Medium: Kap. na Sweet
January 2, 2021 / 6:26 pm
Sumainyo nawa ang kapayapaan, katapatan, lakas ng loob at tibay ng pagtitiwala sa Ama upang sa panibagong pagtanggap sa mga aralin ng buhay ay manuot ito sa inyong mga puso, tumuloy sa inyong pag-iisip na makapag-udyok sa inyo sa paggawa at pagtupad ng tungkulin. Katiwasayan nawa ang manatili sa inyo ngayon at sa lahat ng sandali.
Sa panimula ng taon, isang aralin mula sa aklat ng buhay ang aking sasariwain sa inyo upang mapanatili sa inyong kalagayan ang katapatan at pagpupursige sa pagtupad ng inyong tungkulin.
Sa aralin ng buhay, natunghayan ng isang mananampalataya ang maikling tagpo sa buhay ng Mananakop na habang Siya’y naglalakad sa gitna ng pagpapalaganap ay nakasalubong Niya ang isang bulag mula pa man ng siya ay pinanganak. Kaya’t tinanong ng mga alagad, “Guro sino po ba ang nagkasala, ang bulag na ito o ang kanyang mga magulang? Sapagka’t mula pa lamang sa pagkapanganak siya ay bulag na.” Sinagot sila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo, ang kanyang kalagayan ay hindi bunga ng kanyang pagkakasala o pagkakasala ng kanyang mga magulang, kung hindi nangyari upang ipahayag ang gawa ng Diyos. Kaya’t kinakailangan nating sundin ang gawa ng Diyos habang mayroon pa ng liwanag o araw sapagka’t sa gabi ang tao ay hindi na makakagawa pa. Habang Ako ay naririto sa sanlibutan, Ako ang inyong magiging liwanag”, dagdag pa ni Hesus. Pagkatapos nito ay Siya’y lumura sa lupa, gumawa ng putik at ipinahid sa mata ng bulag, at pagkatapos ay inutusang magbanlaw sa balon ni Silowe, ay nangangahulugan na “isinugo”. At sa kanyang paghugas, pagtanggal ng putik … siya’y muling nakakita.
Mga minamahal ko, ang sitwasyong ito o tagpo na hinugot sa Aklat ng panahon ng buhay ay nahahalintulad sa mga nagaganap sa inyong paligid. Kapag may nangyayari na hindi ayon sa inyong kagustuhan, nararamdaman ng tao ang parusa, ang bigat ng kamay ng Ama. Pinarusahan baga ang tao kapag dumaranas ng kalungkutan, ng kapansanan, ng kalamidad, ng sungit ng panahon sa mga sandaling lalo pang siya ay naghihirap? Dala na rin ba ng kanyang pagkakamali, sino ang nagkamali? Siya ba o nadamay siya sa pagkakamali ng kanyang kapwa? O nagkataon lamang o aksidenteng siya ay nabahaginan ng hirap, pagpapakasakit na nagaganap sa kanyang pamayanan?
Mga minamahal ko, saan ba nakuha ng tao ang konsepto ng parusa? Ito ba’y galing sa Diyos na Siyang mayroon ng karapatan o nag-iisang karapatan na humatol sa Kanyang mga anak?
Mga kapatid ko, nalalaman ng bawat isa na kapag ang isang tao ay namatay, mayroon ng espiritung muling mabubuhay. Para sa iba ang espiritung ito, pagkatapos ng kamatayan ay matutulog at maghihintay ng huling paghuhukom. Para naman sa iba, ang espiritung ito ay daranas ng kanyang pagkakamali na kung ano ang kanyang ginawa, ito ay babalik sa kanya. Para rin naman sa iba, ang espiritung ito ay matutulog sa piling Ama.
Kung anu-anong kaisipan ang ipinasok sa pag-iisip ng isang mananampalataya, naroon ang parusa ng Ama. Dito sumilang ang takot, dito sumilang ang pag-aalala, dito rin sumilang ang impiyerno na magiging kanlungan ng taong mapagkasala.
Subalit sa pag-aaral ng espiritismo, binabago ang inyong mga nakagisnan. Ipinauunawa sa inyo na ang Diyos ay mapagmahal. Hindi Niya kailanman ibubulid ang Kanyang anak sa naglalagablab na apoy. Hindi Niya kailanman ipapahamak ang Kanyang bunso sa bangin ng walang hanggang kadiliman. Hindi Niya kailanman pahihintulutan na ang tao ay walang sawang daranas ng hirap at pagpapakasakit.
Kaya’t narito ang espiritismo, ipinauunawa sa inyo na ang Diyos ay mapagmahal, makatarungan, makatuwiran, hindi dapat katakutan. Narito ang “muli at muling pakikipamuhay” upang bigyan ng pagkakataon ang tao na magbago, upang magbigay ng pagkakataon sa mga tao na maglinis, iunlad ang kanyang sarili. Babalik siya muli sa kanlungan ng daigdig upang ipagpatuloy ang naantalang pagkasulong.
