Paano Pasisimulan Ang Bagong Taon?

Medium: Kap. na Gigi
January 2, 2021 / 5:34 pm

Liwanag na nagmumula sa Kaitaasan, muling pinagkakalooban ng Ama ang lahat at bawat isa ng mga ilawan na inyong matatanganan sa panibagong paglalakbay ng bawat isang mananampalataya, kapayapaan ngayon at hanggang wakas.

Papasimulan ng bawat isang kalagayan, ang isang bagong taon na taglay ang kapayapaan. Papasimulan ng bawat isa ang isang bagong taon na punong-puno ng pag-asa, punong-puno ng pananalig ng lahat ng pagsubok ay may wakas ng isang bagong taon na pinagkaloob ng Ama ay magkakaroon nga ng mga pangyayaring mayroon ng kagandahan, manunumbalik ang dating kasiglahan ng bawat mananampalataya, ng bawat mga anak ng Diyos.

Pasisimulan ng lahat at bawat isang kalagayan ang isang bagong taon ng mayroong malinis na pag-iisip, mayroon ng malinis na puso, mayroong malusog na katawan laman, mayroon ng malusog na tunay na “ako” ang inyong mga espiritu. Pasisimulan ang bagong taon ng mayroong ngiti sa mga labi, punong-puno ng kalakasan, punong-puno ng pag-asa, punong-puno ng kasiglahan upang muling maikampay nang mayroon ng kapayapaan ang mga bisig, upang muling maihakbang nang mayroon ng kalayaan ang mga panyapak, muling kikilos ang tao, darating ang isang panahon na magkakaroon ng kalayaan ang bawat isang kalagayan, kikilos nang walang pagkatakot, gagalaw nang walang inaalala upang muling makapagpatuloy ng mga tungkulin, upang muling makibaka sa hamon ng buhay, upang muling ganapin ang mga gampanin ng bawat isang anak ng Diyos.

Punong-puno ng pag-asa ang bawat mag-aaral, ang bawat mananampalataya, sapagkat iyan naman mga iniibig na kapatid ang katotohanan. Sapagkat pagkatapos ng maraming mga pagsubok darating naman ang maraming mga biyaya.  Pagkatapos ng maraming mga suliranin, dumarating ang mga solusyon, sa tulong ng Kabatlayaan, at sa tulong ng bawat pagbabago ng bawat magagandang kilusin ng bawat isang kalagayan.

Sinasabing sa labas ng kawanggawa ay walang kaligtasan at mayroong tatlong uri ng kawanggawa. Pagkakawanggawa sa laman, pagkakawanggawa sa asal at pagkakawanggawa sa espiritu. Ang pagkakawangawa sa asal ay kung paano ka magiging isang tila modelo sa iyong kapaligiran, sa iyong kapwa. Kung papaano mo kinakampay nang may kainaman ang iyong mga bisig, inihahakbang ang iyong mga panyapak nang may kabutihan, kung paano mo pinamamalas sa kapaligiran, sa iyong kapwa ang magagandang ugaliin, ang magagandang asal ng isang anak ng Diyos. Sa pagkakawanggawa sa espiritu ay naroroon ang isang malaking pananagutan, na hindi lamang ikaw na isang mananampalataya ang gaganap ng bawat kautusan ng Diyos ng nauukol sa mga kabutihan at kabanalan. Hindi ka lamang basta makikinig sa mga aralin, hindi ka lamang dadako sa pook o tahanan ng Diyos. Hindi mo lamang bubuklatin at babasahin ang banal na kasulatan, hindi ka lamang  magsasaliksik ng mga banal na karunungan kundi bagkus iyong ibabahagi, aakayin ang bawat mga espiritu, ang bawat tunay na mga “ako” doon sa iyong mga kabatiran, sa iyong mga karunungan, sa iyong mga nalalaman na kinakailangan na kung papaanong binubusog mo at kinakain ng iyong espiritu ay gayun din ang espiritu ng iyong mga kapwa.

Ang pinakamadaling pagkakawanggawa ay ang pagkakawanggawa sa laman, sapagkat ang pagkakawanggawa sa laman ay nauukol sa materyal na kung papaanong may isang kapwang nauuhaw ay iyong paiinumin. Kung may kapwang nagugutom ay iyong pakakainin, mga kapwang nangangailangan ng tulong pang-materyal ay iyong pagkakalooban. Ngunit sa kadalian ng pagkakawanggawa sa laman ay naroon pa rin, marami pa rin ang mga taong hindi nakasusunod, hindi nakatutupad ng pagkakagawa na ito. At ito ang nararapat na tuklasin ng tao, na tanungin ang kanyang sarili kung bakit hindi nakapagsasagawa ng kawanggawa na nauukol sa laman. Mga iniibig na kapatid, malimit sabihin ng tao sa kanyang sa sarili na hindi siya maaaring makapagkawanggawa, hindi siya maaring makapagbigay sapagkat siya sa kanyang sarili ay kulang at kapos. Salat sa mga inaangkin na yamang nauukol sa katawang laman, at isa rin sa kadahilanan kung bakit hindi naisasakatuparan ng tao ang pagkakawanggawa sa laman ay sapagkat ang tao ay naroon sa isang kalagayan na mayroong ng karamutan. Ang tao ay naroroon sa isang kalagayan minimithi at hinahangad, isang kalagayang makasarili, isang kalagayan na ang tangi lamang niyang minamahal ay ang kanyang sarili.

