Medium: Kap. na Gigi de Leon
89th Anniversary Session – January 9, 2021 / 5:27 pm
Basbasan kayo ng mga pagpapala at maghari ang kapayapaan at pag-iibigan nang walang hanggan, ngayon at magpakailanman.
Muling inihanda ng Ama ang Kanyang hapag-kainan. Ang lahat ay inaanyayahan na mapayapang dumulog. Maraming mga pagkain ang inihanda ang Ama, mga pagkaing magbibigay ng kalusugan ng bawat inyong katawang-laman, kalusugan ng inyong mga tunay na “ako”. Mga pagkaing magkapagpapagaling sa anomang uri ng karamdaman, mga pagkaing magbibigay ng kalakasan hindi lamang ng katawang laman, kalakasan upang harapin ng tao ang maraming pagsubok na ipinagkakaloob ng Diyos, mga pagsubok na tatawag ng mga biyaya.
Sa ika-walumput-siyam na pagdiriwang ng anibersaryo na pagkatatag ng lunduyan, binabati ko ang lahat at bawat isa sa pagiging matagumpay sapagkat hanggang sa mga sandaling ito ay naririto pa rin ang pag-aaral. Naririto pa rin ang lunduyan na ginagamit ng mga mag-aaral upang magtamo pa rin ng mga karunungan, upang makapagsaliksik ng mga karunungang pakikinabangan hindi lamang ng bawat ninyong buhay dito sa daigdig, higit sa inyong paglalakbay sa buhay.
Mga iniibig na kapatid, gaano kalaki ang pananampalataya at pananalig ng isang mag-aaral? Papaano ninyo pinatitibay ang inyong mga kalooban? Papaano ninyo pinatatahimik ang inyong mga kalooban at pinanatiling maligaya sa gitna ng kalungkutan, nanatiling tahimik sa gitna ng kaguluhan? Papaano ninyo pinalalakas ang inyong pananampalataya at pananalig kahit pa maraming pagsubok ang dumarating sa inyong buhay at sa bawat isang kalagayan, mga pagsubok na tila baga walang katapusan, mga pagsubok na sunod-sunod, mga pagsubok na halos iniinda ng kapaligiran subalit hindi ng isang mag-aaral ng dakilang simulaing ito ng espiritismo.
Gaano kahalaga ang buhay na iyong tangkilik? Gaano kahalaga sa iyo ang kalakasang iyong nadarama sa iyong sarili upang ikaw ay makakilos, makagalaw, makagawa ng iyong mga tungkuling sinumpaan sa Dakilang Ama? Gaano kahalaga ang kalakasang pinagkaloob ng Diyos upang iyong mapuntahan, iyong malakbay ang kalawakan ng iyong paglalakbay, ang kabigatan ng iyong mga panyapak nang dahil na rin sa maraming pagsubok at suliraning pinapasan ng bawat isang mag-aaral?
Mga iniibig na kapatid, marami ng mga pagsubok ang inyong nalampasan, marami ng mga suliranin ang nagkaroon ng kalutusan, marami ng luha ang dumaloy mula sa inyong mata, marami ng mga pagkabagabag at pagkatakot ang dinanas ng isang mag-aaral, ng isang anak ng Diyos subalit naririto pa rin ang bawat isang mag-aaral, nakikita at nasisilayan ng Kabatlayaan ang katatagan at malaki ang pananalig at pananampalataya na kailanman ang Diyos ay hindi ka pababayaan. Gaano kalaki ang iyong pananalig? Gaano kalaki ang iyong paniniwala na kahit anong pagsubok ang dumating sa iyong buhay ay malalampasan, na kahit anong suliranin ang dumating sa iyong buhay ay magkakaroon ng kalutusan? Gaano katibay at katatag ang iyong pananampalataya sa Dakilang Lumikha upang malampasan mo ang pang araw-araw na buhay, ang pang araw-araw na suliranin na tinatanggap ng bawat isang mag-aaral?
Minsan dumadating sa tao ang siya’y panghinaan ng loob. Minsan dumadating sa tao ang maraming mga katanungan, hanggang kailan ang pagsubok? Hanggan kailan siya susubukin? Hanggang kailan matatapos ang bawat suliranin na tila baga nanatili na sa bawat isang kalagayan?
