Palakasin Ang Espiritu Laban Sa Tukso Ng Mga Manghihibo

Medium: Kap na Sweet
January 30, 2021 / 6:37 PM

Sumainyo ang kapayapaan, kaliwanagan ng pag-iisip na matanggap pa ang panibagong aralin ng buhay upang maging susi ito ng inyong kalayaan na mapalaya ang bawat isa sa maling paniniwalang nagpapahina sa kanya. Kapanatagan ng kalooban at katahimikan ng pag-iisip ang manatili sa inyo, ngayon at magpakailan man.

Natunghayan ng isang mananampalataya ang isang tagpo sa buhay ng Panginoon na nang Siya’y dumako sa lupain ng Gadareno, isang lalake na may karumaldumal na espiritu ang sumalubong sa Kanya. Ang lalaking ito’y naninirahan sa may libingan, lubhang malakas sapagka’t kahit na itali, nasisira niya ang tanikala at nakakalaya pa rin. Sinusugatan niya ang kanyang sarili at sumisigaw nang walang humpay sa libingan at sa kabundukan. Nang makita si Hesus, sinabi niya sa Panginoon … “Ano ang pakialam mo sa amin? Anak ng kataas-taasang Diyos, huwag mo na kaming panghimasukan at pahirapan pa.” Subalit sa kanya’y maamong sinabi ni Hesus … “Ikaw na karumaldumal na espiritu, iwanan mo ito.” At kapag dako sa di kalayuan, natunghayan ng kasaysayan, lumipat ang pulutong ng mga espiritu sa mga baboy, subalit hindi pa rin sila nakayanan ng mga ito at nagpahulog na lamang sa dagat.

Mga minamahal ko, nang dahil sa tagpong ito, maraming mananampalataya, natakot sa karumaldumal na espiritu. Iniiwasang talakayin ang paksang ito sapagka’t nag-aalinlangan ang tao. Kapag sinasabi ang mga bagay na nauukol sa espiritu, naroon ang maraming katanungan, maraming pag-aalinlangan, maraming paghatol. At nang dahil dito ang espiritismo ay kinatakutan din sapagka’t nakikipag-usap daw sa mga espiritu. Minsan pa’y hinahatulan pa ng karumaldumal na espiritu, maitim na espiritu, mababang espiritu, subali’t sa katotohanan, dito’y tinatalakay ang pagbabago, pagkasulong, paglilinis, kabanalan. Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng tagpong ito sa buhay ng Mananakop upang iangat ang kamalayan ng tao ukol sa espiritu.

Mga kapatid ko, nalalaman ninyo ang isang nilalang ay nabubuhay sa dalawang daigdigan, daigdigan ng laman at daigdigan ng espiritu. Ang daigdigan ng laman ay yaong nakikita, nasusukat, naririnig. Subali’t sa isang tabi, malapit lamang sa iyo, nariyan ang daigdigan ng espiritu, na ang lahat ay lantad sapagka’t wala na ng katawang lupa na mayroon ng kagaspangan. Dito ay walang maitatago, dito lahat makikita ang kalagayan ng tao na hindi masusukat ng yaman, katanyagan o ano pa mang sukatin na kinilala sa kapatagan ng lupa. Taliwas sa kaalaman ng marami, ang isang espiritu pagkatapos ng kamatayan ay nabubuhay sa daigdigan ng espiritu. Dito niya ipagpapatuloy ang kanyang pagsisikhay ng kaunlaran. Dito niya ipagpapatuloy ang pag-aaral at dito niya rin malalantad ang lahat ng kanyang kahinaan na kinakailangan pang tuwirin ang kanyang kamangmangan na dapat pang iwaksi.

Bagama’t naroon sa daigdigan ng espiritu, ang mga espiritung ito na nilalang ng Diyos ay mayroon ng impluwensiya, napapahinuhod ang isang katawang lupa o isang taong nabubuhay sa daigdigang ito na maaaring gumawa ng mabuti at ng masama, base na rin sa antas ng isang nilalang.

