Medium: Kap. na Robit
February 6, 2021 / 6:26 PM
Tanggapin ninyo ang pagpapala, patuloy nawa ninyong tamuhin ang kalusugan ng inyong tunay na pagkatao ngayon at sa lahat ng sandali.
Sinasabing ang pag-uulit ay ina ng pagtuturo. Inuulit ko, ang pag-uulit ay ina ng pagtuturo.
Ang mga Kabatlayaan ay paulit-ulit na inihahatid ang aralin bilang isang ina sa kanyang mga anak. Paulit-ulit na ibinibigay ang mga aralin sapagkat ang mga anak ay pagka-minsan ay nagiging musmos at ang mga aralin na pinagkakaloob ay nagiging mapurol, walang talim o kulang ng talas upang ito’y magbigay ng kaunawaan sa mga anak. Paulit-ulit ang mga aralin sapagkat nararamdaman ng Kabatlayaan na tila higit ang pangangailangan nito sa kalagayan ng bawat isa. At kung bakit ay sapagkat pagka-minsan hindi man karapatdapat ay nakalilimot, nakabibitaw ang isang mag-aaral. Kung kaya’t na pangangailangan na paulit-ulit na ihahayag, ipapaalala ang mga ginintuang aralin na kailanganin ng isang kalagayan upang matamo niya ang kalusugan ng kanyang pagkatao.
Ang mga Kabatlayaan, katulad ng isang ina ay patuloy na gagabay, patuloy na magtuturo, patuloy na mangangalaga sa kanyang mga anak. Kung kaya’t unti-unti na binubukal, dinidilig ng mga aralin ang kalagayan ng bawat isa. Subalit sinasabi rin na hindi lahat ng nakatanim sa matabang lupa ay patuloy na umuunlad, lumalaki at namumunga. Pagka-minsan ito’y nauudlot, sa kadahilanang nadadala ng maraming mga hadlang sa kanyang pagkasulong. Na pagka-minsan ang mga kabaalahang ito ang naghahatid sa isang halaman bagama’t mataba ang lupa ay hindi nakapagpapatuloy sa kanyang sinumpaang tungkulin o hangarin. Kung kayat sa gawi ng mga mag-aaral, sa gawi ng mga anak, kayo ay mayroon ng bahagi upang ang sa inyo ay pinagkakaloob ay inyong pagyamanin, patuloy ninyong alagaan upang sa tamang panahon ito’y magkaroon ng matatamis na bunga.
Kung kaya’t sa panahon ng inyong mga pananahimik ay muli ninyong balikan ang mga aralin na sa inyo’y paulit-ulit na pinagkakaloob ng Kabatlayaan lalo’t higit sa panahon ng inyong kapaguran, sa panahon na kayo ay nakabibitaw, sa panahon na kayo’y sinasalakay ng mga mabababang espiritu. Muli ninyong balikan ang mga aralin upang kayo ay magkaroon ng panibagong sigla, ng panibagong lakas sa pagtupad ng inyong mga tungkulin.
Ito lamang ang maikling aralin na sa inyo’y aking maipagkakaloob. At muli ay tanggapin ninyo ang pagpapala. Palusugin ninyo ang inyong tunay na pagkatao, ngayon at sa lahat ng sandali.
Paalam, ang inyong patnubay … Mateo.