Medium: Kap. na Gigi
February 6, 2021 / 6:03 PM
Sumainyo ang pagpapala ng Kaitaasan at nawa’y patuloy na manahan ang kapayapaan ng inyong pag-iisip, ng inyong damdamin. Kayapaan ngayon at hanggang sa wakas.
Gaano kahalaga sa buhay ng isang tao ang pananalangin o ang pakikipag-usap sa Dakilang Ama? Bagama’t nababatid ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ng Kanyang mga anak ay nararapat pa ring ilahad ng bawat tao ang kanyang mga pangangailangan, bagamat nasa kamay ng Diyos ang lahat ng magaganap sa buhay ng bawat tao’y kinakailangan pa rin na ang tao ay makipag-usap, manalangin, sa ikabubuti ng bawat kalagayan ng isang nilkha sa daigding ito ng mga hugis.
May mga uri ng pananalangin sa Dakilang Lumikha – pananalangin na pagsamba at pagpupuri sa Diyos, pananalangin na paghingi ng kapatawaran sa mga nagawang pagkakasala, panalangin ng pasasalamat sa mga nagawang maganda at biyayang ipinagkaloob at patuloy na ipinagkakaloob ng Ama, panalagin ng paghingi o kahilingang nais maganap sa buhay ng tao, mga kahilingang nauukol sa materyal o nauukol sa buhay laman ng isang nananahan sa daigidigang ito. At malimit na gamitin ng tao ang kanyang pananalangin at pakikipag-usap sa Diyos sa gawi ng paghingi, sa gawi ng mga kahilingang ninanasa at ninanais na makamtan at maganap sa buhay ng isang nilikha. Mga panalangin ng paghiling na kung minsan ay pinagkakaloob agad ng Diyos, minsan naman ay dumaraan ang mga araw, buwan o taon bago ipagkaloob. Kung minsan ay hindi pinagkakaloob ang kahilingan kung kaya’t sa puntong ito’y nagkakaroon ng pagdaramdam ang mga tao.
Bakit nangyayari na ang kahilingan ng isang tao ay ibinibigay agad ng Diyos? Sapagka’t ito’y karapatdapat na matamo ng isang tao, ito’y makabubuti sa kalagayan ng humihiling o nananalangin sa gawi ng paghingi ng kahilingan. Bakit kung minsan ito’y naantala? Sapagka’t may takda o tamang panahon upang ito ay ipagkaloob ng Diyos. At bakit may kahilingan ang tao na hindi binibigay ang Ama, bagama’t sa pag-iisip ng isang taong humihiling o humihingi, ang mga bagay na kanyang hinihingi ay makabubuti sa kanyang kalagayan? Mas batid ng Diyos kung ano ang makabubuti at nararapat sa kanyang mga anak.
Minsan mga kapatid, iniisip ng tao na hindi pinagkakaloob ng Ama ang kanyang kahilingan. Sapagkat nakatuon ang tao sa kung paaano niya inilalarawan ang kanyang kahilingan. Minsan ito’y naipagkaloob na ng Diyos subalit hindi ito nababatid o namamalayan ng tao.
Mga iniibig na kapatid, bagamat kadalasa’y ang panalangin ng tao’y pulos paghiling, ito’y kinagagalak din ng Ama, sapagka’t anomang uri ng panalangin ay napakahalaga at nangangahulugan lamang ito ng pakikipag-ugnayan ng tao sa Dakilang Lumikha. Na ang Diyos ay nasa inyong pag-iisip, na ang Diyos ay nasa inyong mga puso, na ang Diyos ay nasa inyong mga buhay.
May mga taong nalilimutan ang Diyos. Nakalilimot makipag-usap sa Dakilang Lumikha lalo na sa panahon ng karangyaan, kagalakan, at kalusugan ng katawang laman. Hanggang sa sandali na ang tao ay magkaroon ng kabiguan, kalungkutan, kahirapan at karamdaman ay muli niyang maalala ang Dakilang Lumikha. Muli siyang lalapit at makikipag-usap, muling mananalangin sapagkat sa panahong iyon ay kailangan ng tao ang Diyos.
Mga iniibig na kapatid, lagi ninyong alalahanin ang Dakilang Lumikha hindi lamang sa panahon na kayo ay nalulungkot, nabibigo, may malubhang karamdaman kundi dapat ay sa lahat ng panahon. Maging sa mga pagdedesisyon ay lagi nyo itong isasangguni sa Ama upang sa inyong mga kilusin ay maiwasan ang mga pagkakamali.
Huwag na sanang dumating pa ang mga kabiguan upang doon nyo lamang maalala ang Diyos. Huwag hayaan na dumating ang isang kalungkutan upang muli mo Siyang maalala. Huwag nang hayaan pang dumating ang isang malubhang karamdaman upang maalala mo muli ang Diyos. Laging ilagay sa iyong puso, pag-iisip, sa iyong buong pagkatao ang Diyos sapagkat Siya ang tanging umiibig nang walang hanggan. Nais ka Niyang makapiling sa Kanyang mga kahiraan.
Napakahalaga ng pananalangin sapagkat pinalalakas nito ang inyong pag-iisip, katawang laman, ang inyong mga kaluluwa upang lagi nang maging gabay sa inyong pakikitalad sa daigdigang ito. Upang lagi nang maging tagapagturo sa bawat isa kung ano ang nararapat gawin sa hiram na buhay sa mga sandaling ito. Laging manalangin upang magkaroon kayo ng kalakasan ng kalooban. Upang harapin ninyo nang mayroon ng pag-asa at lakas ng kalooban ang bawat mga pagsubok na pinagkakaloob ng Diyos upang anomang dumating na mga pagsubok ay kakayanin ng isang anak Diyos na patuloy na nanalangin, nakikipag-ugnayan sa Dakilang Lumikha.
Ito ang mabisang kalasag sa lahat ng pagsubok. Ito ang mabisang gamot sa lahat ng uri ng karamdaman. Panalangin ang magbibigay kaligayahan sa mga may kalungkutan. Panalangin ang magbibigay kalakasan sa mga pinanghihinaan ng kalooban. Kaya sa araw-araw na buhay, laging makipag-usap sa Ama. Laging manalangin. Anomang uri ng panalangin ito, ang mahalaga ay hindi ninyo nalilimutang kausapin ang Dakilang Lumikha.
Muli ay kapayapaan ang aking iiwan, maghari ang tunay na pag-iibigan. Ilapit nyo ang mga sarili sa Dakilang Ama. Laging kausapin ang Ama, anoman ang inyong kalagayan, masaya man o malungkot, tagumpay o bigo, malusog o may karamdaman, laging kausapin ang Ama. Iugnay lagi ang sarili sa Dakilang Lumikha upang patuloy kayong magkaroon ng kaliwanagan ng pag-iisip, patuloy na magkaroon ng kalakasan, sapagkat ang isang kapatid na laging nakikipag-usap sa Ama ay naroon ang pananalig at pananampalataya .
Muli ay tanggapin ninyo kapayapaan, ngayon at magpasawalang hanggan.Ako sa inyo ay nagpapaalam, Juan.