Kaya’t ang bawat isa sa inyo ay mayroon ng mga taga-tanod, tagasubaybay, tagagabay upang kayo lagi na ay matuwid ng landas. Subali’t dala ng kahinaan at kamangmangan, nagbubulagbulagan ang tao sa katotohanang ito. Iwinawaksi niya ang dakilang katotohanang nariyan lamang sa kanyang tabi ang kanyang tagasubaybay. Isang espiritung malaya, isang espiritung buhay, kawangis din naman ng Ama na sumusubaybay sa bawat isa sa inyo. At dahil hindi nalalaman ng tao ang katotohanang ito, hindi siya nag-iingat. Nagpapabaya siya sa kanyang gawain. Nalilimutan niya ang kanyang tungkulin. Nalilimutan niya ang mga bagay na dapat niyang isakatapuran. Kaya’t siya’y tulad sa isang nilalang, nabubuhay, nagtatago sa libingan, sa isang patay na paniniwala sapagkat hindi niya nalalaman ang kanyang pinanggalingan, ang dahilan ng kanyang pagbulusok sa kapatagan ng lupa at kung saan siya patutungo. Tinatangay na lamang siya ng agos ng pangyayari. Tinatangay na lamang siya ng alindog ng sanlibutan. Tinatangay na lamang siya ng impluwensiya ng mababang espiritung nakapaligid sa kanya na natutuwa kung siya’y nahihirapan.

Ganito ang larawan sa pangyayaring nakita at natunghayan sa Banal na Aklat. Isang lalaking nabubuhay gitna ng mga patay. Isang lalaking lumalakas sapagkat pinalalaks ng mga adhikaing pangmateryal na siyang unti-unting lumalason sa kanyang kaisipan.

Mga minamahal ko, kung maraming espiritung tagatangkilik, marami rin namang espiritung manunukso. Nag-uudyok sa tao na kalimutan ang kanyang tunay na pakay kaya’t lalo siyang napanghihina.

Mga kapatid ko, sa panalanging itinuro ni Hesus sa bandang huli. Humihiling ang isang mananampalataya, “Ilayo nyo po kami sa tukso at ihadya sa lahat ng uri ng kasamaan”. Kung kayo’y humihiling nito, isipin din ninyo, maraming mga espiritung nilalang din naman ng Diyos na mayroon ng kababaan. Bunso pa sa kabanalan. Hindi nila nalalaman ang pagbabago. Hindi pa nila nakikita ang pagkasulong, na dala ang maling paniniwalang ito na umaakit din naman sa iba na magkasala. Na sa akala nila sa paggawa nilang ito, mapapalaya nila at mapapaligaya ang kanilang sarili. Kaya’t itinuro ni Hesus ang dalanging ito upang sa gayon ay masubaybayan kayo, na sa kalinisan ng inyong pag-iisip, damdamin at kalooban ay makaakit kayo ng subaybay, makaakit kayo ng tagapatnubay, makaakit kayo ng mabubuting espiritu upang kayo ay pangalagaan.

Kung papaanong pinalalakas ninyo ang katawang lupa laban sa sakit, laban sa bacteria, laban sa virus na kumakalat sa inyong kapaligiran, mga kapatid ko, palakasin ninyo ang inyong espiritu na mangibabaw ito at labanan ang anumang tukso, ang anomang uri ng alitigtigin, ang anumang uri ng karamdamang pang-espirituwal na dadalhin ninyo sapagka’t na sa inyo pa ang kamangmangan.

Sinabi na kung malakas ang laman, nasa kanya ang sustanya, iiwasan siya ng sakit. Gayun din naman kung malakas ang espiritu, iiwasan kayo ng mga manghihibo. Iiwasan kayo ng tukso. Ipag-aadya kayo at ilalagay sa matuwid na landas. Subalit ang hiling sa inyo, mabuhay kayo ng hindi sa libingan. Gumalaw kayo. Kumilos, gumawa, maglingkod.