Subalit hindi ka ba nagtataka? Sa pananatili ng pagsubok, sa pananatili ng suliranin ay naririyan ka pa rin, matibay na nakatayo. Naririyan ka pa rin at naikakampay mo ang iyong mga bisig, naihahakbang ang iyong mga panyapak. Naririyan ka pa rin at nasisilayan ang buong kapaligiran at malinaw pa ring nakaririnig. Naririyan pa rin ang tao, patuloy sa kanyan kalakasan. Patuloy na tumatanggap ng mga biyaya, patuloy na ipinadarama ng Diyos ang kanyang pag-ibig.
Papaano madarama ng tao, paano masasabing nararamdaman mo ang pag-ibig ng Diyos? Na sa mga panahon ng pagdurusa, sa mga panahon ng paghihirap ay naririyan pa rin sa iyong kaisipan ang isang malaking pag-asa na ang lahat ng pagsubok ay may katapusan. Buong-buo pa rin ang iyong pag-asa na naririyan ang Diyos na makapagdudulot, magbibigay ng kalutasan sa bawat mong suliranin. Matibay pa rin ang iyong pagkatayo sapagkat batid mo na patuloy na nagmamahal at umiibig ang ating Ama.
Mga iniibig na kapatid, muling pinagkaloob ng Diyos ang panibagong taon. Muling pinagkaloob ng Diyos ang ika-walumpo at siyam na anibersaryo ng inyong lunduyan at ito’y pagpapatunay lamang na muling ipagkakaloob ng Diyos na ang tao’y makakilos at makagalaw nang may kalayaan. Hindi hahayaan ng Ama na ang bawat kapatid ay magkahiwa-hiwalay sa pagtupad ng tungkulin. Ang nais ng Ama ay muling masilayan ang kanyang mga anak, ang bawat mga mag-aaral sa iisang lugar, sa bawat inyong upuan, sa bawat inyong mga lugar. Nais ng Ama na muling manumbalik ang kasiglahan ng pag-aaral na nagkakitaan. Nais ng Ama na muling makapagpatuloy ang isang mag-aaral sa kung anong gawain na isinasagawa upang maipamalas at maiparamdam sa Dakilang Lumikha ang pagmamahal ng lahat at bawat isa.
Subalit papaano mga iniibig na kapatid? Papaano magaganap at manunumbalik na ang tao’y nariritong muli sa lunduyan? Papaano ang mga panyapak ay makakatuntong muli sa loob ng lunduyan? Papaano manunumbalik ang kasiglahan ng bawat mananampalataya, ng bawat mga anak ng Diyos na nagsusumikap na maipadama ang bawat ninyong pagmamahal, maipakita ang bawat ninyong pagsunod sa mga utos? Huwag kayong mag-aalala, ang Ama ay kumikilos at gumagawa ng mga kaparaanan. Marami Siyang mga gaganap na tao na ang mga pagakilos at paggalaw upang manumbalik ang kasiglahan na sa kung papaano na ang bawat mga tao’y muling magkatipon-tipon sa pagtupad ng bawat mga tungkulin.
Walang pagsubok na hindi natatapos. Walang pangyayari na nanatiling pangyayari. Ang lahat ay mababago, ang lahat ay nagbabago.
Subalit sa salitang pagbabago, uunahin ng bawat mag-aaral ang kanyang sariling pagbabago. Kung papano niya babaguhin ang kanyang sarili, babaguhin ang mga pangit na mga ugaliin, ang mga pangit na kinikilos, ang hindi magandang pintigin ng puso, ang hindi magandang dinadaloy ng kaisipan, ang hindi magandang pananaw sa buhay na nararapat na baguhin ng bawat isang mag-aaral upang magkaroon ng mga pangyayaring naroon ang kagandahan nang dahil sa pagbabago ng mga anak ng Diyos.
Una’y tutuklasin ng tao kung bakit siya naririto sa daigdigan ng mga hugis. Bakit siya isinisilang, bakit siya patuloy at paulit-ulit na isinisilang sa daigdigan ng mga hugis? Ano ang kadahilanan mga iniibig na kapatid? Upang maipagpatuloy ng tao ang kanyang sinumpaang tungkulin. Upang mapagbayaran niya ang kanyang mga pagkakasala hanggang sa kahuli-hulihang beles ng kanyang pagkakasala. Hindi mababayaran ng tao ang kanyang pagkakasala sa isang yugto lang ng buhay o sa isang pagkakataon na siya’y bigyan ng Diyos na makitalad sa daigdigan ng mga hugis.