Samakatuwid baga, ang parusa ay pagpapaalala. Ang tinatawag na parusa ay pag-aakay, paglilinis, pagsubok o eksamen. Ang parusa na kinagisnan ay patnubay sa tao upang maituwid niya ang kanyang landas.
Sa sitwasyong sino ang nagkasala, mga kapatid ko, kung ano ang inyong itinanim, ito rin ang inyong aanihin. Sapagkat ang batas ng Diyos ay makatuwiran, patas at makatarungan. Kung ano ang inyong ibinigay sa inyong kapwa ay ito rin ang inyong tatanggapin. Kaya’t ang parusa na kinagisnan ninyo ay pagpapaalala, hindi pananakot, kung hindi isang katuruan na magpapaunawa sa inyo kung ano ang tunay na layunin at pakay ng inyong pakikipamuhay sa kapatagan ng lupa. Gawin ninyong positibo ang lahat ng inyong pang-unawa sa buhay sapagkat ang Diyos ay positibo at pag-unlad.
Kaya’t hinihikayat kayo ni Hesus, “Kinakailangang gawin natin ang gawa ng nagsugo sa atin” sabi Niya. Ano ang gawa na nagsugo sa Kanya? Gawaing maka-Diyos. Paano ba gumagawa ang Diyos? Mga minamahal ko, kung hindi ng dahil sa pag-ibig ng Diyos, wala ang sangkatauhan. Ipinunla Niya ang maliit na pagiging Diyos sa inyong pag-iisip, damdamin at kalooban; at ito’y nanunuot sa kaibuturan ng inyong budhi.
Gumawa kayo ng mga alagataing maka-Diyos. Kung Siya ay nagpapaalala, magpaalala rin kayo sa inyong mga kapwa sa pamamagitan ng inyong gawa, mahinahon at mapagkumbabang pananalita. Kung Siya’y nagbibigay ng liwanag, magbigay din kayo ng maliit na liwanag sa inyong kapatid. Kung Siya’y umaakay, maging taga-akay din kayo ng inyong kapwa. Kung Siya ay bumubuhay, ang bawat gawain ninyo nawa’y bumuhay sa pag-asa sa inyong kapatid. Kung Siya’y nagbibigay ng inspirasyon at tibay ng pananampalataya, maging kaparaanan nawa ang bawat isa inyo na maging inspirasyon, halimbawa, na susundin ng inyong kapwa.
Ito ang tunay na kawanggawa na hinihintay sa bawat isa sa inyo, na angkinin mo ang iyong pagiging “maliit na diyos”. Mayroon ka ng lakas. Mayroon ka ng subaybay. Gamitin mo ito sa pagtupad ng iyong tungkulin.
At sa bagong taon, nawa’y ang nakaraan ay magbigay sa iyo ng aral upang maging malakas ka sa kasalukuyan at sa haharapin pang panahon. Pulutin mo ang halimbawa at maliliit na aral na binigay sa iyo ng nakaraan. Magtanda ka rito at nang sa gayon ay mapagpatuloy mo ang iyong buhay nang mayroon ng lakas at panata sa pagbabago at pagkasulong.
Bilang huli, ang ginawa ni Hesus ay lumura Siya sa lupa, gumawa ng putik. Ipinahid sa matang mayroon ng kadiliman sapagkat sa katotohanan ng tunay na pakay sa pakikipamuhay sa daigdigang ito ng lupa. Gayundin ang gagawin ng bawat isa sa inyo. Kung napahiran man ng putik ng kamalian ang inyong pag-iisip, ang inyong mga mata ay nahalina sa ganda ng sanlibutan, at napadala sa kahinaan ng laman, hugasan ninyo ito. Pumunta kayo sa balon ng Silowe na ang ibig sabihin ay sinugo upang maalala ninyo kung ano ang inyong sinumpaang tungkulin, na iba-iba sa kalagayan ng tao. Iba-iba ang inyong mga papel. Maalala nawa ninyo na kayo ay isinugo na hindi kayo panghabambuhay na makikitirahan sa kapatagang ito kayat hahawakan ninyo ang papel na ito nang may katalinuhan at katatagan. At huhugasan lagi na ang “puwing ng kamangmangan” na pilit na dadapo sa inyong mga mata subalit pupukawin kayo ng paalala ng patnubay, ng pag-akay ng Kabatlayaan upang muling magliliwanag ang inyong mga mata at maunawaan ninyo na sinugo ang bawat isa sa inyo.
Ito lamang ang munting aralin na iiwan ko sa inyong hapag. Maging ganap nawa kayo sa pagtupad ng inyong tungkulin upang ganapin ninyo ang gawa ng Ama na nararamdaman din naman ninyo ang inyong mga tungkulin na narito sa inyong mga budhi.
Paalam, manatili sa inyo ang kapayapaan, katiwasayan, kababaan ng loob, kapanatagan ng inyong mga kalooban upang maiwaksi lagi na ang kahinaan.
Ipagpatuloy ninyo ang pagtupad ng tungkulin.
Paalam, ang inyong kamanggagawa at lagi na’y pumapatnubay sa inyo … Florencio dela Cruz.