Ang pagbuhay sa sarili ay nangangailangan ng determinasyon, nangangailangan ng pangako, ng lakas. At ang paggawa ay hindi lamang pagkampay ng bisig, minsan sa paggawa, kailangan ding paganahin ang pag-iisip. Sapagkat kung papaanong humahakbang kayo upang gumawa, maaari rin naman kayong umatras. Kung papaanong lumalabas kayo, ang pagpasok ay paggawa rin. Alalaumbaga, hindi lamang paggawa ang pagsasalita, minsan ang pagtikom ng bibig at pagpigil sa sarili ay paggawa rin. Hindi lamang pagyaon ang paggawa, minsan ang pananahimik at pagiging mababang loob ay paggawa rin. Ang pagpigil sa inyong sarili at pananahimik na lamang sa gitna ng mga kaguluhan ay paggawa na rin ito. Ang umasa kayo sa panalangin, magtiwala sa Diyos sa gitna ng kaguluhan ay paggawa ito. Ang magkonsentrasyon, pumaloob sa inyong silid, pigilin, dalisayin ang inyong alitigtigin ay paggawa ito. Ang iwaksi ang inyong takot, isaayos ang inyong prayoridad, magtiwala sa kalooban ng Diyos, napakahirap gawin ito para sa isang taong lubhang maingay, lubhang walang pagpipigil sa sarili. Kaya’t katotohanang sinasabi sa inyo ng Kabatlayaan, sa labas ng pagkakawanggawa ay walang kaligtasan. Walang buhay, walang pagkasulong.

Unawain ninyo ang paggawa. Hindi lamang ito panlabas, kung hindi higit sa lahat, panloob. Naroon sa kaibuturan ng inyong puso, diwa at pag-iisip. Pigilan ninyo ang inyong sarili na maakit sa materyal na alagatain, paggawa rin. Sapagkat napakahirap gawin ito para sa isang nilalang na nabanggit na nga sa Banal na Kasulatan na lubhang  mayaman o maraming tangkilikin.

Isa lamang ang sinabi ng lalaking may karumaldumal na mga espiritu, “Hesus huwag mo kaming pakialaman”, subalit naroon din naman ang hiling … “Huwag mo kaming pahihirapan”. Sapagkat sa sandaling pumasok na si Hesus sa inyong puso at kamalayan, natanggap mo ang Kanyang simulain, natanggap mo ang Kanyang pag-aaral, simula ito ng pagbabago. Simula ito ng paghihirap, simula ito ng sakripisyo. Maraming pagpipigil sa sarili. Subalit ito lamang ang kaparaanan at landas ng pagkasulong. At nawa’y maramdaman ninyo ang subaybay. Buksan lamang ninyo ang pag-iisip, damdamin at kalooban, mararamdaman ninyo ang tagatangkilik. Tutulungan niya kayong umunuwa, tutulungan niya kayong pasanin ang inyong krus, tutulungan niya kayong magbigay liwanag upang mapatumpak ang landas na inyong pipiliin.

Huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng laman, ang katakutan ninyo’y ang mga bagay na pumapatay at pupuksa pa inyong kaluluwa. At katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ang pumapasok sa inyo ang magiging kadahilanan ng inyong sakit, pagdurusa at pagtitiis kung hindi ang mga lumalabas sa inyong pagkatao.

Nawa’y maging matalino kayo na uriin ang mga bagay na inyong sasabihin at gagawin, hindi ng hindi sasabihin at ng hindi rin gagawin.

Ito lamang ang sa inyo’y bahagi ko. Muli ang kapayapaan at nawa’y magliwanag sa inyo ang subaybay ng kaespirituhan, ng inyong tagatangkilik, ng mga mahal ninyo sa buhay na nauna na sa inyo, ng mga kakapatid sa pag-aaral ng espiritismo, at nawa’y maging kaisa ninyo sila sa pagtupad ng inyong tungkulin.

Ang hati ng naghihiwalay sa inyo sa kaespirituhan ay isang kislot ng pag-iisip at maliwanag na galing sa pusong panalangin. Gamitin ninyo ito sa tumpak na kaparaanan. Paalam, ang inyong apostol … Santiago.