Mga iniibig na kapatid, sa labas ng kawanggawa ay walang kaligtasan, subalit marami pa rin ang hindi nakasusunod. Marami pa rin ang hindi nagkakawanggawa. Bakit hindi makapagbigay ang tao? Bakit hindi niya magawa ang pinakamadaling pagkakawanggawa upang ang tao ay magkaroon ng kaligtasan, upang ang tao ay magkaroon ng pagtupad sa mga pinag-aralan na mga utos ng Dakilang Ama? Sapagkat ang tao ay labis na mapagmahal sa mga bagay na tangkilikin bilang isang tao. Sapagkat ang tao ay labis na mapagmahal sa kanyang sarili kung kaya maging ang pinakamadaling paraan ay hindi maisakatuparan ng tao.

Ang lahat na nagaganap, ang lahat na tinatangkilik ng tao ay saan nga ba nagmumula, sino nga ba ang nagbibigay, walang iba kundi ang Diyos. Bakit hindi maibahagi ng tao ang kanyang tinatangkilik? Bakit natatakot ang tao na maubusan at mawalan? Bakit na matatakot ang tao na maibahagi ang kanyang tinatangkilik kung ito’y nagmumula sa Dakilang Ama? Kailan man ang nagbibigay ay hindi mauubusan. Habang ang tao ay patuloy sa pagbibigay, patuloy din ang bawat pagpapala. Habang ang tao ay patuloy sa paggawa ng kabutihan, patuloy din sa pagbibigay ang Diyos ng mga gantimpala. Bakit ka matatakot na magkawanggawa?

Bakit ka matatakot na maibahagi ang iyong karunungan? Bakit ka matatakot na akayin ang iyong kapwa sa mga bagay na may kabutihan? Hindi ba’t ito ang kadahilanan ng iyong pagsilang nang paulit-ulit na pagsilang sa daigdigan ng mga hugis upang iyong mapagbayaran ang iyong mga pagkakasala? Upang ikaw ay muling makapagpatuloy ng iyong napasimulan sa harapan ng Ama? Gawin ninyo na mas makabuluhan ang bagong taon na pinagkaloob sa inyo ng Diyos. Alisin ninyo ang takot sa inyong mga puso. Alisin ninyo ang pangamba na kayo ay mawalan kung sakaling kayo ay magbibigay. Alisin ninyo ang takot na hindi kayo pakikinggan ng inyong kapwa sakaling ibahagi ang mga karunungan na natututuhan sa dakilang simulaing ito ng espiritismo. Huwag kayong matakot na hindi maunawaan ng inyong kapaligiran ang mga aral na inyong natututunan.

Marami ng naganap na hindi maganda sa buhay ng bawat isa subalit naririto ang isang bagong taon, isang bagong pag-asa, isang bagong pagsisimula upang ang tao ay magbago ng kanyang mga kilusin, upang ang tao ay magbago sa kanyang mga hindi kanais-nais na ugaliin at hindi kanais-nais na binibigkas ng inyong mga labi. Naririto na ang pagkakataon upang muling pasimulan ang isang bagong taon ng isang malinis ninyong pagkatao, hindi lang ng katawang laman pero higit ng kalinisan inyong mga kaisipan, kalinisan ng inyong mga puso, kalinisan ng inyong mga hangarin upang maipadama ng lahat at bawat isa ang kanyang pag-ibig sa Ama ang kanyang pag-ibig sa kanyang kapwa.

Magpagkatatag ang bawat isa. Pasimulan ang isang bagong tao ng may kalakasan ng kalooban, mayroon ng kapayapaan, punong-puno ng pag-asa sapagkat naririto ang isang bagong taon upang magkaroon muli ng kalayaan ang lahat at bawat isang ikilos, ikampay ang kanyang mga bisig, malayang maihakbang ang kanyang mga panyapak at muling pasimulan ang bawat mga gawain na hindi makadarama ng takot, ng kalungkutan, ng kawalang pag-asa sapagkat naririto at muling ipagkakaloob ng Diyos ang isang bagong taon upang ang tao ay muling makaganap at muling maipagpatuloy ang kanyang sinumpaang tungkulin sa harapan ng Ama.

Muli ay kapayapaan ang aking iiwan, isang bagong taon, isang bagong pag-asa. Pasimulan ang isang bagong taon nang may ngiti sa labi, may kalinisan, kalinisan ng inyong mga pag-iisip, kalinisan ng puso. Pagpatuloy ninyo ang pagpapadama ng pagmamahal, pagpatuloy ninyo ang paggawa ng mga tungkulin at gawaing sinumpaan sa harap ng Ama.

Kapayapaan ang maghari sa lahat at bawat isa, ngayon at magpakailanman. Ako sa inyo ay magpapaalam, ang inyong patnubay … Juan. Paalam.