbawa sa iyong mag-aaral ay mumunting gawain na rin. Ang pagtikom ng iyong bibig sa paghatol, pagpipigil sa kainitan ng iyong simbuyo ay paggawa na kung ang lahat ng tao sa maliliit na bagay na ito ay makikita ang kabanalan, ang disiplina mga kapatid ko, mawawala ang alin mang sigalot.

Kung magiging maaalam lamang kayo sa kaayusan ng paligid, lahat ito’y paggawa. Ang paggawa minsan, ang pagbuka ng bibig o pagtikom ng bibig kung kinakailangan. Ang paggawa minsan ay ang pagkampay ng bisig o pagpipigil sa inyong sarili. Hindi ito nangangailangan ng salapi, hindi ito nangangailangan ng maraming lakas. Ang kailangan lamang dito ay ang pagtitimpi, pang-unawa, pagmamalasakit at pagmamahal.

Mga kapatid ko, ayusin ninyo ang pagpapahalaga ninyo sa buhay. Marami kayong magagawa na hindi mangangailangan ng salapi. Ang inyong pagpapakita sa inyong kapwa kung ano ang tunay na pag-ibig ang siyang lulutas ng maraming problema ng buhay. At ang karaniwan, ang pinakamabigat na problema ay masosolusyunan hindi ng salapi, kung hindi ng pag-ibig, ng pang-unawa, ng tunay na pagmamahal, pagpipigil sa inyong sarili.

Disiplinahin ninyo ang inyong pag-iisip, na kung magagawa ninyo ito, magkakaroon ng kaayusan ang maraming bagay.

Madalas ang tao ay humahatol sapagkat ang nakikita lamang niya ay kung ano ang naaabot ng limitadong mata at pag-iisip. Hindi niya nakikita ang nakaraan ng isang tao, at hindi niya rin nakikita ang magiging kinabukasan nito. Kayat hinihiling sa inyo na huwag kayong humatol. Sapagkat ang paghatol ay tanda ng takot.

Sa bawat paghatol ninyo, sinasaklawan ninyo ang batas ng Diyos na siyang babalik din sa inyo pagdating ng panahon, kayat huwag ninyong susukatin ang mga nangyayari sa inyong kapaligiran, kung hindi ay unawain ninyo lamang ito, na ito ang karapatdapat para sa ikapapanuto hindi ng kalagayang pang-materyal, kung hindi ang kalagayang pang-espirituwal.

Mga kapatid ko, malawak, malaman, masustansiya ang tinapay ng Kristo. Gayundin naman ang kanyang dugo.  Nangangailangan ng labis na sakripisyo. At hindi lamang pagtitiis kung hindi pagpigil sa sarili magmula sa pag-iisip, sa magiging tibukin ng inyong puso at pintigin ng inyong pananalita. Subalit ito lamang ang daan patungo sa kaunlaran, sapagkat siya na rin ang nagsabi … “Ako ang daan, ang buhay at ang katotoohanan. Ang hindi dumaan sa pamamagitan ko ay hindi makararating sa kanyang paroroonan.” Subalit aaliwin kayo ng mga espiritung tagatangkilik na sa kabila ng inyong pagpapakasakit, pagtitiis, pampigil sa sarili na huwag maakit sa ganda ng sanlibutan, doon ninyo makikita ang tunay na kaligayahan, ang tunay na kalayaan, ang tunay na buhay na minimithi ng bawat isa sa inyo. Kaya’t ipagpatuloy ninyo habang kayo’y umuunlad, doon ninyo makikita na sa kabila ng sigalot, naroon ang kaayusan. Na sa kabila ng gutom, naroon ang kabusugan, na sa kabila ng krus ay naroon ang kaluwalhatian at kabanalan na siyang pinakita ng Dakilang Mananakop.

Ito lamang ang bahagi ko. Unawain ninyo at pag-aralan ang tinapay na binigay ni Hesus at isagawa sa pamamagitan ng pag-inom ng mapait na buhay pang-materyal subalit matamis na buhay pang-espirituwal.

Paalam sa inyong lahat, kapayapaan, pag-iibigan, kababaang loob, kapanatagan ng inyong pag-iisip, damdamin at kalooban ang manatili sa inyo ngayon at lagi na.

Paalam ang inyong subaybay … Santiago.