Medium: Kap. na Sweet
89th Anniversary Session – January 9, 2021 / 6:23 PM
Kapayapaan, kaliwanagan at katahimikan nawa ang manatili sa inyong lahat sa panibagong pagtanggap ng pagkain ng buhay. Mapalusog nawa ninyo ang inyong mga tunay na pagkatao upang maisagawa ang alin mang inyong natututunan. Pagbabago nawa ang maging pasimula ninyo upang maatim ang tunay na karunungan at pag-ibig, ngayon at sa lahat ng sandali.
Paulit-ulit na sinasabi ng Kabatlayaan na ang daigdigang ito ay daigdig ng luha at hinagpis. Na ang tanging paraan ng pagkasulong ay pagbabago, paghigpit ng sinturon, paggawa nang mayroon ng pagtitiis at pagpapakasakit. Kinakailangang gumawa, maglingkod, kalimutan ang sarili kung nais landasin ang daan patungo sa langit ay nangangailangang pasanin mo ang iyong krus. Dahil dito, ang isang batang nag-aaral ay natakot na panghinaan sapagkat kung ang kanyang mga kalaro ay masigla sa paglalaro, malayang nagagawa ang kanilang nais gawin, nasasabi ang sariling pangangatwiran, bakit siya naririto napasalilong sa isang pag-aaral na kinakailangang magpigil, disiplanahin ang sarili, umunawa at maglingkod samantalang ang iba ay sumasayaw sa tugtog ng sanlibutan. Kayat dahil dito, kakaunti ang nakauunawa, kakaunti ang nasusulong at nagkakaroon ng ganap na pagkakilala. Ano ang dapat gawin ng isang mag-aaral, ng isang bunso sa kaunawaang pang-espirituwal na mapanatili niya ang kanyang katatagan sa kabila ng mga pangyayaring nagaganap sa kanyang kapaligiran?
Mga minamahal ko, ang aklat ng karungan at pag-ibig, ang aklat ng buhay ni Hesus, ang Kanyang salita at pangaral ay punong-puno ng inspirasyon, mga salitang magpapalakas sa isang bunsong mag-aaral ukol sa tunay na buhay.
Habang nagpapalaganap si Hesus mayroong isang ina na lumapit sa Kanya. Naninikluhod, “Guro paalisin mo ang karumaldumal na espiritu na nagpapahirap sa aking anak na babae.” Subalit sa kanya’y sinabi ni Hesus, “Hayaan mo nang mabusog ang anak sa hapag ng Panginoon, sapagkat hindi nararapat na kunin ang tinapay at ibigay sa mga aso.” Subalit nangatwiran ang ina, “Guro, maging ang mga aso man ay pinahihintulutan na manatili sa ilalim ng dulang at sumalo’t maghintay ng mumo mula sa hapag ng anak.” At sinabi sa kanya ni Hesus, “Dahil sa sinabi mong iyan, umalis na ang espiritung nagpapahirap sa iyong anak, umuwi ka na.” At doon nakita niya ang kanyang anak, nakaupo sa higaan at malinis na.
Mga minamahal ko, kung inyong susuriin at pag-aaralan, maraming kapatid, mga anak, mga tao o kaibigan na hindi nakaaalam ng tunay na layunin ng kanilang buhay. Tinatangay na lamag sila ng agos, nagsasalita kung ano na lamang ang kanilang nakikita. Humahatol, nagdaramdam kapag mayroon ng mga pangyayaring nagpapahina sa isang katatagan. Sila yaong mga tao na madalas malasing, madaling matukso, madalas nagkakamali sapagkat nasasakanila ang espiritu ng karumihan. Hindi nila nalalaman ang tunay na pakay ng kanilang pakikipamuhay. Wala silang batid ukol sa tungkulin o papel. Hindi nila alam ang kanilang pinanggalingan at kanilang patutunguhan. Sila katulad ng anak na nabanggit sa salaysay sa buhay ni Hesus ang pinanghihinaan, mayroon ng karamdaman at pinanunukluhod ng ina na siya ay pagalingin. Subalit sinabi ni Hesus, “Hindi dapat ibigay sa aso ang tinapay na para sa anak sapagkat kinakailangang busugin muna ang anak.” Alalaumbaga, kinakailangang busugin ng tao ang kanyang espiritu, ang siyang tunay na anak ng Diyos, ang siyang tunay na tagapagmana, ang siyang tunay na maglalakbay sa dako paroon at magsusulit ng kung ano ang kanyang narating at ginawa. Ito ang kinakailangang unang pahalagahan ng isang kapatid. At kung mayroon mang matitira na mumo, ito lamang ang ibibigay niya sa aso. Isang kaibigang matalik ng espiritu na mayroon ng kahinaan at makahayop na alitigtigin. Uunahin ng tao ang kanyang pagiging anak at anomang mahuhulog dito ang siyang ipapakain niya sa kanyang kaibigang aso.
Mga kapatid ko, kung ganito ang pagkaunawa ng maraming nilikha, walang manghihina, walang manlalamang, walang gagawa ng kasamaan sa kanyang kapatid sapagkat natutukoy niya na ang buhay pangkasalukuyan ay bunga ng kanyang sinaunang pagkakamali at ang alin mang gagawin niya sa kasalukuyan ay ang magiging buhay niya sa kanyang haharapin. Ang panandaliang buhay sa kapatang lupa ay kabubuan ng kung ano at papaano ninyo ginugol ang inyong buhay sa nakaraan.
