Ang Simbulo Ng Walumpo at Siyam

Medium: Kap. na Ligaya de Jesus
89th Anniversary Session – January 9, 2021 / 5:07 pm

Tanggapin ninyo ang masaganang pagpapala mula sa mga langit. Mabigkis nawa kayo sa ganap na pagkakaisa upang ang inyong mga layunin na maipalaganap ang dakilang simulain ng pag-ibig ay maganap ngayon at magpakailanman.

Mga minamahal na kapatid, patuloy ang aking minamahal na kapatid sa pagtataguyod, sa paghahanap, sa pagsasaliksik ng mga karunungang nauukol higit na’y sa mga langit. Nagagalak ang Kabatlayaan sapagkat ang dakilang simulaing ito ng espiritismo ay nagkaroon ng matagal na panahon, wika nga’y “anniversary” na umabot sa walumput-siyam na taon sa pamamagitan ng ating mga kapatid na matatanda, hindi ko na iisa-isahin pa sa inyo. Ang nais ko lamang na maiparating at maipaunawa, ang walumpo at siyam na taon ng pagkakatatag marahil ang ilan sa aking mga mag-aaral ay hindi pa man isinisilang.

Subalit magkagayon pa man, nais ko lamang bigyang pansin ang walumpo at siyam na taon ng pagkasilang ng simulaing ito ng espiritismo.

Walo (8) na mayroon ng dalawang bilog, dalawang bilog na sumasagisag sa lumang aklat o lumang tipan at ang isa’y nauukol sa bagong tipan.

At ang siyam (9) na mayroon ng isang bilog at ang katapusa’y pababa. Ito’y nangangahulugang natatanggap na ng mga mag-aaral ang mga simulain, ang mga karunungang lihim na sagisag ng dalawang bilog, ang luma at bagong tipan kung bansagan. At sapagkat ito’y napaloob sa bilang ng siyam na may isang bilog at pagkatapos ay pababa, ito’y nangangahulugan na matapos matanggap ng tao ang mga masalimuot na pangyayari o tagpo sa dalawang tipan na ito ay naririyan ang patungo sa kababaan. Kababaang sagisag ng simulaing ito na hindi kailanman naghintay ng mga papuri, naghintay ng mga palakpak, naghintay ng mga karangalan. Kababaan ang pinakahuling sulat o pagsulat sa ika-siyam na numero at iyon nga ay nangangahulugan na dinala kayo sa kababaan.

Kaya nga mga minamahal na kapatid, magalak kayo. Binabati ko ang lahat at bawat isa, dahil sa matagal na panahon, bagaman hindi pa sinisilang ang dito’y nagpapatuloy mag-aral, alam na ninyo na sa edad o tagal ng panahon ng pagsilang ng simulaing ito’y tanggap na ninyo at wala na kayong pinanghihinayangan, wala na kayong mga agam-agam sa mga pangungusap ng mga Batlayang sa inyo’y walang sawang sumusubaybay.  Dahil dito mga minamahal na kapatid, nawa’y matanim sa inyong mga pagkatao kung papaanong ang mga naunang nagtatag ng simulaing ito na sila’y nagsidako na sa likod ng libingan subalit sila’y nakaagapay sa inyong lahat. Sila’y lagi na’y nakasubaybay upang kayo sa inyong sarili na mayroon pa ng kabataan ay huwag bumaling sa kaliwa o sa kanan kung hindi sa matuwid na landas ng buhay na natagpuan ninyo nang dahil sa pakikipag-aral sa Kabatlayaan. Umaasa ang Kabatlayaang kayo ay mananagumpay, kayo ay magsusumikap, kayo ay magtitiyaga, magtitiis alang-alang sa ikasusulong hindi lamang ng inyong mga sarili kundi higit na’y ng daigdigan inyong pinamamayanan patungo sa kawagasan.

Mga minamahal ko, huwag na nga itong maging wakas ng inyong mga pagpapakasakit kung hindi ito’y maging isang hamon. Maging simula ng panibagong paglalakbay upang marating ninyo ang dulo ng dako paroon na inyong patutunguhan, na nalalaman ko na kayo’y nakahanda anomang oras, anomang sandali na kayo’y tawagin sa inyong mga kalagayan  ay mayroon kayo ng mga ngiti sa labi, sapagkat iyan ang inyong natutuhan na ang lahat ng nangyayari ay kalooban ng Dakilang Ama.

Iyan lamang ang maikling abot sabi na sa inyo ay aking iiwan. Paka-pag-aralan ninyo ang simbulo ng walumpo at siyam (89) na sa inyo ay aking inihayag at mararamdaman ninyong umaayon kayo sa kalooban ng Dakilang Ama.

Muli, tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng mga langit. Mabigkis nawa kayo sa ganap na pagkakaisa. Harapin ninyo ang bukas taglay ang katatagan, ang tibay ng pananampalataya, sapagkat iyan ang sa inyo ay aakay upang kayo nga’y hindi kakitaan ng anomang pagkainip, ng anomang mga alalahanin na siyang nagbibigay ng kaalinsanganan sa bawat isang nilikha.

Maging mapagpatawad kayo sa inyong mga kapwa. Kailanman ay huwag kayong magtatanim ng anomang alit sa pag-ibig upang madama ninyo ang pagmamahal, ang pagsubaybay, hindi lamang ng mga banal na espiritu kundi higit na’y maging ng Ama na sa inyo’y nagbigay-buhay.

Paalam, ang inyong Arkanghel Miguel.