Medium: Kap. na Ligaya
February 6, 2021 / 5:06 PM
Tanggapin ninyo ang kaluwalhatian, ang kapayapaan ng inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban, ngayon at magpakailan man.
Mga minamahal na mga kapatid, ang buhay sa kapataga’y isang kasaysayan na nagpapakilala sa bawat “ako” ng isang nilikha, na ang pamamayan sa kapatagang ito’y hindi gawang biro lamang. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mabuhay sa kapataga’y mayroon ng mga tungkuling gagampanan ang bawat isa upang mabigyan ninyo ng kahalagahan, mabigyan ninyo… maliit man ang inyong mga tungkulin, kung ito nama’y ginagampanan ng buong katapatan, ng buong kababaan, ito ang maliliit na gabutil ng mga buhangin na wika nga’y nakapupuwing sa bawat matang nagmamasid sa isang taong gumagawa at naglalahad ng mga kabutihan at kabanalang inyong natututuhan sa inyong pag-aaral.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo ma’y mayroon ng mga pangamba, mayroon ng mga salagimsim sa pakikipag-aral ninyo sa katuruang ito ng espiritismo, hindi kayo makadarama ng kapayapaan, ng kaligayahan, sapagka’t nahahati ang inyong mga kaisipan sa mga bagay na pang-espirituwal at sa bagay na pang-laman. Oo’t kayo nga ay nabubuhay sa dalawang daigdigan, subali’t kung ang inyong mga pagkatao’y nakatuon, ang marubdob na pagnanasa na maiangat ang inyong mga sarili, maiangat ang inyong mga kapaligiran sa lalo pang pagkasulong ng inyong mga tunay na pagkatao, isasantabi ninyo ang mga bagay na siyang magiging dahilan upang maudlot ang inyong mga magagandang pangarapin na nais ninyong maisakatuparan.
Alalaumbaga mga minamahal ko ang ibig kong sabihin, oo’t ang mabuhay sa kapataga’y kaakibat ang mga pagsubok sapagka’t sa ganitong kaparaana’y magsusuri kayo, mag-aaral na sa pamamagitan ng mga pagsubok na iyan, diyan ninyo makikita, diyan ninyo madarama ang mga kahinaa’y pansamantala lamang. At pilit na darating ang mga araw, ang mga kagandahang ninanais ninyong maipaunawa sa inyong mga paligid, makakamit ninyo sapagka’t kayo’y walang humpay sa paggawa, walang tigil sa pakikibaka, taglay sa inyong mga sarili ang kababaan, ang kahinahunan, ang pang-unawa, ang pagpapatawad at ang katapusa’y ang pagmamahal.
Sa pamamagitan ng mga bagay na sa inyo ay aking binanggit, anomang hirap, anomang dilim ang sumaklaw sa kanilang mga kaisipan, hahawiin at hahawiin ng Kabatlayaan ang mga dilim na ito sapagka’t ang Kabatlayaa’y hindi kayo pinababayaan. Sila’y laging nakaantabay upang maisakatuparan ninyo ang magagandang layuning sagisag ng pagiging mag-aaral ng simulain ng pag-ibig.
Mga minamahal ko, bagaman paulit-ulit ang panawagan ng Kabatlayaan, kaparaanan lamang ito upang kayo’y magpakatatag sa inyong mga kalagayan. Magpakatatag bilang mga ina at ama ng tahanan. Magpakatatag bilang matatandang kapatid ng inyong mga kapatid. At darating ang panahon, na sa kabila ng inyong pagtitiis, sa kabila ng inyong pagiging mababang loob, at sa pagkakaroon ninyo ng matapat na pagnanasa, hindi lamang sa pook na ito, maging saan mang panig ng daigdigan, kapag ito’y inukulan ninyo ng taos pusong pananalangin, katotohanang magkakaroon ito ng katuparan. At naririyan ang tagumpay na ng dahil sa inyong pagpapakasakit sa pagdating ng dulo ng inyong mga paglalakbay, tatanggapin ninyo ang mga kinaukulang biyaya mula sa Kaitaasan.
Humayo kayo lagi na ng inyong mga lakad. Iilan man ang inyong mga bilang, kapit-kamay, lagi na’y huwag ninyong iwawaglit sa inyong pagkatao ang Dakilang Batas, “Ibigin mo ang Diyos nang una at higit sa lahat. Ibigin mo ang iyong kapwa nang tulad o higit sa iyong sarili.” At kapag ito’y nanatili sa inyong pagkatao, laging ngiti sa mga labi ang masisilayan ng inyong kapaligiran sapagka’t iyan ang larawan ng isang nilikhang buo ang pananampalataya at pananalig sa Dakilang Amang nagbigay sa inyo ng buhay sapagka’t kayo’y tunay na magkakapatid na nagmula sa iisang Ama na nararapat mag-ibigan sa isa at isa.
Iyan mga minamahal ko ang pagkaing sa inyo ay aking ihahain sa hapag ng Panginoon. Namnamin ninyo ang kasarapan upang hindi lamang kalusugan ng inyong mga katawang laman ang inyong madarama kundi higit na ang kalusugan ng inyong mga pagkatao, na nakahanda ang inyong mga sarili na maglingkod sa inyong mga kapwa, sa inyong mga kapaligiran, na kailan ma’y hindi kayo maghihintay ng anomang kagantihan.
Lasapin ninyo, namnamin ang masasarap na pagkain upang lagi na’y kainipan ang ganitong mga pagkakataon sapagka’t hindi kayo kailanman inililihis sa tamang landasin at iyan ang magandang kapalaran ng bawat isang mag-aaral ng dakilang simulaing ito ng espiritismo.
Muli ay tanggapin ninyo ang walang hanggang pagpapala ng mga langit. Mabigkis nawa kayo sa ganap na pagkakaisa upang ang kapayapaan ng inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban ang siyang lagi na’y maghari, ngayon at magpakailan man.
Paalam … Arkanghel Miguel.