Maging Handa Sa Mga Pagbabagong Magaganap

Medium: Kap. na Robit
89th Anniversary Session – January 9, 2021 / 6:02 PM

Isang mabungang pag-aaral ang bati ng Kaitaasan sa lahat at bawat isa, at pagharian ng panatag na kaisipan upang ang araling sa inyo ay pinagkakaloob ay tunay na magkaroon ng kabuluhan sa inyong paglalakbay sa dako paroon ng buhay.

Isang maligayang pagbati sa pag-aaral na ito sa bawat isang mag-aaral, sa mga tagapagtaguyod, sapagkat sa kabila ng maraming pagsubok ay nahalintulad kayo sa mga pantas na hindi inalintana ang mga hadlang bagkus patuloy na nagsumikap na matagpuan ang Messias sa lugar na Kanyang kinaroroonan. At ito ay bahagi ng isang kaunlaran ng pag-aaral na ito sapagkat ang bawat isa ay patuloy na naghahanap ng kaunlaran, naghahanap ng mga kaparaanan upang muling ipagpatuloy at itaguyod ang simulain ng espiritismo sa panahon na ito.

Mga minamahal na mga mag-aaral, ang bawat panahon ay maraming inihahatid na mga pangyayaring marahil ay hindi inaasahan ng bawat isa at gayun din walang kakayanan na ito’y pigilin at hadlangan kung kayat ang panahon na ito ay inihahanda ang isang kalagayan sa mga bagong pangayayari na maaaring maganap sa bawat isa. Dahil dito, nakahanda ba ang mga sisidlan ng bawat isa? Ang Kaitaasan ay patuloy na magtuturo, patuloy na gagabay at magbibigay ng mga kaalaman upang ang bawat isa ay manatili ang katatagan, ang kalakasan, upang patuloy na makaunawa sa ibat ibang pangyayaring darating sa inyong kalagayan. Kung kayat pinapayo ng Kabatlayaan na ihanda ninyo ang inyong mga sisidlan, kung kinakailangang linisin, ito ay gawin. Kung kinakailangang alisin at bawasan ang mga bagay na hindi na kailangan, ito ay gawin upang bigyan ng puwang ang mga bagong kaalaman, mga kaparaanang sa inyo ay ituturo, sa inyo’y ipagkakaloob, ipararamdam upang sa gayon ay inyong maiakma ang inyong mga sarili sa ibat ibang kalagayan at pangyayaring darating sa inyong mga buhay.

Ayusin ninyo ang inyong mga sisidlan, siyasatin ito sapagkat marahil mayroon ng kinanakailangang baguhin, marahil ay may kinakailangan ng palitan, marahil kinakailangan na itong ibigay sa iba, o dili naman ay kinakailangan na itong ingatan.

Kung kaya’t aking mga minamahal na mag-aaral, lagi kayong maging handa. Maging handa kayo sa maraming bagong magaganap. Alisin ninyo ang mga pangamba na dulot ng mga pangyayaring wala kayong kakayanan at kapangyarihan na ito ay hadlangan. Magaganap ang kalooban ng Ama.

Kung kaya’t ang lahat at bawat isa’y laging hanapin ang Messias. Laging hanapin at linisin ang inyong mga puso tungo sa ikauunlad ng inyong mga kalagayan. Huwag ninyong panghinayangan ang mga bagay na kinakailangang bawiin, alisin sa inyong mga kalagayan, sapagka’t marahil ay ito ang kaparaanan upang kayo ay umunlad at masulong sa inyong mga kalagayan.

Kung kaya’t ang bawat isa sa bagong panahon ay panabikan ninyo ang mga bagong aralin. Panabikan ninyo ang mga panibagong magaganap sa inyong kapaligiran subalit taglayin ninyo ang aralin na laging sa inyo’y nagsisilbing ilaw o tala sa paglalakbay ninyo sa dako paroon ng buhay.

Ito lamang ang maikling bahagi ng pag-aaral na sa inyo’y maiaambag ng Kabatlayaan at patuloy nawa na ang bawat isa ay maghanda.

Linisin ninyo ang inyong mga puso, bantayan ninyo ang mga kaisipan, pigilin ninyo ang takot, ang kalungkutan, ang mainit na simbuyo ng inyong damdamin, sapagka’t ang mga bagay na ito ay hadlang tungo sa kaunlaran ng inyong mga pagkatao.

Paalam, ang inyong patnubay… Mateo.