Mga kapatid ko, magpakatalino kayo, isaayos ninyo ang inyong pagpapahalaga, ang inyong prayoridad. At kung ganito nga ang magaganap sa inyo na pahahalagahan ang mga alagataing pang-espirituwal at anomang matitira ay igugugol at pangangalagaan ang alagataing pang-materyal, mga kapatid ko, kayo ang mga mananampalataya na nagtatayo ng bahay sa batohan. Kayo ang mga mananampalatayang mayroong inaangking matabang lupa sa inyong sisidlan na dito mamumuhay at isasaboy ang maliliit na binhi ng mustasa ng pananampalataya na makakayanan ninyong pakilusin ang bundok at kalikasan. Huwag kayong managhili kung ang iba ay nakakagawa ng gusto nilang gawin, huwag nyo ring ikumpara kung ang iba sa kabila ng kanilang mga gawain ay tila baga pinagpapala. Huwag din kayong managhili na kung kayo, ginugugol ninyo ang sarili sa pag-aaral, nagkakaroon pa ng kahirapan at karamdaman. Hindi ninyo batid ang nakaraan ng tao. Hindi nyo rin alam kung ano ang plano ng Diyos para sa kanila. Hindi nyo rin alam kung papaano gumagalaw ang daigdig. Isa lamang ang maipapangako ko sa inyo, lahat ay pahihintulutan ng Ama ayon sa Kanyang batas. Lahat ay pahihintulutan ng Ama ayon sa Kanyang pag-ibig at pang-unawa. Kaya’t ang natitira sa inyo ay magpakatalino. Talasan ninyo ang inyong pag-iisip, damdamin at kalooban. Ang Diyos ay nagmamahal sa lahat. Makasalanan o matuwid man. At hindi ka Niya pababayaan na maghirap nang walang katuwiran at katarungan. Lahat ay naaayon sa Kanyang batas ng pag-ibig at pagkasulong.
At bilang panghuli, ariin ninyo ang kaharian ng Diyos na itinulad ni Hesus sa maliit na binhi o butil ng mustasa, na nang inihasik sa lupa, lumago, naging napakalaking puno, na maging ang mga ibon ay dito namamahinga. Maliit man ang inyong sarili, maliit man ang inyong papel o tungkulin, maliit man kayo sa tingin ng inyong kapwa kung ihahasik sa paggawa o pagtupad ng tungkulin, kung ihahasik sa lupa, at makikilala ang kanyang tunay na papel, makikilala ang kanyang maliit na kaliwanagan na kayang ibigay sa iba, mga kapatid ko, kaunti man ang inyong bilang, maliit man kayo, matatagpuan ninyo sa inyong sarili ang kaharian ng Diyos. Magiging liwanag kayo sa kabila ng kadiliman. Magiging lakas kayo sa kabila ng kahinaan na nagaganap sa inyong paligid. Magiging kahinahunan kayo, katahimikan sa kabila ng pag-aalala. At magiging kasiglahan kayo sa kabila ng nanlulumong kapaligiran. Mararamdaman ninyo ang lakas, ang subaybay, ang patnubay, ang pagmamahal sa kabila ng maraming kakumbakitan ng buhay, kalituhan, baku-bakong daan na lalandasin ay mapapatag ninyo, liko-likong landas ay matutuwid ninyo sapagkat nasa inyo ang katuwiran, nasa inyo ang pag-aaral pang-espirituwal at mauunawaan ninyo anoman ang nagaganap sa inyong kapaligiran.
Ito nawa ang manatiling aral na gunitain ninyo lagi na. Upang kayo ay mapalakas ang buhay sa kapatagang lupa ay maikling kabanata lamang sa buhay pang-espirituwal na pagkasulong na minimithi ng isang kaluluwa. Huwag ninyo itong sayangin. Patingin ninyo ng masasarap na pagkain ang tunay na anak ng tao. At kapag ginagawa ninyo ito ay mayroon pang matitirang mumo, ito ang ibibigay ninyo sa alagataing pang-materyal na kasangkapan lamang ng isang nagpupunyaging espiritu na hanapin ang kanyang kalinisan at kaganapan. Maraming kapatid na dinadala ng espiritung manghihibo sa kawalan. Maraming espiritung pagbalik sa bayan ng espiritu’y nagsisisi at nanghihinayang, hindi malaman kung ano ang nangyari sa nakaraan sapagkat nabuhay sa isang pagkakamali na minsan lamang ang buhay. Kayo ang ilan na nakauunawa kung bakit kayo narito, ano ang inyong tuparin. At kung dumadating man ang maraming pagsubok, nauunawaan ninyo ito at natatanggap nang mayroon ng kagaangan.
Itong aralin na ito ang pilit na inunawa ng mga tagapagtaguyod na sa pag-unawang yaon ay nagkaroon ng kaliwanagan at ito rin ang iiwan sa inyo upang mapanatili ninyo ang lakas, upang mapanatili ninyo na buo ang inyong sarili, matatag anoman ang dumating sa inyong buhay. May pakay kayo, may layunin, may gampanin na hindi pa nauunawaan ng iba subalit nagliliwanag sa inyong kamalayan.
Muli ang kapayapaan, pag-iibigan, tunay na pagkakapatiran at tunay na pagkakaisa nawa sa kabila nang kayo ay magkakalayo ang maramdaman ng inyong tunay na pagkatao, magpakasigla kayo at magpunyagi sa mga alagataing pang-espirituwal na siyang tunay na taong haharap pagdating sa kanlungan ng Ama.
Paalam, ang inyong kapatid sa katotohanan at pag-ibig… Florencio dela Cruz.