Sapagkat ang buhay ng tao, mga iniibig na kapatid, ay maihahalintulad sa isang kasuotan ng kanyang katawang-laman. Na ang isang damit, dumadating ang panahon na naluluma hanggang sa ito ay magkasira-sira. At kapag nangyari na ang isang damit ay magkasira-sira, natural lamang mga iniibig na kapatid na hindi na ito maaaring suotin ng tao. Ganun din ang katawang-laman ng tao, dumarating ang isang takdang panahong nawawala ang kanyang kalakasan, magkakaroon ng kamatayan.
At gaano nga ba kahalaga ang buhay? Papaano nga ba mapangangalagaan ng tao ang kanyang buhay na tinataglay sapagkat ang buhay ng isang tao ay nakatakda na ang hangganan mula nang siya ay isilang. Hindi mababago mga iniibig na kapatid na kapag ikaw ay nakatakda na tawagin ng Ama, yun na ang panahon. Hindi ito maiiwasan, hindi ito matatakasan. Kung kaya’t nararapat na mahalin ng tao ang kanyang buhay. Kung hindi mo pangangalagaan ang iyong katawang-laman, ito yung sa magaspang na pananalita’y iyong aabusuhin ay agad na manghihina ang iyong katawang-laman hanggang sa ikaw ay sapitin mo ang isang karamdaman. Isang karamdaman na magpapahinto sa iyong pagkilos. Isang karamdaman na hahadlang sa iyong paggalaw. Isang karamdamang magpapabigat higit sa iyong pinapasan. Karamdamang magiging hadlang upang ikaw ay kumilos at gumalaw, magsagawa ng iyong mga tungkulin at mga gawain. Kaya mga iniibig na kapatid, napakahalaga na ang bawat katawang-laman na pinahiram ng Diyos ay pahalagahan at pangalagaan. Ang katawang-laman ng tao ay nararapat na ingatan. At kapag ang iyong katawan ay mayroon ng kalusugan, anoman ang karamdaman katulad ng mga karamdamang idinudulot ng tinatawag ng covid-19, kung malakas ang iyong pangangatawan ay hindi ka basta-basta lamang nito madadapuan.
Napakahalaga na ang katawang laman ng tao ay malusog, at paano magiging malusog ang katawang laman? Hindi lamang sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain. Hindi lamang lalakas ang katawan ng tao sa pamamagitan ng mga bitamina na iniinom ng tao. Hindi lamang lalakas ang katawan ng tao sa pamamagitan kung papano mo ito bubusugin ng mga masusustansyang pagkain, kundi bagkus ang higit na magpapalakas sa katawang laman ng tao ay ang iyong mga gawain. Mga gawain na mayroon ng kabutihan at kabanalan.
Kung ang iyong gawain sa tuwina’y malimit na ikaw ay magalit, papaano ka lalakas dahil ang pagkagalit ang nagdudulot ng kahinaan sa tao? Paano magiging malusog ang iyong katawang laman kung punong-puno ng inggit ang iyong pag-iisip, ng inggit ang iyong puso? Paano lulusog ang iyong katawan laman, kundi bagkus ito ay magdudulot ng kahinaan. Paano magiging malusog ang katawan ng tao kung siya ay punong-puno ng galit? Punong-puno ng pagiging makasarili? Punong-puno ng isiping mapang-lamang at kamkamin ang lahat-lahat ng mga tangkilikin, mga negatibong damdaming makapagdudulot ng panghihina ng inyong katawang laman.
At kapag ang katawang laman ay nanghina, naroroon na ang ibat ibang uri ng karamdaman. Hanggang ang mga karamdamang ito ay manatili sa tao kung hindi siya magbabago, magsisisi at gagawa ng kabutihan, ang mga karamdamang inyong tinataglay ay mananatili sa inyong katawang laman. Alam na ng bawat isang kalagayan na kapag nananitili ang karamdaman, darating ang isang panahon na mawawalan kayo ng kalakasan, mawawala ang lakas dahil samg karamdaman. At kung manghina ang tao, naririyan ang kamatayan, ang kawakasan ng inyong buhay.
Kaya mga iniibig na kapatid, napakahalaga na magkaroon ka ng malakas na pangangatawan at ito ay magiging malusog lamang kung panay positibo ang pinaiiral sa iyong buhay. Magiging malusog ang iyong katawang laman kung aalagaan, aalagaan mo ng mga aral ng Kaitaasan.
