Bigyan Ng Kahalagahan Ang Mga Sandaling Inilalaan Sa Pag-aaral Ng Buhay

Medium: Kap. na Gina
February 6, 2021 / 5:34 PM

Tanggapin ninyo ang liwanag na nagmumula sa Kaitaasan, biyaya na nagbibigay buhay at lakas sa ating mga pagkatao, sa inyong mga pag-iisip, damdamin at kalooban, ngayon at magpakailan man.

Tunay na ang kapahingahan ng isip at kalooban ng isang tao ay nakapagbibigay liwanag, kalakasan, upang makapagdesisyon ng nararapat sa kalooban ng isang tao. Maraming yugto sa buhay ng isang manlalakbay na sila ay nagkakaroon ng panghihina, nagkakaroon ng kapaguran sa lakbayin ng buhay. At dahil dito’y nilalamon ng kahinaan ang kanyang pag-iisip, ang kanyang damdamin at kalooban. Ngunit paano nga ba maisasakatuparan ng isang manlalakbay na sa kanyang paroroonan ay laging nakahanda sa anomang haharapin ng kanyang daraanan gayong sinabi ng Panginoon na tanging kailangang masuot ng isang manlalakbay ay ang sandalyas lamang at isang damit. Alalaumbaga’y pansapin sa paa na magagamit upang sa kanyang panlalakbay ay maibsan ang kanyang pagod na mararamdaman ng kanyang panyapak tuwing sasapit ang init ng panahon. Marami ang magagawa ng isang sandalyas sa kanyang panyapak, maaari itong maging proteksyon ng kanyang mga paa. Isang matibay na sandigan upang sa kanyang lakbayin ay mayroon siyang kasama na pumoprotekta na ang ating Panginoon ay hindi kailnman mawawalay sa lakbayin natin sa buhay ng isang espiritu. Datapuwat, sa kabila ng kahinaan ng isang tao, nagiging mahina ang kanyang espiritu sapagkat kulang at mangmang sa aral ng Kabatlayaan, sa aral ng kanyang buhay na ito ay naibibigay sa pamamagitan ng kanyang karanasan. Datapuwat kung siya’y isang mangmang sa lakbayin ng kanyang buhay, hindi niya ito maiintindihan bagkus mananaig ang kahinaan, sapagkat nakatuon sa materyal na  kanyang pamumuhay. 

Sa aral ng Batlaya sa simulain ng espiritismo, unti-unting naituturo at nabibigyan ng liwanag ang dahilan kung bakit ang isang espiritu ay sadyang nagpupumilit, nagsusumikap, naninilukluhod sa Dakilang Diyos upang siya’y muling isilang sa daigdigan ng hugis at anyo, upang maging manlalakbay sa dako paroon ng buhay. Na hanggang ngayon ay nagsisiksikan ang mga espiritung nagnanais na bumalik at maglakbay sa daigdigan ng buhay sapagka’t maraming hindi nakatupad, maraming nabigo, marami ang nagkulang, at hanggang sa kanilang kinaroroonan ay kanila itong nadarama, ang init ng pagmamahal na hindi nila naibigay sa kanilang kapwa, sa kanilang pamilya, na hanggang sa mga sandaling ito’y nananaghoy ang kanilang mga espiritu.

Kaya’t mapalad ang mga mag-aaral na hanggang ngayon ay hindi sumusuko sa pagsasaliksik at pag-aaral sa banal na buhay. Hindi man maging banal ay ang pagiging mabuti sa bawat araw ng kanilang buhay ay nagiging isang kudlit ng karunungang magiging baunan ng kanyang lukbutan sa kanyang pagkatao, sa kanyang espiritu na hanggang sa mga sandaling ito’y tinitimbang ng bawat espiritu sa kanilang pagkatao ang kanilang mga lukbutan.

Mga minamahal na mag-aaral, ano na nga ba ang sukat o timbang ng inyong dala-dalang lukbutan? Masasabi nyo ba sa inyong mga sarili na ito ay nagkaroon na ng laman? Masasabi nyo ba na ang laman na ito ay sasapat upang sa pagharap sa Dakilang Diyos ay mayroong laman ang damdamin ng bawat espiritu, ng bawat mananampalatayang nagsumikap, pinilit na magkaroon ng karunungan upang maipadama at maipakita sa kanyang kapwa ang tunay na kahalagahan ng espiritismo… na magpahanggang ngayon ay malaking katanungan sa bawat taong nagdaraan sa lunduyang ito kung ano nga ba ang aral ng simulain ng espiritismo. Maipakita sa gawa, sapagkat ang karunungan ay nandoroon na sa inyong mga pag-iisip. Ang kinakailangan na lamang ay ang paggawa sa inyong mga kapwa sa bawat sandali ng pamamahinga sa inyong mga buhay, sa bawat oras na kayo ay nag-iisa, nagigising sa kadiliman at katahimikan ng bukang liwayway. Nagsusuri ba ang lahat at bawat isa? At sa bawat pagsusuri, nakikita ba ang tunay na nilalaman ng inyong mga aral?

Paano nga ba ito maibabahagi sa inyong mga kapwa kung mismong sa sarili ng isang nag-aaral ay nakukulangan sa oras na nilalaan sa Panginoon. Nalalapit na ang takdang panahon upang muli sa alaala ng bawat isa ay magkaroon ng katuparan ang paghihirap ang pagsisikap ng Dakilang Hesus na Siyang nagbigay ng pag-asa at lakas sa bawat kaluluwa na nagsusumikap na magkaroon ng pagbabago sa kanyang buhay. Pakaingatan, bigyan ng kahalagahan ang sandaling inilalaan ng bawat isang espiritu sa pag-aaral sa kanyang buhay, sapagkat sa madaling panahon ang pagtawag ng Dakilang Diyos ay darating sa bawat isa upang magkaroon ng katuparan ang kahilingan ng isang kaluluwang nagnais, nagsumikap na makatupad ng kanyang tungkulin dito sa mundo ng hugis at anyo.

Sa bawat pagsusumikap mga minamahal na mag-aaral, katumbas nito ay ang pag-iwas sa bato na makatatalisod sa inyong paglalakbay sa mundo ng buhay kayat patuloy na pagsikapan ang aralin ng buhay na binibigay sa inyo ng inyong pag-aaral ng simulain ng espiritismo sapagkat magiging maliit ang oras sa bawat araw na dumadaan upang magkaroon ng pagkakataong maging mabuti, mas mabuti kaysa nakaraan.

Ito lamang mga minamahal na mag-aaral ang munting aral na maibibigay ko sa pagkakataong ito. Nawa’y maging sandigan ng bawat isa ang tunay na aralin na ibinibigay sa inyo at ibinabahagi ng Kabatlayaan, maging kalakasan sa tunay na haharapin, sa tunay na pagsubok na darating sa mga susunod na panahon. Muli, iiwan ko sa inyo ang kapayapaan, kalakasan ng inyong mga pangangatawan upang maging bahagi ng inyong pagbabago sa tunay na buhay na magiging sandigan ng inyong mga kapwa sapagkat ipinakilala ninyo ang aral ng simulain ng espiritismo.

Ako sa inyo ay hindi magsasawang makipagpaaral, magbahagi ng mga munting aral na manggagaling sa Kaitaasan. Kapayapaan, ngayon at magpakailan man, ang inyong apostol… Pablo.