Mapalad kayo mga iniibig na mag-aaral, naririyan ang gamot na semilya na tunay na hindi lang magpapagaling ng anumang uri ng karamdaman… magbibigay din at magsisilbing bitamina sa bawat inyong katawang laman upang makaiwas sa anumang uri ng karamdaman. Subalit ang kauna-unahan mga kapatid, upang ikaw ay maging malusog, upang ikaw ay hindi magkasakit, ay sa bawat kampayin ng iyong mga bisig, sa bawat hakbangin ng iyong panyapak, sa bawat pagmamalas ng iyong paningin, sa bawat diringgin ng iyong pandinig, sa bawat sasabihin ng iyong labi at dila ay naroroon ang kabutihan at kabanalan. Sapagkat batid naman ng bawat isa na ang karamdaman ay nagmumula sa pagkakasala, sa pagkakamali at kapabayaan ng bawat isang kalagayan.
Kaya mga ginigiliw na kapatid, alagaan ninyo ang inyong katawang laman, kumain ng masusustansyang pagkain. Bantayan ninyo ang mga kilusin ng bawat sangkapin ng katawang laman. Akayin ang bawat sangkapin ng inyong katawang laman sa gawi ng paggawa ng kabutihan at kabanalan.
Kaya mga iniibig na kapatid, nakalulungkot makakita ang isang mag-aaral o ang iyong kapatid o kapwa na naroon, may tinatangkilik na malubhang karamdaman. Maging ikaw sa iyong sarili, nakakalungkot na madama na ikaw ay mayroon ng malubhang karamdaman. At kapag ang tao ay mayroon ng karamdaman, nangangahulugan lamang ito na marami siyang pagkakamali, marami siyang pagkukulang. Karamdamang nagpapaalala sa tao na ang tao ay nagkakamali, na ang tao ay nagkukulang.
Maaari namang mabuhay ang tao sa gitna ng kalusugan. Maaari naman siyang mabuhay sa gitna ng kaligayahan kahit pa naroroon ang maraming pagsubok ng buhay, mga suliranin ng buhay sapagkat ang karamdaman mga iniibig na kapatid ay nakadaragdag ng pansanin, nakadaragdag ng kalungkutan, nakadaragdag ng pagkatakot, nakadaragdag ng panghihina ng kalooban. Kaya mga iniibig na kapatid, tanganan ninyo ang inyong sarili. Suriin ninyo ang sarili, “ano ba ang aking nagiging pagkakamali, ano ba ang aking nagiging pagkukulang?”
At kung wala kang pagkukulang, wala kang pagkakamali, hindi ka gumagawa ng masama, subalit hindi ka naman gumagawa ng mabuti ay kasalanan pa rin mga iniibig na kapatid. Kinakailangang gumawa ka ng mabuti at huwag kang gumawa ng masama.
Bakit naririto ang tao sa daigdigan? Upang siya ay kumilos, upang siya ay gumawa, upang tupdin niya ang kanyang tungkulin sa Ama, upang pagbayaran ang kanyang mga pagkakasala. Kung ang tao kung hindi kikilos, mananatili ang isang kaalaman, mananatili ang isang karunungan subalit wala ng paggawa, matatawag na baog. Gaano man kalawak ang iyong pang-unawa, gaano man kadami ang iyong kaalaman, gaano ka man karunong, gaano ka man kalakas, subalit wala ng paggawa ay walang kabuluhan, walang halaga.
Kaya nga mga iniibig na kapatid, naririto ang isang bagong taon, naririto ang ika-walumpo at siyam na pagdiriwang na magsisilbing kalakasan sa lahat at bawat isa at magiging inspirasyong upang ikampay nang may kabilisan ang inyong mga bisig, ihakbang ang inyong mga panyapak. Muling manumbalik ang kasiglahan sa paggawa ng kabutihan at kabanalan.
Muli ay kapayapaan ang aking iiwan. Ang mga pagkaing ipinagkaloob ng Ama ay maging gamot sa anomang uri ng karamdaman upang makapagpatuloy ang aking mga kapatid sa kanilang mga gawain, tupdin ang kanilang mga tungkulin na magpapalusog ng bawat katawang laman, higit ng inyong tunay na “ako”. Ang mga pagkaing pinagkaloob ng Ama ay ibahagi ng aking mga iniibig na kapatid sa inyong kapaligiran, sa inyong kapwa, sa inyong mga mahal sa buhay.
Walang hanggang pag-ibig ang aking iiwan. Kapayapaan, ngayon at hanggang wakas.
Ako sa inyo ay magpaalam, ang inyong patnubay … Juan. Paalam.